TECH! GUSTO KONG MATULOG! Ni Relly Carpio
Nakakaasar! Nakakaasar kapag iyung tiyempong tinatamad kang magtrabaho tapos ang sarap matulog kasi sobrang init sa labas pero ang sarap ng lamig ng hangin nung electric fan. Siguro naman naranasan nyo na iyon diba?
Iyun ang pakiramdam ko ngayong mga panahon na ito, kasi kung hindi mainit ay umuulan. Ang sarap maging tamad at matulog na lang buong araw. Pero hindi naman pwede diba? kailangang magkayod! Ito tuloy ang rason kung bakit lalo akong naiinip na dumating ang panahon na ang teknolohiya ay sobrang advanced na imbis na sayangin ng mga tao ang kanilang panahon upang kumita ng pera at magpawis ay wala na tayong gagawin kung hindi ang mag-isip at magmuni ng mas higit na dunong, o palawigin ang kultura at sining!!! Iyung parang napapanood natin sa mga sine na ang mga tao ay nag-iisip na lamang ng mga bagay na magpapaganda na lamang sa buhay at ng kapakanan ng sanlibutan imbis na nagpapakahirap sa trabaho.
Iyan ang tinatawag na the "promise of technology: a better life." Na sa gamit ng science ng dunong ay gaganda ang ating mga buhay. At hindi niyo naman masabi na hindi kayo naapektuhan nito. Ito na lang eh: nababasa ninyo ang balita na minsan ay wala pang 24 hours ang nagdaan ng mula ito ay mangyari. Dati halos impossible iyon, ngayon eh sisiw na yan dahil sa bilis ng komunikasyon.
Pero mukhang talagang matagal pa ang panahon bago ang mga tinatamad at nagmumuni ay maaring makapagpetiks na lang kahit kailan nila gusto. Haaaay...Trabaho na Juan! Now na! Now na!
-0-0-0-0-0-0-0-
Sa TECHnews, ang IBM ay naglabas ng bagong mainframe computer na kanilang tinawag na IBM System z9. Ito ay halos doble ang kakayahan sa sinundan nito na IBM eServer zSeries z990. Ang mga mainframe ang pinakamalalaking mga computer sa mundo, ito ang gamit ng mga gobyerno, mga banko, at mga utility companies tulad ng Manila Water at ng Meralco. Ang IBM ang pandaigdigang eksperto sa mga mainframes.
Ang ibig sabihin nito para sa ating mga abang tao ay kapag ginamit ng mga ito ang IBM System z9 ay mas mabilis nilang maseserbisyuhan ang mas madaming tao. Ang mainframe na ito ay sinasabi ng IBM na maaring magbago ng pamamaraan ng pag-kalakan sa mga industriya at komersiyo na saklaw ng Information and Communications Technology o ICT.
-0-0-0-0-0-0-0-
TANONG: Last July 3 nagload ako ng 10 pesos. Inabot ako ng July 5 na nakakapagsend ng message. Dati kasi lagi na lang kinakain ang load ko. The next day, di ko na magamit ang cellphone ko kasi bigla nawalan ng signal. Kala ko talagang di ko na magagamit, ginagawa na lang laruan ng anak ko. Two days na alang signal, ngayon ok na uli. May kinalaman kaya yung bigla kong free load na text? Talk N Text ang gamit ko. - K8 Marikina
SAGOT: Iyung load normal lang iyong minsang lumampas siya ng deadline time, sa dami ng minomonitor niyan, at sa dalas mong mag load ng pakaunti-unti ay magkakapatong-patong na ang expiry niyan. Iyung pagkawala ng signal mo baka sa cellphone na iyan. baka may sira na ang antenna module ng phone mo kaya nag-on-off siya. Patingnan mo sa authorized service center kabayan.
TANONG: Good PM! I'm Lance Madrid of Puerto Princessa City. Problema ko po cell ko, kasi po matagal makapagsend ng message, nakakailang pindot ako ng send bago siya magsend. Kahit malakas po ang signal ko, ano po kaya problema ng unit ko? Model nga po pala cel ko eh Nokia 6630, isa pa po naglock ang memory card ko, paano ko po ma-open?
SAGOT: Dahil bago po ang phone ninyo, baka po may mas kinalaman ang setup ng inyong phone sa local network kaysa problema sa network o sa cellphone ninyo. Minsan kasi ay napupuno ang tinatawag na message center ng mga network provider, kung ipapatingnan ninyo sa kanila cell ninyo ay maayos nila ito para mas bumilis ang serbisyo. Tungkol naman sa inyong memory card, tanungin niyo po ang mga service people doon sa customer service ng inyong provider ay baka mayroong marunong mag-unlock ng memory card. Dalawang paraan iyan, may software lock via setup ng phone at physical write-protect lock na nasa memory card mismo, parang maliit na switch. Patingnan nyo na lang po pareho.
-0-0-0-0-0-0-0-
Belated Happy Birthday kay David Montecillo ng Green Lightworks Inc. at Happy Baptismal kay Ginger Franz Ocampo of Better Living, Parañaque mula sa Team Walastech at Tito Edwin Sallan
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.
-025-