Pero pag iyung inisip, ang gagawin lang ng mga masasamang elemento ay lalakasan din lang nila ang kanilang mga gamit. Kaya nga sila masasamang elemento eh, kasi wala silang pakialam kung ano gagamitin nila para maisakatuparan ang kanilang mga maitim na balak.
Pag gumamit ang mga pulis ng mas mataas na kalibre ng baril ay gagamit na ng mga pampasabog ang mga kriminal. Pag binalik ang parusang kamatayan ay magiging desperado ang mga kriminal at siguradong hindi magpapahuli ng buhay. Siguradong pag nagkaroon ng vigilante ay babalingan din ng mga rebelde sila at dadami lang ang gulo, siguradong lalong mabubulabog ang mga probinsiya kung saan may mga pag-aaway. Ang shotgun ni kapitan ay madaling maging shotgun ni agaw-armas.
Ang isang nakakalungkot na katotohanan ay ang lahat halos ng teknolohiya sa mundo ay naimbento dahil sa ito ay kailangan sa giyera o pakikipagaway. Necessity is the mother of invention ika nga. At walang mas malaking pangangailangan ang isang tao kaysa sa pagbuwag o pagpatay sa kahit na sino o ano na siya rin na bubuwag o papatay sa kanya, “survival of the fittest” nga dito sa atin diba? Ang karahasan ng iba na nakatuon sa iyo ay isang napakalaking dahilan para humanap ng paraan para protektahan mo ang iyong sarili. At kung pareho kayo ng gamit, o kaya ay dehado ka, siguradong itutuon mo ang iyong paghahanap ng kasagutan sa paggamit ng teknolohiya. At kapag nagapi mo ang iyung kalaban ay siya rin ay maghahanap ng mas magaling na teknolohiya para magapi ka din. Iyan ang tinatawag na escalation.
Sinigawan mo ako, mumurahin kita, sunsuntukin mo ako, sasaksakin kita, babarilin mo ako, papasabugin kita, etc. Iyan ang escalation. Dahas sa dahas. Nakakalungkot, pero iyan ang totoo, naandito ang teknolohiya hindi lamang tulungan tayo at pagandahin ang ating mga buhay, pero para rin tulungan tayong pumatay ng kapwa.
Sana ay matuto na ang tao, sana ay magbago na ang lipunan. Tandaan, ang dahas ay wala sa imbensiyon, nasa imbentor.