walastech 072- 051126
Ang suggestion ni KJ
Ni Relly Carpio
"Suggestion lang po, bakit di po kayo magdiscuss tungkol sa internet,
mga latest online community website. Ano meron sa friendster bakit
click ito sa pinoy! Thanks This is KJ from Dasma, Cav."
Okay, fine, whatever. Joke! Alam niyo kasi itong si KJ ang hula ko eh
wired itong bata na ito eh. Wired meaning nakaconnect ito sa internet,
isa sa halos 8 milyong Pilipinong marunong maginternet at gumamit ng
computer. Maaring isa rin siya sa 2 milyong Pilipinong may internet
connection sa bahay.
Ngayon, dahil sa wired siya, sa tagalog: naka-alambre (kewl diba?),
nakita na ni KJ ang gusto kong maranasan ng lahat ng ating mga
kababayan. Ang magkaroon ng access sa internet para kanila ding
magamit ang lahat ng karunungan na maaring makuha mula sa internet.
Isa lamang aspeto ng internet ang sinasabi ni KJ na mga internet
groups.
Pero dahil iyon ang hiningi mo KJ, pagbibigyan ka ng Team WALASTECH.
Ang sinasabi ni KJ na "Friendster" ay isang napakasikat na online
community na makikita sa internet address na www.friendster.com at
isang free site. Free site kasi walang bayad para pasukin ang website
na ito at gamitin ang kanyang mga features o serbisyo. Ang friendster
ay sumikat dahil dumami ang mga gumamit nito na pinoy. At ng kumalat
sa Philippine Internet community na lahat halos ay kumukuha ng
friendster, naging uso na mayroon kang friendster account. Pero
kapagdaka, ang pagiging uso ay naging essential o kailangan. Dahil sa
dami ng mga miyembro na pinoy, naging napakadali niyang paraan para
hanapin ang mga nawawalang mga kaibigan, kaklase dati sa iskwela, at
para makapagpalit ng mga picture ng mga kamaganak na nasa ibang bansa.
Mula dito ay may ibang mga online community websites ang siya ring
nagpumilit na makuha ang attensiyon ng mga Pinoy Netizens (Netizen =
citizen ng internet) pero sabi nga nila, iba na ang nakauna. Ngayon ay
di lamang Friendster ang siyang nakikinabang sa napakanatural na
gawain ng pinoy na magbarkada kahit nasaan sila. Pati na rin ang
Yahoo!, ang isa sa pinakamalaking free mail at search engine companies
sa mundo ay nakakuha ng malaking Pinoy netizen share. Marami sa atin
ay may mga Yahoo! Accounts at tahasang ginagamit ang Yahoo! Groups na
internet mailing list naman ng Yahoo!. Kasama na siyempre ang walang
kamatayang Yahoo! Messenger na maaring pasukin gamit ang cellphone na
mas kinalolokohan ng Pinoy.
Sa pamamagitan ng internet at ng mga online communities na ito ay may
nabuo na isang bagong klaseng barangay ng mga Pilipino. Siguro ang
pinakamagandang tawag dito ay ang Netizen Barangay na ikaw KJ, ay
isang miyembro. Nawa'y makuha mo na turuan ang mga ibang mga kababayan
natin tungkol sa Internet para lumawig ang ating online Barangay.
-0-0-0-0-0-0-0-
TANONG: Mr. Carpio nais ko po sana itanong paano po ba malalaman na
ang nabili na cell phone ay reconditioned. Ano po ba ang sign nito?
Para maging maingat po ako. Salamat.
SAGOT: Magaling din kasi ang mga nagre-recondition ng mga cellphone
eh. Maliban na lang kung sabihin nila sa pagbenta na ito ay
refurbished ay halos hindi mo malalaman na ito nga ay hindi na
brandnew. Siguro ang pinakamadali ay tingnan mo ang kahon. Kung medyo
hindi ganoong kapulido ang pagkakagawa, pati iyung pagprint ng manual
ay maaring ito ay refurbished na cellphone. Madalas kasi ay ang
pinagtutuunan nila ng pansin ay ang cellphone at hindi ang kahon. Pero
ang pinakamadaling paraan para makasiguro ay huwag na lamang bumili sa
mga nagbebenta na medyo kaduda-duda. Bumili sa mga stall sa mga mall o
sa mga authorized dealers mismo. Kung talagang gusto mong makasiguro
ay sa shop ng manufacturer ka mismo bumili. Good luck.
TANONG: Congrats!!! You win 500 load from SMART Type 0921******* and
send to 808 so you can claim you 500 load now thank you! SMART ZED
1515# DTI# 354256. Fake po ba ito? Salamat.
SAGOT: Hindi ko na po pinakita iyung number na pinadala ninyo, pero
peke po ito. Sa mga nag pa-pasaload kita mo na agad kung ano gustong
mangyari ng asoge na nagpadala sa inyo. Sa pagkakaalam ko ay medyo
palyado ang format ng text na ito, pero kung tama ang pinadala niya ay
sa pagreply mo para sa premyo mo ay ang load mo ay malilipat sa
kaniya. Ang sabi ng SMART ay "Kung wala kang sinalihan, paano ka
mananalo." Mag-ingat sa mga text na ganito at sa mga tao na
nagpapadala ng mga text na ganito. Tandaan na ayon sa batas ay kung
ikaw ay manalo sa isang general contest ay dapat na padalhan ka ng
telegrama na nagsasaad na nanalo ka; at sa isang official satellite
office ng kumpanya na nagpa-contest ka lang maaring abutan ng iyong
premyo. Kung ang mga ito ay hindi nasunod, malaki ang pagkakataon na
manloloko ang mga iyan. Ipapulis nyo!
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones,
Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa
http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.
-072- 051126-
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment