SIGNAL STRENGTH Ni Relly Carpio
May mga nagtanong sa akin tungkol sa problema nila sa signal ng kanilang cellphone. Kung paano ang kanilang mga cell ay nawawalan ng signal pagdating sa kanilang kuwarto o pagdating sa ibang lugar.
Ang signal ng cellphone kasi ay base sa kung gaanong kalapit ang inyong cellphone sa cellsite. Ang cellsite ay iyung tower na bakal o iyung plastic na bloke na nasa gilid ng isang building. Kung mas malapit ka sa cellsite at kung ito ay iyung kita, mas malakas ang signal mo. Kapag napalayo ka na, at natakpan ang cellsite ay hihina na ang iyong signal. Halimbawa, kung ikaw ay nakatayo sa likod ng building ng nakaharap sa isang cellsite, mas mahina ang iyong signal kaysa kung nakaharapn ka sa cellsite. Isa ngang kakatwang bagay na maaring mangyari ay kapag tumayo ka sa ilalim ng cellsite ay baka mawalan ka pa ng signal, dahil kung tutuusin ay nakatalikod sa iyo ang mga antenna ng cellsite.
Ito ngayon ang dapat tandaan ng ninuman kapag nawawalan ka ng signal. Nawawalan ka dahil lamang sa ilang pangyayari: Una ay dahil walang cellsite na malapit sa iyo dahil ang distansiya lamang ng isang cellsite ay umaabot ng ilang kilometro lamang. Ikalawa, madaming nakaharang mula sa iyo ay cellsite, mga bagay tulad ng bundok, kabahayan, dingding, kahit nga tao lang minsan ang nakaharang eh pwede na. Ikatlo ay may sira ang cellphone mo at hindi ka na nakakasagap ng signal mula sa network providers. Ikaapat ay may problema ang network providers at nakadown ang network. Ikalima, binomba ng mga asogeng rebelde-kuno ang cellsite at ilang buwan bago ka magkasignal muli.
Kung ikaw ay medyo nahihinaan sa iyong signal ay lumakad lang papunta sa bintana, lalakas na dapat iyan. Iwasan din na takpan ang bandang itaas ng cellphone dahil dito ang antenna module para hindi humina ang signal.
-0-0-0-0-0-0-0-
TANONG: Good AM. kapag matagal na bang di nalalagyan ng load ang SIM eh nawawala ba talaga ang signal nito, halimbawa ang SMART BUDDY? Pwede ba ito mapalagyan ng signal uli? Salamat po! Bert ng QC.
SAGOT: Ang SIM ay dine-deactivate ng network providers kapag umabot na dalawang buwan na wala itong load. Kahit na sinong network provider, hindi lamang ang SMART ay ginagawa ito para mabawasan ang mga active accounts at hindi masyadong macongest ang network ng mga inactive accounts. Kung hindi ito gagawin ng mga network providers ay baka dumating ang araw na hindi na tayo makatawag o makapagtext. Ang palugit nila na dalawang buwan ay matagal na kung tutuusin. Ang SIM, once madeactivate ng network ay hindi na uli maaring i-activate. Bumili na lamang po ng bagong SIM.
TANONG: Paano namin malalaman na original ang battery at charger namin na nabili?
SAGOT: Ang pinakamaganda ay bumili sa authorized dealers lamang para siguradong-sigurado. Pero kung hindi maiiwasan ay siguraduhin lamang na ang lalagyanan ng battery o charger ay selyado, na ito ay may mga tamang selyo, holograms at branding marks. Sobrang galing na kasi ng mga namememke ngayon sa totoo lang na sobrang hirap na talagang malaman.
TANONG: How can I activate my MMS? Cellphone ko po ay Sony Ericsson T68i. Please help me. Tnx.
SAGOT: Ang pagactivate ng MMS sa isang cellphone ay dependent di lamang sa model ngunit sa network provider din. Pero ang pinakamadali ay inyong dalhin sa manufacturer shop o sa network provider mismo para sila ang mag-setup at magactivate. Medyo mahirap po kasi na ipamigay ko ang activation codes sa column. Tawagan ang customer service ng inyong network provider para sa karagdagang tulong at impormasyon.
-0-0-0-0-0-0-0-
Alam namin sa TEAM WALASTECH na ang aming IKLISAGOT sa text sa inyong mga katanungan ay medyo malabo minsan, pero minsan ay mahirap i-explain sa loob ng ilang salita ang solusyon sa inyong mga problema. Kami po ay humihingi ng paumanhin kung sa tingin ninyo ay hindi namin kayo pinagbibigyan, pero kaya nga andito itong column na ito para punan ang kulang sa aming mga kasagutan. Ang aming hiling lamang ay inyong kaunting pasensiya at pagpatuloy na pagtangkilik.
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.
-38-
No comments:
Post a Comment