MMS Phones Ni Relly Carpio
Mabuhay! Sasagutin po natin ngayon ang isang text mula sa isa sa ating mambabasa ng WALASTECH! Pakiusap lang po, sasagutin po ng column na ito sa aming kaya ang inyong mga text questions. Sana po maintindihan nila kung hindi naming masagot sa pamamagitan ng text o tawag sa telepono ang inyong mga katanungan. Minsan po kasi ang sagot sa inyong katanungan ay may kahabaan at hindi maipapaliwanag sa loob lamang ng isang text. Kaunting pasensiya lang po.
Q: Pwede po bang magtanong? Bakit po ba iyung (Nokia) 2600 ba cellphone ay walang MMS? Di po ba nakakatanggap ng colored na images? Ano po ba ang MMS?
Ang MMS ay ang tinatawag na Multi-Media Message Service. Ito ang isa sa pinakabagong teknolohiya sa mga cellphone. Nagsimula ito sa SMS o Short Message Service na madalas na gamit dito sa Pilipinas. Mayroon nang mga naunang ibang klase na mga message service sa mga cellphone.
Mayroon nang tinawag na EMS o Enhanced Message Service kung saan mga maliliit na pictures at logos at sounds ay maari nang ipadala sa pamamagitan ng text. Ang MMS ay mapapalitan din ng tinatawag na VMS o Video Message Service na siyang padating na kapag ang ikatlong henerasyon na ng cellphone network ang gamit natin.
Bueno, ang MMS ay mga SMS na maaring lagyan ng mas malalaking colored picture o ng maiigsing video. Ang limitasyon lamang niya ay maari lamang itong umabot ng 100 kb. Napakaliit nito kung ang pinapadala ay mga high resolution photos at videos.
Ang mga MMS phones ay medyo nasa mid-range ng mga cellphones. Ang Nokia 2600 ay kasama sa mga tinatawag na entry level phones, o iyung mga pinakamura sa mga cellphones. Madalas ang mga MMS phones ay iyung may mga kamera at may mga medyo malaki na data capacity. Kahit na colored na ang screen ng Nokia 2600 at ito ay mayroong mga animated screensavers at polyphonic ringtone ay ito ay hindi MMS phone at hindi makakatanggap o makapagpapadala ng colored images.
Q: Good P.M. po. May MMS ang cellphone ko pero di ako makasend ng pictures at ang GPRS ay not available.
Ang cellphone kapag binili mula sa isang network provider tulad ng Globe, Smart o Sun ay madalas nakalock sa network na iyon. Ang problema ay iba-iba din ang setting na siyang nilalagay ng mga network providers na ito para pasukin ang kanilang GPRS network na siyang ginagamit ng MMS service para makapagpadala ng pictures. Kaya hindi ko pwedeng basta ibigay sa inyo ang activation codes at passwords para mapaandar ninyo ang GPRS ninyo at makapagpadala at makapagdownload na ng picture messages.
Actually, medyo nakakaloko kapag sinabing picture messages, kasi ang EMS ay matatawag din na picture message, maliit na logo nga lang, pero picture pa rin diba? Kaasar. Eniwey, Ang GPRS kung tawagin ay General Packet Radio Service. Ang ginagawa niya ay sa pamamagitan ng radio waves ay nagpapadala siya ng pictures, sounds at text ng patingi-tingi.
Kaya ang tawag ay packet, o maliit na balutan. Ito ay ginagawa para madaling makapagpadala ng mga datos mula sa isang cellphone sa ibang cell. Kung malaki masyado kasi ang packet ay mahihirapan na magpadal ang network at mas malaki ang tsansa na magkaroon ng problema o aberya, hindi tulad pag maliliit lamang, madaling bantayan at ilipat-lipat.
Bueno, kung may cellphone at ayaw umubra ng GPRS at ng MMS ay pumunta lamang sa center ng network provider (Globe, Smart o Sun shop) o kaya ay sa isang shop ng manufacturer (tulad ng mga stall sa Digital Exhange sa Glorietta) at doon ninyo ipa-configure at ipa-activate ang GPRS at MMS. Libre ho ito, di tulad sa ibang mga technician diyan sa labas na pati iyon ay hinihingan pa ng bayad. Wag magpaloko.
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com o sa 09179529665 at sasagutin namin sila sa mga susunod na issue ng column.
No comments:
Post a Comment