MGA KASAGUTAN SA KATANUNGAN Ni Relly G. Carpio
Dumadami na po ang mga tanong na naite-text sa amin kaya po sasagutin po muna namin ang karamihan sa kanila sa mga susunod na issue. Salamat po sa masugid ninyong pagsubaybay aming mga mambabasa. Mabuhay po kayo!
-0-0-0-0-0-0-0-
TANONG: Bakit po ang unit o cellphone umi-init pag nire-recharge?
SAGOT: Kasi po ang ginagawa ng charger ay ginagamit ang kuryente para baligtarin ang chemical reaction sa loob ng baterya. Para pagkatapos mag-charge ay uulit na naman ang chemical reaction para magkaroon ng kuryente para sa gadget. Side effect po nitong chemical reaction na ito ay ang pagkakaroon ng init.
TANONG: Ilan po oras talaga ang pag-charge ng cellphone?
SAGOT: Iba-iba po iyan, depende sa laki ng baterya, sa lakas ng charger, at sa lakas ng kuryente na pinagsaksakan. Kung ang inyong charger ay iyung basic charger at sinaksak ninyo sa 110 volts na saksakan lang, doble ang oras ng inyong pag charge ng high capacity battery. Kung nakafast charger kayo at sa 220 volts nakasaksak, at ang battery ninyo ay iyung basic battery lang, baka wala pang isang oras ay tapos na kayo.
Ang best ay kumuha ng high capacity battery para sa inyong cell, at gumamit ng fast charger na nakasaksak sa 220 volts. Dahil ito, kahit na medyo matagal magcharge ay sigurado namang tatagal ang paggamit ninyo sa inyong cell.
Ang pinakamagandang sukat ng tagal ng oras ng pag-charge? Pag sinabi ng cellphone ninyo na "charging complete," ayun, tapos na. Pwede niyo naman paputol-putol i-charge ang cellphone eh, kung talagang iyon ang kailangan, pero, ang the best ay iyung "full charge after full discharge" palagi. Ingat sa pagsaksak ha? At baka makuryente.
TANONG: Paano ko ho malalaman na brand new ang cellphone na bibilhin ko sa stall lang.
SAGOT: Unless mayroon kang internet access at payag iyung pagbibilhan mo ng cellphone na i-check mo muna sa www.numberingplans.com iyung IMEI number nung cell na bibilhin mo ay hindi mo malalaman.
Maari kong sabihin na tingnan mo kung may selyo ang kahon, at kung official tingnan ang sticker, pero ang katotohanan ay kayang-kayang peke-in iyon ng mga magnanakaw, pirata, at smuggler ng mga cellphones dito sa Pinas.
So ang the best ko na mai-suggest sa iyo aking kaibigan ay kung bibili ka ng cellphone, pumunta ka sa mall, pumunta ka sa shop ng service provider o ng manufacturer mismo at doon bumili. Iyon ang pinakamabuting paraan siguro para masigurado mo.
Mahirap kasi na pagsabihan ang mga tao na huwag kang bumili dito o diyan. Kasi nga naman, may mga maliliit na stall na official distributor nga, pero nagbebenta pa rin ng nakaw. Ganyan talaga buhay eh, may asoge kahit saan ka pumunta.
Ang katotohanan ay ito: kapag walang bumibili, walang magbebenta. Kaya't kung walang bibili ng nakaw na cellphones, walang magbebenta at magnanakaw ng cellphones. Tigilan na po natin ang pagbili ng nakaw, illegal po iyan at walang ikabubuti sa ating bansa.
TANONG: Saan po pwedeng matutong mag-aral ng cellphone repair, sino ang mga authorized? Pwede po bang pag-aralan ito through experience? Magkano po ang magagastos?
SAGOT: Ang formal education ko po sa computers ay mula sa natutunan ko noong ako ay High School, at nung ako ay college. Pero nung ako ay nagkaroon ng ikalawang subject sa computer nung college tungkol sa paggamit ng Aldus Pagemaker (Adobe Pagemaker na siya ngayon) ay ako na ang nagtuturo sa aking mga kaklase.
Hindi po ako nagmamayabang, kasi po marami sa aking mga natutunan tungkol sa computers at gadgets ay galing din mula sa self-study. Pero, kung wala akong basic studies o fundamentals on computers na aking natutunan sa iskwela, ay siguradong hindi ako natuto on my own. Kahit na sino diyan na computer expert na magsasabi sa iyo na: "Formal School? Hindi mo na kailangan iyan! Pwede mo nang kapain kung paano magcomputer!" ay walang alam.
Ang paggamit ng computer ay isang continuing experience. Araw araw ay may bago sa field ng computer, at kung hindi maganda ang basic knowledge mo sa computers, madali kang mapapagiwanan. Kaya, oo pwede kang matuto ng computers through experience, pero hindi ka magiging magaling sa computers hangga't wala kang formal education.
Tungkol naman sa cellphone repair at sa gastos nito, nagtatanong pa ako kung saan talaga magandang mag-aral nito bago ko banggitin. Aba! Ayokong ma-agrabiyado ang aming mga mambabasa. Paki-antabayanan na lang po.
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue. -032-
No comments:
Post a Comment