August 02, 2005

VALUE ADDED SERVICES

Value Added Services Ni Relly Carpio

Mabuhay! At magandang PM sa inyo! Madaming nagtetext sa akin na sila ay nagkakaproblema sa kanilang mga nadodownload, na sila ay pinapadalhan araw araw ng mga logo o whatever at nauubos ang kanilang load dahil hindi nila alam patigilin ito.

Eto ha...ganito patigilin ang mga hindi nyo na gustong download: tumawag sa inyong network provider. From any Globe Handyphone, dial 211, from any Smart Cellphone dial *888, at from any Sun Cellphone dial 200. Sundin ang mga instructions at kumausap ng customer service representative. Intayin nyo, libre iyang tawag na yan, at sabihin ang problema niyo. Kung magaatubili kayo eh hindi matatapos problema niyo.

Hindi kasi pwede na basta ibigay ko sa inyo ang lahat ng deactivation codes ng lahat ng VAS ng lahat ng network providers diba? Medyo kukulangin kami ng papel. Pinakamaganda ang tumawag kayo kasi kada pangyayari na ganito ay iba-iba. Mababait naman ang mga customer service representatives eh. O! Tawag na, nas matapos na ang pagdudusa!

~0~0~0~0~0~0~0~

Lahat ng mga free ringtones, free logo, free whatever na inyong nadodownload ay tinatawag na Value Added Services. At kahit na madami dito ay libre, mayroon din na binibili kada download.

Ang mga gumagawa ng mga ito, ay tinatawag na content providers. Sila ay mga maliliit na kumpanya na kumikita lamang sa dami ng nagdodownload ng kanilang mga ginagawa. Mayroon din na content department ang mga network providers tulad ng Globe at Smart pero iyung talagang malalaki ay iyung mga independent.

Ang content providers ang siyang gumagawa ng lahat ng logo, picture message, animated picture, wallpaper, animated wallpaper, screensaver, monotones, polytones, trutones, themes, games at videos na inyong dinodownload at pinagpapasapasahan.

Ang kada download ay may bayad na nagsisimula sa 2.50 para sa mga lumang logo, hanggang 50 for games. Ngayon, di ko na siguro kailangang sabihin na mag-ingat sa pagdownload kasi isang maling pindot mo eh...goodbye bente!

Q: Hi gud am po, sa bumubuo ng WALASTECH. Tanong ko lang po, bakit laging nag tetext sa akin ang smart kahit di naman ako nag rerequest. Nauubusan tuloy load ko, kahit di pa ko nakakapagtext.

Ganyan talaga pag may cellphone ka, may commercial pa rin, siyempre paano mo malalaman kung may special offer ang iyong network provider kung hindi nila sasabihin sa atin diba? Tapos sasama loob natin kapag huli nating nalaman at patapos na. Ngayon, sabi mo nauubos ang text mo, baka may napagsubscriban ka na VAS o Value Added Service. Tinanong namin ang Smart at ang sabi nila ay:

"If he is referring to Smart/CP SMS updates on promos, vas, events and the like, all he has to do is text STOP ALERT to 211. This is actually in compliance with NTC Memorandum Circular No. 03-03-2005 re: Rules and Regulations on Broadcast Messaging.

If subscriber wants to unsubscribe from a VAS that he has subscribed to, he should text STOP to the access number of the service he is subscribed to. Hope these helps."

O naintindihan mo iyon? Sa susunod na magtext sa iyo iyung nagpapadala ng umuubos ng load mo, mag reply ka ng STOP at ipadala mo duon sa number na nagpadala sa iyo, ok? At kung nakukulitan ka sa kanilang mga free announcements eh sundin mo iyung nasa taas.

Q: Tuwing may dodownload po ako ng rintones eh wala po akong narerecieve pero nababawasan ang load ko. Cell po ba ang may problema? Tnx po sa Walastech.

Oo, baka ang cellphone mo ay hindi nakakatanggap ng ganitong mga datos o VAS. Hindi kasi lahat ng VAS na gawa ng content providers ay para sa lahat ng cellphone. Namimili din iyon ng cellphone. Depende kasi sa demand iyan, kung mas madaming mga Nokia users ang nagdo-download, eh di sila ang mapapagbigyan diba? Pwede rin na natatanggap mo, pero hindi mo nakikita, lalo na kung ang gamit mo ay naka-Symbian OS, tulad ng 6600 at 7650 na kapag nagdownload ay nilalagay sa ibang folder minsan (kadalasan sa downloads folder).

Pero, kung hindi ka naman nakaganoon na cellphone eh, halimbawa ako, araw araw ay may natatanggap ako ng free ringtones at kung ano-ano, kaso...hay nako, hindi naiintindihan ng aking cellphone, kaya sorry na lang ako. Minsan kahit WALASTECH! ka eh minamalas pa rin.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

No comments:

Post a Comment