WALASTECH 067-051115 ANG KINABUKASAN NG TELEPONO Ni Relly Carpio
Naibenta kamakailan ng CISCO ang kanilang ika-anim na milyong IP phone. Ang Cisco Systems Inc. ang pinakamalaking kumpanya sa buong mundo na nagaayos ng networking sa internet. Ang IP phone ang siyang ginagamit para mag Voice Over IP na tawag. Ito ang teknolohiya na gamit ng mga callcenters at ng mga multinational companies para makatawag overseas ng halos libre sa pamamagitan ng pagpadaan ng voice palusot sa internet.
Ano ngayon diba? Anim na milyon lang pala eh! Eh diba 40 milyon na ang mga cellphone sa Pilipinas? Cellphone iyon, alam niyo ba na 2 milyon lang ang landline sa Pilipinas?
Ang ibig sabihin nitong ika anim na milyong IP phone ng CISCO ay isa lang: ang worldwide demand para sa IP Communications ay tumataas. At hangga't tumataas ang demand sa isang bagay sa buong mundo ay tuloy ang development niyan. Anumang teknolohiya na madevelop dahil sa malaking demand kapagdaka ay magiging commercially available para sa mga consumer. Sino iyon? Tayo.
Imagine niyo na lang ito: balang araw, gamit ang VOIP, ang tawag kahit saan sa mundo ay magiging halos libre. Galing diba?
Ang nakabili ng ika anim na milyung IP telephone ng CISCO ay ang Westpac bank ng Australya. Ang ibang mga major global customers ng CISCO ay ang Bank of America, Merrill Lynch, Boeing, at Ford Motor Company - dito sa atin naman ay ABS-CBN, Insular Savings Bank, Davao Light and Power Corporation, Pag-Ibig Home Development Mutual Fund, at IBM Philippines.
Sabi ni Mr. Luichi Robles, Country Manager ng Cisco Systems Philippines "The pace of IP Communications adoption is relentless. It took Cisco three years to sell its first million IP phones worldwide but only four months to sell the sixth-million…" Kitang kita na ang future ng communications ay ang IP Telephony.
Palapit na ang araw na ang milyon-milyon na bagong bayani ng ating bayan ay malaya nang matatawagan ng kanilang mga minamahal kahit na kailan, at kahit na nasaan man sila ng halos libre. Congratulations sa CISCO at more power.
-0-0-0-0-0-0-0-
TANONG: Paano po ba magdownload ng games sa aking cellphone kasi po nabura ng aking anak ang mga games sa aking cellphone?
SAGOT: Lagii! Sayang. Okay, dalawa ang choice mo, ang una ay kung may GPRS ang iyong phone ay pumunta ka sa game section ng internet WAP site ng iyong network provider at magdownload ka na lang ng bagong games. Kung wala, sa technician ka na lang makakakuha ng mga kopya ng games mo sa pamamagitan ng data cable.
May mga nagbebenta ng games sa mga greymarket stalls at sa mga tiangge. Ingat lang sa pagpili ng technician at bantayan ng mabuti ang cellphone. Tandaan! Hindi nila kailangang buksan ang housing ng cellphone para makapaginstall ng games. Data cable lang iyan na ikakabit sa saksakan sa ilalim o sa isang panel sa ilalim ng luklukan ng battery. Mura lang iyan, may mga binebenta na 3 games for 100 pesos.
TANONG: Paano makakapasok sa callcenter kahit na highschool lang ang natapos pero willing matuto? Salamat po.
SAGOT: Maghanap ng may opening at mag-apply. Hehehe. May isa akong kaibigan na nagsabi sa akin na medyo tama iyung sinabi sa akin nung isang reader. Nagiging medyo masikip na daw ang mundo ng call center. Hindi dahil sa kaunti na lang ang openings, bagkus lumalaki ito at baka daw umabot hanggang 200,000 openings balang araw! Ngunit ang dami na daw na nag-aaply dahil marami na raw taong nakakaalam tungkol sa mayaman na mundo ng contact centers (Ehem-ehem, thank you! Thank you! Bow.).
Kaya siguro kailangang linawin na kahit sinasabi ko na ang kailangan lang ay may lakas ng loob, willing matuto, at masipag; hindi mo maikakaila na hindi pwedeng kahit sinong Herodes na lang ang kukunin nila. Kailangang talunin mo pa rin lahat ng ibang nag-aaply diba?
Pero ipaglalaban ko na kung wala iyung tatlo kong binangit ay ni hindi man lang siguro nakatayo si Herodes mula sa salamyaan! Good luck.
TANONG: Good am! Pwede ba palagyan ng caller ringtune yung NOKIA 5110? Thanks po! Albert
SAGOT: Itong si Albert, love ko ito eh, love kong sakalin. Pasaway ito eh, paulit-ulit ng tanong, parang hindi marunong magbasa. Ito ha, para malinaw: ang "caller ringtune" ay pwede sa kahit na anong cellphone. Ang "ringtone" ang siyang namimili ng cellphone. Gets? Kasi ang caller ringtune ay nakasalalay sa network provider dahil sila ang nagse-setup nito sa account/number mo sa kanila, hindi sa cellphone mo. Pagpili at bayad lang ang may kinalaman mo.
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.
-067-051115-
No comments:
Post a Comment