September 30, 2005

WALASTECH 039 - MERRY CHRISTMAS

MERRY CHRISTMAS Ni Relly Carpio

Hindi maaring ikaila na malapit na naman ang pasko, ang lamig na at heto nga at ako'y nagkasakit na nitong nakaraang mga araw dahil sa pabagobagong ihip ng hangin. Pero medyo masaya na rin ako dahil ang ibig sabihin nito ay malapit na Pasko!

At ang ibig sabihin noon para sa ating mga techies ay discounted prices on all of our favorite stuff!!! Pag pasko mas mura ang mga cellphones, MP3 players, lahat!!! Kaya sa inyong mga naghahanap na bumili ng cellphones eh mag-ipon ipon na kayo hane? Dalawang buwan na lang.

Tungkol diyan sa pagbili ng cellphones, may mga nagtatanong tungkol diyan. Sa palagay ng WALASTECH! ay ang pinakamaganda ay bumili ka ng brandnew mula sa mga network providers at sa manufacturers. Kasi, value for money sila. Kapag sa kanila ka bumili ay may warranty sigurado ang inyong binili, at pag ito ay nasira ay madali mong mapapaayos at mapapalitan kung kailangan.

Kung hindi kaya ng budget ay naandiyan ang tinatawag na graymarket. Dito mabibili ang mga secondhand (may dating may-ari at ibinenta o sinangla), refurbished (may sira dati, inayos at binebenta muli), reconditioned(may sira o wala dati, inayos at binebenta uli ng halos brandnew ang presyo). Lahat ng mga ito ay mas mababa ang presyo kaysa sa mga unit na galing sa network providers na bago. Pero dahil nga ang mga ito ay maaring gamit na ay mas malaki ang tsansa na baka ito ay masira muli. Ang masakit, wala nang warranty ang mga ito kaya nasasa nagbebenta na lamang ang inyong pag-asa pag nasira ito bigla.

Ang masakit ay iyung mga nagbebenta ng nakaw at smuggled. Ito iyung tinatawag na blackmarket. Mahirap nga naman malaman kung ang binebenta ng gray market ay galing sa blackmarket diba? Ito pa ang isang dapat isipin kung bibili sa graymarket. Galing ba sa nakaw ito?

Isipin ninyo siguro: "Oh eh ano ngayon? Di naman ako nanakawan eh?" Ito kasi iyon, baka buhay ang naging kapalit ng cellphone na iyan diba? Baka makarma ka pa. Paano kung pinatay iyung pinagnakawan niyan? O sinaktan? At kung tatangkiling mo ang nakaw na cellphones eh gaano katagal bago ikaw ang manakawan.

Ganito kasimple iyan: Kung walang bibili ng nakaw, walang magnanakaw. Paano mo malalaman na nakaw? Tanong mo kung pwedeng patesting bago mo bilhin, siyempre papayag iyan. I-on tapos i-type mo ang *#06# sa keypad. Ang lalabas na number ay ang IMEI ng telepono. Kung ang number na ito ay sobrang sunod-sunod, nakaw iyan.

Kung gusto mong makasigurado, at ikaw mayroong internet access i-check mo muna sa www.numberingplans.com iyung IMEI number nung cell na bibilhin mo kung wala ito sa kanilang database, nakaw ito. Kung gusto mo iapapulis mo na iyung nagbebenta...

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Good PM po, ask ko lang po kung bakit ayaw makasend o makareceive ng pics at tones ang infrared ko? Nasisira din po ba yun at napapagawa? Magkano po kaya? Nokia 3200 po unit ko. Thanks and more power. Angel of pcg

SAGOT: Tulad ng lahat ng kagamitan ay di maiiwasan na masisira din iyan. Pero maari din naman ipaayos. At hindi tulad ng ibang mga parts ng cellphone eh dapat eh mura lang iyan dahil hindi ganoong kamahal ang infrared parts. Dalhin nyo lang po sa mapapagkatiwalaang repair center.

Pero maari din po kasi na ang pinanggagalingan ng datos ay incompatible sa inyong cellphone at hindi sila nagakakaintindihan lamang, testingin muna gamit ang ibang cellphone bago dalhin sa paayusan.

-0-0-0-0-0-0-0-

Nais batiin ng TEAM WALASTECH ang aming newest member si Papa Doie. Siya ang aming expert sa aftermarket units and repair. So mula ngayon kung may gusto kayong malaman tungkol sa mga hinahanap nyo na unit o binebenta ay maari nyo na rin i-text kay Papa Doie sa WALASTECH sa SMART 09182772204! Dagdag serbisyo lang po sa inyo, aming mga giliw na mambabasa.

-0-0-0-0-0-0-0-

Sa mga interesado: Contact Center in Shaw blvd. area looking for nine call center agents. Needs to be fluent in English for the Australia and U.S. market. Please call Pia at 7268686 for more info.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

-39-

walastech 038 - SIGNAL STRENGTH

SIGNAL STRENGTH Ni Relly Carpio

May mga nagtanong sa akin tungkol sa problema nila sa signal ng kanilang cellphone. Kung paano ang kanilang mga cell ay nawawalan ng signal pagdating sa kanilang kuwarto o pagdating sa ibang lugar.

Ang signal ng cellphone kasi ay base sa kung gaanong kalapit ang inyong cellphone sa cellsite. Ang cellsite ay iyung tower na bakal o iyung plastic na bloke na nasa gilid ng isang building. Kung mas malapit ka sa cellsite at kung ito ay iyung kita, mas malakas ang signal mo. Kapag napalayo ka na, at natakpan ang cellsite ay hihina na ang iyong signal. Halimbawa, kung ikaw ay nakatayo sa likod ng building ng nakaharap sa isang cellsite, mas mahina ang iyong signal kaysa kung nakaharapn ka sa cellsite. Isa ngang kakatwang bagay na maaring mangyari ay kapag tumayo ka sa ilalim ng cellsite ay baka mawalan ka pa ng signal, dahil kung tutuusin ay nakatalikod sa iyo ang mga antenna ng cellsite.

Ito ngayon ang dapat tandaan ng ninuman kapag nawawalan ka ng signal. Nawawalan ka dahil lamang sa ilang pangyayari: Una ay dahil walang cellsite na malapit sa iyo dahil ang distansiya lamang ng isang cellsite ay umaabot ng ilang kilometro lamang. Ikalawa, madaming nakaharang mula sa iyo ay cellsite, mga bagay tulad ng bundok, kabahayan, dingding, kahit nga tao lang minsan ang nakaharang eh pwede na. Ikatlo ay may sira ang cellphone mo at hindi ka na nakakasagap ng signal mula sa network providers. Ikaapat ay may problema ang network providers at nakadown ang network. Ikalima, binomba ng mga asogeng rebelde-kuno ang cellsite at ilang buwan bago ka magkasignal muli.

Kung ikaw ay medyo nahihinaan sa iyong signal ay lumakad lang papunta sa bintana, lalakas na dapat iyan. Iwasan din na takpan ang bandang itaas ng cellphone dahil dito ang antenna module para hindi humina ang signal.

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Good AM. kapag matagal na bang di nalalagyan ng load ang SIM eh nawawala ba talaga ang signal nito, halimbawa ang SMART BUDDY? Pwede ba ito mapalagyan ng signal uli? Salamat po! Bert ng QC.

SAGOT: Ang SIM ay dine-deactivate ng network providers kapag umabot na dalawang buwan na wala itong load. Kahit na sinong network provider, hindi lamang ang SMART ay ginagawa ito para mabawasan ang mga active accounts at hindi masyadong macongest ang network ng mga inactive accounts. Kung hindi ito gagawin ng mga network providers ay baka dumating ang araw na hindi na tayo makatawag o makapagtext. Ang palugit nila na dalawang buwan ay matagal na kung tutuusin. Ang SIM, once madeactivate ng network ay hindi na uli maaring i-activate. Bumili na lamang po ng bagong SIM.

TANONG: Paano namin malalaman na original ang battery at charger namin na nabili?

SAGOT: Ang pinakamaganda ay bumili sa authorized dealers lamang para siguradong-sigurado. Pero kung hindi maiiwasan ay siguraduhin lamang na ang lalagyanan ng battery o charger ay selyado, na ito ay may mga tamang selyo, holograms at branding marks. Sobrang galing na kasi ng mga namememke ngayon sa totoo lang na sobrang hirap na talagang malaman.

TANONG: How can I activate my MMS? Cellphone ko po ay Sony Ericsson T68i. Please help me. Tnx.

SAGOT: Ang pagactivate ng MMS sa isang cellphone ay dependent di lamang sa model ngunit sa network provider din. Pero ang pinakamadali ay inyong dalhin sa manufacturer shop o sa network provider mismo para sila ang mag-setup at magactivate. Medyo mahirap po kasi na ipamigay ko ang activation codes sa column. Tawagan ang customer service ng inyong network provider para sa karagdagang tulong at impormasyon.

-0-0-0-0-0-0-0-

Alam namin sa TEAM WALASTECH na ang aming IKLISAGOT sa text sa inyong mga katanungan ay medyo malabo minsan, pero minsan ay mahirap i-explain sa loob ng ilang salita ang solusyon sa inyong mga problema. Kami po ay humihingi ng paumanhin kung sa tingin ninyo ay hindi namin kayo pinagbibigyan, pero kaya nga andito itong column na ito para punan ang kulang sa aming mga kasagutan. Ang aming hiling lamang ay inyong kaunting pasensiya at pagpatuloy na pagtangkilik.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

-38-

walastech 037 - ANG TAWAG NG CALL CENTERS

ANG TAWAG NG CALL CENTERS Ni Relly Carpio

Call Centers, ang leader at maaring future ng ICT industry dito sa Pilipinas. May study na booming pa rin ang industry ng call centers sa atin. Hindi problema and marketing ng product ng call center service mula sa atin dahil kumbaga sa palengke ay puro suki na ang mga kliyente natin. Ang masakit ay kulang sa supply.

Supply? Mga tao na siyang nagiging call center agents. Oo, kayo! Ayon kay Alex, isa sa aking mga colleagues, ay mayroong 75,000 na call center agents dito ngayon sa Pilipinas. Alam ninyo kung ilan pa ang kailangan? Hmm? 75,000 uli.

O ano! Gulantang kayo ano? Iniisip ninyo siguro ngayon...aba! Bakit andito ako at hindi doon nagtratrabaho at kumikita ng 12,000 kada buwan? Ito ba ang iyong rason: Kasi mahina kang mag-ingles o kaunti lang ang iyong pinagaralan? Diyan lumalabas ngayon ang sinasabi ng mga contact centers na sila ay equal opportunity workplaces. Meaning, basta willing kang matuto, kukunin ka nila.

Ganitong kasimple iyan mga kababayan. Kung handa kang matuto at magtiis para matuto, at handa kang isaalang-alang ang iyong oras para sa trabaho, pwede ka sa call center. Ano ba naman ang pagtulog mo kung ang kapalit ay dose mil?

Kailangan kasing punuan ng mga contact centers ang pangangailangan sa pinakamadaling panahon dahil kung wala silang maibibigay ay hindi magdadalawang isip ang kanilang mga kliyente na pumunta sa ibang bansa para maghanap. Sige ka andiyan lang ang India at China. Tig-isang bilyon sila doon.

Kung gusto mong matutong mag-ingles ng mabilisan para makasakay ka sa trend na ito, gawin mo lang ang ginagawa mo na ngayon, hindi ang magkamot ng tiyan, ang magbasa. Ang pagbabasa ang pinakamagandang paraan para matuto ng isang linguwahe. Ito at ang makipag-usap gamit ang linguwahe. O paano? Palitan niyo na from Cebuano ang salita sa bahay ninyo? "Hey Lito!" "Yes Mommy!" "You go to Aling Ising's store and make utang some vetsin."

Diba? Class!

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Aside from I want to get experience what is the best answer for: Why I want to work for this company?

SAGOT: I need money! Joke lang!Ü Try: I want to begin an enriching career with this company. I believe in what it stands for and the products/services that it provides. Ang job interview ay hindi nalalayo sa beauty contest, ang tamang sagot ang susi para maging winner ka lola!

TANONG: May age limit ba sa pagpasok o pag-aaply ng trabaho sa call center? Paano po kung 2 years vocational course lang ang nakuha may chance po kaya at ano po yung course na pwedeng kunin sa STI or AMA na para sa call center?

SAGOT: Iyung course na pwedeng kunin nakikipagusap pa po ang WALASTECH sa STI tungkol sa kanilang plano na ibalik ang contact center training course, pero pinaguusapan pa po iyon. Pwedeng pwede na ang vocational studies mo, kahit nga tapos ka lang ng high school pwede eh, basta willing kang matuto, seryoso ka sa trabaho at wala kang takot.

TANONG: Nabasa ko sa column nyo tungkol sa call center equal opportunity work place interesado ako I am 48 years old BSBA graduate widow of 5 kids im not fluent in english.

SAGOT: Kung nakalampas ka ng college, I'm sure kaya mong lampasan ang six months speech training nila. Iyung bayaw ko 47 nasa call center. Dati siyang engineer ng utility company.

TANONG: I wud lyk 2 ask favor if you could give me a call center company where i can apply for a part-time am 39 years old and working as telephone operator in a condo at ortigas, am a single parent of 3 children. Hope you can help me more power! anne ibanez

SAGOT: Madami pong call centers sa Ortigas area. Magtanong-tanong lang po kayo at siguradong malalaman ninyo iyung mga call centers na nakakalat diyan. Tapos po ay mag-apply na agad kayo, in-short habang umiikot ay may dala na dapat kayong resume.

-0-0-0-0-0-0-0-

Ito ay padala ng isang reader, ang attitude niya ang magandang gayahin ng lahat na gustong magtrabaho sa call center: Kaya ko yon kahit age 40 na ako! Sharp memory ko at magalang ako magsalita! Jojo 2nd yr journalism course

Mabuhay ka Jojo, ang mga tulad mo ang mag-aangat sa bansa natin mula sa mga asoge na gustong pumatay dito.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

-37-

NETWORK PROBLEMS

MGA PROBLEMA SA NETWORK Ni Relly Carpio

KAMUSTA na mga kababayan? Sarap ba ng bakasyon kahapon? Nitong mga nakaraang araw ay madami kaming nakuha na text na problema sa ibang mga network, kaya naisip ng TEAM WALASTECH na sagutin ang mga tanong tungkol sa network problems ngayong issue na ito.

-0-0-0-0-0-0-0-

Ang Network ay ang siyang ginagamit ng mga cellphone para ito ay makapagcommunicate sa ibang mga cellphone sa loob din ng network at sa mga cellphone sa ibang mga network. Kumikita ang Network providers sa pagbebenta ng service na ito sa kanilang mga subscribers. Ito ang inyong binabayaran kada kumukuha kayo ng load o ng prepaid card, ang serbisyo na ipapadala ng Network Provider ang inyong text at papayagan kayong makipagusap sa telepono.

Masalimuot ang pagiging Network Provider: kada may masamang mangyari sa cellphone, mawalan ng signal, magkaproblema sa pagtawag, ay nasa dulo agad ng mura ang pangalan mo. Tulad ng pagiging isang kolumnista. May masabi ka lang na mali...

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Can my text message to my textmates be read by another cellphone or be directed to my wife's cellphone without my knowledge? Pwede ba sya makapakinig ng usapan namin ng katext ko? Thanks.

SAGOT: Una, ang magandang solusyon ay huwag ka nang mang chicks tol. Baka paggising mo isang araw eh putol na ang antenna module mo hane? Pero tulad ng problema sa "Hello Garci" chuva-ek na iyan, medyo mahirap gawin iyung mag-tap ng cellphone ng wala kang kagamitan na espesyal. Sabi nga ng isang network provider, isang judicial order lamang ang makapagpipilit sa kanila na ipakita ang call records ng isang subscriber. Call records lang iyon ha, hindi iyung payagang mag-tap in sa calls.

Ngayon, tulad ng sinabi ko sa iyo nung pinadalhan kita ng IKLISAGOT sa text, kailangang kopyahin ni misis ang iyong SIM para magawa niya iyon. Kapag nagawa niya iyon ay makukuha niya lahat ng text at calls mo ng walang hirap. Naging malaking problema iyan noong panahon bago maging GSM ang networks ng cellphones. Iyung tinatawag na cellphone cloning kung saan kinokopya ang identity ng isang SIM para may ibang makagamit ng number pero hindi siya ang magbabayad. Bagkus ang ninakawan ng number.

Ops! Huwag kayong magpanic. Hindi clonable ang GSM SIMs ng mga current Network Providers. Halos impossible iyon, dahil kailangan ng consent ng Network Provider thru a legal court order para magawa iyon. May kaibigan ba na huwes ang asawa mo?

TANONG: Good PM po! Tanong ko lang po kung paano magpablock ng cellphone kasi nanakaw ang cellphone ko noong Sunday. Paano pls?

SAGOT: Tumawag sa inyong Network Provider at magpatulong. Kakailanganin ninyo ang tatlong bagay: ang IMEI number ng inyong cell, ang resibo ng pagbili ninyo ng cellphone at isang affidavit of loss na ginawa sa loob ng tatlong araw ng pagkawala ng cellphone. Kailangan ng isang police report para makagawa ng affidavit of loss from theft. Dadalhin ninyo ito sa NTC at sila na ang magproprocess ng pag-block ng cellphone mula sa network.

Sa cellphone lang iyan. Tungkol sa inyong SIM at cellphone number, kapag line kayo ay bibigyan na lang kayo ng inyong Network Provider ng bagong SIM with the same number for a small fee. Kung naka-prepaid kayo, sorry na lang. Ngayon pa lang, para safe, kopyahin na ninyo ang lahat ng contacts ninyo sa cellphone sa isang address book at itabi ng maayos at i-update regularly. Ito lang ang alam kong fool-proof na paraan para maibsan ang sakit ng mawalan ng cellphone. At least hindi nawala ang contacts niyo.

TANONG: Bakit po itong cell phone ko kahit na may signal ayaw magsend? Ano po dapat gawin pagsend ko palaging message sending failed. Ano po kaya sira, at mahirap magsend? God bless sa iyong column.

SAGOT: Baka hindi po nakaset ang tinatawag na message center number sa messages setup. Kapag ang walang nakaset na message center number sa cell ay hindi ito makakatanggap o padala ng mga text. Tumawag po kayo sa inyong Network Provider at hingin ang number ng Message Center para sa inyong network at ilagay doon sa setup. Huwag matakot, kaya mo iyan, simple lang na problema iyan. O kung gusto mo gumastos ka ng 800 para lokohin ka ng technician na may "software problem" ang cellphone mo kaya di ka nakakapagsend.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

September 26, 2005

ANO BA IYANG TSAT NA IYAN?

ANO BA IYANG TSAT NA IYAN? Ni Relly Carpio

CHAT ang makipagusap tungkol sa mga bagay-bagay, makipagututang-dila. Siyempre mas class sabihin ang: Care to chat? kaysa: Hey you wanna make ututang-dila?

Ang chat ay bansag din sa pakikipagusap sa internet sa pamamagitan ng pagpapadala ng maiigsing mga message. Kahit mayroon ng Video-Chat sa internet ay ngayon pa lamang nauuso ang makipagusap ng parang sa telepono sa pamamagitan ng internet. Kaya ang siyang naging palasak na paraan ng pakikipagugnay sa internet ay nahati sa tatlo: ang email kung saan nagpapadala ka ng sulat sa mga tao na iyong gustong makausap, ang bulletin board service o BBS kung saan magpapadala ka ng sulat na maaring mabasa ng madaming tao, at ang chatrooms kung saan maari kang magpadala ng mga maigsing mensahe na mababasa ng mula isa hanggang isang libong tao na nasa "loob" ng chatroom.

Matagal nang may chat. Bago nagkaroon ng matinong email ay mayroon nang matinong chat client dahil sa nauna ang BBS na parang chat pero hindi mabilisan.

Ang chat kasi eh pagkatapos mong ipadala ang message ay darating na agad sa kausap mo. Parang text. Hindi tulad ng BBS noon na may panahon pa. Pero wala nang BBS ngayon, napalitan na siya ng mga tinatawag na Forums sa Internet.

So? Ano gamit ng chat? Para sa halos 8 milyon nating kababayan na may mga kamaganak sa ibang bansa, sa pamamagitan ng free-chat ng mga Instant Messenger services ng mga free-email clients tulad ng Yahoo, at Hotmail at ng kung alin-alin pa ay maari kayong makapagusap at makita pa sila sa pamamagitan ng webcam. Sa pagdating ng Voice-Over-Internet-Protocols o VOIP ay maari pa ninyong makausap sila ng parang nasa telepono.

Magkano? Libre. Oo libre. Ang babayaran mo lang ay iyung paggamit ng computer kung sa cybercafe ka makikipag video chat, o iyung pambili ng computer, at bayad sa Internet Service Provider kung gusto mo naman sa bahay.

Aabutin ka ng mga 20,000 para sa matinong pang videochat sa bahay, at kailangan kang magbayad monthly para sa internet at sa kuryente, pero kung gusto mo na buong day-off ni mister sa Jeddah ay nakikita mo siya sa camera at nakakausap sa pamamagitan ng chat ay okay lang. Kung gusto mo iset-up mo sa ulunan ng lamesa ninyo ay pwede na uli kayong kumain na parang naandoon siya mismo sa bahay!

Parang iyung commercial sa TV. Totoo iyon at affordable na dahil ang mura na ng teknolohiya. Kung gusto ninyong magkaroon niyan ay magtanong sa mga mapapagkatiwalaang computer shop. Long distance calls? Laos na iyan.

Siyempre magandang makita mo muna at matuto kung paano iyang chat bago ka mag-invest sa computer at internet connection. Maghanap ng marunong, pumunta sa internet shop at magpaturo.

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Pinablock ko po ang unit ko Nokia 6230, ibinigay ko serial number sa NTC pero di ko pinablock ang SIM ko kasi alam ko rin tinanggal. Cgurado po bang blocked na yon at di magagamit? Madali po bang ma-unblock iyon? Pwede pa bang mapa-blocked uli? Thanx much!

SAGOT: Ito ngayon ang masakit na katotohanan: Hindi sigurado ang blocking, madaling magpa-unblock at hindi na pwedeng i-block uli. Kaasar ano?

Kasi mayroong mga asoge diyan na imbis na i-report ang mga obvious na nakaw na cellphone ay pikit matang aayusin ang blocked na cellphone para lang sa ilang daang piso!

Ang tanga naman nila kung hindi nila mapansin na miyembro ng JJA (Jumpin' Jologs Army ika nga ni Mareng Aivie) ang nagbebenta sa kanila ng mamahaling cellphone. Heller! Pambili nga ng matinong toothpaste wala iyung tao (hindi mo ba naamoy!) pambili pa kaya ng Nokia 6230 na worth 18,000!

Iyan ang malaking problema nating mga matitinong mamamayan. Hanggat may mga tao na handang bumili ng nakaw para lamang magkaroon ng cellphone ay may magbebenta. At buhay ang kapalit ng mga pagnanakaw na ito. Naisip niyo ba iyon, kayong mga asogeng nag-tatanggal ng IMEI-block ng cellphone? Tubuan sana kayo ng limang kulani sa isang kilikili!

-0-0-0-0-0-0-0-

Ang Certified Microsoft Office Specialist at beterano sa ICT na si Prof. Jerry Liao ay magpapalabas muli ng kaniyang pinakaiintay na POWERTIPS SEMINAR sa Setyembre 14, 2005 sa Rizal Ballroom ng Makati Shangrila Hotel.

Ang POWERTIPS 2005 ay hindi basta-basta computer seminar. Babaguhin nito ang pagtingin ninyo sa pagtrabaho na gamit ang Microsoft Office. Magtuturo ito sa inyo ng shortcuts, tips, at techniques na papalawigin ang inyong karunungan at galing sa Microsoft Office. Inaanyayahan ang lahat, lalo na ang mga estudyante, teachers at office workers na dumalo.

Supportado ng GlobeLines, Microsoft, Silicon Valley, Smart, AMA, Avaya, Canon, EMC, Epson, HP, APC InfraStruXure, PLDT myDSL, Nexus Technologies, PalmOne, PLDTOnline, Samsung, SAP at ng STI ang Powertips 2005. Siyempre, kasama ang Team WALASTECH! sa pag-endorso dito.

Tickets para sa POWERTIPS 2005 ay mabibili sa lahat ng SM TicketNet outlets. Pwede ring mag-register online sa www.microsoft.com/philippines/powertips.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com o sa SMART +639182772204 at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

-035-