September 30, 2005

NETWORK PROBLEMS

MGA PROBLEMA SA NETWORK Ni Relly Carpio

KAMUSTA na mga kababayan? Sarap ba ng bakasyon kahapon? Nitong mga nakaraang araw ay madami kaming nakuha na text na problema sa ibang mga network, kaya naisip ng TEAM WALASTECH na sagutin ang mga tanong tungkol sa network problems ngayong issue na ito.

-0-0-0-0-0-0-0-

Ang Network ay ang siyang ginagamit ng mga cellphone para ito ay makapagcommunicate sa ibang mga cellphone sa loob din ng network at sa mga cellphone sa ibang mga network. Kumikita ang Network providers sa pagbebenta ng service na ito sa kanilang mga subscribers. Ito ang inyong binabayaran kada kumukuha kayo ng load o ng prepaid card, ang serbisyo na ipapadala ng Network Provider ang inyong text at papayagan kayong makipagusap sa telepono.

Masalimuot ang pagiging Network Provider: kada may masamang mangyari sa cellphone, mawalan ng signal, magkaproblema sa pagtawag, ay nasa dulo agad ng mura ang pangalan mo. Tulad ng pagiging isang kolumnista. May masabi ka lang na mali...

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Can my text message to my textmates be read by another cellphone or be directed to my wife's cellphone without my knowledge? Pwede ba sya makapakinig ng usapan namin ng katext ko? Thanks.

SAGOT: Una, ang magandang solusyon ay huwag ka nang mang chicks tol. Baka paggising mo isang araw eh putol na ang antenna module mo hane? Pero tulad ng problema sa "Hello Garci" chuva-ek na iyan, medyo mahirap gawin iyung mag-tap ng cellphone ng wala kang kagamitan na espesyal. Sabi nga ng isang network provider, isang judicial order lamang ang makapagpipilit sa kanila na ipakita ang call records ng isang subscriber. Call records lang iyon ha, hindi iyung payagang mag-tap in sa calls.

Ngayon, tulad ng sinabi ko sa iyo nung pinadalhan kita ng IKLISAGOT sa text, kailangang kopyahin ni misis ang iyong SIM para magawa niya iyon. Kapag nagawa niya iyon ay makukuha niya lahat ng text at calls mo ng walang hirap. Naging malaking problema iyan noong panahon bago maging GSM ang networks ng cellphones. Iyung tinatawag na cellphone cloning kung saan kinokopya ang identity ng isang SIM para may ibang makagamit ng number pero hindi siya ang magbabayad. Bagkus ang ninakawan ng number.

Ops! Huwag kayong magpanic. Hindi clonable ang GSM SIMs ng mga current Network Providers. Halos impossible iyon, dahil kailangan ng consent ng Network Provider thru a legal court order para magawa iyon. May kaibigan ba na huwes ang asawa mo?

TANONG: Good PM po! Tanong ko lang po kung paano magpablock ng cellphone kasi nanakaw ang cellphone ko noong Sunday. Paano pls?

SAGOT: Tumawag sa inyong Network Provider at magpatulong. Kakailanganin ninyo ang tatlong bagay: ang IMEI number ng inyong cell, ang resibo ng pagbili ninyo ng cellphone at isang affidavit of loss na ginawa sa loob ng tatlong araw ng pagkawala ng cellphone. Kailangan ng isang police report para makagawa ng affidavit of loss from theft. Dadalhin ninyo ito sa NTC at sila na ang magproprocess ng pag-block ng cellphone mula sa network.

Sa cellphone lang iyan. Tungkol sa inyong SIM at cellphone number, kapag line kayo ay bibigyan na lang kayo ng inyong Network Provider ng bagong SIM with the same number for a small fee. Kung naka-prepaid kayo, sorry na lang. Ngayon pa lang, para safe, kopyahin na ninyo ang lahat ng contacts ninyo sa cellphone sa isang address book at itabi ng maayos at i-update regularly. Ito lang ang alam kong fool-proof na paraan para maibsan ang sakit ng mawalan ng cellphone. At least hindi nawala ang contacts niyo.

TANONG: Bakit po itong cell phone ko kahit na may signal ayaw magsend? Ano po dapat gawin pagsend ko palaging message sending failed. Ano po kaya sira, at mahirap magsend? God bless sa iyong column.

SAGOT: Baka hindi po nakaset ang tinatawag na message center number sa messages setup. Kapag ang walang nakaset na message center number sa cell ay hindi ito makakatanggap o padala ng mga text. Tumawag po kayo sa inyong Network Provider at hingin ang number ng Message Center para sa inyong network at ilagay doon sa setup. Huwag matakot, kaya mo iyan, simple lang na problema iyan. O kung gusto mo gumastos ka ng 800 para lokohin ka ng technician na may "software problem" ang cellphone mo kaya di ka nakakapagsend.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

No comments:

Post a Comment