Ang katotohanan po ay napakiharap nitong mga nakaraang taon mula ng matigil ang paglabas ng Walastech sa diyaryo. Kasi po ay hindi ko na po naabot ang mga mambabasa na nais ko na maabot. Hindi naman po kasi nakakapaginternet ang mga kababayan natin na mahihirap na siyang gusto ko na maturuan ng teknolohiya.
Iyan ang masaklap na katotohanan. Kaya po kung inyong napansin ay medyo wala na po akong ganang magsulat dito sa Walastech. Pati po ang aking mga kasamahan sa Team Walastech ay wala na din pong gana.
Pero paminsan-minsan ay may natatanggap po ako na text o kaya ay email mula sa mga mambabasa. Nabubuhayan po ako ng loob na baka sakali na mayroon nga na nagbabasa ng aking blog. At nabibigyan po ako ng kaunting saya at gana na ipagpatuloy itong aking ginagawa. Kahit na minsan ay parang napapagtawanan na ako ng ibang mga kolumnista ng teknolohiya sa ating bansa.
Kasi po mas madami ang nagbabasa sa kanila. Biro o pangugutya nila na "Sino naman ang magbabasa ng kolumn mo eh Filipino iyan? Medyo hindi konek diba? Makabagong teknolohiya at wikang Filipino?"
Kahit na anong inis o galit ang aking nararamdaman sa kanilang mga sinasabi ay kailangan kong tanggapin. Kasi nga naman, kahit masakit, ay iyon ang katotohanan. Noong tinanggal ang Walastech sa diyaryo, ang tinira sa walo na bagong kolumn kasama ang sa akin ay ang kolumn tungkol sa Feng Shui na hanggang ngayon ay naandoon pa din. Sino nga naman ako para kumalaban sa Feng Shui, isang teknolohiya at siyensiya na noong panahon pa ni Limahong ay nakatatag na? Geomancy ang tawag sa kanya ng mag banyaga sa Kanluran.
Kaya eto ako. Hindi naman sumusuko, andito pa din. Walastech pa din. Sana ngayong taon na ito, ang ika-apat na taon simula ng sinimulan ko ang Walastech, ay sipagin sana ako.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment