MGA KARANIWANG PROBLEMA NG CELLPHONES Ni Relly Carpio
Mabuhay! Medyo dumadami na ang mga tanong na natatanggap ng Walastech! mula sa inyo aming mga giliw na mambabasa. Kaya ngayong araw na ito ay aming sasagutin ang karamihan nila para naman maibsan ang pagintay ng iba sa inyo. Doon sa aming sinagot na intayin ang kasagutan at hindi pa rin namin nadudulungan ay kaunting pasensiya pa po. Medyo technical po siguro ang inyong tanong o kaya ay wala pang nakakarinig ng ganoong pangyayari.
Tulad ng tanong ni Digoy ng Harangalan, Pasig na medyo mahirap sagutin:
Q: Ako po si digoy ng harangalan pasig ang problema ko yung Sun SIM ko pag gabi wala ng signal. 3530 po yung unit ko kapag ibang SIM okay naman! Salamat po.
Nung una ay akala ko ay nagpapatawa lang si Digoy, pero sabi niya seryoso daw siya. May joke kasing umikot dati na ang Sun Cellular ay may signal lamang kapag nakatayo ka sa ilalim ng araw. Siyempre, walang katotohanan iyan, at pambibiro lamang ng mga walang magawa sa buhay.
Digoy, ganyan talaga kapag bagong tayo ang isang network provider (para akong si Tiya Deli Magpayo ah! Hi Tiya Deli!). Eniwey, may panahon na magdadaan bago matakpan ang buong area ng mga cellsite. Isipin nyo na lang na ang kada cellsite ay umaabot lamang ng 24 na milya ang signal, pag lumampas ka na doon ay wala na. At kapag ito ay naharangan ng building o bundok ay mababawasan na ang layo nito.
Isipin nyo kung gaano kalala kapag sa loob ng lunsod, di tulad sa lugar na walang masyadong mga bundok o building, kasi ang cellphone signal ay base sa radio waves na hindi kaya na makatagos sa makakapal na buildings o kabundukan.
Ang kasagutan sa iyong tanong Digoy, baka naman pagdating ng gabi ay nagkakaroon ng interference mula sa electronikong bagay na siyang humaharang sa signal mula sa cellsite na malapit sa inyong lugar. Mga halimbawa nito ay mga high tension cables na mas nagagamit pag gabi dahil sa pagbubukas ng ilaw ng inyong mga kapitbahay, o kaya ay isang malaking neon billboard sign na nakasakto sa cellsite. Iyung mga iba ay hindi siguro naapektuhan.
Q: Hello po tanong ko lang po. Pag nagcha-charge kasi ako nagre-reconnect charger. Ano po ba ang may sira ung phone ko o ung battery? Thank you po. More power - Mariel
Salamat Mariel. Maaring pareho. Ang battery kasi ng isang cellphone ay may six months warranty lamang, pag lumampas na ng anim na buwan ay nagsisimula nang mag detetriorate ang battery hanggang sa hindi na siya makapag charge. Maari rin na iyung charger. Humiram ng kaparehong charger sa kakilala o sa service center para malaman kung alin ang may problema. Tandaan, gumamit ng original batteries at chargers. Huwag isapeligro ang buhay at ari-arian para lamang makatipid ng kaunti. Ang pekeng baterya at charger ay maaring pagsimulang ng sunog.
Q: Gud PM po, tanong ko lang po kung bakit yung cell ko 3530 kapag kino-connect ko ng GPRS "secure server unknown" ang lumalabas. Ano po ba ibig sabihin nito? Ipa-a-activate ko pa ba? globe user
Ang ibig sabihin ng secure server unknown ay hindi niya nahahanap iyung computer server na siyang dapat nagbibigay sa kaniya ng data para mag-internet via GPRS. Nakaset sa cellphone kung ano ang kanyang hahanapin na WAP site, kapag hindi niya ito nakita dahil ayaw siyang papasukin ng secure server, mali ang setup ng cellphone.
Pumunta lamang sa customer service ng Globe o sa authorized service center ng Nokia at ipa-configure o setup ang inyong cellphone. Ipa-activate mo na rin ang MMS mo habang naandoon at testingin kung maayos.
Q: Gusto ko lang itanong kasi ang model ng cell ko sa NOKIA 3510, na activate na ang MMS and GPRS kaya lang di makadownload ng PTONS (Polytones?), possible kaya na wala talaga GPRS services ang unit ko? Rhea A
Minsan kasi ang polytones na ginawa ng content provider ay hindi compatible sa lahat ng phone. May mga klase din kasi ng polytones, at kapag hindi iyon para sa phone mo, baka hindi niya tanggapin. Ang Nokia 3510 ay may GPRS, MMS, at Polytone capability, iyon nga lang, dahil hanggang polytones lang siya, ay hindi siya pwede sa mga hi-fi polyphonic tones (iyung mga tinatawag na 40 polytones) at mga trutones. Ang iyong maaring gawin ay manigurado na lamang sa polytone bago magdownload.
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column.
No comments:
Post a Comment