January 06, 2006

WALASTECH 062- 051103 - MALIGAYANG EID-AL-FITR

WALASTECH 062 - MALIGAYANG EID-AL-FITR Ni Relly Carpio

Eid-al-Fitr sa November 04. Ito ang katapusan ng Ramadan at dito ay tatlong araw na nagdidiwang ang ating mga kapatid na Muslim. Nagbibigayan sila ng mga regalo, nagkikita ang mga pamilya para magdasal at magsalo-salo, at sa ibang mga lugar ay nagpipista pa sila. Maligayang Eid-al-Fitr mga kapatid naming Muslim.

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Pwede po ba pakitxt sa akin ang mga new brands CP na medyo mura at saang store po ito mabibili. Tnxs po.

SAGOT: Ngayong malapit na ang panahon ng Pasko ay intayin niyo lang ang nationwide sale na gagawin ng mga network providers. Ito ang pinakamagandang panahon para bumili ng cellphone dahil bagsak sila ng presyo lahat, para sila ang makabenta ng pinakamarami.

Tingnan din ang mga cellphone na nilabas at ilalabas ng Motorola dahil sila ang naatasan ng GSM Association, ang global na asosasyon ng siyam na pinakamalaking manufacturers ng cellphone, na gumawa ng tinatawag nilang the 30 dollar phone. Ito ang cellphone na nakatarget sa mga emerging GSM markets, o iyung mga bagong cellphone markets sa mga third world countries. Kaantabay nito ay nagsimula na silang maglabas ng mga mumurahin pero matibay na cellphones.

TANONG: Paano po ba malalaman kung ang isang cellphone ay recondition? Especially yung tinitinda sa mga mall. Yung colored at hindi colored. Tnx po and more power!!!

SAGOT: Tingnan ang box na bibilhin. Ito dapat ay selyado. Kung ito ay bukas na, baka reconditioned na ito. Kung mukhang kaduda-duda rin ang kahon (kasi nga naman, gaanong kadali na magpeke ng karton diba?) baka reconditioned din ito. Para makasigurado ay bumili lamang sa mga major authorized shops, o sa mga napapagkatiwalaang stalls.

TANONG: Gud evening po. Pano ba isu-subscribe ang GPRS. At hindi rin ako makapag-download ng wallpaper or tones. 3510i po ang unit ng cell ko.

SAGOT: Depende po sa network provider ninyo. Kung sa SMART ay inyong kailangang magtext para sa activation, kung sa GLOBE ay kailangang ipaconfigure niyo pa. Para sigurado ay dalhin ang inyong cellphone sa customer service center ng inyong network at sa kanila ipa-configure at ipa-activate. Ipa-activate niyo na rin ang MMS ninyo.

Siguraduhing may load kayo bago ito gawin dahil kailangang magsend ng test MMS at para makapagsurf ng GPRS site ay kailangan din ng minimum load.

TANONG: Paano po gagamitin ang service command editor menu?(NOKIA) Anong eksaktong Salita ang ita-type ko sa menu. Ung isusulat ko po talaga dun kasi nakakalito po. Ty. –Jayson

SAGOT: Ang service command editor ay mas ginagamit sa ibang bansa, kasi po network dependent po ang service na iyan. Ang mga local network providers po natin ay hindi ginagamit iyang feature na iyan ng NOKIA. Parang ganito po kasi iyan, iyung mga pinapadala natin sa kanila na mga code word para makakuha ng mga picture, tones, etc. iyan po iyung nilalagay sa service command editor sa ibang mga network sa ibang mga bansa.

Huwag niyo nang pakialaman iyan dahil pinadali na ng ating mga network providers ang pagkuha ng content sa pamamagitan ng paggamit ng dedicated activation codes.

TANONG: Ano po ba ang sira ng CP k? Kasi pag nag outgoing call po ako, di ko naririnig yung ring ng tinatawagan ko. Kahit sa 1515 po walang "tut-tut" how much po kaya paayos dun? TY so much.

SAGOT: Hindi mo kasi sinabi kung ano ang model ng phone mo, baka kasi sa setup lang iyon eh. Pero sa totoo lang, ano ngayon kung hindi mo marinig iyung "tut-tut?" Diba mas importante na marinig mo ay iyung boses ng iyong kausap? Tingnan ang setup ng iyong cellphone, baka naka-on ang handsfree niya kaya wala kang naririnig na tunog. Kung gusto mo talagang masigurado ay dalhin ang inyong cellphone sa authorized repair center o sa inyong trusted technician. Di ko rin alam ang presyo dahil paiba-iba po iyan kada technician at service center.

TANONG: Hi, I'm Jerome Angcog of CDO Misamis Oriental. Nabasa ko ang column niyo sa news na kelangan ng 75 thousand applicant sa callcenter Im INFOTECH 2 years graduate. I want to work in callcenter but how? txtbk.

SAGOT: Una, hindi po kami nagtetext back. Ikalawa, kung wala kang balak pumunta dito sa Manila o sa Cebu para maghanap ng ma-a-apply-an na call center ay pwede mong puntahan ang una at nagiisang call center diyan sa Cagayan de Oro. Ang LINK2SUPPORT, INC. na matatagpuan sa Block 2 Lot 3 Trade St. Pueblo de Oro IT Park, Cagayan de Oro City. Tel. #: (088) 853-2200, Fax #: (088) 853-2229, Email: recruitment_cdo@link2support.com, Visit their URL at: www.link2support.com.

Tanong mo kung may opening sila para sa iyo, ang alam ko meron. Pero preferred nila ang online application. Sige na, gawin mo na, now na! Huwag maging batugan sa sariling bayan!

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

-062-051103-

walastech 061 - TECH PARA SA UNDAS

walastech 061 - TECH PARA SA UNDAS Ni Relly Carpio

Sa Araw ng mga Kaluluwa ay ating ginugunita ang mga pumanaw at ang mga Santo sa langit. Nawa'y maging makabuluhan, matahimik at ligtas ang inyong Undas. Ating alalahanin na ang panahon na ito ay para sa dasal at pagsasalo-salo kasama ang ating mga minamahal na siyang nakahimlay na.

-0-0-0-0-0-0-0-

Sa pamamagitan ng mga gadget ay mapapadali ang inyong Undas ngayong taon, basta alam mo kung paano ito gagamitin ng maayos. Ang cellphone ang siyang siguradong magiging inyong bitbit sa panahon na ito.

Sa darating na Undas ay medyo mahirap ang asahan ng basta-basta ang serbisyo ng mga network providers. Sa dami ng mga magte-text ay may pagkakataon na magkaroon ng seryosong lag o delay sa pagpapadala ng mga messages. Pipilitin naman sigurado ng mga network providers na hindi ito magkaganito. Pero para makasiguro ay mas magandang tawagan na lang ninyo ang mga tao na inyong katext o kaya ay magpa-miss call kayo kapag natanggap nila ang text niyo.

Ingatan din ninyo ang cellphones niyo sa panahon na ito dahil siguradong maglilipana na naman ang mga asogeng magnanakaw sa mga sementeryo. Kung maari ay gumamit kayo ng lanyard, o iyung tali na kinakabit sa cellphone at ito ay isabit sa inyong leeg o ikabit sa belt-ring ng inyong salawal kung ibubulsa ang cellphone.

Makita lamang ng mga isnatcher o ng mga mandurukot na ang cellphone ay maayos na nakasecure sa inyo ay magdadalawang isip na ang mga ito. Ang kapalit nga lang ay malalaman naman ng holdapper na meron kayong cellphone, pero madali naman silang iwasan ngayon dahil ang daming tao sa lansangan.

-0-0-0-0-0-0-0-

Dangang napagusapan na rin natin ang mga asogeng iyan, heto ang isang tip mula sa aming resident security consultant sa Team WALASTECH: Kung kayo ay maholdap at hingin ang inyong cellphone, alalahanin na ang mga asogeng duwag na ito ay madalang na mambiktima ng nag-iisa lang sila. Madalas, may kasama iyan at kung minalas pa kayo ay baka hindi lang cellphone at wallet ang kunin ng mga iyan, lalo na kung isa kang mayuming binibini.

Kung kailangan mong manlaban, isipin na ang pinakaimportante ay ikaw ay makalayo sa kanila para makahingi ka ng tulong. Isang paraan ay itapon ang inyong cellphone sa lupa imbis na i-abot sa kaniya, peke-in mong mahulog kung kailangan. Habang kanyang pinupulot ito ay pumiglas ka na at kumaripas ng takbo palayo habang sumisigaw ng saklolo. Malaki ang tsansa na uunahin niyang kunin ang cellphone at tumakbo din kaysa habulin ka at saktan.

Wag mo nang isipin ang cellphone o ang pera o anuman. Walang materyal na bagay ang katumbas ng inyong buhay.

-0-0-0-0-0-0-0-

Ayon sa isang survey na pinagawa ng AMA Education System sa Social Weather Stations 41% ng mga taong bayan ay naniniwala na "purely negative" o puro masasama na lang ang nilalabas na balita ng media. Mga balitang hindi daw nakakatulong sa bayan. May 29% naman na ang sinabi ay hindi daw. May 28% ang natira na hindi makapagdesisyon.

Sa mga tinanong at sumangayon sa "purely negative" na galaw ng media, 47% ang taga Metropolitan Manila, kung saan kadamihan ng media ay matatagpuan. Mas kaunti kumpara sa Visayas (33%) at Mindanao (38%).

Samantala ay may 37% na mga Pilipino na naniniwala na ang oposisyon ay walang maayos na plano para sa bayan na ang habol lang nila ay mapaalis si GMA para sila naman ang makaupo. At 28% ang laban sa paniwalang ito, 31% ang hindi sigurado.

Ang survey ay ginawa mula August 26 hanggang September 5, 2005 na kinasasalihan ng ng "statistically representative sample" ng 1,200 voting-age adults sa buong bayan.

Ito ang nais baguhin ng column na ito, kaya ang dulot namin sa inyo aming mga mambabasa ay ang karunungan at mga good news ika nga tungkol sa inyong mga gadget para naman sumaya ang inyong buhay, at hindi niyo na maisip na kaming mga taga media ay wala nang binalitang mabuti. Hane?

-0-0-0-0-0-0-0-

Sa mga naghahanap ng trabaho, eto: ang WINSOURCE Contact Center ay naghahanap ng mga CSR Staff, Outbound at Inbound. Apply through email sa winsource001@gmail.com o tingnan sa hanapin sa jobstreet.com website.

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Gud PM. Mr. Relly, gusto ko lang po humingi ng technic kun pano ko magagamit un blinking messages kahit d ko na ipa-upgrade ung cell ko. Kung may blinking kayo pass nyo sa kin, txtbk libre ko kau.

SAGOT: Hindi po iniindorso ng Team WALASTECH ang pagpapaupgrade ng cellphone para sa mga tulad ng blinking messages o anupaman maliban na lamang kung ang upgrade ay ipinagawa o ipinatawag ng manufacturer ng cellphone mismo. Sa totoo lang, di lang nakakatanggal ng warranty ang mga modifications na ganiyan sa cellphone pero nakakasira rin ito dahil hindi naman ginawa iyung model ng cellphone na iyan para sa ganoong feature.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

-061-051101-