August 18, 2005

SONA at LCD

Mabuhay Techfans! Napanood nyo ba iyung SONA nung Lunes? Okay ba? Ewan ko kung may nakapansin sa inyo doon sa isang sinabi ni PGMA, sabi niya 5000 high schools na daw ang may access sa computers sa Pilipinas.

Kung inyong mararapatin, sa tingin ninyo, gaanong kadaming estudyante iyon, at sa dami ng estudyante na humahawak sa computer na iyon, gaanong kadami sa kanila ang magiging bihasa sa computer. Hindi ako nagiging negatibo kabayan, ang sinasabi ko lang ay totoo, malayo na naabot natin mula dati, pero malayo pa rin ang ating hahabulin.

Pero tulad ng sinabi ko dati, ang Pilipinas na ang isa sa mga pinakamaunlad na bansa sa Timog Asya pagdating sa computer literacy. Isipin nyo na lang kung gaano kasama sa ibang mga bansa! Sana, ay ituloy ni PGMA ng DepEd at ng CICT (Commission on Information and Communications Technology) ang kanilang pagpursige sa pagbigay ng computer education sa ating mga istudyante. Andiyan ang kinabukasan, andiyan ang susi ng mas mataas na edukasyon ng ating mga kabataan.

-0-0-0-0-0-0-0-

Nabigla ako sa dami ng text na nakuha ko tungkol sa mga problema sa mga cellphone, lalo na pagdating sa baterya at sa LCD. Sa mga susunod na issue ng WALASTECH ay muli nating tatalakayin ang mga iyan. Pero sa ngayon, ito munang mga ito:

TANONG: Good PM po sa inyo gusto ko lang pong itanong kung ano po ang problema ng cellphone ko. Tuwing madiin po ang upper housing ng cell ko parating insert SIM card. God bless!

SAGOT: Okay, malamang ay ang inyo pong housing ang problema diyan. Baka ho masyadong masikip ang housing kaya po naiipit ang battery at ang SIM holder. Kung hindi po naman ay may tama na ang SIM holder, kung maluwag po ito ay iyan po ang message na ilalabas niya. Iwasan po na ang SIM ay papalit-palit. Nakakasira po iyan ng SIM at ng cellphone. Subukan nyo po na humiram ng SIM at ilagay sa cell nyo, kung ganoon pa rin ho ang problema ay iyung cell, kung hindi, nasira na po ang SIM ninyo.

TANONG: Bakit nagbi-blink ang LCD ng cellphone ko? Nokia 3300 po ang unit ko. Pinalitan ko na po sya ng bago battery pero ganun pa din. Di po kaya sa LCD mismo na problema? Paul of Pasig

SAGOT: Paul, tama ka. Ang LCD na siguro ang may problema. Baka lumuwag ang connector ng LCD sa logic board at power connector ng iyong cell. O kaya ay nasira ang iyong LCD dahil sa pagkabasa o pagkabagsak. Dalhin ang cellphone sa authorized service center.

TANONG: Ano po ba ung maari pang mailagay dito sa cell ko na Nokia 7650? Yung mga nalalaman niya? Tiyaka pwede ko po bang palakihin ung KB memory ng N7650 ko? Wala ung nasasalpak na memory card tnx po.

SAGOT: Wala pong memory card slot ang Nokia 7650. Iyan na po talaga ang memory (KB) size niya. May narinig po ako ng mga nag-papalaki ng memory ng N7650, pero bakit pa? Hindi kasama sa warranty ang ganoong service. Maraming pwedeng ilagay sa N7650 pero hindi lahat ay kanyang nagagamit. Mag trial and error na lang po kayo sa inyong mga makukuha na content. More in the future tungkol sa mga ganitong mga Smart Phones.

TANONG: Sir good PM this is Den Pequena. I was wondering, do you know any authorized service center who could open Nokia 6630 by Vodafone from japan? And would you know how much it costs? I learned that in Greenhills and Harrison, someone is doing those kind of jobs. Its just that i wanted to make sure na who else I can trust except those with recognized establishment. They may cost a bit higher but I believe they won't gyped me. Anyway, hope you could help me, thank you, more power n God bless.

SAGOT: Salamat din sa iyong text Den Pequena. Okay, ang Vodafone ay network provider tulad ng Globe, Smart at Sun dito sa atin. Napapagkamalang Vodafone phones ang kanilang mga unit dahil nilalagyan nila ng logo ang lahat ng phones na kanilang binebenta, pero ito ay mga parehong mga phones na binebenta dito sa atin. Para sagutin ang iyong tanong, oo, may mga tao na nag-o-open line sa Harrison Plaza at sa Greenhills. May neg-text nga sa akin na sila ay authorized na taga-open ng mga Nokia.

Sa aking palagay, okay, pabukas ninyo, ingat lang sa mga ito, panoorin ng mabuti ang kanilang ginagawa at huwag na huwag iiwan ang cellphone ng walang resibo! Humingi ng warranty of service mula sa pinag-paayusan kung sakaling masira kaagad makatapos nilang kalikutin. Hindi ko alam ang presyo at hindi ako makapagbibigay dahil depende iyan sa mga nag-aayos, walang set na presyo. Siguro ang pinakamaganda kong maibibigay na payo eh, kapag masama kutob ninyo sa pinagpapa-ayusan, ay kunin ang cellphone at umalis. Huwag ipasa-alang-alang ang cellphone para lang makamura po.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.