HIYA AT YABANG Ni Relly Carpio
Naiintindihan ng Team WALASTECH kung gaanong kahirap na matuto ng mga bagong bagay. Madalas kasi ay nauuna ang hiya at yabang. Hiya dahil ayaw mong umamin na mangmang ka sa makabagong teknolohiya. Yabang dahil gusto mong magmukhang marunong kahit hindi mo naman alam.
Natutunan ko ito dati ng ako ay sinabihan ng isang kaibigan na sobra akong magmarunong sa computers. Nang ako ay magmarunong na kaya kong sagutin kahit anong tanong tungkol sa computer ay may tinanong siya sa akin na sobrang simple pero hindi ko masagot. Hanggang ngayon, hindi ko alam kung ano sagot sa tanong na iyon, pero ang aral ng pangyayaring iyon ay nakatatak sa aking pagiisip hanggang sa ngayon.
"Oh eh anong kadramahan naman ito?" Ika nyo. Simple lang: Minsan matagal ang sagot namin sa inyo dahil maski kami ay hindi namin alam ang sagot. Hinahanap pa namin ang tamang sagot sa inyong katanungan. Hindi kasi kami pwedeng mahiya at hindi kayo sagutin, o magyabang at magkunwari, dahil ang aming ginagawa ay isang serbisyo sa inyo aming mga mambabasa at hindi namin pwedeng isantabi ang inyong pagtitiwala. Kaya sa mga naiinip sa aming mga kasagutan sa inyong tanong, muli, kaunting pasensiya.
-0-0-0-0-0-0-0-
TANONG: Ask ko lang kung ano problem ng PC ko kasi laging naghahang. Im in a middle of something tapos biglang magrereset, winXP ang OS ko, 160 MB RAM.
SAGOT: Marami pong maaring dahilan kung bakit naghahang at negrereset ang isang computer. isa na diyan ay baka ang OS ninyo na ininstall ay kulang sa tinatawag na security and version upgrades. Magconnect po kayo sa internet at idownload itong mga ito. Pwede rin po na masyadong mababa ang inyong RAM. Mas maganda kung nasa 256 Megabytes na RAM na kayo kapag naka Windows XP kayo. O kaya ay masyadong mababa ang clock speed ng inyong processor. marami po talagang mga rason kung bakit magkakaganyan ang inyong computer. Ang pinakamaganda ay kung nasa warranty pa iyan ay tumawag kayo sa inyong pinagbilhan at iparepair, kung wala naman ay maghanap na ng mapapagkatiwalaan na technician at patingnan ang inyong unit.
TANONG: Ako po si louie tatanong ko lang kung paano ipablock yung phone ko 7610 poh yung fone ko naholdap po kasi ako...
SAGOT: Tatlo pong bagay ang kailangan ninyo: ang IMEI number ng inyong phone, ang resibo na nagpapatunay na kayo ang bumili ng phone, at isang pulis report na may kaakibat na notarized notice of loss through theft ang inyong cellphone. Dalhin po ito sa quick action center ng National Telecommunications Commission sa NTC Bldg., BIR Road, East Triangle, Diliman, Quezon City. Maari niyo po silang tawagan sa 9267722 o i-email sa ntc@ntc.gov.ph para sa karagdagang kaalaman.
Kapag napatunayan nila na kayo po talaga ang mayari ng cellphone ay kanila pong ipapablock ang IMEI number nito at hindi na ito magagamit uli. Pero tulad ng sabi namin ay may merong mga asoge diyan na nagpapalit ng IMEI number ng mga nakaw na cellphone. Tubuan sana sila ng kulugo sa ano...
TANONG: Pwede ko ba pa-upgrade ung KB or kilobytes ng cell unit ko kasi masyado na po siyang mababa built in cam po kasi siya. Thanks.
SAGOT: May nakapagsabi sa akin na may mga technician na ginagawa iyan, pero sa aking tingin ay ito ay delikado dahil hindi naman dinesign ang cellphone na inyong binili para gumamit ng ganoong kalaking memory, di lamang sinisira ng upgrade na ito ang warranty ng inyong cellphone pero maari din itong maging sanhi ng pagkasira ng inyong cellphone mismo.
Ang pinakamagandang solusyon dito ay ipatransfer na lang ang pictures mula sa inyong cellphone via infrared o bluetooth sa computer. May mga nabibiling external infrared interface para sa mga computer na may kasama nang software, nang sa gayon ay hindi na magiging issue ang maliit na memory ng inyong cell. Magtanong lamang sa mga mapapagkatiwalaang computer shop.
TANONG: Paano po makakabili ng 2 SIM card na pareho number niya? At kung may text message pareho sila tanggap. Thanks.
SAGOT: Wala pong ganoon dahil mula ng magkaroon ng GSM network dito sa Pilipinas ay nasugpo na ang cloning na siyang naging problema ng sinaunang cellphone system sa ating bansa. Hindi po legal ang magkaroon ng clone SIM. At iyung may mga back-up SIM tulad ng sa mga premium accounts ng mga network providers ay isang SIM lang ang maaring gamitin sa anumang oras.
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.
-043-