March 20, 2006

walastech 078-051210 BAGONG LIBRENG LARO ONLINE

walastech 078-051210 BAGONG LIBRENG LARO ONLINE Ni Relly Carpio

Iyung mga sirang sira ang ulo sa MMORPG diyan, eto na ang inyong pinagdadasal: Padating na ang libreng online game na inyong pinakaiintay.

Inanunsiyo kamakailan ng IP Interactive ang paglawig ng e-Games.com.ph na siyang una at nagiisang online gaming portal na magbibigay ng free to play forever na mga laro para sa lahat ng online gamers, mapa-baguhan o beterano.

Ayon sa CEO nito na si Enrique Gonzalez "Libre siya, forever. Ang kita lang ng aming kumpanya ay sa pagbili ng mga kagamitan at armas ng mga manlalaro gamit ang mga prepaid cards. Pero maaring maglaro ng libre ng diretso kahit sino kahit na gaanong katagal nila gusto."

Ang kanilang ni-launch ay ang RAN online kung saan tatlong iskwela ang naglalaban-laban habang kanilang ginagapi ang mga masasamang elemento sa isang makabagong siyudad. Pwedeng maging isang mandirigma, isang eskrimador, isang mamana, o isang salamangkero.

Andiyan rin ang O2Jam na "beatmania" na style ng laro. Ito ang unang online music game dito sa Pilipinas at ang maganda ay iyung m ga mahihilig dito ay maaaring lumaban sa World Cyber Games dahil kasama ito sa kumpetisyon.

Ikatlo ay ang Dreamville na isang avatar based online community portal na kanilang isusunod next year.

-0-0-0-0-0-0-0-

Sa mga hindi nakakaalam, ang MMORPG ay Massive Multiplayer Online Role Playing Game. Ito ay laro sa computer na nilalaro gamit ang internet kung saan daang libong manlalaro ay maaring maglaro ng sabay-sabay. Sikat na sikat ito ngayon sa mga kabataan di lamang dito sa atin ngunit sa buong mundo.

-0-0-0-0-0-0-0-

Exciting itong RAN Online dahil siya ang unang libre, at totoong libre na MMORPG na makakarating dito sa ating bansa. Iyung mga iba kasing nauna ay nagsimula na libre para makahikayat ng manlalaro pero pagtagal ay nagsimula ng maningil para malaro mo siya: Gamit ang mga prepaid cards na may passwords at PIN tulad ng sa cellphone.

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Bagong bili cellphone ko pero lagi nag off pag nag call. T.Y.

SAGOT: May problema ang cell mo na nabili. Baka may factory defect po iyan. Ibalik niyo po sa pinagbilhan ninyo at papalitan ng unit.

TANONG: Good PM po! Ask ko lang po kung ano pong problema ng cell ko, madalas kasi kumukurap kapagnagtext ako minsan patay sindi tapos pagnaka-charge mabilis mag full battery pagtinaggal ko na sa plug eh, lowbat na! God Bless po!

SAGOT: Sira na po ang battery ninyo. Ang effective lifespan ng battery ay six months lang po, makatapos noon ay dahan-dahan na pong sasama ang kanyang abilidad na mag-power ng unit. Papalitan niyo na po ang battery ninyo. Maari din po na may problema ang power contact points ng cellphone ninyo kaya siya kumukurap. Patingnan niyo na rin po sa isang trusted technician ang inyong cellphone.

TANONG: Good noon po. Ask ko lang po kung bakit nagba-black yung monitor ng PC ko. Windows 98 siya. Pag nag ba-black po siya may natitirang guhit na maliwanag sa gitna ng monitor. Thanks po.

SAGOT: Tulad ng TV, ang monitor ay maaring mapundi ang kaniyang picture tube. Baka po iyan na ang problema niyan. Patingnan niyo na po iyan sa isang trusted technician o kaya ay bumili na kayo ng bagong monitor.

TANONG: Good PM tanong ko lang kung meron bang receiving data o infrared ang unit ko? ang unit ko po ay Motorola C651, Teah of QC. Salamat.

SAGOT: Wala po, pero mayroon siyang USB connector port na maaring gamitin para magtransfer ng data mula sa inyong cellphone papunta sa computer. Kailangan niyo lang po iyung data cable and software accessory na binebenta ng Motorola. Siyempre kailangan niyo rin ng computer.

TANONG: Good PM po ask ko lang po kung ano ang sira ng cell ko 2300 po may time po na naging all blue ang screen at wala ako makita tapos nagkakaroon ng line sa right side.

SAGOT: May tama na po ang LCD ng unit niyo. Baka po maluwag lang iyan, patingnan niyo po sa trusted technician ng maayos. Bago lang kasi ang cellphone ninyo kaya hindi maari na sira na ang LCD niyo, maliban na lang kung defective part iyan, kung sa gayon ay maari ninyong papalitan ang unit ninyo sa pinagbilhan ninyo. Kung may warranty kayo.

TANONG: Bakit di me makapasok sa call reload kanina pa?

SAGOT: Dahil sa marami ang naka-unlimited, maaring natapatan kayo na congested ang network. Kapag masyadong marami ang sabay-sabay na gumagamit ng system ng network ay nangyayari iyan. At hangga't hindi nakakapag-expand ng capacity ang mga network providers ay mauulit iyan.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

-078-051210-

No comments:

Post a Comment