March 20, 2006

walastech 074 - 051201 Bagong Computer vs Second Hand

walastech 074 - 051201 Bagong Computer vs Second Hand Ni Relly Carpio

TANONG: Good AM po gusto ko pong bumili ng kahit second hand na computer kaya lang po ay di namin alam tumingin kung may sira na ito baka maloko lang me sa halagang 10 thousand.

SAGOT: Unang una po mas maganda kung ang inyong bibilhin ay iyung brand new, dahil una, may warranty pa po lahat ng parts nito at pag nagkaroon ng problema ay madaling mapapalitan ng walang bayad. Pangalawa, ang technician ay kasama din sa warranty kaya walang bayad din sa pagcheck-up. Oo, mas mahal, pero mas kaunti naman ang poproblemahin ninyo. Ako, na masasabing may kaalaman naman sa computers ay hindi mo mapapabili ng second hand computer maliban na lang kung kakilala ko ang pagbibilhan ko, as in kabarkada ko. Mahirap na po kasi eh. Hindi mo alam kung kailan papalya iyung computer, at kung pumalya na ay mapapagastos ka sigurado sa repair at parts.

Naandiyan pa iyung mga nanloloko na technician sa mga taong walang masyadong alam sa computer. Iyung bebentahan ka ng computer na ang parts sa loob ay second hand, o kaya ay pasira na. Nakakaasar isipin na may mga asoge talaga na ganoon pero ganun talaga ang buhay eh. May mga asoge.

Ang solusyon? Kung cannot afford ninyo ang bagong computer ay mag-ipon pa ng kaunti. Sa halagang 16,000 ay makakapagpabuo ka na ng isang computer na maari nang gamitin ng estudyante para sa mga project sa school at maari na ring gamitin sa mga games. Iyun kasing mga system na nasa 25k pataas ay top of the line iyung mga iyan, at madalas ay gaming system na iyan na talagang mahal kumpara sa simpleng work station.

Kung talagang hindi na kayang dagdagan ang budget gamitin na lang ang 10 thousand para rumenta ng paulit-ulit sa computer shop. Sa 30 pesos per hour medyo dalawang linggo na diretsong gamit na rin iyon. Medyo pwede kang magcomputer o internet ng isang oras kada araw sa isang buong taon.

Kada bibili ng computer, dapat isipin na ang gagastusin dito ay dapat na mabawi para maging investment siya imbis na gastos. Kung para sa iskwela ay dapat iyung pinakasimple lang na maaring makuha dahil gagawing gaming computer lang iyan ng mga anak mo kung kukuha ka ng top of the line. Lalong hindi makakapagaral ang mga anak mo sa kakalaro ng computer.

TANONG: Tanong ko lang po kung paano iblock yung cell thru text? Nawala na po kasi resibo ng pagkabili kaya di po madala sa NTC. Nanakaw po kasi yung cell ng kapatid ko kaya lang di naireport dahil akala nasa bahay lang. Nakita niya po doon sa kabarkada niya kaya lang di na lumitaw nung kukunin na namin yung cell. Thanks po and more power to your column nsa WALASTECH! PJ BULACAN

SAGOT: Una nakikiramay ako sa iyo PJ dahil sa nawalan kayo ng cellphone. Ngayon, obviously mahirap na ipahuli ang "kabarkada" ng kapatid mo dahil mahirap patunayan na iyon nga ang cellphone ninyo kung wala sa inyo ang resibo. Unfortunately ay wala ring paraan para ipablock through text ang isang cellphone. Sorry. Bumili na lang kayo ng bagong cell, at sa susunod ay magingat lalo na sa mga "kabarkada" niyo.

TANONG: Hello ano po ba ang mangyayari sa cellphone na laging pinaglalaruan tulad po ng space impact? Wala ho bang masama dito? More power po.

SAGOT: Dalawa lang ang mangyayari, mauubos ang battery mo at mabubura ang keypad sa sobrang gamit. Pero okay lang kahit na walang tigil kang maglaro sa cellphone mo. Game on! Kung talagang hardcore ka gamitin mong pang tanching sa tumbang preso ang cellphone mo. Iyon nakasisira ng cellphone, pero gaming hindi.

-0-0-0-0-0-0-0-

Congratulations sa MSU Iligan na nanalo ng P1Million sa Trend Micro Technology Challenge

Makatapos ng 48 oras ng programming, tinalo ng Iitians ng Mindanao State University ang ibang finalists para mapanalunan ang grand prize na One Million Pesos. Second place ang team Code Green ng De La Salle University na nanalo ng Five Hundred Thousand Pesos. Di naman nagpahuli ang Savers ng UP Diliman sa third place na siya namang nanalo ng Two Hundred Fifty Thousand Pesos.

Congrats din sa mga ibang finalists: AMACUPS ng AMA Quezon City, Phoenix ng Mapua Institute of Technology, icarOs ng Rizal Technological University, UP Bibbo ng UP Diliman, Vulcan ng UP Diliman, Checkmate ng University of San Jose-Recoletos, at XCEL ng Xavier University.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

074 - 051201

No comments:

Post a Comment