August 13, 2005

BATTERY

Mabuhay! Kay dalas na ang problema ng ating cellphone ay ang battery. Kung hindi low batt ay walang charger, o kaya ay kailangan nating iwan ang cellphone sa tabi ng saksakan at pati tayo, dahil sa dami ng ka-text ay hindi rin makaalis sa tabi ng saksakan.

Ang baterya ang buhay ng cellphone. Ito ay madalas gawa sa tawag na Nickel Metal Hydride o NiMH battery. Ito na ang mas bagong klaseng baterya ng cellphone. Mas magaang, mas matagal ang lakas na naitatabi at hindi kasing delikado nung mga lumang baterya na mas malaki tsansa na pumutok o tumagas.

Ang baterya ng cellphone ay may warranty lamang ng anim na buwan, ito lang ang parte ng cellphone na may warranty na hiwalay sa warranty ng buong unit. Dahil makatapos ng anim na buwan, kahit na anong baterya ay magsisimula ng mag-deteriorate o humina makaraan ang anim na buwan. Kaya makatapos ang ilang buwan ng gamit ay hindi na dapat umasa na tumagal ang charge ng cell.

-0-0-0-0-0-0-0-

Q: Pwede po bang magtanong, kasi isang buwan ko pa lang nabili ang cell ko, pag chi-narge ko kahit di ko gamitin kusa lang magdischarge ano ang sira nito?

Baka po walang sira iyan, kahit ano pong cellphone, kapag inyong hindi ginamit ay mauubos ang charge. Depende ho sa gamit ay hanggang tatlong araw lang iyan bago kailangang i-charge muli. Kasi iyung sinasabi nila na 255 hours standby time ay inyo lang maabot kung pagkacharge ay wala na kayong pipindutin sa cellphone.

Kada tunog, pindot, o ilaw ay nagbabawas sa oras na ito. Kada vibrate at text ay nagtatanggal ng isang minuto mula sa standby time. Kada isang minutong usap ay nagta-tanggal ng lampas isang oras na standby time. Pero kung gusto ninyong makasigurado ay ipacheck up sa authorized service center.

Q: Gusto ko lang pong itanong: cellphone ko madali ma-low batt. Pag itinawag, one bar agad. Kapag nakacharge at di pa full na binunot gumagana pa rin kahit di na siya nakacharge. Bagong palit po battery, pinatingnan ko po, mechanism na po sabi nila.

Siyempre iyan ang sasabihin nila kasi hindi na nila maayos. Madami kasing mga nag-aayos diyan ng cellphone na kapag hindi nila maayos ay sasabihin na kahit ano para hindi masabi na nasira nila.

Sa authorized service centers hindi nila sasabihin iyan. Sasabihin nila kung kaya nilang ayusin o hindi, kung pwede pang isalba o hindi, kasi nga naman lahat ng gawa nila ay may warranty at binabantayan sila ng mga handheld manufacturers. Iyan ang unang una ninyong bantayan, kapag hindi kayang i-esplika ng nag-aayos sa inyo kung ano ang problema, kunin ang cellphone at umalis na, baka ano pa ang mangyari sa cellphone niyo.

Ngayon, tungkol sa inyong cellphone, dahil nagpalit na po kayo ng battery, baka iyung terminal connections sa cellphone ang may tama kaya hindi niya nagagamit ng maayos ang battery. Baka din po na short circuit na ang inyong cell o kaya ay may internal malfunction na. Dalhin agad sa authorized repair center.

Q: Any idea on which unit is good on e-load business. Pag walang power ang unit anong sira? Kainis naman pagawa ko ng pagawa kung anu-ano sira. Nakakatakot pa ang mahal ng service.

Ang magandang pang e-load na business ay ang murang unit, para mas malaki kita diba? Hindi malaki babawiin. Mayroon ng mga brandnew units na tig 2500 na pwedeng pwede nang gamitin para sa e-load. Mas magandang brand-new unit dahil mas mahirap na magkaproblema.

Tingnan ang warranty kung pwede pa rin siya kahit gamitin sa business ang cellphone. Minsan kasi ay navo-void ang warranty kapag ginamit para sa commercial use ang isang cellphone.

Pero kung ma-void man ay okay pa rin, dahil nga bago, hindi sirain. Mas sigurado, at dahil galing sa authorized distributor, maaring ipaayos ng walang pangamba sa kanila. Hindi dapat mahal ang service, dahil nga kapag may warranty ka ay libre iyan.

Pag walang power ang cell, baterya o kaya ay iyung connectors ng cellphone ang siyang may problema. Dalhin sa authorized service center at doon ipaayos. Huwag magtesting ng bagong baterya. Kung grounded iyan ay maaring masira ang bagong baterya, sayang ang pera. Pwede mo na sanang ipambili ng lobo. Hehehehe.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

ERRATA: I forgot to mention two newer types of batteries, Litihium Ion and Lithium Polymer which I will discuss in a future issue of the column.

August 11, 2005

LOAD ISSUES

Load Questions Ni Relly Carpio

"Pare? May Load ka pa ba? Penge naman o." Alam nyo ba na ang linyang iyan eh hindi ninyo maririnig sa ibang lugar sa mundo? Kasi ang Pilipinas ang siyang gumawa ng teknolohiya na ito at ngayon lamang ginamit ng mag ibang bansa makatapos kunin ang ideya mula sa atin. Diba kaya nga nabigyan ng international award ang Smart diba?

Anyway! Hay nako, buong araw madami sa atin iyan ang iniisip. Kalahati ng bansa: May load pa ba ako? Mas madami pa kaysa: Mag-resign kaya si Gloria?

Tanong: Gud AM! I want to know what's the problem of my cellphone. Everytime I load di makaabot sa expiry date nya. Bigla lang mawawala? If I change my SIM ganun din po ba ang mangyayari? I need your help.

Sagot: Ako man dati ay litong-lito tungkol sa mga Pasa load o Autoload o anumang load na iyan, kasi nga eh, gaanong katagal ba? Bakit hindi na lang hanggang maubos diba? Kung natatandaan niyo ay may isang politiko na nagdala ng issue na iyan sa congresso. Paano daw pag hindi mo naubos load mo at umabot iyung deadline? Saan napupunta iyung load, paano na iyung ginastos nung customer? Gusto niya sana na mag-isplika ang network providers at baguhin ang sistema. Ano nangyari? Wala...kayamot.

Anyway, eto po ang mga solusyon: Magload ng 300 lamang palagi. Gumamit ng load card. Bakit? Kasi mabibili mo ito ng mas mura (May alam ako na 273 isang card! Laban ka?), at may libre pa ito na texts. Ang expiry niya ay two months, siguro naman mauubos mo iyon bago dumating ang dalawang buwan.

Kung walang 300, kumuha ng 50 na Pasaload o Autoload. Bakit? Kasi ganito ang sukat ng expiry. Sa kada 10 piso ay may isang araw ka. Pag nagload ka ng 25, kahit 29 ay dalawang araw (48 hours) pa rin iyan. Pag 50 niload mo, may limang araw ka (120 hours) bago ito mag-expire. Siguro naman sa limang araw eh ubos mo na iyon. At kung sakaling may kailangan kang tawagan ay may limang minuto ka na tawag, hindi lang dalawang minuto. For emergencies ika nga?

Huwag magload ng patingi-tingi, kasi iyung expiry date ay reset ng reset lang pero ganoon pa rin, dalawang araw pa rin, mas magandang pag medyo bumaba ka ng 10 pesos tsaka ka na lang magload uli ng malaki-laki. Wag iyung patagpi-tagpi, dahil pati ikaw malilito hanggang ma-expire na ang load mo, at wala ka nang magagawa kundi magtanong ng: "Pare? May Load ka pa ba? Penge naman o."

~0~0~0~0~0~0~0~

May kopya ka na ba nung bagong movie ni Jet Li? Sa DVD? Talaga? Alam mo bang bawal iyan? Ano? Wala kang pakialam at hindi ka takot kay Bong Revilla kamo?

Hay nako. Alam mo bang pagnanakaw iyan? Oo? Pero ginagawa mo pa din? Dahil ang mahal ng original? Okay, okay. Una, hindi ako nagmamalinis, noong bata ako ay naranasan ko rin na makanood ng mga sine sa mga betamax (iyung mga bata diyan, ang betamax ay iyung nauna sa VHS format) pero hindi iyon rason na hanggang ngayon na madali nang makakuha ng kopya ng sine o ng software para sa computer ay gagamit ka pa rin ng pinirata na kopya.

Kaya lang naman dati ginagawa ang pamimirata sa Betamax ay halos hindi tayo inaabot ng mga sine noon galing sa USA, at ang paraan lang para makadating dito ay sa pamamaraan ng bootleg copies kung tawagin. Tanungin ninyo kahit na sinong manga-nganta diyan kung wala silang bootleg copies noong dekada 80. Sinungaling iyan.

Pero sa ngayong panahon na lahat ng bagay ay maari ng makuha ng madali, hindi na maganda na payagan pa rin ang pagpirata. Isa lamang pong pakiusap, dahil sa ayaw natin at sa gusto, ang paglipana ng piracy ay isang issue na tinitingnan ng mga multinational companies na pwedeng mag-invest ng pera dito sa ating bansa.

Kapag ang piracy rate ay mataas sa isang bansa, hindi nila nagugustuhan na magtayo dito ng opisina o dalhin ang kanilang business dito dahil baka nga naman mapirata rin sila. Parang ganito iyan eh: magtatayo ka ba ng sari-sari store sa gitna ng lugar na lipana ang nakawan? Hindi diba? Pakiusap lang mga kababayan, hinay-hinay naman.

Ayon sa Business Software Alliance, isang worldwide organization ng mga leading software developers, na siyang nagmo-monitor ng software piracy sa buong mundo, ang nawala sa Pilipinas nung isang taon ay PhP3.7 billion dahil sa software piracy. Ang Piracy rate ng Pilipinas ay nasa 71% porsiyento para sa 2004, bumaba ng isang porsiyento mula noong 2003. Pero ang nawalang pera sa ating bansa dahil sa kawalan ng investors ay umabot ng US$69 million dolyares mula US$55 million nung nakaraang taon.

Isipin sana natin ang ating bayan, kundi, ay ating sarili. Iwasan ang piracy.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

August 07, 2005

COMMON CELL PROBLEMS

MGA KARANIWANG PROBLEMA NG CELLPHONES Ni Relly Carpio

Mabuhay! Medyo dumadami na ang mga tanong na natatanggap ng Walastech! mula sa inyo aming mga giliw na mambabasa. Kaya ngayong araw na ito ay aming sasagutin ang karamihan nila para naman maibsan ang pagintay ng iba sa inyo. Doon sa aming sinagot na intayin ang kasagutan at hindi pa rin namin nadudulungan ay kaunting pasensiya pa po. Medyo technical po siguro ang inyong tanong o kaya ay wala pang nakakarinig ng ganoong pangyayari.

Tulad ng tanong ni Digoy ng Harangalan, Pasig na medyo mahirap sagutin:

Q: Ako po si digoy ng harangalan pasig ang problema ko yung Sun SIM ko pag gabi wala ng signal. 3530 po yung unit ko kapag ibang SIM okay naman! Salamat po.

Nung una ay akala ko ay nagpapatawa lang si Digoy, pero sabi niya seryoso daw siya. May joke kasing umikot dati na ang Sun Cellular ay may signal lamang kapag nakatayo ka sa ilalim ng araw. Siyempre, walang katotohanan iyan, at pambibiro lamang ng mga walang magawa sa buhay.

Digoy, ganyan talaga kapag bagong tayo ang isang network provider (para akong si Tiya Deli Magpayo ah! Hi Tiya Deli!). Eniwey, may panahon na magdadaan bago matakpan ang buong area ng mga cellsite. Isipin nyo na lang na ang kada cellsite ay umaabot lamang ng 24 na milya ang signal, pag lumampas ka na doon ay wala na. At kapag ito ay naharangan ng building o bundok ay mababawasan na ang layo nito.

Isipin nyo kung gaano kalala kapag sa loob ng lunsod, di tulad sa lugar na walang masyadong mga bundok o building, kasi ang cellphone signal ay base sa radio waves na hindi kaya na makatagos sa makakapal na buildings o kabundukan.

Ang kasagutan sa iyong tanong Digoy, baka naman pagdating ng gabi ay nagkakaroon ng interference mula sa electronikong bagay na siyang humaharang sa signal mula sa cellsite na malapit sa inyong lugar. Mga halimbawa nito ay mga high tension cables na mas nagagamit pag gabi dahil sa pagbubukas ng ilaw ng inyong mga kapitbahay, o kaya ay isang malaking neon billboard sign na nakasakto sa cellsite. Iyung mga iba ay hindi siguro naapektuhan.

Q: Hello po tanong ko lang po. Pag nagcha-charge kasi ako nagre-reconnect charger. Ano po ba ang may sira ung phone ko o ung battery? Thank you po. More power - Mariel

Salamat Mariel. Maaring pareho. Ang battery kasi ng isang cellphone ay may six months warranty lamang, pag lumampas na ng anim na buwan ay nagsisimula nang mag detetriorate ang battery hanggang sa hindi na siya makapag charge. Maari rin na iyung charger. Humiram ng kaparehong charger sa kakilala o sa service center para malaman kung alin ang may problema. Tandaan, gumamit ng original batteries at chargers. Huwag isapeligro ang buhay at ari-arian para lamang makatipid ng kaunti. Ang pekeng baterya at charger ay maaring pagsimulang ng sunog.

Q: Gud PM po, tanong ko lang po kung bakit yung cell ko 3530 kapag kino-connect ko ng GPRS "secure server unknown" ang lumalabas. Ano po ba ibig sabihin nito? Ipa-a-activate ko pa ba? globe user

Ang ibig sabihin ng secure server unknown ay hindi niya nahahanap iyung computer server na siyang dapat nagbibigay sa kaniya ng data para mag-internet via GPRS. Nakaset sa cellphone kung ano ang kanyang hahanapin na WAP site, kapag hindi niya ito nakita dahil ayaw siyang papasukin ng secure server, mali ang setup ng cellphone.

Pumunta lamang sa customer service ng Globe o sa authorized service center ng Nokia at ipa-configure o setup ang inyong cellphone. Ipa-activate mo na rin ang MMS mo habang naandoon at testingin kung maayos.

Q: Gusto ko lang itanong kasi ang model ng cell ko sa NOKIA 3510, na activate na ang MMS and GPRS kaya lang di makadownload ng PTONS (Polytones?), possible kaya na wala talaga GPRS services ang unit ko? Rhea A

Minsan kasi ang polytones na ginawa ng content provider ay hindi compatible sa lahat ng phone. May mga klase din kasi ng polytones, at kapag hindi iyon para sa phone mo, baka hindi niya tanggapin. Ang Nokia 3510 ay may GPRS, MMS, at Polytone capability, iyon nga lang, dahil hanggang polytones lang siya, ay hindi siya pwede sa mga hi-fi polyphonic tones (iyung mga tinatawag na 40 polytones) at mga trutones. Ang iyong maaring gawin ay manigurado na lamang sa polytone bago magdownload.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column.