October 11, 2005

walastech 040 - Original sim

ORIGINAL SIM Ni Relly Carpio

Ang SIM ang tinatawag na utak ng iyong cellphone. Siya ang nakakaalam ng iyong phone number, siya ang tinatawagan ng iyong mga kaibigan at siya ang nagtatago ng lahat ng number ng iyong mga ka-text. Siya rin ang nagtatabi ng mga text mo.

Masaklap ang masiraan ng SIM. Para ka na ring nawalan ng cell o para ka na ring nawala sa mundo dahil sa mga mawawala sa iyo. Importante na alagaan ang SIM nyo. Iwasan na ito ay magasgas o madikit sa mga magnet.

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Good PM sir, gaano po ba katagal bago masira ang isang SIM Card?

SAGOT: Kapag na-program na ang SIM card ay mayroon itong standby time na umaabot ng dalawang taon bago ito mag-expire. Kaya pag bumibili kayo ng bagong SIM card ay mayroong nakadikit dito na sticker na may "Use By: <date>." Kapag ang SIM ay hindi na-activate by this date, ay ito'y matatanggal na mula sa network. Kapag na-activate naman ay ito ay magkakaroon ng two months expiry period na permanente.

Kung sa loob ng two months na ito ay walang load ang SIM o two months ito na hindi tumawag o nagpadala ng text ay ide-deactivate ito ng network. Kapag ang isang SIM ay na-deactivate ay hindi na ito muling i-activate muli.

Kaya siguraduhin na may load ang inyong SIM at gamitin ito kahit minsan sa loob ng dalawang buwan.

TANONG: Good AM po! Ask ko lang po kung masisira ba ang cell pag pinalitan ng SIMcard? Tnx.

SAGOT: Hindi po. Ang GSM cellphones ay designed na gamitan ng kahit ilang SIM cards. Madalas nga lang na ang cellphones ay locked lamang sa isang network provider ng bansa na inyong pinagbilhan nito. Pero pwede namang ipa-openline at mayroon din naman na nabibili na mga openline na phones. Ang problema lang ay may mga phones na kapag nilagyan ng bagong SIM ay kinokopya agad ang telephone numbers na naka-save sa loob nito sa internal phonebook niya. Magkakahalo-halo ang mga telephone numbers ng inyong mga SIM.

Also, medyo sensitive ang mga SIM at kapag palit ng palit ay maaring ang SIM ay magasgas at masira. Mabilis ding makaubos ng battery time ang pag-bukas sara ng cellphone dahil sa kababasa nito sa SIM.

TANONG: Sir bakit kaya insert card ang nag appear sa cellphone ko tapos pag binalik, wala ang signal, pag bumalik ang signal oks na ulit, then balik back again to insert card, God Bless.

SAGOT: Dalawa lang po iyan, either sira na po ang dock ng inyong SIM card, iyon po iyung pinaglalagyan ng SIM card, o kaya ay sira na po ang SIM ninyo at nagluluko na iyung chip niya kaya hindi masyado mabasa nung cellphone.

Testingin nyo po ang cell nyo with a different cell o testingin ninyo ang inyong SIM sa ibang cellphone para malaman kung alin ang sira. Madali naman pong ayusin pareho iyan dahil kung iyung SIM ay bumili na lang kayo ng bago, kung iyung cell naman ay baka kailangan lang linisin ang connectors ng SIM dock. Nagkakaroon po kasi ng umido ang mga connectors ng cellphone pagkatagalan dahil madami po diyan ay gawa sa tanso lamang.

TANONG: Good PM po! Tanong ko lang po kung pwede po i-upgrade itong Nokia 5110 para magkaroon ng SMART Menu. Thank you and more power.

SAGOT: Meron po na pang SMART Menu ang lahat ng cellphones. Ang tawag po diyan ay SIM Services Menu. Kaso, dahil medyo luma na po ang Nokia 5110 ay namimili na po siya ng SIM type. Baka po bago ang gamit ninyong SIM (mga later 128k o mga bagong 256k), at baka incompatible na ito sa Nokia 5110. Network dependent po kasi ang paglabas ng SIM Services Menu. Either mag downgrade kayo ng SIM o mag upgrade ng phone. Mas suggest po namin iyung magbago ng phone dahil hindi na po masyadong supportado ang Nokia 5110.

-0-0-0-0-0-0-0-

PAPA DOIE'S TIP OF THE DAY: Kapag nagpapaayos ng cellphone bantayan ng mabuti lalo na pag hindi kakilala ang nag-aayos. May raket ang iba na kunyari ay may mahuhulog na parte ang cellphone mo, pagpulot nila ay nasalisihan ka na. "Ay nahulog..." sabay pulot ng ibang part na nakatago sa kanyang kandungan. Iyon na ang magiging sunod-sunod na pagkasira ng iyong cellphone at pabalik-balik na paayos. Maging alisto ng hindi maloko.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

-040-

No comments:

Post a Comment