walastech 084-051224 CELLPHONES PARA SA PASKO Ni Relly Carpio
Ayan! Bukas ay Pasko na. At kung inyong mamarapatin na silipin ang mga diyaryo at ang mga tindahan ng cellphone inyong mapapansin na nagbagsakan na ng presyo ang mga bagong cellphone tulad ng aking sinabi noon sa mga nagtatanong kung saan magandang bumili ng cellphone.
Siyempre ang sinagot ko sa kanila noon ay bumili sila hindi saan, ngunit kailan. Ang kailan na iyon ay sa panahon ng pasko kung saan para makadami ng benta ay nagbabagsak ng lahat ng presyo ng cellphone at maging ng mga SIM packs. May isang network provider na 99 pesos na lang ang isang SIM pack. At mayroon na rin na nagbagsak mula sa piso isang text at kanilang ginawang tatlong beinte singko na lang kada text. Mabuhay kayo!
Iyan ang nagagawa ng isang healthy market. Maraming angal ang ginawa noon ng dalawang malaking network providers nang magbigay ng unlimited ang ikatlong network provider. Ang sabi nila ay ito daw ay labag sa batas at sa mga trade chuvaness. Pero tingnan mo nga ngayon? Sino ang walang unlimited? Diba lahat sila meron?
Ayan ang nangyayari kapag mayroong competition at hindi monopoly ng isang business field. Sa huli, tayo na mga consumer ang siyang makikinabang sa paglalaban-laban ng mga sellers at providers. Bueno, good luck sa inyong shopping at sa bibili ng mga bagong cellphone.
-0-0-0-0-0-0-0-
Ano nga ba ang dapat na hinahanap ng mga bumibili ng bagong cellphone. Dalawang klase lang kasi ang mamimili ng cellphone. Iyung practical at iyung nakiki-uso. Ang tanong ay kung sino kayo sa dalawang ito?
Kung ang inyong unit ay iyung pinaka-bago, pinaka-uso at isa sa pinakamahal para ikaw ay cool tingnan kahit na hindi mo naiintindihan ang nagagawa ng iyong cellphone at halos hindi na ka na kumain ng tanghalian para mabili ito, obviously, nakiki-uso ka. Kung ang cellphone mo ay iyung simple, mura, at para sa iyo basta nakakatawag at nakakatext ay okay na, ikaw ay practical.
Pero siyempre, mayroon namang mga practical na nakikiuso din, iyung mga kumukuha ng units na mura pero nagagawa iyung mga advanced na functions ng mga mas mahal na cellphones. Para sa akin, ito ang dapat na maging siyang batayan ng pagbili ng cellphone. Lalo na ngayon na tag-hirap ang marami sa atin, pero kailangan pa rin natin ng cellphone.
Humanap ng cellphone na naaangkop sa inyong pangangailangan. Kung hindi ninyo kailangan ang MMS ay huwag ng kumuha ng MMS phone. Kung wala kayong paraan para maglipat ng pictures mula sa phone ay huwag na kayong kumuha ng camera phone. Bago magpadala sa mga uso ay siguraduhin niyo muna na alam ninyo ano ang pinapasok ninyo. Pag-iingat na rin iyan kasi dahil alam naman natin na kapag ang cellphone ay mamahalin, mas takaw mata iyan sa mga magnanakaw. Kaunting pag-iingat na rin iyung pagbili ng mumurahing cellphone.
Kung bibili ng cellphone siguraduhin na mayroon itong mga sumusunod na functions: large Phonebook (mas maraming numbers na inyong maitatago sa cellphone mas tatagal ito); send to many (ang function na maari kang magpapadala ng isang text sa maraming tao); GPRS (kahit walang MMS basta mayroong GPRS para makapag-internet ka sa pamamagitan ng iyong cellphone dahil ito na ang susunod na mauuso na teknolohiya); Polyphonic Ring Tones (para mapalitan mo ng mga gusto mong tunog ang cellphone mo para mas maenjoy mo ito); at Games (para may pang-enjoy ka naman kapag na trapik ka).
-0-0-0-0-0-0-0-
Sana ay walang bumili ng nakaw na cellphone ngayong panahon ng Pasko, pero niloloko ko lang ang sarili ko kung paniniwalaan ko iyon, marami pa ring asoge diyan.
Paano ninyo malalaman na nakaw ang cellphone? Una, walang kahon at walang charger, kung meron man ay hindi selyado ang kahon. At siyempre kung hindi sa kagalang-galang na bilihan galing eh obviously hindi iyan lehitimo.
Paalaala lang po mga kaibigan, mayroong anti-fencing law dito sa atin. Ang pagbili ng nakaw ay napapatawan ng parusa na halos kapareho ng pagnanakaw na mismo. Gusto niyo bang makulong dahil lang sa cellphone?
At ano naging kapalit ng pagkakanakaw ng cellphone na iyan? Ang dalamhati ng nanakawan, ang takot ng hinoldap, ang sidhi ng ginahasa, ang galit ng namatayan? Iyan ba ang gusto mong kapalit ng iyong masayang Pasko? Gabayan sana kayo ng konsensiya niyo. At sa mga magnanakaw, mabagsakan sana kayo ng nagbabagang krismas light!
-0-0-0-0-0-0-0-
Merry Christmas po sa inyong lahat mula sa amin dito sa TEAM WALASTECH. Nawa'y mahanap ninyo ang saya at katiwasayan sa kapanganakan ng ating Panginoong Hesukristo. In Excelsis Deo!
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.
084-051224
No comments:
Post a Comment