July 14, 2005

HELP! ANG CELLPHONE KO NA ISNATCH!

Help! Ang cellphone ko na-isnatch! Ni Relly Carpio

Magandang PM sa inyong lahat! Ayan! Kasi, sinabi na na huwag mag-text sa mga alangan na lugar. Ano? Eh di na-isnatch ang cellphone mo? Paano ngayon iyan? Ano gagawin mo? Eh di iiyak ka na lang diyan? Hay nako...kawawang bata.

Iyan lang talaga ang mapapala ng isang na-isnatchan ng cellphone. Kahit na gusto mong ipahabol sa pulis o ipabugbog kay Darna ang asoge na nagnakaw ng iyong cellphone ay wala kang magagawa kapag nakatakas na iyan. Pasalamat ka na lang na hindi ka sinaktan o ni-reyp o pinatay. Cellphone lang iyan...cry ka na lang sister.

Kapag sinuwerte ka ay mayroong mga mababait na kababayan natin na tutulong sa iyo, mga papa-bols na hahabulin at bubugbugin ang magnanakaw para sa iyo. Pero madalang sa hindi eh sa bilis ng mga asoge na iyan eh kahit si Mulawin di kayang habulin iyang mga iyan.

Hindi na biro ang manakawan ng cellphone ngayon, at hindi na rin nakakatawa kung gaanong kagaling itong mga ito. May kaibigan ako na tinabihan lang ay nakuha na ang cellphone. May kaibigan akong naglalakad lamang mula sa LRT papunta sa MRT eh nadukot na ang dalawa niyang cellphone sa bag. Pagsakay niya, wala na.

Bweno, ito ang sulat ni Jean sa email, nag-comment siya sa blog (online copy) ng WALASTECH! kaya ito ang ating subject ngayong hapon na ito:

On 7/1/05, jean <anonymous-comment@blogger.com> wrote: first time kung naread ang feature nyo sa PM. pwede po kyang maging topic nyo naman eh kung paano mabablock yung mga cell na ninakaw. ano mga dapat gawin kung nanakawan ka ng cellphone. ipapablock sn namin sa NTC pero me nagsabi na mahirap daw kung di nakaPLAn ang cell, so wl ng pag-asa pang mablock un? NOKIA7610 ung cell n nwla. hope ma-enlighten nyo kmi about such problem. we'll look forward 4 u'r response. thanks. Posted by jean to W A L A S T E C H at 7/02/2005 02:47:27 PM

Salamat sa inyong sulat Jean. Oo, malaking problema nga kung ikaw ay manakawan ng cellphone. Ang asawa ko man ng nawalan ng cellphone sa paraan ng pagnanakaw ay walang nagawa para mapigilan ang magnanakaw na magamit iyung cellphone, o marecover man. Mga heneral na ng pulis at SWAT ang kausap namin ha! At, nasa amin na iyung plate number ng magnanakaw na taxi driver! May nangyari ba? Wala! Ayun, pending...mamatay ka sa kakaintay.

Tumawag kami sa network provider para ipablock ang cellphone, sabi sa amin tumawag sa National Telecommunications Commission (NTC). Hiningi sa amin ng NTC na isubmit ang proof of purchase ng cellphone, affidavit of loss at tsaka lang nila ipade-deactivate ang IMEI number ng cellphone ng asawa ko. Walang pag-asa, bago mo makuha lahat iyon eh naubos na load mo, nabenta na cellphone mo at pati ang SIM mo eh nakarne na!

Tandaan: Iba pa ang pag-deactivate ng IMEI number at ng line ng isang cellphone.

Kapag line ka eh isang tawag mo lang sa network provider eh ibo-block na nila ito, kasi nga naman, post-paid account ka diba? Kung prepaid ka, sorry ka na lang. Say goodbye to your load and your cellphone and your SIM. Kapag binlock ang line eh ang current SIM na nasa network ay ide-activate remotely ng network provider para walang text at tawag ang maaring gawin ito. Ang bagong SIM na iisyu sa iyo ang siyang kanilang isasali sa network muli para paglagay mo sa cell ay parang walang nangyari. Nawala lang lahat ng phone numbers ng contacts mo, pero iyon pa rin ang phone number mo.

Samantala, ang IMEI ay short for International Mobile Equipment Identity, ito ay unique number na binibigay sa bawat mobile phone madalas ay nasa likod ito ng baterya, kung gusto mong malaman ang IMEI ng phone mo type mo lang ang *#06# at lalabas ito sa screen ng cell mo. Ang lahat ng IMEI numbers sa buong mundo ay nakastore sa mga EIR - Equipment Identity Register na siyang naglalaman ng mga approved numbers.

Kapag ang telepono ay nareport na stolen, o unaapproved, ang IMEI nito ay tinatanggal sa EIR at hindi na uli ito papayagan sa kahit anong GSM network sa buong mundo na sumali at tumawag, magtxt etc. Galing ano? Magiging useless ang ninakaw na cellphone mo! Ang problema...may mga asoge na kayang palitan ang IMEI ng cellphone. Hwehwehwe! Laos ka teng!

Malaking problema ang nakawan ng cellphone dito sa atin at halos imposible na marecover ang cellphone na nanakaw. Pati ang blocking ng cellphone ay mahirap gawin dahil kayang kayang ipaopen sa malaking black market ng cellphones dito.

Ang pinakamagandang gawin talaga ay i-save ninyo ang mga phone numbers ng inyong mga contact sa hiwalay na record (isulat sa papel halimbawa) para kung sakaling mawala nga ang cellphone ay bumili na lamang ng bagong unit at SIM at ipagpatuloy na lang ang buhay. Walang kapupuntahan ang intayin at habulin ang cellphone at number na nawala. Kung nakaline ka eh hihingi ka lang ng bagong kopya ng iyong SIM mula sa iyong network provider at parang walang nangyari.

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

July 12, 2005

MMS, GPRS, Magagandang Cellphones

MMS, GPRS, Magandang Cellphones ni Relly Carpio

Maayong PM sa inyong tanan! Isa na namang kapanapanabik na kabanata ng WALASTECH! Sa aming mga mambabasa at mang-te-text, huwag po sana tayong maiinip sa pagtanong at sa pag-intay sa sagot. Salamat muli sa aming mga tagasubaybay. Let's go sago!

Q: Good PM sir, tanong ko lang kung kaya nyong i-open ung 6630 Vodafone from Japan may nag-oopen naba non saka magagamit pa ba?

HABASAGOT: Bagsakan mo ng hollowblock bukas iyan. Joke! Mismong ang nanay ko ay Vodafone ang gamit. Pero ito galing sa UK (United Kingdom po hindi ukay-ukay) hindi sa Japan, padala ng tiyahin ko. Siguro nakalilito pag tiningnan, pero ang tinutukoy na 6630 diyan ay ang Nokia 6630, walang Vodafone na telepono, bagkus sila ay network provider, tulad ng Globe, Smart, at Sun. Kaso kapag nagbenta sila ng unit, ito ay may tatak ng kanilang kumpanya. Kaya nakakaloko ng mga tao na ang iniisip ay kapag ang cellphone ay may Vodafone na tatak ito ay kakaiba at mas mamahalin.

Sa totoo po ay ito ay smuggled o kaya ay padala mula lang sa ibang bansa. Smuggled kasi wala namang Vodafone dito diba? Ako mismo ay hindi nag-oopen ng cellphone at kapag balak mong ipa-open ang cellphone ay subukan muna sa mga authorized repair center, o kaya sa authorized dealers. Mahirap na ho kasi sa mga technician sa tabi-tabi na hindi naman authorized kasi baka ano pa magawa nila sa cellphone ninyo eh lokohin lang kayo ng mga asoge na iyan.

Dalhin ang cellphone sa authorized repair center at ipa-open doon. Kahit mas mahal, ay may warranty naman ang service. Iyung siguradong warranty, hindi iyung sabi-sabi lang! Madaling magsalita, mahirap ang gumawa! Tsug!

Pero hanggang maari ay dito na lang kasi kayo bumili ng cellphone sa Pilipinas. Mura naman dito kung ikukumpara sa ibang bansa eh dahil ang gusto nga ng gobyerno ay tayo ay maging tech-savvy o malupit sa mga teknolohiya.

Q: Gud PM po. May MMS ang cellphone ko pero di makasend ng pictures at ang GPRS not available. Tnx to Walastech.

HABASAGOT: Madami na ang nagsipagtxt sa akin ng problema na ito. Dalawa lang ang sagot dito. Ang una, ang cellphone mo ay wala talagang walang GPRS (General Packet Radio Service: makapag-i-internet ka sa mga WAP sites) at MMS o Multimedia Message Service, dahil ang model na ito ay isang GSM phone (Global System for Mobile Communications) na walang ganitong serbisyo. Ikalawa ay meron nga ang cellphone mo pero hindi naka-setup o mali ang setup.

Kung mayroon ka nga na GPRS/MMS phone ay pumunta lamang sa inyong network provider customer center at ipa-activate ng libre ang inyong GPRS at MMS. Kailangan lang ay mayroon kang load ng kaunti para makapag GPRS at mag MMS para ma-testing kung umaandar nga lang diba? Sana hindi tayong barat. Pwede rin sa stall ng inyong cellphone manufacturer sa mga mall. Muli libre ito, huwag magpaloko sa mga asoge na naniningil para i-activate ito.

Datapwat pwedeng ibigay sa inyo ng WALASTECH! ang mga code at password, dahil nga libre sila diba, huwag na lang at lalo pang makagugulo iyon. Madaming problema sa cellphone na malulutas (at maiiwasan) sa pamamagitan lamang ng kaunting pasensiya at pagbisita sa inyong mga customer center.

Q: Ask ko lang po kung maganda at maayos po bang gamitin ang Motorola tnx po. Asahan ko po sagot niyo.

HABASAGOT: Okay, eto na ang kinakabahan akong sagutin. Tandaan ito: WALANG PERPEKTONG CELLPHONE. Kaya mahirap sabihin na may mayroong maganda at may masamang cellphone. Sa dinami ng mga na-review o na-testing ko na cellphone, wala akong masasabi na pinakamagandang cellphone. Depende kung ano ang hanap mo sa isang cellphone.

Kada may nagtatanong sa akin kung ano ang magandang cellphone, ang tanong ko sa kanila ay: Magkano ba pera mo? At saan mo ba gagamitin. Kasi bakit ka bibili ng mamahalin kung wala ka na ngang pera, at halimbawa: bakit ka bibili ng may camera kung hindi mo naman gagamitin?

Ang gamit ko ay Motorola C380 MMS/GPRS phone na colored, pero walang camera. Kasi ito ay mura at hindi ko gusto ng camera sa phone pero gusto ko ng colored at may Java Games at GPRS, hindi naman ako nag-em-MMS. Ano ibig sabihin no'n? Binili ko ang cellphone na pinakaswak sa budget ko na less than 5,000 pero andoon lahat ng kailangan at gusto ko. Ngayon, kung may 30,000 na budget ako, eh ibang usapan na iyon. Diba? Parang merienda iyan eh...magkano ba dala mo? Heh! Mag-fishball ka na lang bai.

Kung ako sa iyo aking giliw na texter, bumisita ka sa Motorola shop at tumingin ng mga mas bagong model nila bago mo kunin iyan, kasi madami nang bago. Ikumpara mo rin sa mga model ng ibang mga manufacturer at hanapin ang cellphone na swak sa iyo at sa budget mo.

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com o sa 09179529665 at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

July 10, 2005

Kasagutan sa Trabaho

Kasagutan sa trabaho ni Relly Carpio

Mabuhay! Eto na naman tayo muli. Sa mga nagtetext ng inyong mga questions: hanggat kakayanin ng WALASTECH! team na sagutin ang inyong mga katanungan ay gagawin namin ito. May dalawang klaseng sagot kayo na maaring matanggap mula sa amin. Ang una ay ang magalang na sagot na nagsasabing hindi naman kayang sagutin ang inyong sagot kasi hindi namin mapapagkasya ito sa loob ng isang text lamang, kaya'y sobrang technical ng inyong tanong na hindi ito maaring masagot ng maayos sa loob ng isang text din.

Ang ikalawa ay ang tinatawag namin na IKLISAGOT: ito ay ang pinakasimpleng kasagutan sa inyong tanong na kasya sa isang text, pero malinaw. Kung medyo nalabuan kayo ay tanungin nyO lang uli kami at lilinawin pa namin ng kaunti. Ang katapat ng IKLISAGOT ay ang HABASAGOT, na naandito sa column. Ang pagsagot namin ay aming gagawin sa pamamagitan ng kung sino mauna, ay siya ang unang sasagutin.

Muli, kung medyo sobrang technical ng inyong tanong (tulad ng kung ano ang JEEE2) ay medyo mahihirapan po kami na magresearch at sagutin iyan kaagad. Muli, kaunting pasensiya.

At kung gusto ninyong mabasa pangalan ninyo eh di ibigay diba? Kasi hindi namin ilalagay ang inyong cellpone numbers dito, may iba kaming section para doon. Hehehe! Hala, eto na!

Q: Saan po ba may bagong bukas na IT company. Meron ba sa place like Makati, Ortigas or Libis? TY! Any related sa course kong computer science, except call center? Gusto ko ring malaman kung may job offer sila, TY.

HABASAGOT: Tulad nang sabi namin sa amin texter ay medyo madami na kumpanya ng IT na nagbubukas dito sa Pilipinas. Ang IT o ICT ang isa sa pinakamabilis na lumaki na industriya dito sa Pilipinas. Isa lang dito ang mga call center. Good news sa mga taga East at South! Ang mga pinakabagong call center na building ay nasa Alabang at sa Libis. May dalawang branch din ng dalawang pinakamalaki na call center ang ginagawa ngayon sa kanto ng Ayala at Buendia. Abangan!

Ayon sa founder ng Genesys, isang IT company na siyang nag-susupply ng software para sa madaming call center sa buong mundo, ay ang Pilipinas ay makakakita ng halos aabot sa dalawang milyong trabaho bago mag 2008 kapag natuloy ang pag-laki ng industriya. Ibig sabihin, walang aberya, tulad nitong Gloriagate chuva ek! na ito.

Isipin niyo! Isa lang ang call centers sa mga ICT jobs na maaring makuha diyan sa tabi-tabi. Bueno, ang sabi niya ay ang kurso niya ay comsci, sige.

Madami ang mga naghahanap ng mga trabahador ngayon sa ICT. Siguro tinatanung ninyo, "Heller? asan kaya?" ang problema kasi ay madami sa mga ito ay mga multinational companies na naghahanap ng mga tao na skilled at may mga certificate.

Dapat maintindihan ng sino man na gustong pumasok ng ICT industry, ang certificate na authentic ay minsang mas okay pa kaysa sa diploma. Hindi ko sinasabi na masama ang mag-aral ha! (Kids! Don't be a fool! Stay in School!) Pero pagkatapos ng school ay magandang kumuha ng certificate course kung trip mo na mag-ICT.

Exampol! Napagusapan na rin, sabi kahapon ni Mareng Aivie sa aking asawang si Alma na ang kanyang ate, na si Marnie nung nag-aral ng kaunti sa AIM ay biglang lumaki suweldo niya pagkagraduweyt ng certificate course. Si Pepper, isa ko pang kumare nag-aaral ng masteral para lang makuha ng mas malaking kumpanya.

Kaya kahit na graduweyt ka ng comsci o wahteber, ay mahihirapan ka pa rin makakuha ng trabaho kung wala kang certificate o work experience. Bakit kamo? Matalino ka naman at guwapo diba? Walang anghit? Kasi po, sampu-sampera ang mga comsci ngayon, pero pag may certificate ka, o kaya ay may work experience ka, o kaya ay specific skill, tulad ng Macromedia Breeze 8 proficiency halimbawa, eh di naiba ka! Ikaw ang pipiliin! Ikaw ang winnerrr! Dyarann!

Kaya kung ako sa imo, mag call center ka muna kung magaling kang mag-ingles (pwede ring mag-german, french o intsik, kasi may mga call center na iyon ang hanap). O kung hindi, bweno iho! maghanap ka na ng certificate course in IT na pwede mong kunin. Bat weyt! Ders morr! Dapat ang certificate ay mula sa isang tanggap na magaling na iskuwela ng ICT. Hindi iyung maliit na pipitsugin lang. Kung hindi mo kayang kumuha sa mga matitinding Universities, eh di sa ICT schools ka pumunta, tulad ng STI at AMA. Okay? Goodluck sa iyo.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com o sa 09179529665 at sasagutin namin sa mga susunod na column.