Ang pambibiktima ng ating mga kapatid na Muslim Ni Relly Carpio
Assalaam alaikum. Ayon kay Optical Media Board Executive Director Attorney Marivic Benedicto ang ating mga mahihirap na kapatid na Muslim ay ginagamit at inaabuso ng mga masahol pa sa asoge na mga pirata ng DVDs/VCDs/CDs/MP3s. Kung napapansin ninyo ay marami sa mga nagbebenta ng mga pirated na media na ito ay mga Muslim. Hindi dahil sila ang mga namimirata, kundi dahil sila ang ginagamit para lamang ibenta ang mga ito. At isipin ninyo kung sino ang nakakawawa?
Mayroon mga nagsasabi na kung hindi sila papayagang magbenta ng mga pirated media ay babalik na lang sila sa Mindanao at sasali sa MILF o MNLF at lalabanan ang batas. Ang sagot ng Philippine Anti Piracy Team dito: Ganoon din, kasi ang ginagawa niyo dito ay labag din sa batas. Lumipat lang kayo ng lugar.
Nais ng lahat na matigil ang pangagancho na ito sa ating mga kapatid na Muslim. Madalas daw kasi ay may isang financier na siyang bumibili ng mga CD na ibebenta ng mga ito sa pamamagitan ng concessionaire, ibig sabihin ay ang kita ay sa dami ng benta.
Kapag sila ay na-raid, di lamang sila nawalan ng kita, nabaon pa sila sa utang. At sino ang nakinabang lang? Eh di ang financier. Ayon kay Atty. Benedicto ang mga nagpapasok ng mga pirated media ay ni hindi mga Muslim. Ito ay mga sindikato mula sa Malaysia o mga miyembro ng Triad na galing Hong Kong.
Dinadaan lamang sa mga financier na may mga kakilalang mga Muslim ang mga CD. Oo mga kapatid namin, niloloko lang kayo ng mga tinamaan ng kabuteng mga sindikato. Sa dulo ng linya ng pera, hindi ang mga kapatid ninyo sa Mindanao ang kumikita. Illegal na nga ang gawain ninyo ay niloloko pa kayo.
-0-0-0-0-0-0-0-
Sa yearly budget ng Optical Media Board na 24 million ay talagang mahirap nilang labanan ang talamak na operasyon ng mga timawang pirata. At dahil nga timawa ang mga ito, ay kanilang pinupuntirya ang mga mahihirap nating mga kababayan, Muslim man o hindi. Layon ng PATF na naghahanap ng livelihood project para sa mga kababayan nating niloloko lamang ng mga ito. O kaya ay minumungkahi niya sa mga nahuhuli na magbenta na lamang ng legal na kagamitan.
Kaalinsabay nito ay ang paggamit ng teknolohiya para malabanan ang mga pirata, pero ito ay nakasalalay sa mga manufacturers kaysa sa ating mga consumers o sellers. Ang paggawa ng mga encoded CDs na hindi maaring copyahin, mga CDs na mas matindi ang mga anti-piracy codes at protections. Pero ito ay tinatawag na vicious cycle dahil pabalik-balik lang tayo sa problema na ang ugat ay ang pagiging mahal ng teknolohiya at ng entertainment media na siya namang gustong gusto nating mga Pilipino. Bakit ko nga naman pagkakagastusan ng pagkalaki-laki ng aking kasiyahan kung makukuha ko ito ng mura diba?
Aminado na matagal pa ang laban, at lahat ay ginagawa ng mga manufacturers at ng mga gobyerno para makitil ang piracy. Makitil dahil hangga't may barat diyan o naghihirap o manggagancho ay hindi masusugpo ang pagpipirata.
Kaya sa huli kaibigan, ay nasa iyo iyan. Ikaw ba ay manloloko at magpapaloko pa rin? Ikaw ba ay magbubulag-bulagan na ang iyong ginagawa ay tama? Kahit na nakaw, basta makatipid diba? Kahit ano basta makaisa? Isipin mo anak mo, iyan ba ang gusto mong maging mundo niya pagpanaw mo? Isang mundo ng mga magnanakaw at mga manloloko?
-0-0-0-0-0-0-0-
Sa darating na Oktubre 30 (bukas?) ay ang tinatawag na Lailatul-Qadr o ang "gabi ng lakas" ng ating mga kapatid na Muslim. Pinaniniwalaang sa gabi na ito ay tinanggap ni Muhammad ang revelation ng Holy Quran at sabi sa Quran, ito ay kung kailan inaalam ni Allah ang kapupuntahan ng mundo sa susunod na taon.
Sana ay sa kanilang pagdadasal sa gabing ito ay malinawan ang isip ng ating mga kapatid na Muslim na ito rin ang kanilang gabi ng lakas. Na sa kanilang pansariling kakayahan ay mahanap nila ang lakas na hindian ang mga pirata, na ayawan ang mga financier, na ituro ang mga sindikato. Na baguhin ang kanilang kapalaran at ng kanilang pamilya para maging maganda ang kanilang buhay, kahit na sa isang taon man lamang. At sa kanilang magiting na halimbawa ay matuto at sumunod ang lahat ng iba, lalo na kaming mga Kristiyanong mamimili. Muli assalaam alaikum.
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.
-060-