Kung nais ninyong malaman kung ano ang nangyari sa kolum, at kung bakit siya nawala, ito lang ang masasabi ko tungkol doon: Dahil sa hindi inaasahan na pagbawas ng dami ng pahina ng diyaryo na PM noong panahon na iyon, nadamay ang aking kolum sa mga tinanggal.
Nakakadismaya, nakakalungkot, pero ang katotohanan ay ang Information Technology, ang karunungan ukol sa mga biyaya na bigay ng teknolohiya ay hindi pa mataas sa prayoridad ng masa. Gusto ninyong malaman kung ano mas importante sa mata ng masa, bumili kayo ng kopya ng PM at silipin ang mga natirang kolum doon sa loob.
Wala akong galit sa PM, bilang isang diyarista din ay naintindihan ko ang nangyari. Ang panalangin ko lang ay balang araw ay mabago na ang pananaw ng masa, na ang kamangmangan ay magapi at ang karunungan ay siyang maghari.
O siya! Kalimutan na natin ang "bakit siya nangyari," ang ating bigyan na lamang ng pansin ay ang kung bakit ko siya tinutuloy ngayon dito sa blog na ito.
Ang kasagutan diyan ay simple, kasi, miss ko na na maglingkod sa mga nagbabasa sa akin. Mula ngayon ay sisikapin ko na magsulat sa blog na ito ng mas madalas, at ipa-alam sa mga tao kung ano ang mga nangyayari sa ating bansa sa larangan ng teknolohiya. Siyempre para masaya, tatagalugin ko.
Ano ang magiging laman ng blog na ito mula ngayon? Tatlong bagay lang na siya namang laman na niya simula‘t sapul. Una ay mga balita mula sa mundo ng Information Communications Technology na makakaapekto sa inyong mga buhay. Dalawa ay mga kasagutan sa inyong mga katanungan tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers) at ang ikatlo ay ang aking mga opinyon tungkol sa naunang dalawa. Nawa'y inyong subaybayan ang aking blog, at nawa'y may mapulot kayo kahit kaunting karunungan mula sa akin. Mabuhay po tayong lahat!