walastech 087 - 051231 Ang Nakaraang Taon ng Tech Ni Relly Carpio
Bago ang lahat, ingat sa pagpapaputok mamya. Happy New Year!
Ito ang tinatawag na year in review o year ender ng ating column. Ito ang ika-87th na issue ng column na ito; una kaming lumabas noong Hunyo dito sa PM. Siyempre ang column na ito ay ginawa upang paglingkuran kayo, aming mga giliw na mambabasa.
Sa tulong ninyo at ng inyong mga katanungan ay nabuhay ang ating column at magpapatuloy na mabubuhay sa susunod na taon at nawa'y sa mahaba pang panahon. Di namin makakalimutan ang aming utang na loob sa inyo at dahil dito ay mas taos puso pa namin kayong paglilingkuran dito sa WALASTECH.
-0-0-0-0-0-0-0-
Itong nakaraan na anim na buwan ay nakita natin ang tuloy na pagtaas ng antas ng teknolohiya sa ating bansa, na nagsimula ilang taon na ang nakakaraan. Kahit na sa harap ng nakakayamot na political turmoil, economic crisis, social unrest, at pati na natural disasters ay umangat ang ating bansa kumpara sa ibang mga bansa sa Asya at sa mundo.
Isa na tayo sa pinaka-advanced na bansa sa Asya pagdating sa pagiging technological. Ang ating GSM cellphone network ay tanyag sa buong mundo. Ang ating call center industry ay isa sa pinaka vibrant din sa buong mundo. Maraming mga ICT companies ang may satellite office dito sa ating bansa at marami pa ang nagsisipagtayo dito o nagbabalak magtayo. May mga major offices dito ang ilang mga multinational ICT companies din. Tinitingala ang mga technicians at ICT personnel na nanggagaling dito sa atin o nag-aral dito sa atin. Isa tayo sa major sources ng ICT experts para sa buong mundo.
Bilib ang marami sa mga top ICT companies sa kakayahan ng Pinoy pagdating sa technology. At dahil dito ay siguradong ang 2005 ay masasabing napaka-successful na taon para sa ICT dito sa Pilipinas.
Nakita natin ang paglaki at pagdagsa ng call centers dito sa ating bansa. Andiyan na rin ang pagdating ng 3G o third generation technology sa GSM networks dito sa ating bansa. Lumaki ang tiwala ng ICT multinationals sa kakayahan ng ating gobyerno at ng ating mga personnel pagdating sa larangan ng technolohiya. Ang mga manufacturers, di lamang ng mobile technology, ngunit pati ng consumer electronics; na dati ay ginagamit lamang tayo na manufacturing center; ay ginagamit na rin tayo bilang test bed ng bagong technology at products. Dati ay mga first world countries lamang ang ginaganito nila. Bakit nga naman hindi? Ang antas ng deployment o paggamit ng technology ng mga kumpanya at maging ng common tao dito sa atin ay napakataas.
At, dahil sa pagbaba ng piracy rate ng Pilipinas ang mga software companies ay nagsisimula nang magtiwala at magtayo ng mga offices dito sa atin. At dito na kumukuha ng mga programmers at developers para sa paggawa ng software na binebenta sa buong mundo.
Kahit ano pa man ang nangyari o mangyayari ay mahirap nang pigilan ang pagtaas pa lalo ng tingin sa atin ng mga ibang bansa pagdating sa ICT. Ang column na lang na ito ay isa nang pruweba na ang ICT ay tanggap na ng ating bayan. Dahil pati ang masa ay makatech na rin! Ang column na ito at ang dami ng queries na natatanggap namin ang patunay na pati ang ordinaryong tao ay sumasabay na sa techwave; at pati mass publications ay pinupunuan na ang pagngangailangan ng technological education at assistance. At kami dito sa WALASTECH at PM Pang-Masa ang naunang nagbigay sa inyo, aming giliw na mambabasa, nito. Siyempre napasubo na kami, dahil una nga kami, kaya tuloy-tuloy na ito.
-0-0-0-0-0-0-0-
Nais din naming pasalamatan lahat ng mga kumpanya ng Information and Communications Technology na tumulong para paglingkuran namin ang mga kababayan natin. Unang-una na ang SMART COMMUNICATIONS at ang NETOPIA na mga technology partner ng WALASTECH. Andiyan din siyempre ang MICROSOFT, IBM, TREND MICRO, SYMANTEC, SUN MICROSYSTEMS, CHIKKA, COMPUTER ASSOCIATES, CISCO SYSTEMS, EMC, NORTEL, ERICSSON, EPSON, APPLE, ASUS, SAMSUNG, COMMDAP, SILICON VALLEY at ang aming education partner STI. Siyempre ang mga friends natin sa IT JOURNALISTS ASSOCIATION OF THE PHILIPPINES o CYBERPRESS at ASIAN GAMING JOURNALISTS OF THE PHILIPPINES na nagbibigay ng kanilang expertise para masagot ang inyong mga katanungan. Huwag din nating kalimutan ang mga opisyal ng NATIONAL TELECOMMUNICATIONS COMMISSION, DEPARTMENT OF TRADE AND INDUSTRY, at DEPARTMENT OF SCIENCE AND TECHNOLOGY na walang kupas na nagbibigay serbisyo sa mga mamamayan.
Mabuhay kayong lahat at sana'y hindi kayo magsawa sa inyong pagtulong sa amin sa TEAM WALASTECH sa PM at sa ating mga mamamayan. Maraming-maraming salamat po.
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.
087 - 051231
No comments:
Post a Comment