July 08, 2005

MMS Phones

MMS Phones Ni Relly Carpio

Mabuhay! Sasagutin po natin ngayon ang isang text mula sa isa sa ating mambabasa ng WALASTECH! Pakiusap lang po, sasagutin po ng column na ito sa aming kaya ang inyong mga text questions. Sana po maintindihan nila kung hindi naming masagot sa pamamagitan ng text o tawag sa telepono ang inyong mga katanungan. Minsan po kasi ang sagot sa inyong katanungan ay may kahabaan at hindi maipapaliwanag sa loob lamang ng isang text. Kaunting pasensiya lang po.

Q: Pwede po bang magtanong? Bakit po ba iyung (Nokia) 2600 ba cellphone ay walang MMS? Di po ba nakakatanggap ng colored na images? Ano po ba ang MMS?

Ang MMS ay ang tinatawag na Multi-Media Message Service. Ito ang isa sa pinakabagong teknolohiya sa mga cellphone. Nagsimula ito sa SMS o Short Message Service na madalas na gamit dito sa Pilipinas. Mayroon nang mga naunang ibang klase na mga message service sa mga cellphone.

Mayroon nang tinawag na EMS o Enhanced Message Service kung saan mga maliliit na pictures at logos at sounds ay maari nang ipadala sa pamamagitan ng text. Ang MMS ay mapapalitan din ng tinatawag na VMS o Video Message Service na siyang padating na kapag ang ikatlong henerasyon na ng cellphone network ang gamit natin.

Bueno, ang MMS ay mga SMS na maaring lagyan ng mas malalaking colored picture o ng maiigsing video. Ang limitasyon lamang niya ay maari lamang itong umabot ng 100 kb. Napakaliit nito kung ang pinapadala ay mga high resolution photos at videos.

Ang mga MMS phones ay medyo nasa mid-range ng mga cellphones. Ang Nokia 2600 ay kasama sa mga tinatawag na entry level phones, o iyung mga pinakamura sa mga cellphones. Madalas ang mga MMS phones ay iyung may mga kamera at may mga medyo malaki na data capacity. Kahit na colored na ang screen ng Nokia 2600 at ito ay mayroong mga animated screensavers at polyphonic ringtone ay ito ay hindi MMS phone at hindi makakatanggap o makapagpapadala ng colored images.

Q: Good P.M. po. May MMS ang cellphone ko pero di ako makasend ng pictures at ang GPRS ay not available.

Ang cellphone kapag binili mula sa isang network provider tulad ng Globe, Smart o Sun ay madalas nakalock sa network na iyon. Ang problema ay iba-iba din ang setting na siyang nilalagay ng mga network providers na ito para pasukin ang kanilang GPRS network na siyang ginagamit ng MMS service para makapagpadala ng pictures. Kaya hindi ko pwedeng basta ibigay sa inyo ang activation codes at passwords para mapaandar ninyo ang GPRS ninyo at makapagpadala at makapagdownload na ng picture messages.

Actually, medyo nakakaloko kapag sinabing picture messages, kasi ang EMS ay matatawag din na picture message, maliit na logo nga lang, pero picture pa rin diba? Kaasar. Eniwey, Ang GPRS kung tawagin ay General Packet Radio Service. Ang ginagawa niya ay sa pamamagitan ng radio waves ay nagpapadala siya ng pictures, sounds at text ng patingi-tingi.

Kaya ang tawag ay packet, o maliit na balutan. Ito ay ginagawa para madaling makapagpadala ng mga datos mula sa isang cellphone sa ibang cell. Kung malaki masyado kasi ang packet ay mahihirapan na magpadal ang network at mas malaki ang tsansa na magkaroon ng problema o aberya, hindi tulad pag maliliit lamang, madaling bantayan at ilipat-lipat.

Bueno, kung may cellphone at ayaw umubra ng GPRS at ng MMS ay pumunta lamang sa center ng network provider (Globe, Smart o Sun shop) o kaya ay sa isang shop ng manufacturer (tulad ng mga stall sa Digital Exhange sa Glorietta) at doon ninyo ipa-configure at ipa-activate ang GPRS at MMS. Libre ho ito, di tulad sa ibang mga technician diyan sa labas na pati iyon ay hinihingan pa ng bayad. Wag magpaloko.

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com o sa 09179529665 at sasagutin namin sila sa mga susunod na issue ng column.

July 06, 2005

World Cyber Games Simula Na!

WORLD CYBER GAMES SIMULA NA! Ni Relly Carpio

Ang tinagurian na Olympics ng electronic gaming ay naghahanap na muli ng mga manlalaro na siyang magiging representative ng Pilipinas. Taon taon ay ipinagdidiwang ng Samsung ang World Cyber Games o WCG ba kinalalahukan ng mahigit na 60 bansa. Ito na ang ikaapat na beses na magkakaroon ng WCG. Ito rin ang magiging ikatlong beses na sasali ang Pilipinas. Ang WCG ay gaganapin sa Singapore ngayong taon. Nuong nakaraang taon ay sa San Francisco USA ito ginangap. Bago iyon ay sa South Korea kung saan nanggaling ang Samsung.

Malaki ang papremyo ng WCG para sa pinakamagagaling na manlalaro. Siyempre ang mapipili rin na representative ay makukuha ang karangalan na dalhin ang dangal ng ating bansa. Kasama na doon ang pagkakataon na makapunta sa ibang bansa na sagot ng Samsung.

Hanggang sa Hulyo 15 ay bukas ang registration sa mga piling Internet Cafe at online sa www.samsung.ph o sa www.samsungcybergames.ph para sa mga gamers na lalahok. Dapat kayong magmadali dahil ang unang 1500 na manlalaro ay maaring manalo ng Yepp na MP3 player ng Samsung sa isang raffle.

Ang mga laro na kalahok sa WCG na siyang maaring sasalihan ng magiging e-sportsmen para sa elimination rounds at sa kalaunan ay lalabanan ng Team Philippines ay ang mga sumusunod: Warcraft 3: Frozen Throne,Starcraft Broodwars, Need For Speed Underground 2 at ang kinagigiliwang Counterstrike Source. Kailangan ng 5 man team para sumali sa Counterstrike Source eliminations.

Siyam na manlalaro lamang ang kukunin makatapos ang eliminations. Iyung lima na binanggit kanina, tapos ay dalawa sa Starcraft Broodwars, at tig-isa sa Warcraft 3: Frozen Throne at Need For Speed Underground 2.

Ang WCG ay sinimulan ng Samsung noong taong 2000 bilang isang pista na paglalahukan ng mga games, cultural events, exhibitions at conference na tumatalakay sa industriya ng computer gaming. Nitong mga nakaraan na taon, ang Pilipinas team ay hindi pa pinapalad na manalo ng anumang tropeo, pero malaki ang tiwala ni Tjader Regis, organizer ng eliminations ng WCG dito sa atin na ang susunod na grupo na mapipili ay may magandang tsansa na makapuwesto at makapaguwi ng karangalan para sa ating bansa.

Si Samsung Electronics Philippines Corporation President at CEO Hyuck Jae Shim ay dumalo nang ipinaalam sa media ang simula ng registration and elimination ng WCG 2005. Sabi niya na ang Samsung ay handang tulungan ano mang programa na nakatuon sa ikabubuti at ikagagaling ng mga kabataan.

Ayon sa mga ibang nakausap namin, hindi naman sa pagmamayabang, talagang magaling naman ang mga manlalaro ng Pilipinas. Ngunit, talagang namamalaas lang nitong mga nakaraang taon, siguro na rin dahil ang akala at alam ng madla ay tayo ang isa sa mga talagang pinakamagaling ay agad na nasasabak ang ating mga manok sa mga matitinding mga bansa tulad ng South Korea, Japan, at Alemanya. Kaya hindi nakakagulat na madali tayong natatanggal. Ni hindi pa nakakapagpainit ng puwit ang ating manlalaro eh arya na! Sino nga naman ang mananalo ng ganun, hindi ka pa nakakabuwelo eh tinatadyakan ka na.

Magandang isipin na dahil sa paglalaro ng computer game, ang mga kabataan ng ating bansa ay maaring maging mga tulad ng ating mga manlalarong pang Olympio na magdadala ng ating bandila at ilalaban ito ng patayan!!! (Sa loob ng computer nga lang bay! Konting lamig...easy!) Kaya sa mga magulang, pabayaan nyo na si junior na makalaro ng kahit kaunti pa. Malay nyo diba? Hindi biro ang mga premyo sa WCG. Aba'y US$50,000.00 ang nakuha ng winning Counterstrike team last year. Halos tig-kalahating milyong piso din iyon sa kada isang miyembro.

At tulad ng dati, kami, at ang sambayanang Pilipino na rin siguro ay nasa likod ninyo. Sino man ang mapili sa darating na eliminations. Mabuhay kayo WCG Team Philippines! Mabuhay ang lahing Pilipino! Sali na!

***

Nais batiin ng isang miyembro ng Team Walastech! na si Fermin de los Angeles ng Channel Technology Inc. si Ms. Beverly Lao.

***

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com o sa 09179529665 at sasagutin namin sa mga susunod na column.

-30-

photo caption: Ang Opening Ceremonies ng Samsung World Cyber Games noong nakaraang taon sa San Francisco, USA na kinalahukan ng halos 60 bansa kasama ang Team Philippines.

July 03, 2005

Computer Games at ang Estudyante

COMPUTER GAMES AT ANG ESTUDYANTE Ni Relly Carpio

Bago ang lahat ay nais batiin ng WALASTECH! ang mga nanalo sa katatapos lang na CyberLeague Tournament 2005. Congratulations din kay Raymond Ricafort, Presidente ng Netopia sa isa na namang successful na taon ng CyberLeague. More power!

Pasukan na naman. Naandiyan na naman ang mga madalas na problema ng mga magulang kung gaano katagal nila papayagang manood ng TV o maglaro sa computer ang kanilang mga anak. Dapat ay hindi naman talaga ito maging issue, dahil ang pinakamagandang sundin ika nga ni Sen. Juan Flavier ay "Moderation in Life" o iyung wag sobra.

Masama rin kasi na hindi matuto ang inyong anak sa larangan ng computer. At ang pinakamadaling paraan para sila ay matuto ay sa pamamagitan ng computer games. Dapat lang ay gabayan ng magulang ang paglalaro ng kanilang anak, at alam niya kung ano ang ginagawa ng kaniyang anak sa computer. Ang mga magulang kung gayon ay dapat din matuto sa computer kahit papaano. Paano mo babantayan ang isang bagay na hindi mo naiintindihan? Diba?

Ang paglalaro ng computer ang talagang siyang nakakahumalingan ng mga kabataan ngayon, at sino nga naman ang hindi mahuhumaling sa mga laro na iyan? Aba'y minsan ay panoorin ninyong maglaro ang inyong puslit ng makita ninyo kung gaanong kaganda ang graphics o mga imahen sa laro mismo. Ibang iba iyan sa mga sinaunang laro. Baka pati ikaw na matanda ay magustuhan ito.

At di tulad ng dati na ang paglalaro ay walang kapupuntahan ay marami nang mga tournament ngayon, tulad ng nabanggit, at tingnan nyo lang sa baba at makikita ninyo kung gaanong kalaki ang mga premyo.

Marami na rin kasing mga study na nagsasabing ang paglalaro ng mga computer game ay nakakatulong sa pagiging kompetente ng isang bata. Ang tingin kasi sa computer game ay ito ay laro lamang, pero maraming tinuturo ang computer games: ang pagiging pursigido, ang hindi pagayaw basta basta sa harap ng mga suliranin, ang pagiging mabusisi at mapagpasensiya.

Ang dapat talagang matuto ay ang mga magulang, ang intindihin kung ano ang nilalaro ng kanilang mga anak. At ang maging patas pero strikto sa haba ng oras ng paglalaro. Parental Guidance nga diba, hindi Parental Control. Game!!!

~0~0~0~0~0~0~0~0~0~0~0~0~0~0~0~0~0~0~0~0~

Ang mga nanalo sa CyberLeague Tournament 2005 at ang kanilang mga kategorya:

NBA Live 2004 3rd Runner Up - Rafael Dave 2nd Runner Up - Brian Guanga 1st Runner Up - Archie Alejo Grand Prize - Rainer Alejo

Need for Speed Underground 3rd Runner Up - Faisal Dimalna 2nd Runner Up - Israel C. Magante 1st Runner Up - Alex Kapampangan Grand Prize - Ronald Ablaza

StarCraft: Brood War 3rd Runner Up - Cuthbert Dodson 2nd Runner Up - Francis Gravador 1st Runner Up - Byron Bungon Grand Prize - Mark Spina

Ragnarok Online: Boss Time-Attack 3rd Runner Up - MVP Devilz 2nd Runner Up - Ghostz 1st Runner Up - AnL Grand Prize - the Chosen

Ang mga Grand Prize winners ay magkakamit ng halos Php 180,000.00 worth ng prizes kabilang ang isang Intel Pentium IV PC, libreng 4 year course sa ACSAT, Altec Lansing Headphones, Cellphone mula sa SMART, Infocom pre-paid internet cards, Netopia coupons at pera. Ang mga 1st Runners Up ay magkakamit ng halos Php 70,000.00 worth ng cash at prizes. Ang mga 2nd Runners Up ay halos Php 65,000.00 worth ng cash and prizes, habang ang mga 3rd Runners Up ay halos Php 63,000.00 worth ng cash at prizes.

-30-

photocaption: Ang Cyberleague champions kasama si DPI president Raymond Ricafort (3rd row, ika-5 mula sa kaliwa), mga sponsors at si Optik - ang Netopia mascot.