WALASTECH 101 Ni Relly Carpio
Mabuhay! Ito ang unang yugto ng Walastech! Ang column na naghahangad na tulungan kayo, aming mga giliw na mambabasa, na maintindihan ang delubyo ng mga gadget at mga isyung teknolohiya na siguradong nakapagpapaikot na ng inyong mga ulo.
Sa pagpasok pa lamang ng ikalawang milenyo ay agad ng nakita ng karamihan kung paano ang teknolohiya at ang mga kagamitang teknolohikal at mga appliances sa bahay ay biglang naging madaling makuha ng ninuman. Tumingin lamang sa inyong paligid ay kitang-kita na agad ang aking tinutukoy. Sa kasalukuyan ay mayroong 40 milyong Pilipino ang may cellphone. Ito ay halos kalahati ng ating populasyon. Isa sa kada dalawang tao sa ating bansa ay may cellphone.
Ito ay dito lamang sa ating bansa kumpara sa ibang mga bansa sa timog silangang Asya. Kaya naman ang mga naglalakihang mga cellphone manufacturers tulad ng Nokia, Samsung at Motorola ay nagkakandarapa na makakuha ng porsiyento ng mga gumagamit ng cellphone dito sa atin.
Tingnan nyo rin kung gaanong kamura na ngayon ang magkaroon ng telebisyon. Dati ay kay mahal nito ngunit ngayon ay may mga makukuhang set na nagkakahalaga lamang ng P3,500 pataas. Ganoon na rin ang DVD player na maaring mabili sa halagang P2,000. Marahil ay maaring sabihin na dahil marami sa mga ito ay second-hand o kaya ay galing mula sa mga small manufacturers, pero hindi maikakaila na mura ang mga ito dahil iyun mismong mga parts na kailangan sa pagbuo nito ay nagmura na rin.
Naiiba na ang panahon natin ngayon dahil ang teknolohiya ng mga computer ay talagang naabot na lahat ng aspeto ng buhay. Hindi na ito makakaila at hindi na rin mapipigilan. Ang siste ay ang ordinaryong tao na tulad natin ay maaring nahihira na sa dami ng teknolohiya at dahil dito ay nagnais ang inyong abang lingkod na tulungan kayo sa pamamaraan ng pagsagot sa inyong mga katanungan tungkol sa cellphones, computers, ang internet at kung ano ano pang mga isyung pang teknolohiya o teknikal. Huwag mag-atubili. Kami dito sa PM ay handang maglingkod sa inyo.
Layunin din ng Walastech! na bigyan kayo ng impormasyon sa mga makabagong teknolohiya at mga bagong produkto na nasa pamilihan ngayon. Magbibigay din kami ng mga review ng mga gadgets paminsan-minsan para malaman ninyo kung alin iyung mga sulit na bilhin at gamitin.
Bilang paunang serbisyo ay aking ipapaliwanag ang tungkol sa cellphone, ang teknolohiya sa likod nito at ang mga problema na madalas na nararanasan ng mga gumagamit ng cellphone at kung ano ang maaring gawin para maiwasan o maibsan ang mga problema sa cellphone.
CELLPHONE
Ang cellphone ay isang uri ng telepono na gumagamit ng mga radio waves para kumonekta sa isang network. Ang cellphone ang naging solusyon sa malaking problema noon ng pagkakaroon ng tinatawag na wireless communication. Tinatawag itong cellphone dahil ang mga antenna ng cellphone ay limitado lamang ang naabot, at kinakailangan na malapit ito sa isang cellsite para magamit. Sa gitna ng maliit na cellsite ay ang malaking antenna na siyang walang tigil na sumasagap at nagpapadala ng signal sa cellphone. Ang bawat cellsite ay nakakakita ng isa pang cellsite at lahat ito ay nakakonekta sa isang central switch na siyang nagtuturo sa isang tawag o text kung saan pupunta sa buong network.
Ang siyang may hawak ng isang network ay tinatawag na Network Provider. Apat lamang ang Network Provider sa Pilipinas: ang Globe, Smart, at Sun ay mga GSM Network Provider at ang Nextel na tinatawag na Business Network Provider dahil ang kanilang manggamit ay mga kumpanya lamang.
Ang ibig sabihin ng GSM ay Global System for Mobile Communications ito ang network na siyang gamit sa ating bansa. Ang siyang gamit ngayon ay ang GSM-EDGE (Enhanced Datalink for GSM Evolution) na tinatawag din na 2.5G o ikalawa't-kalahating henerasyon ng cellphone network. Ang ikatlong henerasyon o 3G kung tawagin ay hindi pa maisakatuparan sa bansa dahil sa maraming rason. Unang-una na dito ang tinatayang bilyon-bilyon na gagastusin upang mailagay ang bagong sistema sa kalahatan ng bansa. Ang mga ibang bansa ay gumagamit din ng GSM network, pero may iba na gumagamit ng ibang network, at mayroon na ring mga bansa na nag-3G na.
Sa ngayon, ang ating bansa ay nasa 2.5G pa rin dahil masasabi na kaunti pa lamang ang mga gumagamit ng mga Smart Phones (hal. Nokia 6600, Sony Ericsson P900, Siemens SX1, Motorola RAZR). Hindi maaring basta na lang tumalon sa 3G. Pero kahit na ganoon ay ang ating mga local network ay kabilang pa rin sa apatnapung pinakakapitagan at pinakamagandang networks sa buong mundo ayon sa Ericsson.
Ang cellphone network ay binubuo ng cellphone, ng cellsite at ng network provider. Ang cellphone network ay kaiba sa regular na landline network dahil sa siya ay mobile o pwede kahit saan, basta ang SIM Card o System Identification Module Card ay nakikita ang cellsite na siyang magkukunekta sa kanya sa network kung saan siya kabilang.
Ang SIM, kapag nakalagay sa isang cellphone na bukas, ay walang tigil na naghahanap ng cellsite ng kaniyang network. Dalawang beses kada segundo ay hinahanap niya ang anim na pinakamalapit na cellsite. Kung sino ang siyang pinakamalapit ay doon siya kumukonekta. At hangga't siya ay nakakunekta ay pinaaalam niya sa central network kung nasaan siya at kung sino siya at kung anong telepono ang gamit niya. Sa pamamagitan nito ay siya ay matatawagan ng sino man.
Kapag nawala siya sa network (pag nawalan ka ng signal) ibig sabihin ay nasa lugar ang cellphone kung saan wala siyang makitang cellsite. Hindi ito madaling gawin. Kailangan ay wala kang makita na cellsite sa iyung paligid o kaya ay nasa loob ka ng istraktura na may sapat na kapal ng bato o bakal para di tagusin ng signal ng cellsite at ng cellphone.
Doon sa mga nakakatanda pa, ang cellphone dati ay napakalaki, dahil ang baterya na kailangan noon ay dapat ubod ng laki para makapagbigay ng sapat na kuryente sa malaki ring antenna ng cellphone noon para maabot ng handset ang antenna ng cellsite para ito ay makakonekta sa network. Minsan, kahit nakatayo ka na sa tabi ng cellsite ay wala ka pa rin makuhang signal.
Sa pag-usad ng teknolohiya ng mga cellphone ay kaunti na lang ang kailangan na lakas ng baterya at ng laki ng antenna sa cellphone upang makakuha ng signal kahit saan. Pero mapapansin na ang mga cellphone na may antenna na nakausli ang siya pa ring madaling makakuha ng signal kung saan ang iba ay wala na.
MGA PROBLEMA SA CELLPHONE
Ang tatlong pinakamadalas na problema ng cellphone ay no signal, low bat, at ang mabagsak mo ito. Tulad ng aking sinabi, ang mawalan ng signal ay nangangahulugan lamang ng dalawang bagay: ang SIM ay hindi nakikita ng cellsite o walang network. Dahil mas madalang na mawala ang network, ay malaki ang tsansa na hindi nakikita ang iyong SIM ng network na kanyang kinabibilangan.
Sa pagkakataon na mawalan o humina ang signal ng cellphone ay ito lamang ang gawin at baka magkaroon na uli ng signal. Una ay ilipat lamang ang cellphone sa kabilang tainga, o kaya ay huwag takpan ang itaas na parte ng cellphone ng kamay dahil naandito ang antenna nito. Kung ayaw pa rin ay umikot sa puwesto, at hanapin kung saan may pinakamalakas, kapag wala pa rin ay pumunta sa bintana. Lumabas ng bahay kung talagang makulit at ayaw kumabit. Kung ginawa mo na lahat ito ay baka mahina na ang iyong baterya o sira ang iyung SIM.
Kung low bat, patayin ang cellphone, maghintay ng mga lima hanggang 20 minuto at buksan muli ang cellphone. Mayroon ka siguro na isa o dalawang minuto ng pag-uusap bago tuluyang maubos ang baterya. Dapat mong malaman na ang baterya ng cellphone ay naglalaman lamang ng bilang na oras ng buhay. Kada beses na ito ay iyung pailawin patunugin o magvibrate ay mababawasan ito ng isang minuto ng standby kung tawagin. Kada minutong tawag ay mawawalan ka ng isang oras na standby. Kaya kung ikaw ay text ng text o madalas tumawag ay huwag ka ng umasa ng matagalang oras ng standby.
Dalawang klase ang baterya ng cellphone. Ito ay ang Nickel Cadmium battery o NiCD tinatawag din na "nikad" at ang Nickel Metal Hydride o NiMH tinatawag na "nim-H." Ang pagkakaiba ng dalawang ito na parehong rechargable o nagagamit muli na battery ay ang NiCD ay naapektuhan ng tinatawag ng "memory effect" kapag ito ay hindi inubusan ng charge ng todo. Mas makabago ang NiMH at ito na ang madalas na gamit sa mga mas bago na cellphone. Ang mga lumang cellophone at mga mumurahing baterya ng cellphone ay maaring mga NiCD kaya mura. Tingnan lamang ang nakasulat sa baterya para masigurado mo.
Kapag NiCD ang iyong baterya ay siguraduhin lamang na ubusin ng todo ang charge ng baterya sa pamamagitan ng pagiwang bukas ng cellphone hanggang kusa itong mamatay bago ito isasaksak sa charger. Ang madalas na tagal ng baterya ng cellphone ay anim na buwan lamang, kahit na NiCD ito o NiMH. Makatapos nito ay dahan-dahan ng mababawasan ang tagal ng charge sa baterya.