September 17, 2005

CELLPHONE OPEN CODES

CELLPHONE OPEN CODES Ni Relly Carpio

"PWEDE po bang mahingi ang cellphone open codes at international codes Mr. Tech?"

Hinde. Kasi illegal ang gamitin ang mga iyon. Ito ang sinasabi ko palagi sa mga texter at dito sa column na: magpaayos sa authorized service centers. Dahil sila lang ang may legal authority para gumamit ng mga cellphone open codes at ng international codes.

Ang cellphone open codes ang mga programming numbers na nag-oopen ng mga cellphone para gumamit ng kahit anong network. Ito ay confidential property ng mga cellphone manufacturers at kanilang binibigay lamang sa mga kanilang repair centers. Ang international codes naman ay ang mga numbers na binibigay ng mga network providers para mapasok ng isang cellphone ang kanilang network.

Ang masakit ay kahit na anong higpit ng security ng mga network providers at ng manufacturers ay mayroon pa ring nakakakuha ng mga codes na ito sa pamamagitan ng black market o sa pamamagitan ng hacker sites sa internet. Illegal ang gumamit ng mga numbers na ito ng walang pahintulot sa mga kinauukulan. Kaya hindi, hindi ko alam ang mga ito at kung alam ko man ay hindi ko ipamimigay.

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Ano po ang diperensiya pag ang LCD may continuous horizontal blank line? Ang unit ko ay Nokia 3310. Ty. Nice Job! Jason ng Mand.

SAGOT: Malaki ang tsansa na basag na ang LCD mo. Ang horizontal blank line na iyan ay indikasyon na may parte ng LCD mo na hindi na nakakatanggap ng electronic signal mula sa graphics chip ng cellphone na nagpapagana dito.

Ang ibig sabihin ng LCD ay Liquid Crystal Display. Mayroon itong crystals na nakaipit sa gitna ng dalawang plate ng salamin na kapag nalusaw ay nagkukulay itim, at kung solid ay walang kulay. Gamit ang maliit na bugso ng kuryente ay tinutunaw ng graphics chip ang parte-parte ng LCD para magkaroon ng mga image sa screen. Iba pa ito sa mga color LCD na mas kumplikado ang operation.

Kapag nabasag o nadamage ang connector ng chip at ng LCD o nabasag mismo ang LCD at kumalat na ang crystal ay hindi na ito gagana. Dapat pag ganyan ay papalitan niyo na dahil parang lamat iyan na pagtagal ay itutuloy na ang sira ng LCD. Unfortunately, hindi na pinagaaksayahan ang LCD, kapag nagkasira ay palit na lang ang buong module, kaya madalas, mahal ang masira ang LCD. Ingatan ito.

TANONG: Paano po at saan ise-send ang STOP alert dahil laging nagsend ang SMART eh nauubos na load ko. Txtbak po and more power.

SAGOT: Ipadala ang STOP sa 211. Kung ito ay hindi umubra, tumawag na sa *888 at kumausap na ng customer service representative ng SMART. Libre po ang tawag na ito pag gamit ang SMART/ADDICT/TALK N' TEXT na SIM.

TANONG: Kakabili ko lang ng SIM at pinaopenline ko iyung cellphone ko at nilagay ang SIM na TM. Hindi nag-function. Pag ang SIM na SMART okey naman? Sinubukan ko sa iba cellphone oke naman. Ano ang sira ng cellphone ko?

SAGOT: Niloko ka ng pinagpa-openline mo, kasi hindi pa openline ang cell mo. Ibalik at ipaopen talaga, ipatesting sa harap mo. Kung ayaw niya, o kaya ay humingi ng panibagong bayad, sabihin mo okey, tapos tumawag ka na ng pulis. Ipakulong mo ang asoge, sabihin mo pag nagbago na siya ng isip, tsaka mo lang ipa-o-openline ang kulungan niya okey?

Danang napagusapan na ang openline ay magbabanggit na ako tungkol diyan. Ang pag-openline ang pinakamabilis na pagtanggal ng warranty ng iyong cellphone. Bakit ka pa ba nagpapa-openline? Lahat naman ng network eh nakakapag-usap at text sa isa't-isa, pare-pareho naman ang presyo nila? Maliban lang sa mga ibang mga promotional marketing services tulad ng 24/7 at ng Piso Call at kung anu-ano pa eh ganoon din naman iyon. Isipin mo na lang kung magkano gagastusin mo sa pag-openline tapos kapag nasira cellphone mo kakabukas-sara magkano pa uli?

Ang rason lang para magpa-openline ay kung may nagpadala sa iyo ng cellphone na galing sa ibang bansa na locked sa isang network. Madalas naman ay openline na ang mga cellphone na galing sa ibang bansa. Pero muli, sa mura ng cellphones dito sa atin, bakit ka pa magpapasakit ng ulo na magpa-openline? Magpadala ka na lang ng pera at dito ka bumili ng unit mula sa isang network na gusto mo. Mas okey iyon, kahit na ano pa sabihin mo, sa pangmatagalan mas makakamura ka.

-0-0-0-0-0-0-0-

Belated Happy Birthday kay Rachel Ybanez ng Marikina, Aidz Briones ng Cainta, Len Trance ng Perceptions, at kay Aileen Murillo ng MCFI ABCA Batch 96.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

-033-

September 15, 2005

Q & A 001

MGA KASAGUTAN SA KATANUNGAN Ni Relly G. Carpio

Dumadami na po ang mga tanong na naite-text sa amin kaya po sasagutin po muna namin ang karamihan sa kanila sa mga susunod na issue. Salamat po sa masugid ninyong pagsubaybay aming mga mambabasa. Mabuhay po kayo!

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Bakit po ang unit o cellphone umi-init pag nire-recharge?

SAGOT: Kasi po ang ginagawa ng charger ay ginagamit ang kuryente para baligtarin ang chemical reaction sa loob ng baterya. Para pagkatapos mag-charge ay uulit na naman ang chemical reaction para magkaroon ng kuryente para sa gadget. Side effect po nitong chemical reaction na ito ay ang pagkakaroon ng init.

TANONG: Ilan po oras talaga ang pag-charge ng cellphone?

SAGOT: Iba-iba po iyan, depende sa laki ng baterya, sa lakas ng charger, at sa lakas ng kuryente na pinagsaksakan. Kung ang inyong charger ay iyung basic charger at sinaksak ninyo sa 110 volts na saksakan lang, doble ang oras ng inyong pag charge ng high capacity battery. Kung nakafast charger kayo at sa 220 volts nakasaksak, at ang battery ninyo ay iyung basic battery lang, baka wala pang isang oras ay tapos na kayo.

Ang best ay kumuha ng high capacity battery para sa inyong cell, at gumamit ng fast charger na nakasaksak sa 220 volts. Dahil ito, kahit na medyo matagal magcharge ay sigurado namang tatagal ang paggamit ninyo sa inyong cell.

Ang pinakamagandang sukat ng tagal ng oras ng pag-charge? Pag sinabi ng cellphone ninyo na "charging complete," ayun, tapos na. Pwede niyo naman paputol-putol i-charge ang cellphone eh, kung talagang iyon ang kailangan, pero, ang the best ay iyung "full charge after full discharge" palagi. Ingat sa pagsaksak ha? At baka makuryente.

TANONG: Paano ko ho malalaman na brand new ang cellphone na bibilhin ko sa stall lang.

SAGOT: Unless mayroon kang internet access at payag iyung pagbibilhan mo ng cellphone na i-check mo muna sa www.numberingplans.com iyung IMEI number nung cell na bibilhin mo ay hindi mo malalaman.

Maari kong sabihin na tingnan mo kung may selyo ang kahon, at kung official tingnan ang sticker, pero ang katotohanan ay kayang-kayang peke-in iyon ng mga magnanakaw, pirata, at smuggler ng mga cellphones dito sa Pinas.

So ang the best ko na mai-suggest sa iyo aking kaibigan ay kung bibili ka ng cellphone, pumunta ka sa mall, pumunta ka sa shop ng service provider o ng manufacturer mismo at doon bumili. Iyon ang pinakamabuting paraan siguro para masigurado mo.

Mahirap kasi na pagsabihan ang mga tao na huwag kang bumili dito o diyan. Kasi nga naman, may mga maliliit na stall na official distributor nga, pero nagbebenta pa rin ng nakaw. Ganyan talaga buhay eh, may asoge kahit saan ka pumunta.

Ang katotohanan ay ito: kapag walang bumibili, walang magbebenta. Kaya't kung walang bibili ng nakaw na cellphones, walang magbebenta at magnanakaw ng cellphones. Tigilan na po natin ang pagbili ng nakaw, illegal po iyan at walang ikabubuti sa ating bansa.

TANONG: Saan po pwedeng matutong mag-aral ng cellphone repair, sino ang mga authorized? Pwede po bang pag-aralan ito through experience? Magkano po ang magagastos?

SAGOT: Ang formal education ko po sa computers ay mula sa natutunan ko noong ako ay High School, at nung ako ay college. Pero nung ako ay nagkaroon ng ikalawang subject sa computer nung college tungkol sa paggamit ng Aldus Pagemaker (Adobe Pagemaker na siya ngayon) ay ako na ang nagtuturo sa aking mga kaklase.

Hindi po ako nagmamayabang, kasi po marami sa aking mga natutunan tungkol sa computers at gadgets ay galing din mula sa self-study. Pero, kung wala akong basic studies o fundamentals on computers na aking natutunan sa iskwela, ay siguradong hindi ako natuto on my own. Kahit na sino diyan na computer expert na magsasabi sa iyo na: "Formal School? Hindi mo na kailangan iyan! Pwede mo nang kapain kung paano magcomputer!" ay walang alam.

Ang paggamit ng computer ay isang continuing experience. Araw araw ay may bago sa field ng computer, at kung hindi maganda ang basic knowledge mo sa computers, madali kang mapapagiwanan. Kaya, oo pwede kang matuto ng computers through experience, pero hindi ka magiging magaling sa computers hangga't wala kang formal education.

Tungkol naman sa cellphone repair at sa gastos nito, nagtatanong pa ako kung saan talaga magandang mag-aral nito bago ko banggitin. Aba! Ayokong ma-agrabiyado ang aming mga mambabasa. Paki-antabayanan na lang po.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue. -032-

September 11, 2005

NEGOSYO SA RELOAD

NEGOSYO SA RELOAD ni Relly Carpio

Siguro naman madami na sa inyo ang nagpapareload na hindi card ang gamit, iyung mga microload centers na nagbebenta ng mula 25 pataas na load diba?

Magandang business iyan, pero hindi ganong kalaki ang kita sa kanya. Depende na lang kung ang mga nagpapaload sa inyo ay umaabot ng daang libo diba? Pero tulad ng ibang microbusiness ay ito ay patingi-tingi ang pasok ng kita. Pandagdag sa kung anuman ang binebenta.

Nabanggit ko ito dahil sa TECHNEWS ay may mga makabagong Prepaid Loading Services na nagpakilala kamakailan na maaring maging magandang negosyo ng mga naghahanap ng mapapagkakitaan at ang tinitingnan ay ang industriya na ito. Sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya, puwede nang makabili at magbenta ng load sa kahit ano mang network gamit ang isang cellphone lang, hindi tulad dati na isang cellphone kada network ang kailangan.

Ang una ay hatid ng PinoyGSM. Kilala sa tawag na "reLod" ito ay tinuturing na kauna-unahang "universal prepaid loading service" kung saan kahit sino pwedeng bumili at magbenta ng load ng kahit anong network na gamit ay iisang SIM card lamang.

Maliban sa tipid sa oras dahil sa pag-gamit ng isang sim card para bumili at magbenta ng load sa kahit ano mang network, ang Pinoy GSM reLoad ay nagbibigay din ng mas mababang presyo sa kanilang electronic load (eload) para ibenta sa kanilang mga kaibigan o kamag-anak. Mas malaki ang kita.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa PinoyGSM reLoad, pwede po kayong tumawag sa numerong 4396422. Ang kanilang opisina ay pwedeng bisitahin sa 309 Consolacion Bldg, Araneta Center, Cubao, Quezon City. Sa mga gumagamit ng Internet, pwede din pong puntahan ang kanilang website sa http://www.pinoygsm.com o sulatan sila sa hello@pinoygsm.com via email.

Samantala sa business package na Portal Load Extreme 2, hatid ng Portal Innovations Corporation, ay maari na rin kayong makapagretail ng cell phone loads at iba pang prepaid products tulad ng internet cards, game cards, phone cards, prepaid satellite phone/tv, prepaid insurance at iba pa gamit ang dati ninyong SIM.

Bukod sa tradisyonal na pagbebenta ng load gamit ang celfon ay maari na rin makapagbenta ng load gamit ang internet at i-monitor ang sales na parang nagchecheck lang ng email. Advantage ito sa mga internet cafe na gusto ring magbenta ng load.

Sa lahat po ng magiging interesado sa negosyong ito ay maari kontakin si Dax Estorioso sa numerong 09192776294 o mag-email sa xad_81@yahoo.com.

-0-0-0-0-0-0-0-

Hindi po iniindorsohan ng WALASTECH! ang reLod ng PinoyGSM o ang Portal Load Extreme2 ng Portal Innovations Corporation. Pinaalam lang po namin sa aming mga mambabasa.

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Good PM po! Ask ko lang po kung bakit di nakakareceive ng tones or pic messages yung phone ko? Kaya ang laki ng gastos ko sa load kadalasan kasi puro dowonload lang ako. Pero nakakareceive ng MMS. I mean nakakadownload ako pero di ako nakakareceive ng ordinary picture messages.

SAGOT: Wala pong problema ang inyong phone kung ganoon. Ang may problema ay iyung content na inyong tinatanggap. Hindi po lahat ng Value Added Services o VAS ay compatible sa lahat ng phones. Dahil nga po isang brand lang ang dominant sa market, itong phone lang po na ito ang madalas na ginagawan ng mga VAS, kaya madalas ang may mga ibang brand ng cellphone ay kaunti lang ang choices. Pero nagbabago na iyan. Dumadami na ang mga downloadable VAS na pwede sa other phones. Kaunting tiis na lang siguro at kaunting ingat sa pagpili ng dinodownload kasi madalas ay walang bawian pagkatapos mo mag download.

TANONG: Hi, tanong ko lang kasi my cell akong Nokia 6100 tapos nawalan ng signal sa kakabagsak siguro. Nagcha-charge po siya pero di tumatagal at di siya nagfu-fullcharge. Mahal po ba pag pinaayos ko yon? Kasi iyong ibang nagaayos nanloloko. Jossa

SAGOT: Tama ka Jossa. Ang pinakanakakayamot sa ay iyung mga asoge na dahil alam nila na walang kinalaman ang mga tao tungkol sa teknolohiya ng cellphone ay kanilang dinadaya kapag may nagpapaayos.

Oo malaki tsansa na kaya nasira ang cellphone mo ay dahil sa pagbagsak nito, at baka mapagastos ka dahil baka kailangan ng bagong antenna module, at battery ang cellphone mo. Siguro ang pinakamaganda ay sa authorized service center ka magpaayos, kasi kahit na mas mahal ng kaunti ay hindi ka naman lolokohin, may warranty pa.

TANONG: Pag bago ang battery ilan oras ba mapuno at madalas ba 2 hours mapuno? Kasi di na nagaapear na full. Masama ba ma-over charge ang cellphone? At ano mangyayari dito?

SAGOT: Ako tatlong oras magcharge kada makalawa. Pero grabe akong gumamit ng cell. Ang bagong battery ay mayroong tawag na factory charge pero bago ito gamitin ng maayos ay kailangang i-charge ito ng matagalan para macondition iyung rechargeable chemicals nito sa loob. Ito ay tatagal mula apat hanggang 15 oras depende sa battery at charger. Hindi naman masisira iyung battery dahil ang mga makabagong battery ay designed naman na iwanang nakasaksak magdamagan ng hindi nasisira.

Pero depende pa rin uli ito sa battery at charger. Ang pinakamaganda ay basahin ang mga manual ng cellphone para malaman kung pwedeng gawin ito o hindi.

-0-0-0-0-0-0-0-

Congratulations kay Geric Anonas at ang ibang miyembro ng Philippine Karate-do Team na nagdala ng dangal sa ating bayan sa katatapos lamang na Hong Kong Open. Sila ay nagkamal ng 5 ginto, 1 silver at 3 bronze na medalya laban sa ibang Asian teams ayon sa huli naming balita. Si Geric ay nanalo ng Gold Medal sa 60 Kg. Kumite competition. Mabuhay kayo!

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

-031-