WORLD CYBER GAMES SIMULA NA! Ni Relly Carpio
Ang tinagurian na Olympics ng electronic gaming ay naghahanap na muli ng mga manlalaro na siyang magiging representative ng Pilipinas. Taon taon ay ipinagdidiwang ng Samsung ang World Cyber Games o WCG ba kinalalahukan ng mahigit na 60 bansa. Ito na ang ikaapat na beses na magkakaroon ng WCG. Ito rin ang magiging ikatlong beses na sasali ang Pilipinas. Ang WCG ay gaganapin sa Singapore ngayong taon. Nuong nakaraang taon ay sa San Francisco USA ito ginangap. Bago iyon ay sa South Korea kung saan nanggaling ang Samsung.
Malaki ang papremyo ng WCG para sa pinakamagagaling na manlalaro. Siyempre ang mapipili rin na representative ay makukuha ang karangalan na dalhin ang dangal ng ating bansa. Kasama na doon ang pagkakataon na makapunta sa ibang bansa na sagot ng Samsung.
Hanggang sa Hulyo 15 ay bukas ang registration sa mga piling Internet Cafe at online sa www.samsung.ph o sa www.samsungcybergames.ph para sa mga gamers na lalahok. Dapat kayong magmadali dahil ang unang 1500 na manlalaro ay maaring manalo ng Yepp na MP3 player ng Samsung sa isang raffle.
Ang mga laro na kalahok sa WCG na siyang maaring sasalihan ng magiging e-sportsmen para sa elimination rounds at sa kalaunan ay lalabanan ng Team Philippines ay ang mga sumusunod: Warcraft 3: Frozen Throne,Starcraft Broodwars, Need For Speed Underground 2 at ang kinagigiliwang Counterstrike Source. Kailangan ng 5 man team para sumali sa Counterstrike Source eliminations.
Siyam na manlalaro lamang ang kukunin makatapos ang eliminations. Iyung lima na binanggit kanina, tapos ay dalawa sa Starcraft Broodwars, at tig-isa sa Warcraft 3: Frozen Throne at Need For Speed Underground 2.
Ang WCG ay sinimulan ng Samsung noong taong 2000 bilang isang pista na paglalahukan ng mga games, cultural events, exhibitions at conference na tumatalakay sa industriya ng computer gaming. Nitong mga nakaraan na taon, ang Pilipinas team ay hindi pa pinapalad na manalo ng anumang tropeo, pero malaki ang tiwala ni Tjader Regis, organizer ng eliminations ng WCG dito sa atin na ang susunod na grupo na mapipili ay may magandang tsansa na makapuwesto at makapaguwi ng karangalan para sa ating bansa.
Si Samsung Electronics Philippines Corporation President at CEO Hyuck Jae Shim ay dumalo nang ipinaalam sa media ang simula ng registration and elimination ng WCG 2005. Sabi niya na ang Samsung ay handang tulungan ano mang programa na nakatuon sa ikabubuti at ikagagaling ng mga kabataan.
Ayon sa mga ibang nakausap namin, hindi naman sa pagmamayabang, talagang magaling naman ang mga manlalaro ng Pilipinas. Ngunit, talagang namamalaas lang nitong mga nakaraang taon, siguro na rin dahil ang akala at alam ng madla ay tayo ang isa sa mga talagang pinakamagaling ay agad na nasasabak ang ating mga manok sa mga matitinding mga bansa tulad ng South Korea, Japan, at Alemanya. Kaya hindi nakakagulat na madali tayong natatanggal. Ni hindi pa nakakapagpainit ng puwit ang ating manlalaro eh arya na! Sino nga naman ang mananalo ng ganun, hindi ka pa nakakabuwelo eh tinatadyakan ka na.
Magandang isipin na dahil sa paglalaro ng computer game, ang mga kabataan ng ating bansa ay maaring maging mga tulad ng ating mga manlalarong pang Olympio na magdadala ng ating bandila at ilalaban ito ng patayan!!! (Sa loob ng computer nga lang bay! Konting lamig...easy!) Kaya sa mga magulang, pabayaan nyo na si junior na makalaro ng kahit kaunti pa. Malay nyo diba? Hindi biro ang mga premyo sa WCG. Aba'y US$50,000.00 ang nakuha ng winning Counterstrike team last year. Halos tig-kalahating milyong piso din iyon sa kada isang miyembro.
At tulad ng dati, kami, at ang sambayanang Pilipino na rin siguro ay nasa likod ninyo. Sino man ang mapili sa darating na eliminations. Mabuhay kayo WCG Team Philippines! Mabuhay ang lahing Pilipino! Sali na!
***
Nais batiin ng isang miyembro ng Team Walastech! na si Fermin de los Angeles ng Channel Technology Inc. si Ms. Beverly Lao.
***
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com o sa 09179529665 at sasagutin namin sa mga susunod na column.
-30-
photo caption: Ang Opening Ceremonies ng Samsung World Cyber Games noong nakaraang taon sa San Francisco, USA na kinalahukan ng halos 60 bansa kasama ang Team Philippines.
No comments:
Post a Comment