February 15, 2006
walastech 072- 051126 ang suggestion ni KJ
Ang suggestion ni KJ
Ni Relly Carpio
"Suggestion lang po, bakit di po kayo magdiscuss tungkol sa internet,
mga latest online community website. Ano meron sa friendster bakit
click ito sa pinoy! Thanks This is KJ from Dasma, Cav."
Okay, fine, whatever. Joke! Alam niyo kasi itong si KJ ang hula ko eh
wired itong bata na ito eh. Wired meaning nakaconnect ito sa internet,
isa sa halos 8 milyong Pilipinong marunong maginternet at gumamit ng
computer. Maaring isa rin siya sa 2 milyong Pilipinong may internet
connection sa bahay.
Ngayon, dahil sa wired siya, sa tagalog: naka-alambre (kewl diba?),
nakita na ni KJ ang gusto kong maranasan ng lahat ng ating mga
kababayan. Ang magkaroon ng access sa internet para kanila ding
magamit ang lahat ng karunungan na maaring makuha mula sa internet.
Isa lamang aspeto ng internet ang sinasabi ni KJ na mga internet
groups.
Pero dahil iyon ang hiningi mo KJ, pagbibigyan ka ng Team WALASTECH.
Ang sinasabi ni KJ na "Friendster" ay isang napakasikat na online
community na makikita sa internet address na www.friendster.com at
isang free site. Free site kasi walang bayad para pasukin ang website
na ito at gamitin ang kanyang mga features o serbisyo. Ang friendster
ay sumikat dahil dumami ang mga gumamit nito na pinoy. At ng kumalat
sa Philippine Internet community na lahat halos ay kumukuha ng
friendster, naging uso na mayroon kang friendster account. Pero
kapagdaka, ang pagiging uso ay naging essential o kailangan. Dahil sa
dami ng mga miyembro na pinoy, naging napakadali niyang paraan para
hanapin ang mga nawawalang mga kaibigan, kaklase dati sa iskwela, at
para makapagpalit ng mga picture ng mga kamaganak na nasa ibang bansa.
Mula dito ay may ibang mga online community websites ang siya ring
nagpumilit na makuha ang attensiyon ng mga Pinoy Netizens (Netizen =
citizen ng internet) pero sabi nga nila, iba na ang nakauna. Ngayon ay
di lamang Friendster ang siyang nakikinabang sa napakanatural na
gawain ng pinoy na magbarkada kahit nasaan sila. Pati na rin ang
Yahoo!, ang isa sa pinakamalaking free mail at search engine companies
sa mundo ay nakakuha ng malaking Pinoy netizen share. Marami sa atin
ay may mga Yahoo! Accounts at tahasang ginagamit ang Yahoo! Groups na
internet mailing list naman ng Yahoo!. Kasama na siyempre ang walang
kamatayang Yahoo! Messenger na maaring pasukin gamit ang cellphone na
mas kinalolokohan ng Pinoy.
Sa pamamagitan ng internet at ng mga online communities na ito ay may
nabuo na isang bagong klaseng barangay ng mga Pilipino. Siguro ang
pinakamagandang tawag dito ay ang Netizen Barangay na ikaw KJ, ay
isang miyembro. Nawa'y makuha mo na turuan ang mga ibang mga kababayan
natin tungkol sa Internet para lumawig ang ating online Barangay.
-0-0-0-0-0-0-0-
TANONG: Mr. Carpio nais ko po sana itanong paano po ba malalaman na
ang nabili na cell phone ay reconditioned. Ano po ba ang sign nito?
Para maging maingat po ako. Salamat.
SAGOT: Magaling din kasi ang mga nagre-recondition ng mga cellphone
eh. Maliban na lang kung sabihin nila sa pagbenta na ito ay
refurbished ay halos hindi mo malalaman na ito nga ay hindi na
brandnew. Siguro ang pinakamadali ay tingnan mo ang kahon. Kung medyo
hindi ganoong kapulido ang pagkakagawa, pati iyung pagprint ng manual
ay maaring ito ay refurbished na cellphone. Madalas kasi ay ang
pinagtutuunan nila ng pansin ay ang cellphone at hindi ang kahon. Pero
ang pinakamadaling paraan para makasiguro ay huwag na lamang bumili sa
mga nagbebenta na medyo kaduda-duda. Bumili sa mga stall sa mga mall o
sa mga authorized dealers mismo. Kung talagang gusto mong makasiguro
ay sa shop ng manufacturer ka mismo bumili. Good luck.
TANONG: Congrats!!! You win 500 load from SMART Type 0921******* and
send to 808 so you can claim you 500 load now thank you! SMART ZED
1515# DTI# 354256. Fake po ba ito? Salamat.
SAGOT: Hindi ko na po pinakita iyung number na pinadala ninyo, pero
peke po ito. Sa mga nag pa-pasaload kita mo na agad kung ano gustong
mangyari ng asoge na nagpadala sa inyo. Sa pagkakaalam ko ay medyo
palyado ang format ng text na ito, pero kung tama ang pinadala niya ay
sa pagreply mo para sa premyo mo ay ang load mo ay malilipat sa
kaniya. Ang sabi ng SMART ay "Kung wala kang sinalihan, paano ka
mananalo." Mag-ingat sa mga text na ganito at sa mga tao na
nagpapadala ng mga text na ganito. Tandaan na ayon sa batas ay kung
ikaw ay manalo sa isang general contest ay dapat na padalhan ka ng
telegrama na nagsasaad na nanalo ka; at sa isang official satellite
office ng kumpanya na nagpa-contest ka lang maaring abutan ng iyong
premyo. Kung ang mga ito ay hindi nasunod, malaki ang pagkakataon na
manloloko ang mga iyan. Ipapulis nyo!
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones,
Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa
http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.
-072- 051126-
February 12, 2006
walastech 071 - 051124 BATTERY O BUHAY?
WALASTECH 071 - 051124 BATTERY O BUHAY? Ni Relly Carpio
Hindi magandang gawain ang magtipid sa pamamagitan ng pagbili ng mga mumurahing mga kagamitan. Dapat isipin ng isang mamimili ang quality o kalidad ng isang produkto bago niya ito bilhin. Isang magandang halimbawa ang napagusapan namin ng bayaw ko kaninang almusal.
Ang sabi niya ay may nakita siya sa bangketa na nagbebenta ng mga battery na gawa sa china. 100 para sa 50 pesos. Ang tanong ko sa kanya: "Eh kuya, gaanong katagal naman ang charge ng bawat batterya?"
Sabi niya na siyempre sandali lamang, pero kahit na, nakamura ka naman diba? Napailing na lamang ako. Naaalala ko kasi noon na napilitan akong gumamit ng ganoong batterya. Ang nangyari? Pumutok iyung batterya sa loob nung flashlight na gamit ko. Ang laman ng mga battery ay mga chemical na nakakalason, kaya napilitan tuloy ako na itapon na lamang sa maayos na paraan ang flashlight...hindi ko na siya malinis dahil nilusaw na ng mga asido iyung mga plastic sa loob. Dahil nagtipid ako sa battery ay lalo pang napalaki ang gastos ko.
Mula noon ay hindi na ako gumamit ng mga ganoong batterya. Sana sa aking kuwento ay may matutunan din kayo, at nawa'y hindi mangyari sa inyo ang sinapit ko. Ang pagtitipid ay dapat ding ilagay sa lugar, at huwag na huwag sa mga importanteng elektronikong kagamitan at gadgets.
-0-0-0-0-0-0-0-
TANONG: Hello po! Tanong ko lang kung makakasira ba ng cellphone yung charge ng charge kasi ako po isang araw china-charge ko po kinabukasan lowbat na at tanong ko lang kung may alam kayong bilihan ng headset na para sa model na ito: MOTOROLA C651.
SAGOT: Hindi po problema kung palaging china-charge ang battery ng cellphone. Nasa gamit po kasi ng cellphone iyan. Kung palaging gamit ang isang cellphone ay natural lang na maubos agad ang charge nito, lalo na kung gagamitin sa pag-uusap. Ang battery time kasi ng isang cellphone ay nasa mga 255 hours kapag bago. Ito ay nababawasan ng isang minuto kada ilaw o tunog o vibrate ng cellphone at nababawasan ng isang oras kada minuto ng tawag, hanggang sa maubos ang oras na ito. Ito ang tinatawag na standby time ng isang cellphone. Kung iyong gamit ang iyong cell sa games o kaya sa unlimited calls, umasa ka na sa dalawang oras lang na pag-uusap sa telepono ay low batt ka na.
Habang tumatagal ay lumiliit ang standby time ng battery ng cellphone hanggang sa sobrang kaunti na lamang ng standby time nito na halos walang silbi na ang battery. Ang tawag dito ay battery deterioration. Nagsisimula ito nasa anim na buwan makatapos unang gamitin ang isang battery.
Ang headset na hanap mo ay matatagpuan sa mga MOTOROLA shops sa mga mall, tulad nung nasa digital Exchange sa Glorietta 3 sa Makati. Kung wala sila ay maari mo itong ipaorder sa kanila.
TANONG: Good PM po! Masisira po ba ang cellphone pag chinarge ng magdamag? Sasabog po ba ang battery?
SAGOT: Bawat makabagong battery na rechargable at ang mga charger mismo ng batteries ay may capacitor at circuit break kung sakaling tumaas na masyado ang voltage ng charge o kaya ay mag-overheat ang battery. Ito ay kung ang inyong charger ay iyung original o kaya ay iyung maasahan ang brand. Kung hindi, baka magkasunog kayo ng di oras.
Dapat at pwedeng iwanan ang charger kahit na ilang araw, dahil mayroong controller chip naman ang mga chargers na siyang naghahandle ng trickle charge o iyung charge na maliit na siyang nagme-maintain ng full charge sa isang battery. Kapag ito ay may sira o nasira, diyan nagsisimula ang mga short circuit na maaring maglead sa pagsabog ng battery o ng pagkalusaw nito.
Para makasigurado ay magandang ang bilhin lamang na batteries at chargers ay mga originals o kaya ay gawa ng mga known manufacturers na mapapagkatiwalaan. Paano niyo malalaman na mapapagkatiwalaan? May warranty ang mga ito at mabibili sa mga stalls ang shops ng authorized dealers and distributors.
Magandang naitanong ito ng ating reader dahil hindi malimit na ang isang defective battery ang nagiging rason para magkaroon ng sunog o disgrasya sa isang pamamahay. Ano ngayon sabi ninyo basta nakatipid? Ano mas mahal? Original battery o ang magpagawa ng nasunog na bahay? O mas masaklap...ang nakitil na buhay?
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.
-071 - 051124-
WALASTECH 070 - 051122 MGA MAGITING NA TECHGURO
WALASTECH 070 - 051122 MGA MAGITING NA TECHGURO Ni Relly Carpio
Congratulations sa mga nagawaran ng Philippine Innovative Teachers Leadership Awards ng Microsoft, Partners in Learning, at ng DepEd. Ito ay sina: Christie Anne Dagamac mula sa Ipil NHS Ormoc City, Region 8; Ma. Cecila T. Correa ng Manila Science HS; Cecilia M. Estoque mula sa Agusan NHS, Butuan, Caraga; Francisco S. Garcia ng Manila Science HS; at si Evelyn R. Manahan mula sa City East HS, Sta. Filomena, Iligan City, Region 10. Mabuhay kayo mga magiting na guro!
Sila ay nakalap mula sa 138 na teachers na sumali mula sa lahat ng sulok ng bansa. Mga teachers na gumagamit ng Information and Communications Technology sa pagtuturo. Ang winners ay pinili mula sa top 25 na nag-participate sa isang four-day teambuilding and immersion workshop sa Antipolo City at Marikina City.
Ang 25 na ito ay nakatanggap din ng scholarship grant para sa online Masteral Program on Education Technology sa Philippine Normal University at sa Cebu Normal University at ng Learn.Ph Foundation.
Ang lima ay pupunta sa Seoul, South Korea para ilaban ang kanilang mga award winning na paraan ng pagtuturo sa ibang mga guro sa Asya na siya ring ginawaran ng Microsoft sa Innovative Teachers Regional Conference. Ito ang ikalawang beses na ginawa ito ng Microsoft dito sa Pilipinas. Ang naunang ITLA batch ay gagraduweyt na sa Summer 2006.
-0-0-0-0-0-0-0-
TANONG: Pinutulan daw ako ng linya ng SMART at GLOBE posible po ba yun?
SAGOT: Oo, kung hindi ka nagbabayad ng bills mo kung ikaw ay nakapost-paid o kaya ay lumampas ka ng dalawang buwan na hindi nagloload sa iyong zero-balance na prepaid SIM, o kaya ay may nagcomplain sa iyo sa NTC at ikaw ay pinutulan ng service dahil iyong ginamit sa illegal activity ang iyong cell at ito ay napatunayan.
TANONG: Good Evening, isa po ako sa tagasubaybay ng column niyo sa PM dito sa Aklan. Tanong ko lang po kung ano sira ng cellphone ko, may lumalabas po kasing contact service pag binuksan ko at naka hang lang siya?
SAGOT: Kaya lumalabas ang contact service dahil maluwag na ang pagkakadikit ng SIM mo sa contacts nito sa loob ng cellphone, pwede rin na damaged na ang SIM mo kaya hindi na ito gumagana. Maari din na ang cellphone mo na mismo ang may problema dahil sabi mo nga ay naghahang ito. Alam kong nasa Aklan ka at medyo mahirap maghanap pero, kung kaya mo ay dalhin mo na sa authorized service center ang cellphone mo o kaya ay sa iyong trusted technician.
TANONG: Hello Good AM, NOKIA 3530 po ang unit ko, tanong ko lang po nawala ang signal ko sa TNT at GLOBE pero sa SUN Cellular malakas ang signal ang sabi po ng manggawa...
SAGOT: Naputol ang text mo eh, so huwag na nating isipin kung ano pa sinabi nung gumagawa. Assuming na lang na open line ang cell mo dahil more than one network provider ang siyang kayang i-detect ng iyong cellphone, maari na nablock ang IMEI mo sa network, pero dahil malabo iyon, mas malaking tsansa na nagkatama lang ang pagka-open line ng cell mo. Meaning dapat siguro ay ipa-openline mo na lang uli ang cell mo. Mahirap malaman kung paano nangyari iyan, pero nangyari, maaring sa antenna, sa software, sa firmware, pero ayan na eh diba? Paayos mo na lang sa iyong manggawa...alam naman niya iyong problema eh.
TANONG: Good AM. Ask ko lang po sana, me unit po ako ng 3210, chinarge ko po battery tapos binuksan ko kaninang AM ok naman po. After one hour nawala po display sa LCD, kala ko po maluwag lang diniinan ko pa po LCD, wala po talaga lumabas, ano po kaya problema nito? Thanks - Phet
SAGOT: Marami po ang maaring problema ng iyong cellphone. Isa na diyan ay sira na ang iyong LCD. Parang bombilya din kasi iyan na kapagdaka ay lumalabo hanggang masira na siya. Pero dapat intindihin na talagang ganiyan ang mga cellphone, makatapos ang warranty ay dahan dahan nang masisira ang mga parts niyan hanggang hindi na siya gumana. Lahat ng electronic devices ay ganyan. Maliban na lang kung alam mo ang ginagawa mo ay hindi po maganda na diinan ang LCD kung ito ay magluko, isang maling kibit diyan eh basag iyan. Patingnan niyo na lang po sa inyong trusted technician ang inyong cellphone. Lumang model na rin po kasi iyan eh.
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.
-070-051122-
WALASTECH 069 - 051119 - BAGONG IPOD VIDEO
WALASTECH 069 - 051119 - BAGONG IPOD VIDEO Ni Relly Carpio
Sa TECHNEWS: Nirelease ng Apple ang bago nilang Video iPod kamakailan. Ito ay ang Fifth Generation na iPod at ito ay di lamang nagpapatugtog ng MP3, pero ito ay pwedeng magpakita ng video, oo video, malinaw na video sa screen nito na 2.5 inches ang laki.
Pwede kang manood ng video dito mula MTV hanggang sa mga sine. Dapat isipin na ang iPod na ito ay halos kasing laki lang ng isang maliit na pakete ng Skyflakes. Pero kaya nitong magpalabas ng aabot sa 150 hours ng video (oo lampas anim na araw na diretsong panonood). Kala mo hightech ka na dahil mayroon kang 15 inch TV? Think again.
Sinasabing ito na ang siyang magiging pinakapopular na portable video player. Kasi kung titingnan mo ang mga portable video player sa market ay ang lalaki ng mga ito, talagang hindi maaring pantayan ang liit ng Video iPod. At sa data capacity niya ay hindi rin ito naman it maaring maliitin. May dalawang model na available sa dalawang kulay (black and white). Ang 30 GigaByte model (kasya 15,000 songs, o 25,000 photos, o 150 hours na video) na mabibili sa PhP20,990, oo tama basa ninyo, hindi nila pinalitan ang presyo mula sa fourth generation pero may video na. May 60 GB din na PhP26,990 lang.
Kasabay ng mga ito ay ni-launch din nila ang kanilang mga mas pinagandang mga PowerBook laptops (12-inch, 15- inch, at 17-inch) at ang mga bagong iMac G5 home desktop computer na may bagong multimedia manager na tinatawag nilang Front Row. Muli na namang pinalawig ng Apple ang boundary ng technology sa kanilang imbensiyon na ito.
-0-0-0-0-0-0-0-
TANONG: Bakit hindi matanggal "you have active divert" sa screen ng cell ko pag may tinatawagan ako kahit na in-off ko na yung pagkadivert ko di pa rin matanggal papaano po ba ito matatanggal?
SAGOT: Sa network po kasi nakadepend ang divert nyo. Baka dapat ay iyong icheck muna sa network kung naka activate pa rin ang inyong divert. Pwede rin na sinasabi lang ng cellphone mo na naka active pa iyan pero sa network ay disabled na siya. Hindi naman malaking issue kung nakadivert ang cell mo dahil maari mo namang i assign kung anong number ang pupuntahan ng divert diba? Eh di gawin mong blank para walang problema.
TANONG: Good day po. Ask ko how to activate and to set my Motorola C651. Thanks in advance!
SAGOT: Actually out of the box ay pwede na iyang cellphone mo, lagay mo lang ang iyong SIM ay oks ka na. siyempre, sa kahit na anong cellphone, maganda na basahin mo ang iyong manual habang iyong china-charge ang iyong cellphone for the first time. Dito mo kasi malalamana ang iba pang mga functions ng iyong cell. Ngayon, kung ang ibig sabihin mo naman ay ang activation ng GPRS at MMS sa iyong cell, maganda na dalhin mo na lang sa customer service center ng iyong network provider o ng manufacturer (Motorola) at sa kanila ipa set-up ito. Siguraduhin na may minimum load ang iyong cell phone bago magpasetup.
TANONG: Good AM po, 3350 ang unit ko, ano ang benefit na dulot pag inactivate ang GPRS/MMS po? Ty.
SAGOT: Okay, sa gamit ng GPRS ay maari kang magcheck ng WAP internet sa iyong cellphone, at sa mga wapsite na ito ay maari kang magdownload ng content tulad ng tones, games, pictures, etc. At sa gamit ng MMS ay maari mo itong mapadala sa mmga kaibigan mo na may MMS din na nakaactivate. Iyon nga lang medyo may gastos na kapalit. Pero sayang naman ang cellphone mo kung hindi mo imamaximize ang functions niya, dapat nag cellphone ka na lang na walang GPRS at MMS.
TANONG: Paano po bang magtrace ng number. Ang iba gamit lang ang cellphone.
SAGOT: Medyo malabo tanong mo eh, paanong i trace? kasi kung hindi dineactivate ng caller ang give call ID function ay hindi mo makikita ang number ng tumatawag. Pero ang default ay naka-on ito, kaya pag may tumawag ay alam mo na agad ang number. Kung i-trace as in hanapin ang caller ay ang location services ng mga network providers ang siyang iyong sinasabi. Ito ay ang paggamit ng mga cellsite para ma pinpoint kung nasaang area ang isang SIM na nakaload sa bukas na cellphone. Pero ito ay maari lamang kung ang hinahanap ay papayag na ipaalam sa nagtatanong kung nasaan siya. Constant monitoring ito ng network at ito ay madalas gamit ng mga magulang na binibigyan ang kanilang mga anak ng cellphone para palagi nilang alam kung nasaan ito. Pero may alam din ako na nilagyan nila ng locator service ang cellphone ng kanilang mga magulang habang ang mga ito ay natutulog, kaya alam nila kung saan gumimik para hindi nila makasalubong ang kanilang mga magulang habang akay-akay ng mga boyfriend!
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.
-069-051119-