March 20, 2006

walastech 087 - 051231 YEAR ENDER

walastech 087 - 051231 Ang Nakaraang Taon ng Tech Ni Relly Carpio

Bago ang lahat, ingat sa pagpapaputok mamya. Happy New Year!

Ito ang tinatawag na year in review o year ender ng ating column. Ito ang ika-87th na issue ng column na ito; una kaming lumabas noong Hunyo dito sa PM. Siyempre ang column na ito ay ginawa upang paglingkuran kayo, aming mga giliw na mambabasa.

Sa tulong ninyo at ng inyong mga katanungan ay nabuhay ang ating column at magpapatuloy na mabubuhay sa susunod na taon at nawa'y sa mahaba pang panahon. Di namin makakalimutan ang aming utang na loob sa inyo at dahil dito ay mas taos puso pa namin kayong paglilingkuran dito sa WALASTECH.

-0-0-0-0-0-0-0-

Itong nakaraan na anim na buwan ay nakita natin ang tuloy na pagtaas ng antas ng teknolohiya sa ating bansa, na nagsimula ilang taon na ang nakakaraan. Kahit na sa harap ng nakakayamot na political turmoil, economic crisis, social unrest, at pati na natural disasters ay umangat ang ating bansa kumpara sa ibang mga bansa sa Asya at sa mundo.

Isa na tayo sa pinaka-advanced na bansa sa Asya pagdating sa pagiging technological. Ang ating GSM cellphone network ay tanyag sa buong mundo. Ang ating call center industry ay isa sa pinaka vibrant din sa buong mundo. Maraming mga ICT companies ang may satellite office dito sa ating bansa at marami pa ang nagsisipagtayo dito o nagbabalak magtayo. May mga major offices dito ang ilang mga multinational ICT companies din. Tinitingala ang mga technicians at ICT personnel na nanggagaling dito sa atin o nag-aral dito sa atin. Isa tayo sa major sources ng ICT experts para sa buong mundo.

Bilib ang marami sa mga top ICT companies sa kakayahan ng Pinoy pagdating sa technology. At dahil dito ay siguradong ang 2005 ay masasabing napaka-successful na taon para sa ICT dito sa Pilipinas.

Nakita natin ang paglaki at pagdagsa ng call centers dito sa ating bansa. Andiyan na rin ang pagdating ng 3G o third generation technology sa GSM networks dito sa ating bansa. Lumaki ang tiwala ng ICT multinationals sa kakayahan ng ating gobyerno at ng ating mga personnel pagdating sa larangan ng technolohiya. Ang mga manufacturers, di lamang ng mobile technology, ngunit pati ng consumer electronics; na dati ay ginagamit lamang tayo na manufacturing center; ay ginagamit na rin tayo bilang test bed ng bagong technology at products. Dati ay mga first world countries lamang ang ginaganito nila. Bakit nga naman hindi? Ang antas ng deployment o paggamit ng technology ng mga kumpanya at maging ng common tao dito sa atin ay napakataas.

At, dahil sa pagbaba ng piracy rate ng Pilipinas ang mga software companies ay nagsisimula nang magtiwala at magtayo ng mga offices dito sa atin. At dito na kumukuha ng mga programmers at developers para sa paggawa ng software na binebenta sa buong mundo.

Kahit ano pa man ang nangyari o mangyayari ay mahirap nang pigilan ang pagtaas pa lalo ng tingin sa atin ng mga ibang bansa pagdating sa ICT. Ang column na lang na ito ay isa nang pruweba na ang ICT ay tanggap na ng ating bayan. Dahil pati ang masa ay makatech na rin! Ang column na ito at ang dami ng queries na natatanggap namin ang patunay na pati ang ordinaryong tao ay sumasabay na sa techwave; at pati mass publications ay pinupunuan na ang pagngangailangan ng technological education at assistance. At kami dito sa WALASTECH at PM Pang-Masa ang naunang nagbigay sa inyo, aming giliw na mambabasa, nito. Siyempre napasubo na kami, dahil una nga kami, kaya tuloy-tuloy na ito.

-0-0-0-0-0-0-0-

Nais din naming pasalamatan lahat ng mga kumpanya ng Information and Communications Technology na tumulong para paglingkuran namin ang mga kababayan natin. Unang-una na ang SMART COMMUNICATIONS at ang NETOPIA na mga technology partner ng WALASTECH. Andiyan din siyempre ang MICROSOFT, IBM, TREND MICRO, SYMANTEC, SUN MICROSYSTEMS, CHIKKA, COMPUTER ASSOCIATES, CISCO SYSTEMS, EMC, NORTEL, ERICSSON, EPSON, APPLE, ASUS, SAMSUNG, COMMDAP, SILICON VALLEY at ang aming education partner STI. Siyempre ang mga friends natin sa IT JOURNALISTS ASSOCIATION OF THE PHILIPPINES o CYBERPRESS at ASIAN GAMING JOURNALISTS OF THE PHILIPPINES na nagbibigay ng kanilang expertise para masagot ang inyong mga katanungan. Huwag din nating kalimutan ang mga opisyal ng NATIONAL TELECOMMUNICATIONS COMMISSION, DEPARTMENT OF TRADE AND INDUSTRY, at DEPARTMENT OF SCIENCE AND TECHNOLOGY na walang kupas na nagbibigay serbisyo sa mga mamamayan.

Mabuhay kayong lahat at sana'y hindi kayo magsawa sa inyong pagtulong sa amin sa TEAM WALASTECH sa PM at sa ating mga mamamayan. Maraming-maraming salamat po.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

087 - 051231

walastech 086 - 051229 GPRS at WAP

walastech 086 - 051229 GPRS at WAP Ni Relly Carpio

Sa dami nga naman ng mga acronyms na ginagamit sa teknolohiya ay malilito ng sigurado ang mga manggagamit. Kami nga na mga WALASTECH ay naguguluhan din minsan sa dami nila. Ang acronyms ay ang tawag sa pagikli ng isang grupo ng salita sa pamamagitan ng paggamit ng unang titik lamang ng bawat salita (Hal: Republic of the Philippines = R.P.).

Paano mo nga naman matatandaan lahat diba? Andiyan ang CP, GSM, CDMA, WCDMA, GPRS, WAP, SMS, EMS, MMS, VMS, IR, WWW, VOIP, LAN, WAN, WLAN, PDA, MP3, WMA, VCD, DVD, atbp. Hay nako! Hamo, iisa-isahin natin iyan sa mga darating na isyu ng ating column. Umpisahan natin sa GPRS at WAP.

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Ask ko lang po kung paano ko bubuksan ang WAP service ko para magamit ko yung MMS, GPRS, CHAT, EMAIL at YAHOO messenger? SONY ERICSSON T230 model ng cellphone ko.

SAGOT: Actually ang WAP ay Wireless Application Protocol . Ito ang ginagamit na language para makagamit ng mga programs na siyang idinadaan sa GPRS. Kaya ang tamang dapat i-activate ay ang iyong GPRS o General Packet Radio Service para magamit mo ang mga programs na Chat, E-mail, at Yahoo Messenger through WAP. Ok?

Paano mo mabubuksan ngayon ang GPRS mo? Dahil sa tatlo ang network providers at iba-iba ang paraan nila, muli aking sasabihin na pumunta ka sa pinakamalapit na customer service center at sa kanila ipa setup ang inyong cellphone. Suguraduhin na may load kayo para matesting mo habang naandoon ka ang mga WAP services nila. Magpaturo ka na rin habang naandoon. Huwag mahiya dahil iyon ang trabaho nila.

TANONG: Good AM! Ask ko lang po kung may video po ang NOKIA 7250? Thanks po!

SAGOT: Wala po. Maski ang 7250i ay wala rin pong video. Pero huwag kayong magalala dahil malapit ng bumagsak ang presyo ng mga Video Phones sa padating na taon. Naandito na kasi ang 3G sa ating bansa at panahon na lamang ang iintayin natin bago bumaba ang presyo ng mga video capable phones sa pagpasok ng mga mas mga bagong modelo.

TANONG: Sir good AM! Tanong ko lang po ang katangian ng SONY ERICSSON T290i

SAGOT: Ang features ng Sony Ericsson T290i ay halos pareho lang daw sa T290 ayon sa isang review sa mobile phones uk.org, maliban na lang sa pagdagdag ng handsfree speaker. Ito daw ay isang basic unit, at agree ako sa kanila.

Ito ang ibang features niya: 4096 colours x 101 x 80 pixels Display, Sound recorder, Integrated speaker phone, 32 voice polyphonic ringtones, Melody composer (mono only), SMS, MMS, e-mail, Games (V-Rally or Five Stones plus downloadable games), Picture phonebook, Calendar, WAP 1.2.1, GPRS, USB Connectivity, RS232 cable connectivity, Vibration alert, Dual band, 101.5 x 44 x 19 mm size, 79g weight, 12 hours Talktime, 300 hours Battery standby.

TANONG: Good morning po, tanong ko lang kung pwedeng ipa-colored ang NOKIA 3350? Thank you and more power.

SAGOT: Hindi. Kung mayroon man na naggagawa niyan ay illegal upgrade iyan na hindi sanctioned ng manufacturer. Ibig sabihin kapag ginawa mo sa unit mo iyan, tanggal ang warranty.

TANONG: Good AM sir, bakit po hindi ako makapagdownload sa GLOBE ng ringtone at games? SONY ERICSSON T290i po ang unit ko.

SAGOT: Dalhin mo sa customer service center ng GLOBE ang inyong cell at pabayaan mong sila ang mag setup nito at mag test. Kung hindi nila ma-activate, baka may sira ang GPRS ng unit mo at papalitan nila ang unit mo kung nasa warranty ka pa.

TANONG: Good AM! Ask ko lang po kung pwedeng magpaopen line ang MOTOROLA C651?

SAGOT: Ang alam ko ay naka-lock sa GLOBE ang model na ito ng MOTOROLA hindi ko lang alam kung available na siya sa SMART. Kaya kahit magpa-open line ka ng C651 ay baka magkaproblema ka lamang pag nagpalit ka ng network provider na gamit ang phone na iyan dahil walang nakasetup na GPRS at MMS service para sa phone na iyan sa bago mo na network provider.

TANONG: Bossing! Magandang gabi po, pwede po mahingi ang number ng NTC - kasi itatawag ko lang sa kanila para ipablock ang cellphone ko. NOKIA 3100 kabibili ko lang, nadugas na sa akin! Good evening po, tagasubaybay ng WALASTECH! Ronie dela Cruz ng Meycauayan, Bulacan.

SAGOT: Merry Christmas na lang Ronie. Heto: National Telecommunications Commission sa NTC Bldg., BIR Road, East Triangle, Diliman, Quezon City. Maari niyo po silang tawagan sa 9267722 o i-email sa ntc@ntc.gov.ph. Goodluck!

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

086 - 051229

walastech 085-051227 bagong gadgets

WALASTECH 085-051227 BAGONG GADGETS By Relly Carpio

O siguro naman hindi kayo masyadong naimpatso sa inyong celebrasyon ng pasko? At siguro din ay inyong pinaglalaruan na ang inyong bagong gadget? Diba? Bagong cellphone? MP3 player? DVD player? Component? TV? Hmmm? Sarap ng feeling ano?

Bueno, tandaan! Basahin ang manual sa pinakamadaling panahon. Kada magkaproblema, konsultahin ang manual bago kami i-text; at ingatan ang bagong gamit, huwag masyadong ipaglandakan at baka bago magbagong taon ay manakaw pa iyan.

Ang mga gadget, kapag inalagaan at inaruga ay matagal kang pagsisilbihan at tutulungan para maging produktibo at masaya. At huwag kalimutan, kapag talagang wala nang matakbuhan kapag nagkaproblema sa bagong gadget, andito lang kami, ang TEAM WALASTECH na handang tumulong.

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Ask ko lang po kung bakit di nag-a-appear yung ibang name pag nagtext sa akin. Number lang kahit naka-save naman sa phonebook ang name nila?

SAGOT: Baka iyung format na nasa phonebook mo ay hindi iyung katulad ng pumapasok sa cellphone. May mga cellphone na maselan na kapag hindi magkapareho ay hindi niya ipinapakita. Madalas kasi ang ginagamit natin na format o style ay iyung 09**- tapos iyung telephone number na mismo ng kaibigan mo kapag nilalagay natin sa phonebook. Ang format na ginagamit ng network ay +639**- tapos iyung phone number.

Hindi mali ang paggamit ng 09**- na preface sa phonebook dahil naiintindihan naman ito ng network, ang nagiging problema ay iyung kapag pumasok ang number na tumawag o nagtext mula sa network, ito ang hindi naipa-pares ng iyung cellphone doon sa nasa phonebook niya. Dahil hindi tugma, hindi niya maipakita.

Maari rin na dahil sa dami ng phonebook entries mo, ay hindi agad nahahanap ng cellphone mo ang kapareho ng pumapasok na number, at imbis na problemahin pa niya ito at patagalin ang pagpasok ng tawag ay pinalulusot na lamang niya basta at sinusunod na lang ang paglagay ng pangalan.

Kung gusto mong maiwasan ito ay baguhin mo lahat ng nasa phonebook entries mo mula sa prefix na 09**- at gawing +639**-. Ang "+63" ay ang country code ng Philippines, at dahil lahat ng cellphone ay international phone code ang gamit, ito ang pinakanaiintindihan ng network.

TANONG: Tanong ko lang po kung pwede dagdagan ng KB yung NOKIA 6610 thanks.

SAGOT: Aling KB? Ang alam ko MB o megabytes, hindi kilobytes (KB). Baka ang ibig sabihin niyo ay iyung MB RAM o Random Access Memory ng isang cellphone. Hindi po nadadagdagan ang processor memory ng mga cellphone maliban na lang kung ito ay kalikutin at palitan ng isang technician. Pero ang paggawa nito ay hindi kinukundena ng mga manufacturers at nakasulat sa warranty na anumang gawaing ganito ay nakakavoid ng warranty.

Pero may mga cellphone tulad ng NOKIA 6610 na nadadagdagan ang memory capacity sa pamamagitan ng mga multimedia memory card (MMC) at ang iba sa pamamagitan ng secure digital memory card (SD Card).

TANONG: Good PM po sir! Ask me kung bakit ang cellphone ko na Sony Ericsson T310 ay palaging message sending failed kapag may nakasulat na emergency only.

SAGOT: Kapag ang isang cellphone ay nagpapakita ng emergency only, ang ibig sabihin nito ay hindi niya makita ang kanyang home network, o iyung network provider ng kanyang SIM. Kaya hindi ka makatext ay dahil wala kang signal.

Hindi nasasagap ng network mo ang signal ng cellphone mo. Kung wala iyon, kahit na anong tawag o text ay hindi mo magagawa. Pero dahil may nasasagap na ibang network ang iyong cell, kanyang pinapakita ang "Emergency Only."

Ibig sabihin ang pwede lang tawagan ay ang universal emergency number na 112 na siyang maaring tawagan ng kahit na sino, kahit na saan sa mundo, basta may cellphone na may signal, para makatawag sa mga emergency teams tulad ng pulis, bumbero, o ambulansiya. Pero kapag may signal lang ito na nasasagap mula sa ibang network providers. Ngunit, kapag walang kahit na kaninong signal ang lalabas ay "No Signal."

TANONG: Tanong ko po kung wala po bang compose ng tone sa NOKIA 3220? Salamat po - Helen of Pangasinan

SAGOT: Ayon sa aking butihing kaibigan na si Mareng Bing ng Philippine IT Update wala daw composer ang kaniyang NOKIA 3220. Pero mayroon daw na recorder na maaring gawing ringtone ang iyung nirecord. Diba mas okay iyon? Pwede mong irecord ang biyenan mo kapag pinaparingan ka o kapag umaangal at gamitin ito bilang message tone? Tingnan natin kung hindi ka magmadaling sagutin ang text mo.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

085-051227

walastech 084-051224 CELLPHONES PARA SA PASKO

walastech 084-051224 CELLPHONES PARA SA PASKO Ni Relly Carpio

Ayan! Bukas ay Pasko na. At kung inyong mamarapatin na silipin ang mga diyaryo at ang mga tindahan ng cellphone inyong mapapansin na nagbagsakan na ng presyo ang mga bagong cellphone tulad ng aking sinabi noon sa mga nagtatanong kung saan magandang bumili ng cellphone.

Siyempre ang sinagot ko sa kanila noon ay bumili sila hindi saan, ngunit kailan. Ang kailan na iyon ay sa panahon ng pasko kung saan para makadami ng benta ay nagbabagsak ng lahat ng presyo ng cellphone at maging ng mga SIM packs. May isang network provider na 99 pesos na lang ang isang SIM pack. At mayroon na rin na nagbagsak mula sa piso isang text at kanilang ginawang tatlong beinte singko na lang kada text. Mabuhay kayo!

Iyan ang nagagawa ng isang healthy market. Maraming angal ang ginawa noon ng dalawang malaking network providers nang magbigay ng unlimited ang ikatlong network provider. Ang sabi nila ay ito daw ay labag sa batas at sa mga trade chuvaness. Pero tingnan mo nga ngayon? Sino ang walang unlimited? Diba lahat sila meron?

Ayan ang nangyayari kapag mayroong competition at hindi monopoly ng isang business field. Sa huli, tayo na mga consumer ang siyang makikinabang sa paglalaban-laban ng mga sellers at providers. Bueno, good luck sa inyong shopping at sa bibili ng mga bagong cellphone.

-0-0-0-0-0-0-0-

Ano nga ba ang dapat na hinahanap ng mga bumibili ng bagong cellphone. Dalawang klase lang kasi ang mamimili ng cellphone. Iyung practical at iyung nakiki-uso. Ang tanong ay kung sino kayo sa dalawang ito?

Kung ang inyong unit ay iyung pinaka-bago, pinaka-uso at isa sa pinakamahal para ikaw ay cool tingnan kahit na hindi mo naiintindihan ang nagagawa ng iyong cellphone at halos hindi na ka na kumain ng tanghalian para mabili ito, obviously, nakiki-uso ka. Kung ang cellphone mo ay iyung simple, mura, at para sa iyo basta nakakatawag at nakakatext ay okay na, ikaw ay practical.

Pero siyempre, mayroon namang mga practical na nakikiuso din, iyung mga kumukuha ng units na mura pero nagagawa iyung mga advanced na functions ng mga mas mahal na cellphones. Para sa akin, ito ang dapat na maging siyang batayan ng pagbili ng cellphone. Lalo na ngayon na tag-hirap ang marami sa atin, pero kailangan pa rin natin ng cellphone.

Humanap ng cellphone na naaangkop sa inyong pangangailangan. Kung hindi ninyo kailangan ang MMS ay huwag ng kumuha ng MMS phone. Kung wala kayong paraan para maglipat ng pictures mula sa phone ay huwag na kayong kumuha ng camera phone. Bago magpadala sa mga uso ay siguraduhin niyo muna na alam ninyo ano ang pinapasok ninyo. Pag-iingat na rin iyan kasi dahil alam naman natin na kapag ang cellphone ay mamahalin, mas takaw mata iyan sa mga magnanakaw. Kaunting pag-iingat na rin iyung pagbili ng mumurahing cellphone.

Kung bibili ng cellphone siguraduhin na mayroon itong mga sumusunod na functions: large Phonebook (mas maraming numbers na inyong maitatago sa cellphone mas tatagal ito); send to many (ang function na maari kang magpapadala ng isang text sa maraming tao); GPRS (kahit walang MMS basta mayroong GPRS para makapag-internet ka sa pamamagitan ng iyong cellphone dahil ito na ang susunod na mauuso na teknolohiya); Polyphonic Ring Tones (para mapalitan mo ng mga gusto mong tunog ang cellphone mo para mas maenjoy mo ito); at Games (para may pang-enjoy ka naman kapag na trapik ka).

-0-0-0-0-0-0-0-

Sana ay walang bumili ng nakaw na cellphone ngayong panahon ng Pasko, pero niloloko ko lang ang sarili ko kung paniniwalaan ko iyon, marami pa ring asoge diyan.

Paano ninyo malalaman na nakaw ang cellphone? Una, walang kahon at walang charger, kung meron man ay hindi selyado ang kahon. At siyempre kung hindi sa kagalang-galang na bilihan galing eh obviously hindi iyan lehitimo.

Paalaala lang po mga kaibigan, mayroong anti-fencing law dito sa atin. Ang pagbili ng nakaw ay napapatawan ng parusa na halos kapareho ng pagnanakaw na mismo. Gusto niyo bang makulong dahil lang sa cellphone?

At ano naging kapalit ng pagkakanakaw ng cellphone na iyan? Ang dalamhati ng nanakawan, ang takot ng hinoldap, ang sidhi ng ginahasa, ang galit ng namatayan? Iyan ba ang gusto mong kapalit ng iyong masayang Pasko? Gabayan sana kayo ng konsensiya niyo. At sa mga magnanakaw, mabagsakan sana kayo ng nagbabagang krismas light!

-0-0-0-0-0-0-0-

Merry Christmas po sa inyong lahat mula sa amin dito sa TEAM WALASTECH. Nawa'y mahanap ninyo ang saya at katiwasayan sa kapanganakan ng ating Panginoong Hesukristo. In Excelsis Deo!

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

084-051224

walastech 083-051222 ANG BATTERY, BOW!

walastech 083-051222 ANG BATTERY, BOW! Ni Relly Carpio

May nais kaming pasalamatan. Kanyang pinaalam sa amin dito sa TEAM WALASTECH na mali kami sa aming sinabi tungkol sa mga battery ng cellphones. Binangit kasi namin noon na ang mga cellphones ay gumagamit ng mga battery na Nickel Cadmium (Ni-CD) at Nickel Metal Hydride (Ni-MH); medyo hindi namin nabanggit ang Lithium Ion (Li-Ion) na siyang pinakagamit sa mga cellphones ngayon. Naandiyan din ang mas bagong teknolohiya ng Lithium Ion-polymer (kahit na noong 1992 pa siya naimbento). Salamat po, pasensiya po, tao lang.

Bueno, dahil doon ay aming ipapakilala sa inyo lahat ng klase ng rechargeable batteries:

NICKEL CADMIUM - ang isa sa pinakaunang rechargeable battery na naimbento. Napakatibay nito at napakadaming gamit. Pero, siya ay naapektuhan ng tinatawag na "memory effect," kung saan nababawasan ang dami ng charge niya kung hindi nafu-full discharge. Gamit sa mga two-way radios, biomedical equipment at power tools. Naglalaman ng toxic o nakakalason na metals.

NICKEL METAL HYDRIDE - halos pareho ng Ni-CD pero mas mahina, pero wala siyang toxic metals. Gamit sa mga mobile phones at laptop computers.

LEAD ACID - pinakamura para sa mga kagamitan na nangangailangan ng malakas na kuryente at kung saan ang bigat ay hindi importante. Gamit sa hospital equipment, wheelchairs, emergency lighting/power systems, at sa mga kotse.

LITHIUM ION - magaan, matagal ang charge, mabilis i-charge, isa sa pinakagamit na battery sa mundo ngayon. Nangangailangan ng protection circuit para malimitahan ang boltahe at takbo ng kuryente at para sa safety reasons (kaya dapat original batteries only please!). Gamit sa notebook computers at cell phones.

LITHIUM ION POLYMER - pareho sa Li-ION pero mas naipoporma at mas simple ang packaging niya, kahit na mas mahal ng kaunti ito ay ginagamit sa mga makabagong cell phones.

REUSABLE ALKALINE - pang maliit na baterya. Panandalian lang ang buhay pero maaring itago ng matagal ng hindi nadidiskarga. Pang portable entertainment devices at flashlights.

SOURCE: www.batteryuniversity.com

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Pag bago ba ang battery ang starting ba ng bar isa kaagad bago umandar ang bar? O sa nagcha-charging ang starting wala pa bar, sa pagcha-charging?

SAGOT: Oo, ang tawag dito ay factory charge. Nilalagay ito sa battery para masigurado na gumagana ang battery. Dapat dito ay ubusin bago i-charge ng unang beses ang battery.

TANONG: Nasisira po ba ang cellphone o battery kapag nagtext or tumatawag habang naka charge and CP?

SAGOT: Hindi, tumatagal lang ang charging dahil, siyempre, ginagamit mo eh.

TANONG: Tanong ko lang po bakit yung cellphone ko po kapag 2 bar na lang iyung battery hindi na ako makapagsend ng message? Laging message sending failed. Carmela ng Cavite.

SAGOT: Hindi madalas mangyari ito, pero oo, may kinalaman ang lakas ng battery mo sa success ng pagpapadala mo ng SMS. Pero hindi ito dapat sagabal kapag malakas ang signal mo. Tingnan mo ang lakas ng signal mo, kung mahina, baka naapektuhan ng battery ang pag send, pero kung malakas naman ang signal mo ay malamang na hindi ang batt mo ang may problema. Patingnan mo sa technician ang battery mo. Baka kailangan mo ng magpalit kung ganoon ang nangyayari.

TANONG: Good PM po ask ko lang ano po ba ang problema sa cell ko ayaw magcharge. Inililipat ko ang battery ko sa cell ng ate ko para magcharge siya para magamit ko ang cell ko. Pero sa akin ayaw niya magcharge. Alin po laya ang problema nito? Ang cell ko o ang battery? Please help.

SAGOT: Kung maayos ang charger mo, ang may sira ay ang battery connector ng cellphone mo. Maayos iyung "power-in" pero iyung "power-out" sira. Patingnan mo sa trusted technician. Pero baka charger mo lang iyan.

TANONG: Bakit kaya mabilis ako ma-lowbatt? Nagcharge ako ng 7 hours, paglipas ng 3 hours ubos na, dalawang beses lang naman akong magtext. Bakit kaya? Ang signal naman kulang ng isang bar?

SAGOT: Di kaya diskargado na ang battery mo at nangangailangan ka na ng bago? Six months lang po ang effective lifespan ng battery habang ginagamit.

TANONG: Magandang araw po. Gaano karaming kuryente po ang konsumo ng NOKIA 3660?

SAGOT: Ang mga bagong battery ng cellphone ay nasa 3.6 volts lang. Napakaliit ng consumo ng kuryente ng charger para magkaroon ng malaking apekto sa inyong binabayaran sa kuryente.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

083-051222

walastech 082-051220 CELL UPGRADES

walastech 082-051220 CELL UPGRADES Ni Relly Carpio

Marami ang nagtatanong sa amin tungkol sa cell upgrades. Ang pag upgrade ay iyung pag-dagdag ng kahit na ano sa isang gadget para maging mas maganda ito o mas epektibo sa pagbigay ng serbisyo.

Ang upgrade ay iba sa modification o iyung pagbago lang ng anyo o ng kanyang nagagawa. Halimbawa kung iyung pinalitan ang housing, ito ay modification lamang; pero kung ang pinalit mo ay iyung intelligent housing na nagdadagdag ng kakayahan (tulad ng colored housing ng 3200) ito ay maaring tawagin na upgrade. Ang pagdagdag ng game program tulad ng mga downloadable JAVA games ay isang modification; pero ang pagdagdag ng isang function program tulad ng Pocket Browser sa isang Symbian Phone tulad ng 6600 ay masasabing upgrade dahil pinalitan niya ang mas luma na browser.

Mayroon kasi kaming gustong linawin, totoo na marami sa mga NOKIA phones ay maaring i-upgrade sa pamamagitan ng pagdagdag ng mga programs lamang o ang pagpalit ng firmware nito. Lingid kasi sa kaalaman ng marami, ang mga cell phones ay gumagamit ng mga generations sa paglalabas ng models. Madalas kapag magkakasama sa iisang generation ang cellphone maaring kalikutin ng technician ito para malipat ang functions ng isang cellphone sa isa pang cellphone. Tulad ng nauso na pag-upgrade ng mga NOKIA 3310 na maging NOKIA 3315.

Pero, ito ay hindi nirerekomenda ng TEAM WALASTECH at aming minumungkahi sa inyo na huwag itong gawing ugali. Bakit? Dahil ang pagpalit ng nilalaman na firmware o iyung mga program na kasama ng isang cellphone pagbili nito ay nagdudulot ng pag-void o pagkawala ng lahat ng warranties ng unit na ito. At dahil hindi dinesenyo ang cellphone na iyon na kasama ang mga nasa "kapatid" nito na cellphone na siyang kinokopyahan, maaring mapaaga ang pagkasira nito. Dagdag gastos iyan kapagdaka.

Ang tamang panahon lamang para magpabago ng firmware o magpap-upgrade ng cellphone ay kapag ang manufacturer mismo ang nag anunsiyo nito sa madla. Nangyari na ito noong naglabas ng firmware update announcement para sa mga SMART AMAZING PHONES ilang buwan makatapos nitong unang lumabas.

Muli, okay lang na imodify ninyo ang inyong cellphone, pero huwag kayong magpaupgrade ng basta-basta. Lalo na kapag hindi ninyo ganung kakilala ang technician na inyong pinagpapa-ayusan. Kung magpapaupgrade ay siguraduhin na ito ay galing sa manufacturer para walang problema.

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Bakit po nababawasan ang load kahit di ko ginagamit? Paano ko po ito malulunasan?

SAGOT: Kapag nakakatanggap ka ng mga Value Added Services (VAS) na iyung na-subscriban o kung saan ka nag-subscribe ay mababawasan ka ng load depende sa kung anong VAS ang dumating. Kung tones o pics nasa 15 pesos isa niyan, kung mga text-text 2.50 isa. Ang pinakamagandang solusyon ay mag-un-subscribe ka sa kanila. Either mag-reply ka ng STOP o OFF sa number na nagpadala sa iyo o tumawag ka sa customer service ng network provider mo at patulong ka sa kanila.

TANONG: Good day po. Tanong ko lang po kung saan pwede pagawa at bumili ng parts ang unit na Motorola? Kasi kahit buong araw ko siya icharge lowbat pa rin. Bago pa naman siya. Thanks, Gwen of QC.

SAGOT: Masama iyan usually kapag bago ay hindi dapat ganyan iyan. May mga MOTOROLA shops sa mga major malls. Maari mo ring ipagawa iyan sa mga distributors nila. Silipin mo sa loob ng cellphone, sa ilalim ng battery, madalas ay mayroong number doon; o kaya sa kahon niya. Kung nagagawi ka sa Makati ay mayroong MOTOROLA shop sa Digital Exchange sa Glorietta 3.

TANONG: Iyung NOKIA 9500 cellphone ko ay nakaset sa German na salita. Pwede kaya ipaset sa English? Kailangan pa bang ipa-reprogram sa technician?

SAGOT: Hindi na. Nasa setup lang iyan ng cellphone, hanapin mo lang sa Menu>settings> languages at ilagay sa English. Hindi lahat ng cellphone ay may ganito, pero ang N9500 ay mayroon. Ang tanong lang diyan ay hahanapin mo, unless marunong kang magbasa ng German daanin mo sa icons na kasama sa menu dahil kahit na napapalitan ang salita ay hindi napapalitan ang icons. Spraken zie Deutch?

TANONG: Masisira po ba ang battery pag hindi po nade-drain or lowbatt or 3 bar pa lang china-charge na?

SAGOT: Hindi, pero depende sa battery mo. Ngunit dahil base sa mga cellphones na uso na ngayon at ang kanilang battery type na Lithium-Ion pataas ay hindi na problema ito dahil sa monitoring chip na nasa mga Li-Ion batteries. Masama ito sa mga Nickel Cadmium (Ni-CD) at Nickel Metal Hydride (Ni-MH) batteries dahil magkakaroon ng "memory effect."

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

082-051220

walastech 081 - 051217 LOKO LOGO LOKO LOAD

walastech 081 - 051217 LOKO LOGO LOKO LOAD Ni Relly Carpio

TANONG: Bakit po kaya kahit anong download ko ng logo e hindi mapalit-palitan yung old one? If ever idodownload o ire-replace ko yung dati, nag-off naman lagi itong cellphone?

SAGOT: Iyung pag off ng cellphone ay hindi ko alam kung bakit, pero iyung ayaw magpalit ng logo ay dahil baka may tama na iyung tinatawag na firmware ng cellphone mo kaya hindi niya mapalitan iyung old na logo.

Ang firmware ay ang software na naka-imbed na sa cellphone mismo sa isang flash memory chip. Kapag nagkatama ito ay kailangan palitan na ang chip na ito o kaya ay i-upgrade ang firmware.

Kung sakaling damaged na ang firmware mo ay imbis na madamay pa lahat ng iba sa pagpalit ng logo, ang ginagawa niya ay nire-reset na lang niya sa huling safe setting ang cellphone, which is iyung luma mong logo.

Dalin mo na lang sa technician iyan, at ipagdasal na hindi ganoong kalala ang problema ng cellphone mo. Baka kasi nakalock lang iyung logo sa settings din.

TANONG: Nagload po ako ng P30 pagkatapos po naka-ilang text po ako pagkatapos may natirang P15 kinaumagahan po tinitingnan ko kung ilan na lang tapos zero balance na. Kinakain po ba nila ang load? Paano po kung nagload po ako kanina ng P30 tapos po nagtext po ako nabawasan na po ng P5 pagkatapos na lowbatt po iyung CP ko. Nagcharge po ako ng nakaoff ang CP ko. Nung na-on ko na nawala naman iyung P15 ko.

SAGOT: Walang kinalaman ang pag-lowbatt at recharge ng pagkawala ng load mo. Hindi sa cellphone mo tinatabi ang dami ng load mo. Ang network provider (SMART, SUN, O GLOBE) ang siyang nagtatabi ng dami ng prepaid credits mo sa kanilang mga computer. Kaya nga kahit papalit-palit ka ng cellphone, basta iyon pa rin ang SIM mo ay hindi nagababago number mo o naapektuhan ang load mo.

Kapag nawala ang load, dalawa lang ang maaring may kasalanan: ikaw o ang network provider.

Hindi lang ikaw ang nag-text sa amin ng problema sa load at sa mga nawawalang load. Hindi naman siguro pwede na 100% na perpekto ang kahit na anong bagay diba? Intindihin na lang natin na sa milyon nating gumagamit ng cellphone ay magkakaroon ng mga problema panaka-naka. Talagang kailangan lang na magtiwala tayo sa mga network providers na kanilang ginagawa ang lahat para sa kanilang mga subscribers.

Kapag nagkaproblema ka sa load ay maganda na itawag mo agad ito sa service center ng network provider. Pero oo, naiintindihan ko ang problema ninyo, kapag mababa na ang inyong load ay hindi na kayo pwedeng tumawag sa service center. Nakakaasar ano? Ang problema mo nawala load mo, paano mo irereport kung kada nauubos ang load mo ay hindi ka makatawag?

Siguro kaya ka dumulog sa amin? Ang masasabi lang namin ay ganoon talaga, kailangan kasing lagyan ng paraan ng mga network providers na mabawasan kahit papaano ang load sa system. Ang paglagay ng minimal credit requirement sa availability ng service ay isa lamang paraan para mabawasan ito. Isipin niyo na lang, ngayong mayroong ngang ganyang sistema ay halos hindi ka na makalusot, paano pa kaya kung wala diba?

Ngayon, ang masaklap na katotohanan: hindi lahat ng dumulog ay natutulungan at nasosolusyunan. Bakit? Simple; dahil sa dami. Isipin mo na lang: kung ang kanilang service success rate ay 99.9999% isa pa rin sa kada 100,000 ang magkakaproblema. Sa 40 milyon na users kada araw magkakaroon ng 400 complaints. Diba?

-0-0-0-0-0-0-0-

Ako na lang eh, nagfile ako ng complaint sa Globe noong October 5. Three weeks before that date kasi nagdownload ako ng game, eh hindi naginstall iyung game. Pero kinaltasan ako. Hanggang ngayon, olats! At ikalawa ko na iyan, dahil noong Abril ay nadoble naman ako ng kaltas sa isang game. Nagcomplain din ako noon...

-0-0-0-0-0-0-0-

Congratulations sa Silicon Valley Inc. at sa kanilang staff and Board of Directors sa kanilang 20th Anniversary. Isa ang Silicon Valley sa pinakamalaking reseller ng mga computer parts and peripherals dito sa Pilipinas. Nagsimula sila sa isang maliit na shop sa Harrison Plaza. Sa sipag, tiyaga at paniniwala sa sarili ay nakamit nila ang tagumpay. Mabuhay po kayo at nawa'y inyo pang matamo ang tagumpay sa inyong negosyo at pagserbisyo sa aming inyong mga customer.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

081 - 051217

walastech 080 - 051215 Anti-Money Laundering System

walastech 080 - 051215 Anti-Money Laundering System Ni Relly Carpio

Ayon sa Anti-Money Laundering Act 2001 ang mga banko ay kinakailangang mag-monitor, detect at mag report ng lahat ng anti-money laundering activities sa Anti-Money Laundering Council (AMLC). Ang Money Laundering ay isang paraan kung saan ang pera na "madumi" tulad ng galing sa drugs o smuggling ay nagiging "malinis" sa pamamagitan ng pagdaan sa banking system ng isang bansa o banko.

Malaking hadlang sa kalakaran ang pagkakaroon ng money laundering activities sa isang bansa. At kamakailan ay kasama ang Pilipinas sa mga bansa na hilig daanan ng mga gumagawa nito. Kaya naman isinaayos ang batas na ito para matigil na ang illegal na gawain na ito sa ating bansa. Ito ay isang hakbang para umayos lalo ang ating bansa.

Para tulungan ang mga banko, ang Computer Associates (CA) sa pamamagitan ng isang CA smart partner ay naglabas kamakailan ng isang system na AMLC compliant. Ang system na ito ay halos automatic at madaling nakakahanap ng mga kahinahinalang mga transaksyon at sinasabihan agad ang mga imbestigador ng banko tungkol dito. Hangad ng CA na sa tulong nito ay lalong mapabilis ang pagunlad ng ating bansa. Sabi nga nila, "applying technology to make it better."

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Good afternoon po ask ko lang po, ako'y nag-apply sa Korea, balak ko sanang ipa-roaming ang cellphone ko magagamit ko kaya ang aking cell sa Korea o bibili na lang ako doon? Thanks, Erny

SAGOT: Maari kong sabihin sa iyo na iparoaming mo na lang ang cell mo para madali kang makausap ng mga kamaganak mo, pero sa totoo lang, mura lang kasi ang cellphones sa Korea eh, lalo na dahil doon galing ang Samsung diba? As for the service, halos pareho naman ang service fees pag tatawag eh. Ang alam ko ay isa tayo sa pinakamura papunta sa United States(US$0.40 per minute) pero sa Korea hindi ko lang alam. Siguro ang pinakamaganda ay doon ka na bumili para sigurado ang network connection mo, dahil priority ka nga naman diba, hindi tulad sa mga roaming na hindi mo sigurado kung primary choice ka ng network. At kalkulahin niyo na lang kung sino ang mas murang tumawag, ikaw o ang pamilya mo.

Pero Erny sa totoo lang, may pakialam ka ba basta makausap mo pamilya mo diba? Doon ka na lang bumili ng cellphone, wag ka na magpa-roaming. Kasi ang mga nagro-roaming ay iyung sandali lang eh uuwi na.

TANONG: Good PM! Pwedeng magtanong partly sa email? Kung mayroong kang relatives sa US at alam mo ang kanilang address, pwede mo maresearch sa internet ang kanilang email no? Thanks and God Bless, Mario Cruz of Iloilo City.

SAGOT: Hindi po. Maliban na lang kung kanilang ilagay sa isang public domain o online directory ang kanilang address kasama ang kanilang email address.

Ang email address po kasi ay walang kinalaman sa totoong address ng isang tao. Ang email address ay nanggagaling mula sa kumpanya na pinagtatrabahuhan ng isang tao (na ang format ay: name@companyname.com), o kanyang ginawa sa isang freemail provider (tulad ng yahoo at google na ang format ay word@freemailcompanyname.com). Kaya madalas ang mga taong may email ay may dalawang email address, isa sa trabaho at isang pangsarili.

Dapat ding tandaan na para maiwasan ang mga manloloko sa email, tulad sa totoong buhay ay hindi mo dapat pinamimigay kahit kanino ang email address mo. Bakit ibibigay mo ba sa totoong buhay ang address mo sa bahay kahit kanino?

TANONG: Good PM, ask lang po kung no problema ng karaoke namin kasi pag tumutugtog siya bigla na lang gumagaralgal na parang bagyo tapos nawawala tapos bigla gaganun ulit. Thanks po.

SAGOT: Baka po basag na ang speaker ninyo, may parang tela o foam po iyan na siyang ginagamit para siya tumunog, kung sira na iyon ay gaganyan iyan. Maari rin na sira na ang volume control ng karaoke niyo kaya nagluluko rin. Pinakahuli ay baka iyung audio sensor na siyang bumabasa ng signal mula sa tape o sa CD ang siya nang sira. Pinakamaganda siguro na dalhin niyo na iyan sa service center o sa technician.

-0-0-0-0-0-0-0-

Naghahanap ng mga tao ang Convergys, isa sa pinakamalaking call centers dito sa Pilipinas. Tumawag sa 857-7760 ang mga interesado. Tandaan: ang susi para magkaroon ng marangal na trabaho ay ay sipag, tiyaga, at tiwala sa sariling kakayahan. Ang susi sa callcenters: Fluency in english, conversational flexibility, communication skills and a great willingness to learn.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

080 - 051215

walastech 079 - 051213 EDU MANZANO PINAGPUGAY NG BSA

walastech 079 - 051213 EDU MANZANO PINAGPUGAY NG BSA Ni Relly Carpio

Kinumendiya ng Business Software Alliance (BSA) kamakailan ang mga tagumpay na kinamal ng Pilipinas Anti-Piracy Team (PAPT) sa kanilang laban sa mga pirata dito sa atin. Si Optical Media Board Chairman Edu Manzano ang siyang tumatayo bilang spokesman ng PAPT. Kasama sa PAPT ang National Bureau of Investigation, Philippine National Police at ang OMB ni Chairman Edu.

Ayon kay Tarun Sawney, BSA Director of Anti-Piracy for Asia, na dahil sa trabaho ng PAPT ay tumaas na ang bilang ng mga nagsuplong ng mga kumpanya na gumagamit ng mag illegal na software. Dumami na rin ang mga kumpanya na nagbolumtaryo na magpa-legal ng kanilang mga computer. "This is very promising" anya ni Tawney.

Ang BSA ay isang pang-mundong organisasyon ng mga pinakamalalaking mangagawa ng commercial software. Kapag sa paniwala ng BSA na ang isang bansa ay software safe, mas malaki ang kanilang gana na magtayo ng mga opisina dito at magbigay trabaho sa mga mamamayan ng bansa.

Kung mayroon kayong gustong malaman tungkol sa software piracy o mayroon kayong gustong isumbong, maaring tawagan ang BSA sa kanilang hotline 819-5897 o 1-800-1-888-8787 o sa www.bsa.org/philippines website.

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Good AM, tanong ko lang kapag naiblock ko na po ang cell gamit ang IMEI pwede po bang ipaopen ito uli? Pwede ko po bang malaman ang sagot dito sa cell? Thanks.

SAGOT: Ito ay isang nakakalunos na katotohanan. Bale wala na ipa-block mo ang IMEI ng iyong cellphone kapag ito ay nanakaw. Bakit? Kasi napakadali na magpa-un-block nito sa mga stall ng mga asoge na technician sa black market. Iyung mga walang kwentang tao na nagbebenta ng mga nakaw na cellphone sa kung saang-saang sulok ng Pilipinas. Oo, aaminin ko na dahil walang ibang umaamin, at malabong may umamin. Ito ang katotohanan. Hangga't may taong mga tulad nito na nagtatanggal ng IMEI block sa pamamagitan ng pagpalit ng IMEI number ng cellphone na nakaw ay hindi matitigil ang sindikato ng blackmarket cellphones. Kasama na dito ang pagkitil ng buhay ng mga nahoholdap ng mga walang pakundangang asoge na walang pakialam kung mapatay nila ang ninanakawan nila.

At dahil nga pwedeng ipa-open uli ay bale-wala ang pagblock ng IMEI, nagaksaya ka lang ng oras para mahirapan iyung mga magnanakaw ng kaunti na maibenta uli ang cellphone mo. Pero ang nawalang mga araw sa iyo ay sandali lamang sa mga technician nila. Ang masakit ay kung sakaling sa tulong ng isang himala ay makuha mo muli ang cellphone mo na ipana-IMEI block mo, walang legal na paraan para ma re-activate muli ang IMEI mo. Sa mga sindikato ka pa rin pupunta para mapaandar muli cellphone mo. Nakakayamot ano?

TANONG: May tanong po ako, mataas din po ba ang memory ng NOKIA 6610i? Kasi mahilig po ako mag pix, kaya lang po ang budget ko pang N6610i. Jing of QC

SAGOT: Lahat ng mga camera phones, mapalaki o maliit ang memory, tulad ng 6610i ay may isang kakahantungan din. Darating ang araw na kakailanganin mong ilipat ang mga photo na kinunan mo sa isang computer at eventually sa isang CD para makakuha ka pa ng mas maraming photo. So ang tanong na dapat na iyung iniisip ay hindi kung malaki ang memory ng cellphone na bibilin mo bagkus kung mayroon kang panglipat ng photos. Also kung mahilig ka na mag pix? Bakit cellphone ang binibili mo?

Isa iyan sa mga aking sinasabi sa mga nagtatanong sa akin kung anong magandang camera phone ang dapat kunin. Sa aking paniwala mayroong tinatawag na over convergence. Covnergence ay iyun bang sobrang dami na ng features ang nilalagay sa isang gadget na nakakalito na itong gamitin. At dahil sa pinipilit nilang siksikin ito sa iisang gamit lang ang nangyayari ay lahat ng mga features nito ay nagiging palpak. Kaya nagkakaroon ng mga cellphone na may camera nga, ang hirap namang mag text, o makipagusap na gamit siya, tapos bilang pang-asar, ang labo pa ng picture. Diba? Parang patche-patche lang siya?

Kaya ito maipapayo ko sa iyo, kung mahilig ka talagang mag picture-picture, bumili ka ng camera at iyon ang gamitin. Tapos bumili ka na lang ng murang cellphone. Trust me, sa pagtagal, mas matutuwa ka sa mga kaunting magagandang photos na makukuha mo kaysa sa mga sandamukal na maliliit na panget.

TANONG: Tanong ko lang po kung pwede i-openline ang model T226 ng Sony Ericsson at saan?

SAGOT: Pwede. Ewan ko kung saan. Siguro sa usual suspects: Greenhills, Quiapo, Shaw, Ortigas, Makati.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

079 - 051213

walastech 078-051210 BAGONG LIBRENG LARO ONLINE

walastech 078-051210 BAGONG LIBRENG LARO ONLINE Ni Relly Carpio

Iyung mga sirang sira ang ulo sa MMORPG diyan, eto na ang inyong pinagdadasal: Padating na ang libreng online game na inyong pinakaiintay.

Inanunsiyo kamakailan ng IP Interactive ang paglawig ng e-Games.com.ph na siyang una at nagiisang online gaming portal na magbibigay ng free to play forever na mga laro para sa lahat ng online gamers, mapa-baguhan o beterano.

Ayon sa CEO nito na si Enrique Gonzalez "Libre siya, forever. Ang kita lang ng aming kumpanya ay sa pagbili ng mga kagamitan at armas ng mga manlalaro gamit ang mga prepaid cards. Pero maaring maglaro ng libre ng diretso kahit sino kahit na gaanong katagal nila gusto."

Ang kanilang ni-launch ay ang RAN online kung saan tatlong iskwela ang naglalaban-laban habang kanilang ginagapi ang mga masasamang elemento sa isang makabagong siyudad. Pwedeng maging isang mandirigma, isang eskrimador, isang mamana, o isang salamangkero.

Andiyan rin ang O2Jam na "beatmania" na style ng laro. Ito ang unang online music game dito sa Pilipinas at ang maganda ay iyung m ga mahihilig dito ay maaaring lumaban sa World Cyber Games dahil kasama ito sa kumpetisyon.

Ikatlo ay ang Dreamville na isang avatar based online community portal na kanilang isusunod next year.

-0-0-0-0-0-0-0-

Sa mga hindi nakakaalam, ang MMORPG ay Massive Multiplayer Online Role Playing Game. Ito ay laro sa computer na nilalaro gamit ang internet kung saan daang libong manlalaro ay maaring maglaro ng sabay-sabay. Sikat na sikat ito ngayon sa mga kabataan di lamang dito sa atin ngunit sa buong mundo.

-0-0-0-0-0-0-0-

Exciting itong RAN Online dahil siya ang unang libre, at totoong libre na MMORPG na makakarating dito sa ating bansa. Iyung mga iba kasing nauna ay nagsimula na libre para makahikayat ng manlalaro pero pagtagal ay nagsimula ng maningil para malaro mo siya: Gamit ang mga prepaid cards na may passwords at PIN tulad ng sa cellphone.

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Bagong bili cellphone ko pero lagi nag off pag nag call. T.Y.

SAGOT: May problema ang cell mo na nabili. Baka may factory defect po iyan. Ibalik niyo po sa pinagbilhan ninyo at papalitan ng unit.

TANONG: Good PM po! Ask ko lang po kung ano pong problema ng cell ko, madalas kasi kumukurap kapagnagtext ako minsan patay sindi tapos pagnaka-charge mabilis mag full battery pagtinaggal ko na sa plug eh, lowbat na! God Bless po!

SAGOT: Sira na po ang battery ninyo. Ang effective lifespan ng battery ay six months lang po, makatapos noon ay dahan-dahan na pong sasama ang kanyang abilidad na mag-power ng unit. Papalitan niyo na po ang battery ninyo. Maari din po na may problema ang power contact points ng cellphone ninyo kaya siya kumukurap. Patingnan niyo na rin po sa isang trusted technician ang inyong cellphone.

TANONG: Good noon po. Ask ko lang po kung bakit nagba-black yung monitor ng PC ko. Windows 98 siya. Pag nag ba-black po siya may natitirang guhit na maliwanag sa gitna ng monitor. Thanks po.

SAGOT: Tulad ng TV, ang monitor ay maaring mapundi ang kaniyang picture tube. Baka po iyan na ang problema niyan. Patingnan niyo na po iyan sa isang trusted technician o kaya ay bumili na kayo ng bagong monitor.

TANONG: Good PM tanong ko lang kung meron bang receiving data o infrared ang unit ko? ang unit ko po ay Motorola C651, Teah of QC. Salamat.

SAGOT: Wala po, pero mayroon siyang USB connector port na maaring gamitin para magtransfer ng data mula sa inyong cellphone papunta sa computer. Kailangan niyo lang po iyung data cable and software accessory na binebenta ng Motorola. Siyempre kailangan niyo rin ng computer.

TANONG: Good PM po ask ko lang po kung ano ang sira ng cell ko 2300 po may time po na naging all blue ang screen at wala ako makita tapos nagkakaroon ng line sa right side.

SAGOT: May tama na po ang LCD ng unit niyo. Baka po maluwag lang iyan, patingnan niyo po sa trusted technician ng maayos. Bago lang kasi ang cellphone ninyo kaya hindi maari na sira na ang LCD niyo, maliban na lang kung defective part iyan, kung sa gayon ay maari ninyong papalitan ang unit ninyo sa pinagbilhan ninyo. Kung may warranty kayo.

TANONG: Bakit di me makapasok sa call reload kanina pa?

SAGOT: Dahil sa marami ang naka-unlimited, maaring natapatan kayo na congested ang network. Kapag masyadong marami ang sabay-sabay na gumagamit ng system ng network ay nangyayari iyan. At hangga't hindi nakakapag-expand ng capacity ang mga network providers ay mauulit iyan.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

-078-051210-

walastech 077 - 051208 COMPUTER UPGRADES

WALASTECH 077 - 051208 COMPUTER UPGRADES Ni Relly Carpio

TANONG: Nais ko lang po sanang itanong kung paano ba mag upgrade ng processor. Ang PC ko kasi ay may INTEL Pentium 2 gusto ko sanang gawing Pentium 3. Buong motherboard ba papalitan pagi-upgrade? Sana masagot ninyo ang katanungan ko. Salamat po.

SAGOT: Maganda tanong nyo po, oo, buong motherboard ang papalitan dahil tatalon ka ng generation ng processor, pero lahat ng ibang parts ng computer mo ay hindi mo na kailangang palitan. Baka kailangan mo ring magpalit ng casing ng CPU dahil ang Pentium 3 motherboards ay iba ang size sa regular motherboards.

Pero ang cables, RAM, hard drive, floppy drive, CD-ROM, modem, ay hindi. Baka kailangan mo ring bumili ng bagong video card dahil malaki ang pinagkaiba ng mga generation na pang PII at ng PIII.

Ang general rule ay kapag nagpalit ka ng processor ay palit ka ng motherboard. Pero iyun lang, kung full upgrade ay parang bumili ka na ng bagong computer noon dahil lahat palit.

Tungkol sa mga upgrade at pagbili ng computer, hindi kailangan na ang pinakamahal ang bilhin na computer at hindi kailangan na mag-upgrade agad. Every 3 years ang magandang pag-upgrade at kung bibili ng computer ay iyung tama lang sa pangangailangan mo ang dapat mong bilhin. Kung nagpupumilit ang technician na ito o ito ang bilhin mo maghanap ka ng ibang technician. Bumili sa mga computer shops na may kasamang warranty at free service ang pagbili.

TANONG: Good PM ulit. Nais ko po kasi malaman kung ano po yung wi-fi? Nabasa ko kasi sa net na maari kang magconnect sa web using it pero di ko alam kung paano. May device ba para dito? At kailangan pa rin ba ng isang network provider sa pagkonek sa web gamit ang wifi? Salamat po ulit. Rammil.

SAGOT: Ang Wi-Fi ay short para sa wireless fidelity ito ay anumang network na gumagamit ng 802.11 network, mapasa 802.11b, 802.11a, dual-band, etc. Kapag ang isang bagay ay Wi-Fi Certified, ibig sabihin ay ang mga ibang Wi-Fi na kagamitan ay magagamit din ito at makakapagpalitan sila ng datos.

Kilala rin ito bilang Wireless LAN o Local Area Network dahil ginagamit nito ang radio waves para makapagpalit ng mga datos mula sa mga computer na kasali sa network na ito. Ito ay alternatibo sa paggamit ng mga cable na siyang gamit sa regular na LAN. Ginagamit ang Wi-Fi para sa madaliang deployment o paglagay ng isang Wireless Network.

Maari kang magconnect sa internet na gamit ang Wi Fi pero ganoon pa rin, kaiangan mo ng computer na nakakabit sa internet na siyang magpapadala o magbo-broadcast ng data sa computer mo. Kaya nagagamit ang Wi-Fi sa internet.

Kakailanganin mo ng computer o ng mga computer na may Wi-Fi transmitter at Wi-Fi LAN card. Tapos isang Access Point na para magkaroon ka ng network. Maari itong ikabit sa internet para magka internet access sa network mo.

Marami sa mga bagong laptop ay mayroon nang Wi-Fi Certified. At maari kang mag internet kahit saan na mayroong "hotspot" kung tawagin kung saan mayroong may nagbo-broadcast ng internet access sa isang lugar. Gamit ang prepaid internet card para sa "hotspot" na iyon ay makakapaginternet ka na basta malapit ka doon sa WLAN access point.

Sa madaling salita ang ginawa lang talaga ng wi-fi ay tanggalin ang mga cables sa isang computer network at ang ipinalit dito ay radio signal.

-0-0-0-0-0-0-0-

Itinalaga kamakailan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang IT Foundation of the Philippines (ITFP) bilang National Assessment Board para sa industriya ng Information and Communications Technology (ICT).

Inaasahan ng TESDA na sa tulong ng ITFP ay mapupunuan ang kinakailangan na 800,000 na ICT workers by 2010. Ayon kay Mr. Jun Malacaman, ITFP President, ito ay matagal ng iniintay para sa industriya ng ICT dahil sa ang assessment at certification ay nahuhuli na sa pagbigay isang maayos na paraan para masiguro ang kalidad ng mga manggawa sa ICT field.

Ang ITFP ay isang umbrella organization para sa ICT dito sa ating bansa. Siya ay represented ng mga pinakamalalaking mga assosasyon ng ICT tulad ng Philippine Software Industry Association (PSIA), Comddap, Philippine Computer Society (PCS), Philippine Electronics and Telecommunications Federation (PETEF), Goverment Organization for IT (GO-IT), Philippine State Universities and Colleges Education for Systems Society (PSUCCESS), Philippine Association Data Entry Corp. (PADEC), IT Association of the Philippines (ITAP), Philippine Association of Private Schools and Colleges and Universities (PAPSCU), at ang Information Systems Society of the Philippines (ISSSP).

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

077 - 051208

WALASTECH 076 - 051206 CELLPHONE HACKERS

WALASTECH 076 - 051206 CELLPHONE HACKERS Ni Relly Carpio

TANONG: Gandang gabi po. Nais ko lang malaman kung maari bang ma hack ang isang cellphone? Kung pwede itong mahack maari nyo bang sabihin kung paano gawin? NOKIA 3650 kasi ang gamit kong phone. Gusto ko rin po sanang malaman kung may naghahack sa cellphone ko. Salamat po.

SAGOT: Una, oo pwede na ma hack ang isang cellphone, pero hindi lahat ng model, at kailangan ay napakaspecific ng setup para mangyari iyon. Ang gamit na system ng ating mga network providers, ang GSM/GPRS EDGE/WCDMA ay napakasecure at napakahirap na i-hack.

Pero maari kung: Ang gamit mong cellphone ay nakaconnect sa internet gamit ang GPRS Internet na nauuso na ngayon at alam ng hacker ang cellphone number mo, ang IMEI number ng cellphone mo, at ang specific location mo sa cellphone grid. At bago niya marating ang cellphone mo ay dadaan muna siya sa butas ng karayom, dahil kailangan i-bypass niya ang security system ng network providers.

Naranasan mo na bang kumain ng isang dakot na pako? Mas madali pa iyon kaysa lampasan ang security network ng mga network providers.

Maliban na lang kung: may dinownload ka mula sa internet papasok sa cellphone mo na mayroong tinatawag na "trojan payload" na magbibigay sa hacker ng instant access sa iyong cellphone. Iyon lusot iyon, dahil ikaw mismo ang nagpadaan, pero sino man ang makapagdesign ng trojan na iyon ay sadyang napakagaling.

At kung may naghack sa cellphone mo malalaman mo dahil ang mga hackers ay nag-iiwan ng signature na na-hack ka nga nila. Pero sa pagkakaalam ko wala pa namang nagaganyan. Illegal taps at taping, tulad ng "hello garci," oo, pero hacking, hindi.

TANONG: Good day po, tanong ko po kung paano composer ng NOKIA 7650 kasi po sa ringtones 8e1 8f1 and so on ang mga nasa libro gayung sa cellphone ko ay nota ang nalabas po. Paano ko makokopya? Wala din po sa brochure kung paano i-edit. Kagawad Alex ng TAY.QUE

SAGOT: Saludo ako sa iyo Kagawad Alex, kaunti sa ating mga politiko ang siyang interesado sa teknolohiya. Ang iyung pagtanong sa amin ay isang kapitapitagan na katangian sa isang namumuno na tulad mo. Ang maging mapagkumbaba at magtanong sa iba kung may hindi nalalaman.

Buweno...sa iyong tanong, medyo mahirap na sagutin iyan, pero gawin kong simple, ang mga ringtone sa composer ng cellphone ay kanilang hinati sa tatlong parte, ang key o taas ng nota, ang Note mismo, at ang meter o iyung tagal ng nota. Depende sa model ng cellphone, nauuna ang meter o ang length. Pero nasa gitna palagi ang Nota. Iyung sa example mo, kapag aking binasa, ay "one eighth note of E in the first Key." Muli depende sa cellphone kung itong first key ay mababa o mataas.

Ngayon, kung gusto mong ilipat sa nota ang mga code ng ringtone, kailangang may alam ka sa basic music sheet reading. Kung hindi ka marunong, magahanap ka ng marunong magpiano o guitarista na marunong bumasa ng sheet music, kaya niyang ilipat sa sheet notes iyung codes na gamit ng mga cellphone.

Kung hindi mo ito maintindihan ay huwag kang mabahala, kaunti lang ang marunong nito. Ako nga medyo asar na asar kada ginagawa ito sa cellphone ni Kumareng Aivie na ganito ang paglagay ng notes.

TANONG: Ano ibig sabihin kapag nakaonline ka at naglalaro ng counterstrike and dial up gamit ko at habang nasa game ako may lumalabas sa monitor ko na warning: CL_FLASHENTENTITYPACHET. Then sandaling nakahang ako sa game then pagnatanggal na yung warning sign makaka-move na ako to play. PC ko 450 MHz processor, VGA card 64MB. Ty - Joel from Alabang. God Bless.

SAGOT: Hindi ko kabisado ang mga error codes ng Half-Life 3D engine na gamit ng CounterStrike so hindi ko alam ang ibig sabihin niyan, pero sa pagkakaalam ko ay baka "clear/clean flash enter entity pack/cachet" ang ibig sabihin niyan. Maari na mayroon kang graphic sprite na nakaload sa iyung version ng Counter Strike na hindi natatagpuan sa mga kalaro mo sa server na pinili mo, kaya bago ka pinapapasok sa game ay nililinis ang sprites ng character mo. Ang sprite ay hindi iyung softdrink, ito ay iyung mga maliit na piraso ng images na ginagamit ng graphics engine habang umiikot ka sa map.

Pinakamaganda na mag reinstall ka ng clean version ng Half-Life: Counterstrike at iyon ang gamitin, huwag mo nang dagdagan ng kung ano-ano para hindi lumabas ito. Maganda rin siguro na mag upgrade ka na ng computer at ng internet connection mo. Ambagal nito pareho para makalaro ka ng maayos. Lalo na ngayon na may Counter Strike Source na!

-0-0-0-0-0-0-0-

Congratulations to Goodyear Philippines on its 50th Anniversary. Salamat sa inyong pagtangkilik sa mga Pilipino Drivers. Nawa'y maging simula lang ito ng marami pang taon ng pamamalagi ninyo dito sa aming bansa. Mabuhay kayo!

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

076 - 051206

walastech 075 - 051203 CONVERGENCE PARA SA MALIIT NA BUSINESSES

walastech 075 - 051203 CONVERGENCE PARA SA MALIIT NA BUSINESSES Ni Relly Carpio

Kapag sinabing ang isang kumpanya ay "converged" ang kanilang mga kagamitan sa opisina ay nakasalalay sa iisang teknolohiya. Ang teknolohiya ng Internet at ang Internet Protocols o IP. Madalas ang ibig sabihin nito ay gamit nila ang internet at ang tinatawag na local area network sa halos lahat ng kanilang mga gawain sa kumpanya.

Ibig sabihin, di lamang sila may mga telepono, pero sila ay nakakunekta din madalas sa internet, may internet connection ang mga computer at ito lahat ay naka-network sa isa't-isa. Mayroon silang server computer (parang central computer) na siyang ginagamit ng lahat para sa file storage at mga ibang business processes tulad ng printing at fax.

-0-0-0-0-0-0-0-

Dati ang pagiging converged ay madalas naabot lamang ng mga enterprise companies, o iyung mga kumpanya na napakalaki na kayang-kaya nilang magabayad para sa convergence technologies. Mahal kasi ang mga teknolohiya na kailangan para sa "convergence"

Dati iyon. Inanunsiyo kamakailan ng CISCO SYSTEMS ang kanilang produkto na nakatuon sa pagtulong sa mga small and medium businesses (SMBs) dito sa atin para mapadali ang kanilang pagiging "converged."

Kanilang ipinakilala ang Cisco Business Communications Solution: ito ay isang kumpletong communications system na kanilang binuo para ibaba sa SMB level ang mga teknolohiya na gamit ng mga enterprise level companies tulad ng voice over IP o VOIP, network routing, network switching, network security at wireless network.

Ang isa pang magandang ginawa nila at kanilang ipinakita sa isang demonstration ay kung paano sa pamamagitan ng Cisco Network Assistant 3.0 ay madali nang made-deploy o magamit ng mga customers itong bagong solusyon nila. Sabi nga nila, hindi na kailangang ikaw ay isang Cisco Certified Network Associate para mapagana ang kanilang network solution.

Napakagandang balita nito sa mga kababayan natin na may small and medium businesses. Siguradong iyung mga matagal nang gustong magkaroon ng teknolohiya ng CISCO na kanilang nakikita lamang sa mga enterprise level ay matutuwa. Ang exciting na isipin na sa tulong ng CISCO ay maatim na ng ibang mga entrepreneur nating kababayan ang convergence na dati ay parang guni-guni lang para sa isang SMB.

-0-0-0-0-0-0-0-

Isa lamang ito sa nagiging pandaigdigang kaganapan kung saan ang mga kumpanya na dati ay nakatuon sa mga enterprise level na businesses lang ay nagsisimula nang magbigay ng pansin sa mga small and medium businesses. Technologically speaking, exciting ngayon para sa mga SMBs dahil paunti-unti ay nagiging abot kamay na sa kanila ang convergence technology. Ganiyan naman talaga ang usapan sa technology eh, habang tumatagal ay nagiging mas mura na siya. Dahil iyan ang adhikain ng mga maka-tech. Ang technology for all.

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Yung Sony Ericsson T68i ko po ay colored pero mahina ang message tone at monotone, pwede ko po ba itong ipa-upgrade? Pwede po bang papalitan ng polyphonic tone ang celphone na monotone?

SAGOT: Unfortunately po once ang phone ay ginawang monotone ay iyon na ang kanyang capability. Mayroon daw nga na mga nag-u-upgrade ng cellphone from monotone to polyphonic pero bakit pa? Baka masira pa ang cellphone mo, eh hindi naman nila papalitan iyan. Bumili ka na lang ng bagong phone na mura na, pwede pa ang mga truetones. As for yung mahina mo na message tone, try mo na maghanap ng mga matitinis na monotone dahil ito iyung mga mas malalakas, baka masyadong mabababa ang mga tones na pinipili mo kaya hindi mo siya marinig. Pwede din na dahil luma na ang cellphone mo ay may tama na iyung speaker kaya mahina na rin ang ringtone.

TANONG: Good AM, tanong ko lang po kung madaling masira ang cellphone pag pinalitan ng backlight?

SAGOT: Depende. Kung ang nagpalit ng backlight ay kompetenteng technician at original parts ang ginamit ay okay ka lang. Ngunit, kung basta-basta lang ang trabaho at parts, makakasigurado ka na masisira ang cellphone mo.

TANONG: Paano ko malalaman ang security code ko na nakalimutan ko kasi hindi na makainsert ang ibang SIM dahil may security code na lalabas?

SAGOT: Sorry I can't help you. Baka naman nakaw iyang cellphone mo? Paano mo naman makakalimutan ang apat na numbers na security code ng cell mo? May paraan para ma-bypass ang security code ng cellphone, dalhin mo sa manufacturer kasama ang inyong proof of purchase at baka matulungan ka nila.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

075 - 051203

walastech 074 - 051201 Bagong Computer vs Second Hand

walastech 074 - 051201 Bagong Computer vs Second Hand Ni Relly Carpio

TANONG: Good AM po gusto ko pong bumili ng kahit second hand na computer kaya lang po ay di namin alam tumingin kung may sira na ito baka maloko lang me sa halagang 10 thousand.

SAGOT: Unang una po mas maganda kung ang inyong bibilhin ay iyung brand new, dahil una, may warranty pa po lahat ng parts nito at pag nagkaroon ng problema ay madaling mapapalitan ng walang bayad. Pangalawa, ang technician ay kasama din sa warranty kaya walang bayad din sa pagcheck-up. Oo, mas mahal, pero mas kaunti naman ang poproblemahin ninyo. Ako, na masasabing may kaalaman naman sa computers ay hindi mo mapapabili ng second hand computer maliban na lang kung kakilala ko ang pagbibilhan ko, as in kabarkada ko. Mahirap na po kasi eh. Hindi mo alam kung kailan papalya iyung computer, at kung pumalya na ay mapapagastos ka sigurado sa repair at parts.

Naandiyan pa iyung mga nanloloko na technician sa mga taong walang masyadong alam sa computer. Iyung bebentahan ka ng computer na ang parts sa loob ay second hand, o kaya ay pasira na. Nakakaasar isipin na may mga asoge talaga na ganoon pero ganun talaga ang buhay eh. May mga asoge.

Ang solusyon? Kung cannot afford ninyo ang bagong computer ay mag-ipon pa ng kaunti. Sa halagang 16,000 ay makakapagpabuo ka na ng isang computer na maari nang gamitin ng estudyante para sa mga project sa school at maari na ring gamitin sa mga games. Iyun kasing mga system na nasa 25k pataas ay top of the line iyung mga iyan, at madalas ay gaming system na iyan na talagang mahal kumpara sa simpleng work station.

Kung talagang hindi na kayang dagdagan ang budget gamitin na lang ang 10 thousand para rumenta ng paulit-ulit sa computer shop. Sa 30 pesos per hour medyo dalawang linggo na diretsong gamit na rin iyon. Medyo pwede kang magcomputer o internet ng isang oras kada araw sa isang buong taon.

Kada bibili ng computer, dapat isipin na ang gagastusin dito ay dapat na mabawi para maging investment siya imbis na gastos. Kung para sa iskwela ay dapat iyung pinakasimple lang na maaring makuha dahil gagawing gaming computer lang iyan ng mga anak mo kung kukuha ka ng top of the line. Lalong hindi makakapagaral ang mga anak mo sa kakalaro ng computer.

TANONG: Tanong ko lang po kung paano iblock yung cell thru text? Nawala na po kasi resibo ng pagkabili kaya di po madala sa NTC. Nanakaw po kasi yung cell ng kapatid ko kaya lang di naireport dahil akala nasa bahay lang. Nakita niya po doon sa kabarkada niya kaya lang di na lumitaw nung kukunin na namin yung cell. Thanks po and more power to your column nsa WALASTECH! PJ BULACAN

SAGOT: Una nakikiramay ako sa iyo PJ dahil sa nawalan kayo ng cellphone. Ngayon, obviously mahirap na ipahuli ang "kabarkada" ng kapatid mo dahil mahirap patunayan na iyon nga ang cellphone ninyo kung wala sa inyo ang resibo. Unfortunately ay wala ring paraan para ipablock through text ang isang cellphone. Sorry. Bumili na lang kayo ng bagong cell, at sa susunod ay magingat lalo na sa mga "kabarkada" niyo.

TANONG: Hello ano po ba ang mangyayari sa cellphone na laging pinaglalaruan tulad po ng space impact? Wala ho bang masama dito? More power po.

SAGOT: Dalawa lang ang mangyayari, mauubos ang battery mo at mabubura ang keypad sa sobrang gamit. Pero okay lang kahit na walang tigil kang maglaro sa cellphone mo. Game on! Kung talagang hardcore ka gamitin mong pang tanching sa tumbang preso ang cellphone mo. Iyon nakasisira ng cellphone, pero gaming hindi.

-0-0-0-0-0-0-0-

Congratulations sa MSU Iligan na nanalo ng P1Million sa Trend Micro Technology Challenge

Makatapos ng 48 oras ng programming, tinalo ng Iitians ng Mindanao State University ang ibang finalists para mapanalunan ang grand prize na One Million Pesos. Second place ang team Code Green ng De La Salle University na nanalo ng Five Hundred Thousand Pesos. Di naman nagpahuli ang Savers ng UP Diliman sa third place na siya namang nanalo ng Two Hundred Fifty Thousand Pesos.

Congrats din sa mga ibang finalists: AMACUPS ng AMA Quezon City, Phoenix ng Mapua Institute of Technology, icarOs ng Rizal Technological University, UP Bibbo ng UP Diliman, Vulcan ng UP Diliman, Checkmate ng University of San Jose-Recoletos, at XCEL ng Xavier University.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

074 - 051201

walastech 073 - 051129 pasensiya sa gamit

walastech 073 - 051129 pasensiya sa gamit Ni Relly Carpio

Madalas, marami sa mga natatanggap namin na problema sa cellphone ay maiiwasan kung ang gumagamit ay maging pasensiyoso lamang ng kaunti. Hindi naman kasi palaging ang cellphone ang may problema eh. Kadalasan ay iyung gumagamit din ang may topak.

Kaya sa susunod na magkaproblema kayo sa cellphone, tingnan niyo muna kung bakit kaya nagkaganoon? Masyado niyo bang minadali ang pag-text ninyo? Nagkasabay-sabay ba ng pindot kaya nagluko? Baka naman ubos na batterya? Malakas ba ang signal niyo, baka out of coverage area kayo?

Kaunting tiyaga lang at pasensiya, ang sabi nga ng mga matatanda: Tsong! Lamig lang.

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Good AM WALASTECH! May mga pagkakataon na may text message ako na hindi narereceive sa cellphone ko. Ngayon napapadalas. Kaya minsan tawag na lang ako lalo pag importante. Bakit kaya sablay na sa text cell phone ko? Tnx.

SAGOT: Hindi ang cellphone mo ang may problema, obviously kasi kung napapansin ninyo ay madalas na nagkakaproblema ang mga network providers nitong mga nakaraan na linggo. Kung hindi ka makatawag ay ang tagal pumasok ng mga text sa mga pinadadalhan. Ang tawag dito ay network congestion. O sa madaling salita ay nagkakatrapik sa frequency na gamit ng networks.

Isipin niyo na lang kasi kung ano ang dapat na magawa ng mga network providers. Kailangang maipadala nila ang mula 3 milyon hanggang 30 milyong text messages araw-araw. Kailangan din nilang magbigay sa mga tawag (lalo na ngayong may unlimited ang mga ibang network providers). Huwag nating kalimutan iyung mga gumagamit at nagdodownload ng mga Value Added Service na mga pictures at tones, etc. So imagine niyo kung gaanong kagulo iyon diba?

Kaya huwag ng mabigla na nangyayari ito paminsan-minsan. Ang solusyon sa dilemma mo? Tumawag ka sa network provider mo at humingi ng bagong message center number. Ito ang iyong ipasok sa setup sa messages menu.

TANONG: Hi pwede bang magtanong kasi yung cellphone ko pag nagtetext ka, tapos biglang may negtetext sa akin tapos naghang yung ring tuloy-tuloy siya kailangan pa i-off yung cell. Ibig sabihin nong may sira na yung cellphone ko?

SAGOT: Wala pong sira ang inyong cellphone. Lahat ng mga electronic devices na pwedeng mag multi-tasking ay makakaranas ng pag-hang o iyung biglang pagtigil ng lahat ng galaw. Ang nangyari sa inyo ay umulit-ulit ang huli niyang ginagawa. Normal ito, lalo na kung ang nangyari ay iyung nangyari sa inyo. Iyung nagtetext ka tapos may biglang pumasok. Maski mga bagong cellphone ay nagkakaganyan basta matapatan.

Maski tao eh, try mo: sumulat ka ng ABC sa isang papel habang nagkakandirit ka, tingnan natin kung hindi ka mahira. O kaya ay mag-addition ka habang may nagsasabi sa iyo ng random numbers sa background.

Iyun lang ang nangyari sa cellphone mo, nahira siya, kaya nag-hang siya. pasensiyahan mo na. Tama din ang ginawa mo na tinanggal ang batterya para mamatay ito, dahil iyon lang ang solusyon sa naghang na electronic device, ang i-reset ito.

TANONG: Good PM! Ask ko lang kung bakit yung cellphone ko, kapag nauntog lang ng mahina nawawala na iyung image...tapos sometimes Insert SIM-card? Tapos kapag i-on ko, SIM card rejected. Tapos, pagkatapos ng lahat...magiging okay na...

SAGOT: Wow! Patingnan mo na iyan sa isang trusted technician kasi...kung hindi, tapos ang cellphone mo. Maluwag o malapit ng masira ang LCD mo, maluwag na ang SIM holder mo, o kaya ay may short circuit na ito. Kapagdaka baka masira pa talaga SIM mo.

TANONG: Tanong ko lang po, kasi po mag te-text sa akin na pending saka delivered doon sa tinext ko. Saka bakit po biglang nag-off itong cellphone tapos nag-o-on din ng kusa! Ano po kaya sira?

SAGOT: Sa una mong tanong, pumunta ka sa message setup at i-off mo iyung message status, o message reporting, o delivery reports. Iyun kasi iyung mga natatanggap mo eh. Sa pangalawa, baka sira na ang battery connectors mo o kaya ang battery mismo o ang power switch ng cellphone mo. Patingnan mo na sa trusted technician o sa service center ng manufacturer.

-0-0-0-0-0-0-0-

Congratulations sa mga participants at semi-finalists ng University of Santo Tomas High School Cover Prince and Princess 2006 beauty titlists. At sa organizer nito, ang Multiverse led by Ms. Aivie Cabato for a successful event. Salamat sa inyong pagimbita sa WALASTECH para mag-judge sa inyong patimpalak. Greetings to the other judges, at kay Mrs. Hanilet Banzuelo Adviser ng HS Student Council. Salamat din sa Ever Bilena for their sponsorship.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

073 - 051129