March 20, 2006

walastech 079 - 051213 EDU MANZANO PINAGPUGAY NG BSA

walastech 079 - 051213 EDU MANZANO PINAGPUGAY NG BSA Ni Relly Carpio

Kinumendiya ng Business Software Alliance (BSA) kamakailan ang mga tagumpay na kinamal ng Pilipinas Anti-Piracy Team (PAPT) sa kanilang laban sa mga pirata dito sa atin. Si Optical Media Board Chairman Edu Manzano ang siyang tumatayo bilang spokesman ng PAPT. Kasama sa PAPT ang National Bureau of Investigation, Philippine National Police at ang OMB ni Chairman Edu.

Ayon kay Tarun Sawney, BSA Director of Anti-Piracy for Asia, na dahil sa trabaho ng PAPT ay tumaas na ang bilang ng mga nagsuplong ng mga kumpanya na gumagamit ng mag illegal na software. Dumami na rin ang mga kumpanya na nagbolumtaryo na magpa-legal ng kanilang mga computer. "This is very promising" anya ni Tawney.

Ang BSA ay isang pang-mundong organisasyon ng mga pinakamalalaking mangagawa ng commercial software. Kapag sa paniwala ng BSA na ang isang bansa ay software safe, mas malaki ang kanilang gana na magtayo ng mga opisina dito at magbigay trabaho sa mga mamamayan ng bansa.

Kung mayroon kayong gustong malaman tungkol sa software piracy o mayroon kayong gustong isumbong, maaring tawagan ang BSA sa kanilang hotline 819-5897 o 1-800-1-888-8787 o sa www.bsa.org/philippines website.

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Good AM, tanong ko lang kapag naiblock ko na po ang cell gamit ang IMEI pwede po bang ipaopen ito uli? Pwede ko po bang malaman ang sagot dito sa cell? Thanks.

SAGOT: Ito ay isang nakakalunos na katotohanan. Bale wala na ipa-block mo ang IMEI ng iyong cellphone kapag ito ay nanakaw. Bakit? Kasi napakadali na magpa-un-block nito sa mga stall ng mga asoge na technician sa black market. Iyung mga walang kwentang tao na nagbebenta ng mga nakaw na cellphone sa kung saang-saang sulok ng Pilipinas. Oo, aaminin ko na dahil walang ibang umaamin, at malabong may umamin. Ito ang katotohanan. Hangga't may taong mga tulad nito na nagtatanggal ng IMEI block sa pamamagitan ng pagpalit ng IMEI number ng cellphone na nakaw ay hindi matitigil ang sindikato ng blackmarket cellphones. Kasama na dito ang pagkitil ng buhay ng mga nahoholdap ng mga walang pakundangang asoge na walang pakialam kung mapatay nila ang ninanakawan nila.

At dahil nga pwedeng ipa-open uli ay bale-wala ang pagblock ng IMEI, nagaksaya ka lang ng oras para mahirapan iyung mga magnanakaw ng kaunti na maibenta uli ang cellphone mo. Pero ang nawalang mga araw sa iyo ay sandali lamang sa mga technician nila. Ang masakit ay kung sakaling sa tulong ng isang himala ay makuha mo muli ang cellphone mo na ipana-IMEI block mo, walang legal na paraan para ma re-activate muli ang IMEI mo. Sa mga sindikato ka pa rin pupunta para mapaandar muli cellphone mo. Nakakayamot ano?

TANONG: May tanong po ako, mataas din po ba ang memory ng NOKIA 6610i? Kasi mahilig po ako mag pix, kaya lang po ang budget ko pang N6610i. Jing of QC

SAGOT: Lahat ng mga camera phones, mapalaki o maliit ang memory, tulad ng 6610i ay may isang kakahantungan din. Darating ang araw na kakailanganin mong ilipat ang mga photo na kinunan mo sa isang computer at eventually sa isang CD para makakuha ka pa ng mas maraming photo. So ang tanong na dapat na iyung iniisip ay hindi kung malaki ang memory ng cellphone na bibilin mo bagkus kung mayroon kang panglipat ng photos. Also kung mahilig ka na mag pix? Bakit cellphone ang binibili mo?

Isa iyan sa mga aking sinasabi sa mga nagtatanong sa akin kung anong magandang camera phone ang dapat kunin. Sa aking paniwala mayroong tinatawag na over convergence. Covnergence ay iyun bang sobrang dami na ng features ang nilalagay sa isang gadget na nakakalito na itong gamitin. At dahil sa pinipilit nilang siksikin ito sa iisang gamit lang ang nangyayari ay lahat ng mga features nito ay nagiging palpak. Kaya nagkakaroon ng mga cellphone na may camera nga, ang hirap namang mag text, o makipagusap na gamit siya, tapos bilang pang-asar, ang labo pa ng picture. Diba? Parang patche-patche lang siya?

Kaya ito maipapayo ko sa iyo, kung mahilig ka talagang mag picture-picture, bumili ka ng camera at iyon ang gamitin. Tapos bumili ka na lang ng murang cellphone. Trust me, sa pagtagal, mas matutuwa ka sa mga kaunting magagandang photos na makukuha mo kaysa sa mga sandamukal na maliliit na panget.

TANONG: Tanong ko lang po kung pwede i-openline ang model T226 ng Sony Ericsson at saan?

SAGOT: Pwede. Ewan ko kung saan. Siguro sa usual suspects: Greenhills, Quiapo, Shaw, Ortigas, Makati.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

079 - 051213

No comments:

Post a Comment