May computer ba kayo sa bahay? Nagaagawan ba ang mga kasambahay sa nagiisang computer para sa paggawa ng mga project, pag surf sa internet at sa kung ano ano pa? Nagpapabili na ba ng sariling computer ang inyong anak sa inyo? Nasisiraan na ba kayo ng bait sa laki ng binabayaran sa kuryente dahil sa madaming computer sa bahay?
Maaring ang sagot sa inyong problema lalo na ngayong panahon ng krisis ay ang Desktop Virtualization ng NComputing. Ang NComputing ay isang kumpanya mula sa US na espesyalista sa pagtataguyod ng ganitong teknolohiya. Medyo nakakaisang milyong lang naman na silang instalasyong nitong nakaraan na dalawang taon. Ano ba ang Desktop Virtualization?
Sa pamamagitan ng pagkabit ng isang bagong card sa inyong computer, pagpasok ng vSpace Virtualization software at pagkabit ng mga ilang maliliit na NComputing access device ay maari nang magkabit ng dagdag na monitor, mouse at keyboard, pati na din headphones at micropono sa iisang computer. Mula dagdag na tatlo hanggang sampu pang computer sa gamit ng kanilang X-Series. At mula lima hanggang tatlumpu gamit ang kanilang L-Series na gumagamit ng LAN network o iyung tawag na Ethernet.
Lahat ng nakakabit na extrang ito ay ginagamit iyung iisang computer lang kung saan nakakabit iyung ibang mga access devices. Parang master computer baga. O sige, pero paano iyung dagdag na kuryente? One watt lang ang gamit nung mga access device. Kung ikukumpara, ang regular na computer ay gumagamit mula 60 hanggang 110 watts kada ora. Ito, isa--isang watt. Mas malakas pa ang gamit ng inyong cellphone pag nagchacharge. Ang L-Series ay mas malaki ang gamit, lima.
Sino na ang mga gumagamit ng NComputing dito sa Pinas? Gamit na siya ng AFP, ng PNP, ng Adamson, ng V. Luna at ng mga kumpanyang KFC at Perkins Elmer. Gaano naman kahirap ito ikabit? Madali, kung may alam ka sa computer, kabit lang ng bagong card, install ng software at kabit ng mga kabilya eh ready to fight ka na. Kung wala kang masyadong alam ay oks lang, kasi pag bumili ka ng kanilang kit, libre ang pagkabit pati na ang pag lagay ng mga kable.
Okay, siguro ang nasa isip na ninyo eh magkano. Ayon kay Manish Sharma, Bise Presidente ng NComputing para sa Asya Pasipiko ang kanilang presyo ay bumabagsak sa 7000 isang unit para sa X-Series, at 13500 isang unit para sa L-Series.
Mahal? isipin, magkano ang bagong CPU? Hmm? Ang dagdag na gastos kada isang unit ay isang monitor, isang keyboard at isang mouse. Kung hindi ka mapili eh mayroon na makukuhanan ng lahat ng iyan sa 2000. So papatak, 9000 kada bagong workstation. Sige...asa ka pa. Tandaan, isang watt lang ang gamit nito ha, hindi 110 watts. So pagdating ni Popoy Meralco, ang dagdag sa kuryente eh...sa pangmatagalan talo ka.
Ngayon, hindi naman lahat ay pwedeng gamitin sa solusyon ng NComputing. Obvious kasi naman na tatlo tatlo ang gumagamit sa iisang computer kaya hindi pwedeng maglaro ng mga 3D games sa computer, o kaya ay mag lay-out ng malalaking files o ano mang gawain tulad ng number crunching o compiling sa virtual network na ito, pero kung ang gagawin lang eh manonood ng video sa you tube, makikinig sa music, magsusulat ng project o anu mang gawain ng estudyante ay pwedeng pwede na ito bilang sagot sa pangangailangan ng maraming computer sa iisang bahay.
So paano mo sila mahahanap? Dito: NComputing
*******
Paano kaya nangyari iyon?
Ayon kay Manish Sharma, kahit na lumalakas ang mga computer sa nakaraang 20 taon ay hindi naman masyadong nagbago kasi ang paggamit ng mga tao sa kanilang mga computer. Agree ako.
Maliban na lang sa mga power gamers at sa mga ilang propesyonal na gumagamit ng computer para sa processing ng mga datos o sa mga gumagamit nito sa creatives tulad ng mga video at mga pictures na malalaki, at mga audio na high quality tulad ng mga recording companies, at kung anu-ano pang mga pili na trabaho, ang gamit pa din ng karamihan sa computer ay word processing, casual gaming, at kamakailan lang, internet access at, humihiram ng salita mula kay Ricky Banaag, President ng Intel Philippines, Content Consumption (YouTube po).
Dahil dito, at kung hindi kayo naniniwala sa akin, sige tingnan ninyo ang CPU isage ng computer ninyo habang gumagamit kayo ng internet o kahit na pag nanonood ng sine sa computer. Malaki ang hindi nagagamit. Sa pagkabit ng dagdag na virtual desktops magagamit ang nasasayang na processing power na ito. Nasasayang kasi nakatiwangwang lang iyan.
Naniniwala kami dito sa Walastech na sa pamamagitan ng ganitong mga teknolohiya ay maaring maabot ng ating bansa ang panaginip na magkaroon ng isang computer kada Pilipino. Imposible? Ginawa na ito ng Macedonia katulong ang NComputing. Nagawa nila na bigyan ng isang computer ang bawat isang estudyante sa bansa nila. Halos 200,000 computer.
*******
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment