MALILIIT NA PROBLEMA NA LUMALAKI Ni Relly Carpio
Alam nyo ba na kapag nasira ang inyong cellphone ay maari ninyong ipaayos ito ng libre sa pamamagitan ng warranty? At habang inaayos nila ang inyong cellphone ay maari kayong humiram ng isang service unit cellphone? At kapag sinuwerte ka ay mas maganda kaysa sa iyong cellphone na pinaaayos ang inyong mahihiram? Iyan ang nagagawa ng warranty.
Pero huwag nyo naman hilingin na masira ang cellphone ninyo para makahiram lang ng elite service unit! Dapat alagaan ang inyong cellphone! Ang cellphone, tulad ng ibang mga kagamitan ay nasisira sa gamit habang tumatagal. At tulad ng ibang mga gamit na inyong binili, ito ay dapat pangaingatan, lalo sa panahon na ito na hindi biro ang pera.
Kada bili ninyo ng cellphone ay mayroon itong kasama na resibo at siyempre, ang warranty card. Itabi ang resibo dahil ito ang pinakalegal na documento na inyong panghahawakan na may binili kayo na cellphone sa legal na pamilihan. Ang warranty card ay punuan sa madaling panahon at ipadala sa distributor o kaya ay sa manufacturer. Minsan, kapag tinamad kayo, ay maari nang maging ebidensiya na within warranty period o nasa loob pa ng warranty period ang inyong binili.
Ano nga ba ang warranty? Ang warranty card ay isang maliit na piraso ng karton na siyang inyong pupunuan ng inyong mga datos na siyang ibibigay sa local distributor at manufacturers ng cellphone para malaman nila na bumili ka ng isang cellphone nila. Dahil sa mga batas tungkol sa mga pagbebenta ng mga electronic na kagamitan dito sa Pilipinas ay kailangan nilang magbigay ng warranty period o panahon na maari pang pwedeng papalitan o ibalik ng mamimili ang kanilang binili na gamit. May mga establisiyamento na nagbebenta ng cellphone na makatapos ninyong magkaliwaan ay hihingin na nila ang inyong warranty card para mapadala na nila sa manufacturer.
At dapat naman na makatapos ninyong bilhin ang cellphone ay buksan na ninyo ito para matesting, baka kung kailan kaya makauwi eh tsaka nyo pa malaman na may sablay pala ang nabili ninyo. Mas maganda na naanduon pa kayo diba? Also, obserbahan ang cellphone na bago, kapag mayroon kayong napapansin na hindi ninyo gusto ay magtanong agad sa service center kung normal iyon. May kakilala ako na anim na buwan nagtiis sa malabong LCD ng cellphone ampala ay may depekto ang kanyang nabili. Ambobo! Hahahaha!
Ang warranty lang ang pinanghahawakan ng distributor at ng manufacturers, ang warranty at mga original parts. Kada cellphone na bibibili mula sa authorized na distributor ay may 6 months pataas na warranty. Ang mga iba ay may mas matatagal pa na warranty sa ilang models nila. Pero madalas sa hindi ay isang taon. Importante na kada bili nyo ng cellphone ay inyong ipadala agad ang warranty card sa distributor.
Madalas ay inaabot ng mula isang araw hanggang dalawang linggo ang pagpapaayos ng cellphone. Pero hindi mo makukuha ang libreng serbisyo na ito kapag hindi mo inasikaso ang warranty card ng cellphone mo.
~0~0~0~0~0~0~0~
Q: Gud PM pwede po bang maibalik sa dati ang signal ang 3210 ko kasi one bar nalang ang signal ngayon, pero dati full bar siya. kaya gumagaralgal ang voice call at mahina ang tunog.
Tatlong bagay lang iyan. Una, sira na ang iyong antenna module; ikalawa, mahina na at kailangang palitan ang inyong baterya, at ikatlo, ang cellsite na malapit sa inyo ay naharangan o kaya ay nilipat. Dahil mas malabo itong ikatlo ay dalhin ang inyong cellphone sa isang authorized service center para matingnan.
Q: Wat ang dapat kong gawin sa new cell ko. Kasi hindi makasend ng text at call. Padala galing abroad, tnx u very!
Iyan ang madalas na nagiging problema dito sa atin, madaming nagpapadala ng cellphone mula sa ibang bansa para dito gamitin. Ngunit, ang mga cellphone na napapadala ay minsan locked sa isang network provider sa bansa na iyon. Doon nagsisimula ang problema dahil kailangang magpa-open line pa ang napadalan ng cellphone. Iyon na lang ang maari mong gawin, dalhin sa isang authorized service center para ma-setup para dito sa Pinas.
Q: Tanong ko po kasi ang cellphone ko kung may tawag ako at apat ang bar ng battery bakit bigla nag one bar kaagad, o pag dalawang bar at may tawag namamatay kaagad ang cell ko.
Ang baterya ng cellphone ay mayroon lamang anim na buwan na effective life use. Ganoong katagal lang ang warranty nila dahil makatapos ng anim na buwan ay liliit na ang tagal at laki ng kapasidad nito. Baka kailangan mo nang magpalit ng baterya. Patingnan sa authorized service center ang cellphone. Baka din dahil grounded ang battery connectors at nakakasira ng baterya. Dapat mong malaman na ang baterya ng cellphone ay naglalaman lamang ng bilang na oras ng buhay. Kada beses na ito ay iyung pailawin patunugin o magvibrate ay mababawasan ito ng isang minuto ng standby kung tawagin. Kada minutong tawag ay mawawalan ka ng isang oras na standby. Kaya kung ikaw ay text ng text o madalas tumawag ay huwag ka ng umasa ng matagalang oras ng standby.
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue. -014-