Nakausap ko si Abe, ang manunulat sa blog na Yugatech.com. Siya ang isa sa mga pinakakilala na blogger sa Pilipinas. Tinanong ko siya tungkol sa mga problema na nararanasan ko tungkol dito sa WALASTECH. Sa totoo lang po kasi ay medyo nasisiraan na ako ng loob sa aking mga ginagawa para dito sa blog na ito.
Bakit kanyo? Isipin niyo naman kasi, at ito rin ang sinabi ko kay Mr. Yugatech. Ako ay sumusulat ng blog na tinuloy lang mula sa kolum ko dati sa isang tabloid. Pero ang problema ay ang mga tagabasa ko, ang target o pinupuntirya ng aking mga sinusulat ay hindi naman nagbabasa sa internet ang karamihan. Pero eto pa rin ako kasi nga ay gusto ko na ang salita natin, ang wika natin ay maipakita na maaring pwedeng gamitin sa pakikipagtalastasan tungkol sa teknolohiya.
Hindi naman mahirap iyung hinihingi ko. Hindi naman imposible diba? Pero ang katotohanan ay wala naman po akong kinikita sa ginagawa ko na ito maliban na lang ang kasiyahan na ako ay nakakapaglingkod sa aking mga kababayan na nangangapa din sa masalimuot na mundo ng teknolohiya. Isang mundo na minu-minuto ay nagbabago at walang pakialam kung naiintindihan mo siya o hindi.
Walang puso, pakundangan, o pakialam ang teknolohiya. Siya ay may sariling mundo ika nga. Kung maintindihan mo siya o hindi ay problema mo. Ang masakit ay dahil sa katotohanan na ito ay pinapadami niya ang mga mang-mang sa mga makabagong teknolohiya. Teknolohiya na dapat ay siyang magpapaganda ng buhay ng mga tao din na ito. Iyan ang isa sa mga layunin ko talaga. Ang tinatawag na "technology trickling down to the grassroots level where it will do the most good."
Ano nga naman ang silbi ng isang teknolohiya na makakatulong sa mga magsasaka kung ito ay hindi aabot sa magsasaka diba? Parang nagluto ka ng pananghalian, pero bago siya makain ay panis na siya. Makain man, ay hindi na siya ganoong kasarap.
Ang Walastech ay ganyan. Nagiintay kami ng araw na ang pagsusulat ng teknolohiya sa ating wika ang siyang maging "normal" para lahat ng makakabasaa ay makakaintindi. Na ang lahat ay makinabang. Hindi lang ang mga edukado.
Mabuhay po tayo lahat.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
New comments are not allowed.