January 19, 2009
WT3 - 003
Laking gulat ko ng bigla siyang nagalit at sinabing "Huwag mong ma lang-lang ang aking iskwelahan! Madami na kaming mga achievements din! Hindi kami basta bastang iskwelahan." Obviously hindi naintindihan ng aking tiyahin ang aking ibig sabihin kasi hindi ko naman mina-mata ang kaniyang iskwela, ang aking ibig sabihin ay doon ko na "lamang" (abbreviation: lang) pag-aaralin ang aking mga anak dahil hindi ko kayang tustusin ang kanilang pag-aaral sa mga mas mahal na pribadong paaralan.
Bakit nga ba napaka-defensive ng mga ibang iskwela. Marahil ganoon ang reaksiyon ng aking tiyahin kasi minaliit ko, noong ako ay bata pa, ang isa sa mga Valedictorian ng iskwela niya, na kung aking ikukumpara sa aking dunong noon ay sadyang bobo. Hindi naman po nagmamayabang, nagsasabi lang...lamang...ng katotohanan. Eh, sa mas madami akong alam doon sa tao eh, ano magagawa ko? Hindi ko naman sinadya na pahiyain siya, hindi naman ako ang nagpasimuno ng diskurso, ng kumpetisyon, eh natalo ko eh, ano magagawa ko, hindi lang naman siya ang tinalo ko, mayroon namang iba, at pati din naman ako natalo din kapagdaka. Haaay...ang tao nga naman. Pride goeth before the fall.
Eniwey, iyon nga ang ibig kong sabihin, kung ang edukasyon ay pantay, eh di dapat hindi na nangyari iyung insidente na iyon, at hindi na dapat nabuwisit sa akin ang tiyahin ko. Diyan ngayon pumapasok ang teknolohiya ng internet kasi sa pamamagitan ng online education, ay maaring maging pare-pareho ang turo sa lahat ng lugar sa mundo. Wala nang maiiwan, wala nang mahuhuli sa antas at dunong dahil iisa na lang ang panggalingan. Pero kailan pa? Hindi pa ngayong taon na ito, at hindi pa sa mga susunod na taon.
Masyado pang nagtatalo ang mga marurunong kung kailan nila gagawin ito. At sa ating bansa ay nagtatalo pa ang mga buwaya sa gobyerno kung paano nila pagkakakitaan pati ang edukasyon ng ating mga kababayan na hikahos. Sila ang totoong buwisit. Sila ang dapat na maturuan ng leksiyon.
WT3 - 002
Magaling sana kung medyo liblib ang lugar na pinuntahan ko eh, pero Los Banos ito, isang lugar na matagal nang dinadayo ng mga turista, at isang daang taon na itong sineserbisyuhan ang mga estudyante ng UPLB. Kung ganoon ay ano ang istorya kung bakit walang signal ang ibang mga network?
Siguro wala pa ang Bayantel doon kasi bago pa nga naman ang network nila na wireless. Siguro mahina ang SUN Cellular kasi nga naman medyo may kalayuan na siya sa malaking siyudad kung saan mas napapagigi ng SUN Cellular ang kanilang paglagay ng mga cell sites. Pero bakit sobrang hina ng GLOBE? Minsan nga ay parang sa mga piling lugar lamang may signal. Pati nga ang SMART ay ganoon din.
Hmmm. Hindi kaya dahil may mga pwersa na ayaw na maging maayos ang komunikasyon sa mga liblib na lugar. Siguro naman ay hindi na lingid sa inyo ang mga gawain ng CPP-NPA sa mga probinsiya, kung saan kapag hindi nagbigay ang mga kumpanya ng telekomunikasyon ng "revolutionary tax" o kikil ay kanilang walang pakundangan na papasabugin ang cell site.
Bakit kaya nila ginagawa ito ano? Kasi ang dalawang kailangan ng kahit na anong komunidad para ito ay umunlad ay ang transportasyon at ang komunikasyon. Kaya nga palagi na lang mga bus operators at kumpanya ng komunikasyon ang pinupuntirya ng mga lintik na iyan eh. Takot sila na umunlad ang mga bayan na kanilang ginagalawan.
Kasi kasama ng pag-unlad ay ang karunungan. At mga mang-mang lamang ang nagpapagamit sa mga ideyolohiyang baluktot. Hindi ko sinasabi na tuwid ang ibang mga sistema, pero ang paggamit ng dahas, pananakot, at ang pagpigil ng pag-unlad, iyan ang hindi ko gusto.
Kayo ba aking mga kaibigan na komunista ang tama? Ang inyong ideyolohiya ba ang tapat? Kayo nga ba ang tamang daan sa isang matiwasay na kinabukasan? Sige nga, pabayaan ninyo na magkaroon ng komunikasyon, teknolohiya at dunong ang inyong mga nasasakupan. Ayaw ninyo? Bakit? Takot ba kayo na malaman ng mga tao ang katotohanan? Sus!
WT3 - 001
Iyan ang masaklap na katotohanan. Kaya po kung inyong napansin ay medyo wala na po akong ganang magsulat dito sa Walastech. Pati po ang aking mga kasamahan sa Team Walastech ay wala na din pong gana.
Pero paminsan-minsan ay may natatanggap po ako na text o kaya ay email mula sa mga mambabasa. Nabubuhayan po ako ng loob na baka sakali na mayroon nga na nagbabasa ng aking blog. At nabibigyan po ako ng kaunting saya at gana na ipagpatuloy itong aking ginagawa. Kahit na minsan ay parang napapagtawanan na ako ng ibang mga kolumnista ng teknolohiya sa ating bansa.
Kasi po mas madami ang nagbabasa sa kanila. Biro o pangugutya nila na "Sino naman ang magbabasa ng kolumn mo eh Filipino iyan? Medyo hindi konek diba? Makabagong teknolohiya at wikang Filipino?"
Kahit na anong inis o galit ang aking nararamdaman sa kanilang mga sinasabi ay kailangan kong tanggapin. Kasi nga naman, kahit masakit, ay iyon ang katotohanan. Noong tinanggal ang Walastech sa diyaryo, ang tinira sa walo na bagong kolumn kasama ang sa akin ay ang kolumn tungkol sa Feng Shui na hanggang ngayon ay naandoon pa din. Sino nga naman ako para kumalaban sa Feng Shui, isang teknolohiya at siyensiya na noong panahon pa ni Limahong ay nakatatag na? Geomancy ang tawag sa kanya ng mag banyaga sa Kanluran.
Kaya eto ako. Hindi naman sumusuko, andito pa din. Walastech pa din. Sana ngayong taon na ito, ang ika-apat na taon simula ng sinimulan ko ang Walastech, ay sipagin sana ako.
walastech II 006 - 081121 DESKTOP VIRTUALIZATION
Maaring ang sagot sa inyong problema lalo na ngayong panahon ng krisis ay ang Desktop Virtualization ng NComputing. Ang NComputing ay isang kumpanya mula sa US na espesyalista sa pagtataguyod ng ganitong teknolohiya. Medyo nakakaisang milyong lang naman na silang instalasyong nitong nakaraan na dalawang taon. Ano ba ang Desktop Virtualization?
Sa pamamagitan ng pagkabit ng isang bagong card sa inyong computer, pagpasok ng vSpace Virtualization software at pagkabit ng mga ilang maliliit na NComputing access device ay maari nang magkabit ng dagdag na monitor, mouse at keyboard, pati na din headphones at micropono sa iisang computer. Mula dagdag na tatlo hanggang sampu pang computer sa gamit ng kanilang X-Series. At mula lima hanggang tatlumpu gamit ang kanilang L-Series na gumagamit ng LAN network o iyung tawag na Ethernet.
Lahat ng nakakabit na extrang ito ay ginagamit iyung iisang computer lang kung saan nakakabit iyung ibang mga access devices. Parang master computer baga. O sige, pero paano iyung dagdag na kuryente? One watt lang ang gamit nung mga access device. Kung ikukumpara, ang regular na computer ay gumagamit mula 60 hanggang 110 watts kada ora. Ito, isa--isang watt. Mas malakas pa ang gamit ng inyong cellphone pag nagchacharge. Ang L-Series ay mas malaki ang gamit, lima.
Sino na ang mga gumagamit ng NComputing dito sa Pinas? Gamit na siya ng AFP, ng PNP, ng Adamson, ng V. Luna at ng mga kumpanyang KFC at Perkins Elmer. Gaano naman kahirap ito ikabit? Madali, kung may alam ka sa computer, kabit lang ng bagong card, install ng software at kabit ng mga kabilya eh ready to fight ka na. Kung wala kang masyadong alam ay oks lang, kasi pag bumili ka ng kanilang kit, libre ang pagkabit pati na ang pag lagay ng mga kable.
Okay, siguro ang nasa isip na ninyo eh magkano. Ayon kay Manish Sharma, Bise Presidente ng NComputing para sa Asya Pasipiko ang kanilang presyo ay bumabagsak sa 7000 isang unit para sa X-Series, at 13500 isang unit para sa L-Series.
Mahal? isipin, magkano ang bagong CPU? Hmm? Ang dagdag na gastos kada isang unit ay isang monitor, isang keyboard at isang mouse. Kung hindi ka mapili eh mayroon na makukuhanan ng lahat ng iyan sa 2000. So papatak, 9000 kada bagong workstation. Sige...asa ka pa. Tandaan, isang watt lang ang gamit nito ha, hindi 110 watts. So pagdating ni Popoy Meralco, ang dagdag sa kuryente eh...sa pangmatagalan talo ka.
Ngayon, hindi naman lahat ay pwedeng gamitin sa solusyon ng NComputing. Obvious kasi naman na tatlo tatlo ang gumagamit sa iisang computer kaya hindi pwedeng maglaro ng mga 3D games sa computer, o kaya ay mag lay-out ng malalaking files o ano mang gawain tulad ng number crunching o compiling sa virtual network na ito, pero kung ang gagawin lang eh manonood ng video sa you tube, makikinig sa music, magsusulat ng project o anu mang gawain ng estudyante ay pwedeng pwede na ito bilang sagot sa pangangailangan ng maraming computer sa iisang bahay.
So paano mo sila mahahanap? Dito: NComputing
*******
Paano kaya nangyari iyon?
Ayon kay Manish Sharma, kahit na lumalakas ang mga computer sa nakaraang 20 taon ay hindi naman masyadong nagbago kasi ang paggamit ng mga tao sa kanilang mga computer. Agree ako.
Maliban na lang sa mga power gamers at sa mga ilang propesyonal na gumagamit ng computer para sa processing ng mga datos o sa mga gumagamit nito sa creatives tulad ng mga video at mga pictures na malalaki, at mga audio na high quality tulad ng mga recording companies, at kung anu-ano pang mga pili na trabaho, ang gamit pa din ng karamihan sa computer ay word processing, casual gaming, at kamakailan lang, internet access at, humihiram ng salita mula kay Ricky Banaag, President ng Intel Philippines, Content Consumption (YouTube po).
Dahil dito, at kung hindi kayo naniniwala sa akin, sige tingnan ninyo ang CPU isage ng computer ninyo habang gumagamit kayo ng internet o kahit na pag nanonood ng sine sa computer. Malaki ang hindi nagagamit. Sa pagkabit ng dagdag na virtual desktops magagamit ang nasasayang na processing power na ito. Nasasayang kasi nakatiwangwang lang iyan.
Naniniwala kami dito sa Walastech na sa pamamagitan ng ganitong mga teknolohiya ay maaring maabot ng ating bansa ang panaginip na magkaroon ng isang computer kada Pilipino. Imposible? Ginawa na ito ng Macedonia katulong ang NComputing. Nagawa nila na bigyan ng isang computer ang bawat isang estudyante sa bansa nila. Halos 200,000 computer.
*******
October 30, 2008
walastech II 005 - 081030 A COOL CHANGE
Simula po ngayong Nobyembre ay magiging regular na po ang update ng Walastech Blog na ito. Ako po ay humihingi ng paumanhin sa mga mambabasa ko na marahil ay nabubuwisit na dahil sa hindi regular ang paglalagay ko ng mga topic sa blog na ito.
Tatlong beses po kada linggo o mas madami pa kung kakayanin kung ako ay maglalagay ng mga bagong topics at mga kasagutan sa mga tanong ninyo. Minsan nga lang ay baka sa isang bagsak ko lang siya ilagak dahil na rin po sa aking iskedyul na napakahirap matantiya.
Ako po kasi ay nagsusulat na para sa Playground Magazine (playgroundmag.multiply.com)ng ilang buwan na. Kaya po madalas na ako ay nabibigyan ng mga assignment, at kada linggo po sa araw ng Miyerkules alas nuwebe hanggang alas dose ng gabi ay ako po kadalasang nagiging panauhin sa Playground on Air sa Jam 88.3 FM para magsalita tungkol sa gaming.
Ako din po ay kasalukuyang Executive Director ng Information Technology Journalists Association of the Philippines (ITJAP) na mas kilala sa tawag na Cyberpress (www.cyberpress.org.ph) na siya ring kumikitil sa aking oras paminsan-minsan dahil sa aking mga responsibilidad.
Pero iyun nga, dahil sa aking balak na paglagay ng internet connection sa aming bahay muli ay baka mas mapadalas na po ang pag-update ng Walastech. Sana po.
Isa pang magiging malaking pagbabago ay ang aking paglagay ng mga buong press release sa blog na hindi ko na po gagawing tagalog. Ito na rin po ay dahil nakakaawa naman iyung mga hindi makabasa ng ating wika pero gustong malaman kung ano ang mga balita na aking nilalagay sa blog.
Muli, salamat sa inyong pagtangkilik. Padala lang po ang inyong mga katanungan sa walastech@gmail.com. Isa pong mapayapang undas sa inyong lahat!
October 10, 2008
walastech II 004 - 081010 IPAGPATULOY ANG LABAN
Bakit kanyo? Isipin niyo naman kasi, at ito rin ang sinabi ko kay Mr. Yugatech. Ako ay sumusulat ng blog na tinuloy lang mula sa kolum ko dati sa isang tabloid. Pero ang problema ay ang mga tagabasa ko, ang target o pinupuntirya ng aking mga sinusulat ay hindi naman nagbabasa sa internet ang karamihan. Pero eto pa rin ako kasi nga ay gusto ko na ang salita natin, ang wika natin ay maipakita na maaring pwedeng gamitin sa pakikipagtalastasan tungkol sa teknolohiya.
Hindi naman mahirap iyung hinihingi ko. Hindi naman imposible diba? Pero ang katotohanan ay wala naman po akong kinikita sa ginagawa ko na ito maliban na lang ang kasiyahan na ako ay nakakapaglingkod sa aking mga kababayan na nangangapa din sa masalimuot na mundo ng teknolohiya. Isang mundo na minu-minuto ay nagbabago at walang pakialam kung naiintindihan mo siya o hindi.
Walang puso, pakundangan, o pakialam ang teknolohiya. Siya ay may sariling mundo ika nga. Kung maintindihan mo siya o hindi ay problema mo. Ang masakit ay dahil sa katotohanan na ito ay pinapadami niya ang mga mang-mang sa mga makabagong teknolohiya. Teknolohiya na dapat ay siyang magpapaganda ng buhay ng mga tao din na ito. Iyan ang isa sa mga layunin ko talaga. Ang tinatawag na "technology trickling down to the grassroots level where it will do the most good."
Ano nga naman ang silbi ng isang teknolohiya na makakatulong sa mga magsasaka kung ito ay hindi aabot sa magsasaka diba? Parang nagluto ka ng pananghalian, pero bago siya makain ay panis na siya. Makain man, ay hindi na siya ganoong kasarap.
Ang Walastech ay ganyan. Nagiintay kami ng araw na ang pagsusulat ng teknolohiya sa ating wika ang siyang maging "normal" para lahat ng makakabasaa ay makakaintindi. Na ang lahat ay makinabang. Hindi lang ang mga edukado.
Mabuhay po tayo lahat.
September 11, 2008
walastech II 003 - 080911 PLAYGROUND ON AIR
Ang dahilan naman na ako ang napiling guest nila, ay sapagkat naging correspondent ako ng Playground Gaming Magazine kamakailan ng kami ay magkita ni Bb. Mitch Baylosis. Una kaming nagkita noon ng siya at sampu ng kanyang mga kasamahan mula sa October Eighty Publications ay aking kinapanayam para sa Hackenslash.net noon tungkol sa kanilang bagong magasin.
Para sa akin ay napakasarap ng pakiramdam na ako ay muling nakapagsalita sa radyo. Sa aking pakiwari ay may katagalan na din mula ng ako ay nakapag-onboard kung tawagin. Huling beses akong nakapagradyo ay sa AM pa, sa show ni Tia Dely Magpayo.
Maganda naman ang kinalabasan ng pag-guest ko doon sa show. Dangan na din kasi na karamihan sa mga tanong sa akin ay nasagot ka noon pa ng ako ay nagsalita din tungkol sa gaming sa College of St. Benilde nung ako ay naging speaker para sa isang event doon ng World Cyber Games na itinanghal ni Tjader Regis ng Philippine e-sports.
Ako ay muling magiging speaker na magbibigay ng State of the Gaming Nation Address (SoGNA) sa UP Engineering Auditorium sa Setyembre 23, 2008. Sana ay makadalo kayo.
Maari kayong bumili ng Playground Magazine sa mga piling tindahan, at makinig sa Playground On Air sa Jam 88.3 sa FM radio kada Miyerkules alas-9 hanggang alas-12 ng gabi.
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com o mag text sa 09235822615 at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.
September 04, 2008
walastech II 002 - 080904 VIOLENCE ESCALATION
Pero pag iyung inisip, ang gagawin lang ng mga masasamang elemento ay lalakasan din lang nila ang kanilang mga gamit. Kaya nga sila masasamang elemento eh, kasi wala silang pakialam kung ano gagamitin nila para maisakatuparan ang kanilang mga maitim na balak.
Pag gumamit ang mga pulis ng mas mataas na kalibre ng baril ay gagamit na ng mga pampasabog ang mga kriminal. Pag binalik ang parusang kamatayan ay magiging desperado ang mga kriminal at siguradong hindi magpapahuli ng buhay. Siguradong pag nagkaroon ng vigilante ay babalingan din ng mga rebelde sila at dadami lang ang gulo, siguradong lalong mabubulabog ang mga probinsiya kung saan may mga pag-aaway. Ang shotgun ni kapitan ay madaling maging shotgun ni agaw-armas.
Ang isang nakakalungkot na katotohanan ay ang lahat halos ng teknolohiya sa mundo ay naimbento dahil sa ito ay kailangan sa giyera o pakikipagaway. Necessity is the mother of invention ika nga. At walang mas malaking pangangailangan ang isang tao kaysa sa pagbuwag o pagpatay sa kahit na sino o ano na siya rin na bubuwag o papatay sa kanya, “survival of the fittest” nga dito sa atin diba? Ang karahasan ng iba na nakatuon sa iyo ay isang napakalaking dahilan para humanap ng paraan para protektahan mo ang iyong sarili. At kung pareho kayo ng gamit, o kaya ay dehado ka, siguradong itutuon mo ang iyong paghahanap ng kasagutan sa paggamit ng teknolohiya. At kapag nagapi mo ang iyung kalaban ay siya rin ay maghahanap ng mas magaling na teknolohiya para magapi ka din. Iyan ang tinatawag na escalation.
Sinigawan mo ako, mumurahin kita, sunsuntukin mo ako, sasaksakin kita, babarilin mo ako, papasabugin kita, etc. Iyan ang escalation. Dahas sa dahas. Nakakalungkot, pero iyan ang totoo, naandito ang teknolohiya hindi lamang tulungan tayo at pagandahin ang ating mga buhay, pero para rin tulungan tayong pumatay ng kapwa.
Sana ay matuto na ang tao, sana ay magbago na ang lipunan. Tandaan, ang dahas ay wala sa imbensiyon, nasa imbentor.
July 03, 2008
walastech II 001 - 080703 PANGALAN LABAN SA PANGALAN
Iyan ang dapat na tinatanong ng sinoman na nagbabasa ng kahit na anong balita o istorya sa Internet. Kapag hindi mo kilala ang iyong binabasa, bakit mo siya basta paniniwalaan? Sino nga ba ang siyang dati mo nang nilapitan at inasahan at hindi ka binigo? Sino ang dati pa man ay wala ng inisip kundi ang mapaglingkuran kayo?
Ang mahirap nga lang ay dahil sa dami ng mga nagpapanggap na gustong tumulong sa inyong mga mambabasa sa ngalan ng "serbisyo" pero sa totoo ay dahil sa ngalang ng "advertising" or "media mileage" ay diyan na nagkakalabasan ng mga tunay na kulay. Ang kulay ng katotohanan laban sa kulay ng pera.
Kung hindi labis sa puso ay walang halaga ang pagseserbisyo. Kung hindi payak ang hangarin ay ito ay isang panlililo ng mga tao. Hindi lahat ng media po ay kayo ang iniisip. Meron po na ang habol ay ang dami ng mambabasa para po sila ang piliin ng mga kumpanya na may binebenta para doon mag-advertise o maglagay ng commercial.
Ang pagiging media po ay isang kalakalan. Hindi po namin ito ginagawa dahil kami ay mabait lamang, at may mga ginintuang puso. Kaya po ang tawag sa amin ay media ay kami po ay daanan lamang po ng impormasyon mula sa isang panggaligan papunta sa inyong mga tahanan, papunta sa inyong mga harap para po makuha ang inyong atensiyon.
Iyan po ang katotohanan. Kung ayaw ninyong maniwala, tanungin niyo kahit na sinong propesor ng mass communications. At ang aming serbisyo ay may kapalit na kabayaran palagi. Pwedeng sa ilang sentimo lamang dahil sa pagbabasa sa internet, o ilang daan dahil sa pagbili ng magasin o pag-nood ng konsiyerto.
Pero pag inyong sinuri, lahat ng aming serbisyo, at pagbigay sa inyo ng impormasyon ay may kabayaran. Sabi nga ng aking biyenan "Ang libre na lang ay mura."
Isipin niyo po iyan sa susunod na kayo po ay may binabasa, pinapakinggan, o pinapanood. Sino ba ang siyang nagbabayad para sa impormasyon na nakukuha kong ito? Ako ba? O ang malalaking korporasyon? O malalakas na pulitiko? O mga ganid na tao na nanlilinlang? O ito ba ay isang totoo na serbisyo na taos pusong bigay ng manunulat na inyong binabasa?
Magtanong. Magmasid. Makinig.
May 14, 2008
WALASTECH: ANG IKALAWANG YUGTO
Kung nais ninyong malaman kung ano ang nangyari sa kolum, at kung bakit siya nawala, ito lang ang masasabi ko tungkol doon: Dahil sa hindi inaasahan na pagbawas ng dami ng pahina ng diyaryo na PM noong panahon na iyon, nadamay ang aking kolum sa mga tinanggal.
Nakakadismaya, nakakalungkot, pero ang katotohanan ay ang Information Technology, ang karunungan ukol sa mga biyaya na bigay ng teknolohiya ay hindi pa mataas sa prayoridad ng masa. Gusto ninyong malaman kung ano mas importante sa mata ng masa, bumili kayo ng kopya ng PM at silipin ang mga natirang kolum doon sa loob.
Wala akong galit sa PM, bilang isang diyarista din ay naintindihan ko ang nangyari. Ang panalangin ko lang ay balang araw ay mabago na ang pananaw ng masa, na ang kamangmangan ay magapi at ang karunungan ay siyang maghari.
O siya! Kalimutan na natin ang "bakit siya nangyari," ang ating bigyan na lamang ng pansin ay ang kung bakit ko siya tinutuloy ngayon dito sa blog na ito.
Ang kasagutan diyan ay simple, kasi, miss ko na na maglingkod sa mga nagbabasa sa akin. Mula ngayon ay sisikapin ko na magsulat sa blog na ito ng mas madalas, at ipa-alam sa mga tao kung ano ang mga nangyayari sa ating bansa sa larangan ng teknolohiya. Siyempre para masaya, tatagalugin ko.
Ano ang magiging laman ng blog na ito mula ngayon? Tatlong bagay lang na siya namang laman na niya simula‘t sapul. Una ay mga balita mula sa mundo ng Information Communications Technology na makakaapekto sa inyong mga buhay. Dalawa ay mga kasagutan sa inyong mga katanungan tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers) at ang ikatlo ay ang aking mga opinyon tungkol sa naunang dalawa. Nawa'y inyong subaybayan ang aking blog, at nawa'y may mapulot kayo kahit kaunting karunungan mula sa akin. Mabuhay po tayong lahat!
