August 04, 2005

CELL LIFE

Ang Buhay ng Cellphone Ni Relly Carpio

Sira ba cellphone mo? Gaanong katanda na ba iyan? Umabot ba ng isang taon mula nung iyan ay iyong binili? Hindi? Bakit? Sa tingin mo, kasalanan mo ba o ng manufacturers ng cellphone dahil mababa ang kalidad ng kanilang pagkakagawa sa cellphone?

Sa panahon na ito na lahat ng mga elektronikong kagamitan o gadgets ay nagmumurahan at maaring mabili kahit saan, kay lehitimo, o hindi lehitimong mga taga-benta; ang dapat tuunan ng isang mamimili ng mga gadget, mapa cellphone o anupaman ay iyung maasahan na matibay at may warranty. Madaling magsalita na mas matibay ang isang cellphone kumpara sa isa, pero hindi lang iyon ang basehan. Ang dapat tingnan ay ang kabuuan ng isang gadget, dahil maraming mapapagpilian diyan. Tingnan ang sumusunod: affordability, battery life, dust resistance, functions, shock resistance, splash resistance, signal range, stylishness, usability at value. Kung ang cellphone na inyong pipiliin ay mas madami sa mga nabanggit na iyan mas okay siya.

Mas mahal minsan magpaayos ng isang gadget kaysa ang bumili ng bago. Hindi dahil nanloloko ang mga kumpanya na gumagawa ng mga ito subalit ganoon na talaga kasi ang ihip ng hangin ngayon sa industriya ng gadgets. Sobrang bilis ng pagdating ng makabagong teknolohiya na mas kikita sila sa pag benta ng bagong mga model kaysa ayusin ng ayusin ang mga nasisirang mga luma. Disposable Products ang minsang bansag sa mga gadgets na nabibili ngayon.

At dahil nga dito, ay maganda na kapag ikaw ay bumili ng cellphone ay basahing mabuti ang manual, kahit na hindi cellphone, mapaanumang gadget pa ito. At huwag mong sabihin na hindi mo maintindihan dahil Ingles. Kasi may tagalog na manual na kasama ang kadamihan ng cellphone ngayon. Nasa manual ang maraming mga tips at impormasyon ukol sa inyong cellphone na makakatulong para di lamang tumagal ang buhay nito ngunit paano rin ninyo magagamit ng mabuti ang lahat ng functions o mga nagagawa ng inyong cellphone.

Kapapalit ko lamang ng cellphone nitong magpasko. Ang huli kong cellphone ay tumagal ng tatlong taon mula nung binili ko ito nung Disyembre ng 2001. Pero hanggang ngayon ay gamit pa rin ito ng asking asawa. Mahina na ang baterya at medyo gusgusin na ang hitsura, pero oks pa rin naman. Kapag pinalitan ko ang housing niyon at ng baterya eh malaking tsansa na parang bago pa rin iyon.

Ang aking mga cellphone ay aking binili mula sa authorized dealers sa mall. Kahit na mas mahal ang mga ito kaysa sa mga reconditioned o "GSM" (Galing Sa Magnanakaw) na cellphones ay nakasisiguro naman ako na ang mga unit na ito ay may warranty o garantiya na kapag nagkasira ito sa loob ng isang taon ay libre ang magiging paayos. Mas importante na nakakasiguro ka sa cellphone kaysa makamura pero palpakin ka naman.

Siyempre hindi ko na kailangang sabihin sa inyo na iwasan na mabagsak, palanguyin, isawsaw sa sabaw ng sinigang, ipasagasa sa kotse, o pangatngat sa aso ang cellphone. Mga bagay na ginawa na ng aking mga kaibigan sa kanilang mga cellphone dahil sinusukat nila ang kanilang katangahan. Kasi, maaring masira ang cellphone dahil sa ganyang pagtrato; at baka hindi saklaw ng inyong warranty iyan.

~0~0~0~0~0~0~0~

Q: Gud PM. Ano po ang problema dito sa Nokia 3210 ko bakit ayaw na itong magrecharge; mag charged sandali lang mahinto na at one bar pa rin. Thanks - Dong

Dalawang problema lang po iyan, maaring diskargado na ang inyong baterya, anim na buwan lang po kasi ang warranty ng mga cellphone batteries at makatapos ang panahon na iyon ay lumiliit na po ang kapasidad niyan o kaya ay grounded na ang inyong cellphone kaya po kahit na magcharge kayo ay di na umaabot sa baterya o hindi na niya nagagamit ng lubos ang charge. Patingnan po sa isang authorized service center.

~0~0~0~0~0~0~0~

Comment mula sa isang mambabasa: Ganda ng topic mo noong (July 16, 2005), eto talaga ang matagal ko na sanang gustong itanong sayo. Keep up the good work. God Bless!

Salamat po sa inyong nakakatabang puso na comment. Kami po dito sa WALASTECH! at PM ay masaya na kayo ay mapaglingkuran. Nais po kasi ng column na ito ang matulungan ang ating mga kababayan para matututo tungkol sa Information and Communications Technology at kung paano natin ito magagamit upang mapaganda ang ating mga buhay.

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column.

No comments:

Post a Comment