WALASTECH 063 - 051105 - OUT OF SCHOOL YOUTHS DON'T BE A FOOL, STAY IN SCHOOL Ni Relly Carpio
TANONG: Pwede po ba pumasok sa call center kahit 4th year pa lang. Ga-graduate pa lang sa march? Please textback. Thanks po.
SAGOT: Pwede po, kaso kung may maipapayo lang ako sa iyo, tapusin mo muna ang iskwela mo. At kung maari ay magcollege ka rin, dahil ang tapos ng college ay mas malaki ang pagkakataon na makapasok di lamang sa call center, pero sa kahit na anong trabaho. At kung college graduate ka ay mas malaki ang tsansa mo na mapromote kaysa sa mga hindi tapos ng college, lalo na ng mga hindi tapos ng high school.
Hindi sa sinasabi ko na nakasalalay sa kung ano ang natapos mo sa iyong dunong at kakayahan, pero sa mundong ito, ang walang diploma ay walang katunayan ng abilidad. Masaklap isipin na ang basehan ng karunungan ng isang tao ay isang papel na bigay ng mga institusyon na di sa madalas ay mga bobo ang mga produkto. Pero, iyan ang katotohanan.
Pero importante din na tapusin ang pag-aaral. Hep! Bago ka magreact, kaya nga pag-aaral ang sinabi ko at hindi pagpasok sa iskwela. Kasi ang pagpapalago ng dunong ng tao, kahit na galing ito sa iskwela o kaya sa mga nobelang pantasya ay dunong pa rin, at hindi dapat maliitin, ngunit dapat namnamin.
Kaya sa iyo, tapusin mo ang iskwela mo. Malay mo, may matutunan ka. Don't be a fool, stay in school.
TANONG: Bakit walang signal yung SIM kong SUN cellular? Pero sa iba may signal! Paano po kaya yun? Wala po talagang signal. NOKIA 5110 po ang cellphone ko pero sa NOKIA 3310 pwedi paho! Paano po kaya yun hindi ko rin magamit yung SUN ko ngayon. Albert Canlas ng QC
SAGOT: Walang signal ng SUN diyan sa lugar ninyo dahil a) natatabingan ng harang ang cellsite na nakatapat sa lugar ninyo o b)sira na ang antenna module ng iyong cellphone. Dahil sabi mo na pwede kapag nagpalit ka ng cellphone, mas katanggap-tanggap na ang cellphone mo ang problema at hindi ang network provider. Patingnan mo ang iyong cellphone sa trusted technician o sa authorized service center.
TANONG: Paki explain nga po anu po ba iyung callcenter? Ito po yung mga taong sinasabing "customer representative?"
SAGOT: Ang call center ay iyung siyang tinatawag din na contact center. Ang mga trabahador dito ay tinatawag na customer service representative o CSR Agent. Gamit ang teknolohiya na Voice Over IP (VOIP) ang mga callcenter ay nakatatawag o nakatatanggap ng mga tawag mula sa ibang bansa. Mga tawag na may bayad kada minuto ng serbisyo. Ito ay binabayaran ng kumpanya na siyang nagpagawa ng call center o kaya ng mga taong tumatawag. Masasabi na mga dakilang tagasagot ng telepono ang mga CSR Agents.
Ganito ang prinsipyo ng mga call centers at ito ay nagagawa lamang dahil sa teknolohiya ng VOIP na ginagamit ang internet bilang libreng daanan ng mga tawag mula sa kahit anong lugar sa mundo. Kaya kung may naliligaw sa kalagitnaan ng London South at siya ay tumawag sa isang payphone at du-mial sa 1818 para magtanong kung nasaan ang pinakamalapit na bus station, ang kanyang tawag ay dadaan sa internet at malalagak sa isang call center dito sa Makati at sasagutin ng Pilipino na nagkukunwaring taga Inglatera sa kanyang boses para tulungan si abang naliligaw. May bayad kada minuto siyempre.
TANONG: Ano sira ng cell ko ayaw gumana yung headset niya pero sa ibang cell ok yung headset. NOKIA 3200 unit ko.
SAGOT: Sira ang cellphone mo o kaya ay incompatible ang yung headset sa iyong cellphone. Kung sa ibang 3200 ay gumagana siya, ang cellphone mo ang may problema. Patingnan sa trusted technician o sa authorized service center.
TANONG: Anong sira ng cel ko? Bigla na lang mamamatay tapos nagkakaroon ng guhit na itim sa screen. 3650 po ang unit ng cell ko! Salamat po! Angel of Cavite
SAGOT: Dalawa lang iyan: a)sira na ang LCD ng iyong cellphone o b)sira na ang battery mo. Baka kasi may tama na ang LCD ng cellphone mo kaya siya nagluluko ng ganoon, o kaya ay hindi na kaya ng battery mo na patakbuhin ang LCD ng iyong cell. Patingnan sa trusted technician o sa authorized service center.
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.
-063-051105-