November 15, 2005

WALASTECH 050 - PERA SA GAMING

PERA SA GAMING Ni Relly Carpio

Ayon sa isang report ng Associated Press ay dumadami na ang mga collegio sa Estados Unidos na nagbukas ng kurso para sa mga trabaho na para sa computer gaming. Oo, computer gaming. Ewan ko kung alam niyo na pero nasa 10 bilyon US dollars noong 2003 pa ang laki ng computer gaming industry. Ngayon, isipin niyo kung gaanong kadaming tao ang kailangan ng isang industriya na masasabing mas malaki pa sa movie industry ng US.

Iyan ang isa pang maaring pagkakitaan sa darating na panahon ng mga Pilipino, kasi nga isang malaking source ng cheap labor sa larangan ng Information and Communications Technology ay ang Pinas. Kung tutuusin lahat naman ng klaseng quality labor eh mura dito sa atin eh. Pero dahil nga ang mga Pilipino ay kilala na sa ibang bansa sa pagiging magaling na trabahador at madunong sa ICT industry ay hinahanap-hanap tayo maski na sa gaming industry. Diba naglabas na dati ng game ang isang local na kumpanya, ang "Anito" hindi nga lang sumikat masyado kasi lahat ng bata ay naglalaro ng Counter Strike at Ragnarok, pero dahil doon sa "Anito" ay may natutunan na ang mga game developers dito sa atin.

Sana ay sa kanilang karanasan ang mga susunod sa kanilang yapak ay pagpalain at kumita ng malaki mula sa US$10 bilyon na industriya na iyon. Kaya iyong mga bata diyan na mahilig sa computer games, laro lang ng laro, pero pagdating ng araw eh sana ay magamit niyo naman ang ginugol ninyong oras.

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Good AM, ask ko lang po kung bakit mas mahal ang market value ng Nokia 7250i sa Nokia 3200 eh halos pareho lang naman sila lahat features. Pag tinatanong ko po sa mga tindahan kung ano-ano ang sinasabi. Thanks - Paul of PCG

SAGOT: Maraming paraan para sagutin ko ang katanungan mo Paul, ang pinakamadali ay dahil lang sa law of supply and demand. Mas malaki ang demand para sa N7250i kaya mas mataas ang presyo nito, kahit na pareho sila ng functions ng N3200. Siyempre, kailangang maibenta ng mga tindera iyung mga kinuha nilang N3200 stock kaya bababaan na lamang nila iyong presyo para mabenta na diba?

Meron ding phenomenon na kapag ang cellphone ay may "i" sa dulo mas cool ito kasi higher version ito ng old model, kaya makukuha mo ang lahat ng functions noong dati nang magaling na phone at may mga dagdag pa. Dati bentang-benta iyang N7250, kaya madami ang gamit iyan, siyempre, kapag lumabas iyung "i" version niyan eh di lahat nung dating gustong-gusto iyan eh kukunin din iyan. Ewan ko ba, basta may "i" sa dulo eh iba na ang tingin ng tao. Tulad ako, ang gamit ko ay isang Nokia 6230i. Nung sinabi ko sa mga kaibigan ko na 6230 ang sab nila ay "Ah 6230..." Nung sinabi kong "Ay! 6230i pala..." Lahat sila "Wow! I!" Kaasar ano?

TANONG: Good PM po! Pasensiya na po di ako nakasubaybay sa tabloid na PM kaya sana sagutin niyo na lang po maski maiksi. Pwede po bang mapalagyan ng signal ang SIM na matagal na stuck? Like SMART BUDDY? Paano? TY.

SAGOT: Oks lang po iyong hindi kayo nakakasubaybay noon, ang importante ay mula ngayon ay subaybayan niyo na ang PM at ang WALASTECH! Kaso hindi maganda ang sagot ko sa inyong tanong eh. Nakasulat na rin po iyan sa agreement na kasama sa SIM na inyong binili. Makatapos ang dalawang buwan (60 days) na zero ang load na nakalagay sa isang SIM o ito ay hindi ginagamit sa text o calling, ito ay ide-deactivate na ng network provider. Hindi lang po SMART ang may ganyang patakaran, ngunit lahat po ng network providers ay 60 days lang ang palugit bago magkaroon ng deactivation of service. Ang mas masakit ay makatapos tanggalan ng service o ideactivate ang isang SIM ay wala ng paraan para ito mareactivate muli.

TANONG: Good PM! Tanong ko lang po kung ano yung number na lumalabas pag pindot ito: *#0000# sabi nila eto daw yung date kung kelan ginawa ang gamit na cellphone. Is it true? Thanks and God Bless.

SAGOT: Wala naman eh. Tinesting mo ba? Ang alam ko ay *#06# na kapag itinype mo sa cell mo ay lalabas ang tinatawag na IMEI (International Mobile Equipment Identity) number.

Ito ay rin ay kasama sa kahon o kaya ay minsan nasa sticker sa loob ng lalagyan ng battery. Ito ay isang 15 digit na number. Magandang copyahin ninyo ito at itago dahil ito ang number na hinihingi ng NTC kapag nanakaw ang inyong cellphone para hindi mapakinabangan ng mga magnananakaw ang inyong cellphone. Dahil sa pamamagitan ng IMEI ay pwedeng i-block ang cellphone mula sa lahat ng network providers sa buong mundo.

Kung gusto ninyong malaman ang date of manufacture ng inyong cellphone ay pumunta lamang sa www.numberingplans.com sa internet at hanapin doon ang IMEI number analysis tool. Sa tulong nito, malalaman ninyo kung kailan ginawa ang cellphone ninyo.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

-050-

No comments:

Post a Comment