January 19, 2009

WT3 - 003

Nakakatawang isipin na kung sino ang siyang pinakanangangailangan ng edukasyon, ang mga mahihirap nating mga kababayan, ay sila pa ang siyang napapagkaitan ng magandang pag-aaral. Minsan ay nabanggit ko sa aking tiyahin na isang Dean sa isang pribadong paaralan sa aking bayan na doon ko na lang pagaaralin ang aking mga anak.

Laking gulat ko ng bigla siyang nagalit at sinabing "Huwag mong ma lang-lang ang aking iskwelahan! Madami na kaming mga achievements din! Hindi kami basta bastang iskwelahan." Obviously hindi naintindihan ng aking tiyahin ang aking ibig sabihin kasi hindi ko naman mina-mata ang kaniyang iskwela, ang aking ibig sabihin ay doon ko na "lamang" (abbreviation: lang) pag-aaralin ang aking mga anak dahil hindi ko kayang tustusin ang kanilang pag-aaral sa mga mas mahal na pribadong paaralan.

Bakit nga ba napaka-defensive ng mga ibang iskwela. Marahil ganoon ang reaksiyon ng aking tiyahin kasi minaliit ko, noong ako ay bata pa, ang isa sa mga Valedictorian ng iskwela niya, na kung aking ikukumpara sa aking dunong noon ay sadyang bobo. Hindi naman po nagmamayabang, nagsasabi lang...lamang...ng katotohanan. Eh, sa mas madami akong alam doon sa tao eh, ano magagawa ko? Hindi ko naman sinadya na pahiyain siya, hindi naman ako ang nagpasimuno ng diskurso, ng kumpetisyon, eh natalo ko eh, ano magagawa ko, hindi lang naman siya ang tinalo ko, mayroon namang iba, at pati din naman ako natalo din kapagdaka. Haaay...ang tao nga naman. Pride goeth before the fall.

Eniwey, iyon nga ang ibig kong sabihin, kung ang edukasyon ay pantay, eh di dapat hindi na nangyari iyung insidente na iyon, at hindi na dapat nabuwisit sa akin ang tiyahin ko. Diyan ngayon pumapasok ang teknolohiya ng internet kasi sa pamamagitan ng online education, ay maaring maging pare-pareho ang turo sa lahat ng lugar sa mundo. Wala nang maiiwan, wala nang mahuhuli sa antas at dunong dahil iisa na lang ang panggalingan. Pero kailan pa? Hindi pa ngayong taon na ito, at hindi pa sa mga susunod na taon.

Masyado pang nagtatalo ang mga marurunong kung kailan nila gagawin ito. At sa ating bansa ay nagtatalo pa ang mga buwaya sa gobyerno kung paano nila pagkakakitaan pati ang edukasyon ng ating mga kababayan na hikahos. Sila ang totoong buwisit. Sila ang dapat na maturuan ng leksiyon.

WT3 - 002

Noong katapusan ng 2008 ay may pinuntahan ako na kasal na ginanap sa lugar ng Los Banos sa Laguna. Noong naandoon ako ay napansin ko na problemado pa din ang signal ng mga cellphone. Nakakatawang isipin dahil sa napakatagal na na mayroong mga cellphone sa ating bansa pero hanggang sa ngayon ay hindi pa din nasasakop ng signal ang lahat ng lugar.

Magaling sana kung medyo liblib ang lugar na pinuntahan ko eh, pero Los Banos ito, isang lugar na matagal nang dinadayo ng mga turista, at isang daang taon na itong sineserbisyuhan ang mga estudyante ng UPLB. Kung ganoon ay ano ang istorya kung bakit walang signal ang ibang mga network?

Siguro wala pa ang Bayantel doon kasi bago pa nga naman ang network nila na wireless. Siguro mahina ang SUN Cellular kasi nga naman medyo may kalayuan na siya sa malaking siyudad kung saan mas napapagigi ng SUN Cellular ang kanilang paglagay ng mga cell sites. Pero bakit sobrang hina ng GLOBE? Minsan nga ay parang sa mga piling lugar lamang may signal. Pati nga ang SMART ay ganoon din.

Hmmm. Hindi kaya dahil may mga pwersa na ayaw na maging maayos ang komunikasyon sa mga liblib na lugar. Siguro naman ay hindi na lingid sa inyo ang mga gawain ng CPP-NPA sa mga probinsiya, kung saan kapag hindi nagbigay ang mga kumpanya ng telekomunikasyon ng "revolutionary tax" o kikil ay kanilang walang pakundangan na papasabugin ang cell site.

Bakit kaya nila ginagawa ito ano? Kasi ang dalawang kailangan ng kahit na anong komunidad para ito ay umunlad ay ang transportasyon at ang komunikasyon. Kaya nga palagi na lang mga bus operators at kumpanya ng komunikasyon ang pinupuntirya ng mga lintik na iyan eh. Takot sila na umunlad ang mga bayan na kanilang ginagalawan.

Kasi kasama ng pag-unlad ay ang karunungan. At mga mang-mang lamang ang nagpapagamit sa mga ideyolohiyang baluktot. Hindi ko sinasabi na tuwid ang ibang mga sistema, pero ang paggamit ng dahas, pananakot, at ang pagpigil ng pag-unlad, iyan ang hindi ko gusto.

Kayo ba aking mga kaibigan na komunista ang tama? Ang inyong ideyolohiya ba ang tapat? Kayo nga ba ang tamang daan sa isang matiwasay na kinabukasan? Sige nga, pabayaan ninyo na magkaroon ng komunikasyon, teknolohiya at dunong ang inyong mga nasasakupan. Ayaw ninyo? Bakit? Takot ba kayo na malaman ng mga tao ang katotohanan? Sus!

WT3 - 001

Ang katotohanan po ay napakiharap nitong mga nakaraang taon mula ng matigil ang paglabas ng Walastech sa diyaryo. Kasi po ay hindi ko na po naabot ang mga mambabasa na nais ko na maabot. Hindi naman po kasi nakakapaginternet ang mga kababayan natin na mahihirap na siyang gusto ko na maturuan ng teknolohiya.

Iyan ang masaklap na katotohanan. Kaya po kung inyong napansin ay medyo wala na po akong ganang magsulat dito sa Walastech. Pati po ang aking mga kasamahan sa Team Walastech ay wala na din pong gana.

Pero paminsan-minsan ay may natatanggap po ako na text o kaya ay email mula sa mga mambabasa. Nabubuhayan po ako ng loob na baka sakali na mayroon nga na nagbabasa ng aking blog. At nabibigyan po ako ng kaunting saya at gana na ipagpatuloy itong aking ginagawa. Kahit na minsan ay parang napapagtawanan na ako ng ibang mga kolumnista ng teknolohiya sa ating bansa.

Kasi po mas madami ang nagbabasa sa kanila. Biro o pangugutya nila na "Sino naman ang magbabasa ng kolumn mo eh Filipino iyan? Medyo hindi konek diba? Makabagong teknolohiya at wikang Filipino?"

Kahit na anong inis o galit ang aking nararamdaman sa kanilang mga sinasabi ay kailangan kong tanggapin. Kasi nga naman, kahit masakit, ay iyon ang katotohanan. Noong tinanggal ang Walastech sa diyaryo, ang tinira sa walo na bagong kolumn kasama ang sa akin ay ang kolumn tungkol sa Feng Shui na hanggang ngayon ay naandoon pa din. Sino nga naman ako para kumalaban sa Feng Shui, isang teknolohiya at siyensiya na noong panahon pa ni Limahong ay nakatatag na? Geomancy ang tawag sa kanya ng mag banyaga sa Kanluran.

Kaya eto ako. Hindi naman sumusuko, andito pa din. Walastech pa din. Sana ngayong taon na ito, ang ika-apat na taon simula ng sinimulan ko ang Walastech, ay sipagin sana ako.

walastech II 006 - 081121 DESKTOP VIRTUALIZATION

May computer ba kayo sa bahay? Nagaagawan ba ang mga kasambahay sa nagiisang computer para sa paggawa ng mga project, pag surf sa internet at sa kung ano ano pa? Nagpapabili na ba ng sariling computer ang inyong anak sa inyo? Nasisiraan na ba kayo ng bait sa laki ng binabayaran sa kuryente dahil sa madaming computer sa bahay?

Maaring ang sagot sa inyong problema lalo na ngayong panahon ng krisis ay ang Desktop Virtualization ng NComputing. Ang NComputing ay isang kumpanya mula sa US na espesyalista sa pagtataguyod ng ganitong teknolohiya. Medyo nakakaisang milyong lang naman na silang instalasyong nitong nakaraan na dalawang taon. Ano ba ang Desktop Virtualization?

Sa pamamagitan ng pagkabit ng isang bagong card sa inyong computer, pagpasok ng vSpace Virtualization software at pagkabit ng mga ilang maliliit na NComputing access device ay maari nang magkabit ng dagdag na monitor, mouse at keyboard, pati na din headphones at micropono sa iisang computer. Mula dagdag na tatlo hanggang sampu pang computer sa gamit ng kanilang X-Series. At mula lima hanggang tatlumpu gamit ang kanilang L-Series na gumagamit ng LAN network o iyung tawag na Ethernet.

Lahat ng nakakabit na extrang ito ay ginagamit iyung iisang computer lang kung saan nakakabit iyung ibang mga access devices. Parang master computer baga. O sige, pero paano iyung dagdag na kuryente? One watt lang ang gamit nung mga access device. Kung ikukumpara, ang regular na computer ay gumagamit mula 60 hanggang 110 watts kada ora. Ito, isa--isang watt. Mas malakas pa ang gamit ng inyong cellphone pag nagchacharge. Ang L-Series ay mas malaki ang gamit, lima.

Sino na ang mga gumagamit ng NComputing dito sa Pinas? Gamit na siya ng AFP, ng PNP, ng Adamson, ng V. Luna at ng mga kumpanyang KFC at Perkins Elmer. Gaano naman kahirap ito ikabit? Madali, kung may alam ka sa computer, kabit lang ng bagong card, install ng software at kabit ng mga kabilya eh ready to fight ka na. Kung wala kang masyadong alam ay oks lang, kasi pag bumili ka ng kanilang kit, libre ang pagkabit pati na ang pag lagay ng mga kable.

Okay, siguro ang nasa isip na ninyo eh magkano. Ayon kay Manish Sharma, Bise Presidente ng NComputing para sa Asya Pasipiko ang kanilang presyo ay bumabagsak sa 7000 isang unit para sa X-Series, at 13500 isang unit para sa L-Series.

Mahal? isipin, magkano ang bagong CPU? Hmm? Ang dagdag na gastos kada isang unit ay isang monitor, isang keyboard at isang mouse. Kung hindi ka mapili eh mayroon na makukuhanan ng lahat ng iyan sa 2000. So papatak, 9000 kada bagong workstation. Sige...asa ka pa. Tandaan, isang watt lang ang gamit nito ha, hindi 110 watts. So pagdating ni Popoy Meralco, ang dagdag sa kuryente eh...sa pangmatagalan talo ka.

Ngayon, hindi naman lahat ay pwedeng gamitin sa solusyon ng NComputing. Obvious kasi naman na tatlo tatlo ang gumagamit sa iisang computer kaya hindi pwedeng maglaro ng mga 3D games sa computer, o kaya ay mag lay-out ng malalaking files o ano mang gawain tulad ng number crunching o compiling sa virtual network na ito, pero kung ang gagawin lang eh manonood ng video sa you tube, makikinig sa music, magsusulat ng project o anu mang gawain ng estudyante ay pwedeng pwede na ito bilang sagot sa pangangailangan ng maraming computer sa iisang bahay.

So paano mo sila mahahanap? Dito: NComputing

*******

Paano kaya nangyari iyon?

Ayon kay Manish Sharma, kahit na lumalakas ang mga computer sa nakaraang 20 taon ay hindi naman masyadong nagbago kasi ang paggamit ng mga tao sa kanilang mga computer. Agree ako.

Maliban na lang sa mga power gamers at sa mga ilang propesyonal na gumagamit ng computer para sa processing ng mga datos o sa mga gumagamit nito sa creatives tulad ng mga video at mga pictures na malalaki, at mga audio na high quality tulad ng mga recording companies, at kung anu-ano pang mga pili na trabaho, ang gamit pa din ng karamihan sa computer ay word processing, casual gaming, at kamakailan lang, internet access at, humihiram ng salita mula kay Ricky Banaag, President ng Intel Philippines, Content Consumption (YouTube po).

Dahil dito, at kung hindi kayo naniniwala sa akin, sige tingnan ninyo ang CPU isage ng computer ninyo habang gumagamit kayo ng internet o kahit na pag nanonood ng sine sa computer. Malaki ang hindi nagagamit. Sa pagkabit ng dagdag na virtual desktops magagamit ang nasasayang na processing power na ito. Nasasayang kasi nakatiwangwang lang iyan.

Naniniwala kami dito sa Walastech na sa pamamagitan ng ganitong mga teknolohiya ay maaring maabot ng ating bansa ang panaginip na magkaroon ng isang computer kada Pilipino. Imposible? Ginawa na ito ng Macedonia katulong ang NComputing. Nagawa nila na bigyan ng isang computer ang bawat isang estudyante sa bansa nila. Halos 200,000 computer.

*******