BAGONG PRODUKTO MULA SA APPLE Ni Relly Carpio
Ang nakamamangha sa TECHNEWS na susunod tungkol sa Apple ay iyung pagpapaliit nila lalo at pagsisiksik ng kanilang mga produkto na halos gapisngot ng dati. Isipin niyo na lang iyung iPod Nano. Halos kasing nipis ng lapis! Kalahati ng laki nung dati nilang produkto na nilabas.
Kung dati eh para makapagpatugtog ng kanta ay kailangan mo ng jukebox na kasing laki ng bariles, ito di lang mas marami ang kanta ay maari mo pang ilagay sa loob ng pantalon ng walang kahirap-hirap. Exciting kung iisipin kung ano pang mga produkto ang ilalabas ng mga ibang kumpanya. Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng mga ibang makatech at dapat ninyong malaman na ang Apple at ang CEO nitong si Steve Jobs ay siyang tinatawag na trendsetter sa industriya ng computers at sa MP3 players.
-0-0-0-0-0-0-0-
Sa TECHNEWS: Prinesenta kamakailan ng Microwarehouse sa Media ang mga bagong product ng Apple na kanilang dinidistribute dito sa Pilipinas sa media. Kabilang dito ang mga bagong iBook laptops, MacMini, mga bagong software para sa mga computer nila. Mayroon din silang bagong mouse na ngalang Mighty Mouse. Ito ang kaunaunahang mouse para sa Apple na may "right-click" maliban sa iba pang mga nagagawa nito. Pwedeng gamitin ang microball sa ibabaw nito para mag-pan at scroll ng documents. At kakaiba sa mga ibang mouse: kapag pinisil ang gilid ng Mighty Mouse ay isa pang paraan ito ng pagpindot sa kaniya. (Suggested Retail Price PhP3,600.00)
Inanunsiyo na rin nila ang pagsama ng iPod at ng iPhoto sa iisang produkto na lamang, dahil lahat ng bagong Ipod ay gagawing colored LCD at photo capable na. Binagsak din nila ang presyo ng 1GB ng kanilang napakasikat na iPod Shuffle. (Bagong SRP PhP8,990)
Nilabas din nila ang iPod Nano. Ito ay ang kanilang pinakabagong mp3 player na papalit sa iPod Mini at kaya nitong magdala ng hanggang 1,000 kanta o 25,000 na digital pictures. Nakakamangha ang liit nito dahil 0.27 inches lang ang nipis nito at 1.5 oz lang ang bigat. Ito ay may maliwanag na color LCD, hanggang 14 na oras ang baterya nito. Pwede ito sa Mac o sa Windows at available siya ng puti o itim. Dalawang klase ang iPod Nano, may 2 gigabyte model na mabibili sa PhP 12,990 SRP at ang 4 gigabyte na PhP 15,990 SRP naman.
Lahat ng accesories na para sa mga sinaunang iPod ay magagamit nito dahil iyung 30 pin dock connector na gamit ng mga ibang iPod. Mabibili ang mga ito sa mga mall at sa mga malalaking computer shops.
-0-0-0-0-0-0-0-
TANONG: May upgrades po ba ang version ng software ng mga cellphones? Halimbawa 3.22 lang po yung version sa aking phone, pwede po ba upgrade iyon? Kung pwede saan po at magkano kaya sa tingin niyo ang bayad? Ed of PCG
SAGOT: Dalawang paraan po ang pagsagot dito: pwede po at hindi po dapat.
"Pwede po," dahil may mga tinatawag na smart phones na gumagamit ng tinatawag na Windows Mobile bilang kanyang Operating System (OS) na gawa ng Microsoft. Ang mga telepono na ito ay maaring i-upgrade ang OS sa pamamagitan ng pagkuha ng mga upgrade patches o kaya ay ipareformat ang cellphone at pakabitan ng mas bagong version ng OS. Ito ay kailangan dahil makabago ang teknolohiya ng Smart phones kaya pwedeng sabihin na marami pa itong bigas na kakainin. At kailangan ng mga upgrades panaka-naka.
Walang kinalaman sa SMART Communications, Inc. na network provider dito sa atin ang mga Smart Phones. Pero sila ang unang nag-offer ng Smart Phones dito sa Pilipinas.
Iyung ikalawang sagot ay iyung mga upgrade sa isang phone para ito ay maging ibang model ng phone sa pamamagitan lang ng pagdagdag ng mga software enhancements na hindi naman dapat dito. Ito ay ginagawa ng mga technician na pinagsusugalan ang inyong cellphone. Bakit sugal? Kasi hindi naman dinisenyo ang cellphone na iyon para sa ganoong system upgrade, pero sa kaunting kalikot nga naman ay maari na diba?
Kaya di bale ng ma-void o matanggal ang warranty, o kaya ay malagay sa alangan ang cellphone, basta maging kaiba ang unit sa lahat ng ibang unit ay ipipilit na ito ay i-upgrade. Kaya po pwedeng ang sagot ko din sa inyong tanong ay "Hindi po dapat." Kapag nasira ang cellphonne ay papalitan ba nila iyon?
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.
-046-