WALASTECH 045 - KALIDAD SA TRABAHO Ni Relly Carpio
Marami sa mga tanong na aming natatanggap ay ang mga nagahahanap ng trabaho, hangga't maari ay pinipilit namin na tulungan kayo sa inyong hinanaing at sagutin ang inyong mga katanungan para makahanap kayo ng maayos na mapapasukan. Pero sadyang mahirap ang makahanap ng mapapasukan ngayon. Ngunit sa kaunting tiyaga at panalangin ay siguradong pagpapalain din kayo. Huwag mawalan ng pag-asa at tibayan lang ang loob.
Sabi nga nila, kahit na anong trabaho basta marangal ay hindi dapat ikahiya. At hindi dapat tanggihan ang grasya kahit na gaanong kaliit ito. Ganoon naman talaga nagsisimula ang lahat ng mga naging maunlad sa pamumuhay eh, sa simple. At kapagdaka ay maaabot din ninyo ang inyong mga pangarap.
Kapag naghahanap ng trabaho ay hindi dapat ito tingnan bilang simpleng mapapagkakitaan lamang. Ang magandang maging gawain ay tingnan ang trabaho bilang mga baitang na dapat pagdaanan para makamit ang mas mataas na antas ng posisyon sa kumpanya. Ang sabi nga, "Don't look at it as a job, but as a career." Hindi nagtatapos ang pagkakaroon ng trabaho sa iisang posisyon lang, ngunit tulay para sa ikaaunlad ng inyong buhay sa mahabaang panahon.
Pero dahil nga sa panahon ngayon na talagang dapat kayod-marino tayong lahat, hindi pwedeng pa bandying-bandying lang. Sipag at tiyaga kaibigan, makukuha mo din ang iyong inaasam. Ibang-iba na ang hinahanap na kalidad ng trabaho ngayon, huwag kang makakampante.
-0-0-0-0-0-0-0-
Sa mga interesado, at alam kong marami kayo diyan, may JOB FAIR ang STI ngayong araw na ito (Sept. 22) sa Megatrade Hall 1 ng SM Megamall. Nagsimula ito kahapon, at hanggang ngayon na lang ito. Sa mga naghahanap ng trabaho na mapag-a-apply-an dalhin ang inyong mga resumes, kopya ng transcripts of records, 2x2 colored pictures, certificates of employment, at mga ibang documento, kung mayroon kayo. Ito ay handog ng STI at MyTrabaho.
Pitumpong (70) major employers tulad ng PLDT, Accenture, Viventis, ADD Force, Convergys BPI, Metrobank, Teleperformance, at Staff Alliance ay maghahanap ng trabaho para sa hanggang 80,000 applicante. Maliban sa mga trabaho ay mayroong ding mga career seminar, pamimigay ng SSS number, pakuha ng ID picture at pagkopya ng resume.
Sponsored ang Job Fair na ito ng Smart, Grow Inc., Air Philippines, Daksh E-Services, at Asia Select. Wag nang mag-isip, ligo na and go!
-0-0-0-0-0-0-0-
TANONG: Good PM po ask ko lang kung paano ko mababawi ang cellphone ko na ipinaswap sana ng friend ko pero 20 days na di pa naibabalik pls help me.
SAGOT: Maganda siguro na ipapulis mo na ang iyong "kaibigan" kasi ninakawan ka na niya. Kung sabihin mo sa kanya na ipapupulis mo na siya at hindi pa rin niya binalik ay ituloy mo na ng maputol na ang sungay ng asoge na iyan ng maaga. Ngayon, siguro naman ay madadaan naman iyan sa mabuting usapan kung kinakailangan, sino nga naman ang gustong makulong ng dahil lang sa cellphone.
TANONG: Nakabili po ako secondhand CP pag matagal siyang nakabukas lumalabo ang mga program. pag switch off ko bumabalik uli sa normal, dati pa siyang may backlite. Salamat po sa inyong magiging kasagutan. Zairus Naga City
SAGOT: Ang una mong problema ay secondhand ang phone mo, ibig sabihin eh mahirap na malaman kung ano na ang pinagdaanan ng telepono na iyan, pero dahil LCD lang naman ang sira tulad ng sinabi mo ay madaling ayusin iyan, papalitan mo ang LCD ng phone mo dahil pasira na iyan. Baka iyon lang ang problema niyan.
-0-0-0-0-0-0-0-
Mula sa isang reader: Advice ko sa mga reader nyo kung gusto nila apply sa call center, check nila website ng www.jobstreet.com pwede pa sila gumawa sariling resume dun di kayo mauubusan ng trabaho dun pwede pa kayo pumili ok this is mirak_82.
SAGOT: Dati ko pa sinasabi sa mga emailed questions tungkol sa trabaho na diyan sila maghanap. Ang Jobstreet.com ay katulong ng Star Group of Publications at isa ito sa pinakamagandang website para sa mga naghahanap ng trabaho. Kaso mirak_82, hindi ganoong kadaming kababayan natin ang marunong na mag-internet at may internet access. Sa huling tala ay nasa 8 milyon lang ng ating mga kababayan ang matatawag na internet literate o marunong gumamit ng internet. Kaya ang aking panawagan sa mga marurunong ng maginternet, turuan ninyo ang inyong mga kakilala kung paano gumamit ng dumami ang marunong at maging WALASTECH tayong lahat.
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.
-045-