WALASTECH 085-051227 BAGONG GADGETS By Relly Carpio
O siguro naman hindi kayo masyadong naimpatso sa inyong celebrasyon ng pasko? At siguro din ay inyong pinaglalaruan na ang inyong bagong gadget? Diba? Bagong cellphone? MP3 player? DVD player? Component? TV? Hmmm? Sarap ng feeling ano?
Bueno, tandaan! Basahin ang manual sa pinakamadaling panahon. Kada magkaproblema, konsultahin ang manual bago kami i-text; at ingatan ang bagong gamit, huwag masyadong ipaglandakan at baka bago magbagong taon ay manakaw pa iyan.
Ang mga gadget, kapag inalagaan at inaruga ay matagal kang pagsisilbihan at tutulungan para maging produktibo at masaya. At huwag kalimutan, kapag talagang wala nang matakbuhan kapag nagkaproblema sa bagong gadget, andito lang kami, ang TEAM WALASTECH na handang tumulong.
-0-0-0-0-0-0-0-
TANONG: Ask ko lang po kung bakit di nag-a-appear yung ibang name pag nagtext sa akin. Number lang kahit naka-save naman sa phonebook ang name nila?
SAGOT: Baka iyung format na nasa phonebook mo ay hindi iyung katulad ng pumapasok sa cellphone. May mga cellphone na maselan na kapag hindi magkapareho ay hindi niya ipinapakita. Madalas kasi ang ginagamit natin na format o style ay iyung 09**- tapos iyung telephone number na mismo ng kaibigan mo kapag nilalagay natin sa phonebook. Ang format na ginagamit ng network ay +639**- tapos iyung phone number.
Hindi mali ang paggamit ng 09**- na preface sa phonebook dahil naiintindihan naman ito ng network, ang nagiging problema ay iyung kapag pumasok ang number na tumawag o nagtext mula sa network, ito ang hindi naipa-pares ng iyung cellphone doon sa nasa phonebook niya. Dahil hindi tugma, hindi niya maipakita.
Maari rin na dahil sa dami ng phonebook entries mo, ay hindi agad nahahanap ng cellphone mo ang kapareho ng pumapasok na number, at imbis na problemahin pa niya ito at patagalin ang pagpasok ng tawag ay pinalulusot na lamang niya basta at sinusunod na lang ang paglagay ng pangalan.
Kung gusto mong maiwasan ito ay baguhin mo lahat ng nasa phonebook entries mo mula sa prefix na 09**- at gawing +639**-. Ang "+63" ay ang country code ng Philippines, at dahil lahat ng cellphone ay international phone code ang gamit, ito ang pinakanaiintindihan ng network.
TANONG: Tanong ko lang po kung pwede dagdagan ng KB yung NOKIA 6610 thanks.
SAGOT: Aling KB? Ang alam ko MB o megabytes, hindi kilobytes (KB). Baka ang ibig sabihin niyo ay iyung MB RAM o Random Access Memory ng isang cellphone. Hindi po nadadagdagan ang processor memory ng mga cellphone maliban na lang kung ito ay kalikutin at palitan ng isang technician. Pero ang paggawa nito ay hindi kinukundena ng mga manufacturers at nakasulat sa warranty na anumang gawaing ganito ay nakakavoid ng warranty.
Pero may mga cellphone tulad ng NOKIA 6610 na nadadagdagan ang memory capacity sa pamamagitan ng mga multimedia memory card (MMC) at ang iba sa pamamagitan ng secure digital memory card (SD Card).
TANONG: Good PM po sir! Ask me kung bakit ang cellphone ko na Sony Ericsson T310 ay palaging message sending failed kapag may nakasulat na emergency only.
SAGOT: Kapag ang isang cellphone ay nagpapakita ng emergency only, ang ibig sabihin nito ay hindi niya makita ang kanyang home network, o iyung network provider ng kanyang SIM. Kaya hindi ka makatext ay dahil wala kang signal.
Hindi nasasagap ng network mo ang signal ng cellphone mo. Kung wala iyon, kahit na anong tawag o text ay hindi mo magagawa. Pero dahil may nasasagap na ibang network ang iyong cell, kanyang pinapakita ang "Emergency Only."
Ibig sabihin ang pwede lang tawagan ay ang universal emergency number na 112 na siyang maaring tawagan ng kahit na sino, kahit na saan sa mundo, basta may cellphone na may signal, para makatawag sa mga emergency teams tulad ng pulis, bumbero, o ambulansiya. Pero kapag may signal lang ito na nasasagap mula sa ibang network providers. Ngunit, kapag walang kahit na kaninong signal ang lalabas ay "No Signal."
TANONG: Tanong ko po kung wala po bang compose ng tone sa NOKIA 3220? Salamat po - Helen of Pangasinan
SAGOT: Ayon sa aking butihing kaibigan na si Mareng Bing ng Philippine IT Update wala daw composer ang kaniyang NOKIA 3220. Pero mayroon daw na recorder na maaring gawing ringtone ang iyung nirecord. Diba mas okay iyon? Pwede mong irecord ang biyenan mo kapag pinaparingan ka o kapag umaangal at gamitin ito bilang message tone? Tingnan natin kung hindi ka magmadaling sagutin ang text mo.
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.
085-051227
No comments:
Post a Comment