ANG TAMANG CELLPHONE PARA SA IYO Ni Relly Carpio
Kung magaling kang mamimili ay mahahanap mo ang bagay na kailangan mo sa presyong olrayt! Pero hindi dapat manlamang o daanin sa pagnanakaw para makamit ang kahit anong bagay. Lalo na sa cellphones.
Hindi naman sinasadya na mayroong mga gamit na makukuha ng mas mura o mas mahal. Ganoon lang talaga ang komersiyo. Dahil sa sitwasyon ng kalakalan ng cellphone ngayon ay ang mga mamimili ang siyang mga makikinabang kasi pamurahan pero may halaga (value for money) ang usapan.
Sa mga bibili ng bagong cellphone, dapat nyong tandaan na may mga tinatawag na kategorya ng mga cellphone. Pinakamura ang entry level phones (mula PhP2,500.00) at ang pinakamahal ay ang executive level (hanggang PhP54,000.00). Hanapin ang cellphone na ayon sa inyong budget at pangangailangan para hindi mawaldas ang inyong salapi.
Kinakategorya ko sa tatlong klase ang mga mamimili ng cellphone. Una ay ang mga practical (mura at umaandar), sunod ay ang mga fashionista (pinakabago at pinakauso), at ang mga makatech tulad ko na ang binibili ay iyung eksaktong kailangan nila. Aminado ako na may mga kilala akong mga makatech na inuuna ang uso (mga fashionistang makatech!) pero mas madalas ang kinukuha nga mga makatech ay iyon lamang na kailangan at mapapagkatiwalaan.
Kung masyado kang practical at ang kinuha mong cellphone ay iyung basta umaandar lang eh baka kung kailan kailangan mo iyan ay tsaka ka ipalya. Ang mga reconditioned at "GSM" (Galing Sa Magnanakaw) na cellphone ay hindi dapat basta pagkatiwalaan.
Sa kabilang dulo ay gaanong kadami diyan ang may pinakabagong cellphone pero di pa rin marunong gumamit ng MMS, GPRS Internet, o Bluetooth? Bumili ka ng cellphone na nagkakahalaga ng halos 20 mil tapos ay pang text at tawag mo lang? Ganoon bang ka importante porma?
Sige aminin na natin na maganda ang mga magarang cellphone. Pero mas gugustuhin ko na magkaroon ng magkahiwalay na magaling na cellphone, magaling na camera, at magaling na music player; kaysa may isang gadget na medyo cellphone, medyo camera, at medyo music player. Payo lang po, maging makatech na mamimili, at magikot din at humanap ng pinakamura na cellphone bago kumuha.
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com . Basahin online sa http://walastech.blogspot.com/