In Case of Emergency Ni Relly Carpio
Mayroong isang paramedic na taga Cambridge sa United Kingdom na nagpalabas ng nationwide campaign sa kanila kasama ang Vodafone, ang pinakamalaking network provider sa Europa, para hikayatin ang mga tao na maglagay ng emergency contact numbers sa kanilang mga cellphone.
Ayon kay Bob Brotchie, ang clinical team leader sa East Anglican Ambulance NHS Trust, naisip niya ito nung minsan ay nagpupumilit siyang kumuha ng number na matatawagan sa mga cellphone ng mga naaksidente na kanyang nilulunasan at hindi niya malaman kung sino tatawagan.
Simple lang ang paraan niya, lagyan lang ng ICE short for In Case of Emergency sa harap ng pangalan ng dapat tawagan ng emergency personnel kung sakaling maaksidente kayo. Halimbawa: ICE Elson sa pamamagitan nito ay malalaman na nila na si Elson ang kanilang kakausapin at sasabihan.
May research kasi na ginawa ang Vodafone na nagsabi ng 75 porsiyento ng mga tao ay hindi naglalagay ng kahit anong ngalan ng tao na dapat tawagan kung sakaling may mangyari. Tingnan nyo na lang ang wallet ninyo kung may makita kayo na nakasulat sa In Case of Emergency na may laman na madaling makita?
Magandang ideya ang naisip ni Ginoong Brotchie. Lahat nga naman halos ng tao ay may cellphone, at madalas ay nabubuhay naman ang cellphone kapag ikaw ay nadisgrasya, tsaka mahirap sirain ang SIM sa pamamagitan ng pagsagasa o pagbaril o ano man.
Maiiwasan din nito na kapag ikaw ay naaksidente eh ang matawagan ay ang Nanay mo. Baka mapaano pa iyon, baka mabigla diba? Siyempre, ang ilagay mo sa ICE ay iyung cool at wais na kamaganak para di rin mabigla o maloko ng mga mapansamantala. Kasi...
-0-0-0-0-0-0-0-
Sabi naman ng isang eksperto sa security na aking nakausap, huwag ka naman daw maglalagay ng mga pangalan sa cellphone na maaring magamit ng mga masasamang tao kung sakaling makuha nila ang cellphone mo. Halimbawa: Imbis na lagay mo Nanay, Tito, Anak, Honey, Babe, Lolo, Etc. Lagay mo na lang pangalan nila basta, o kaya iyung bansag mo sa kanila. Dahil hindi ito maiintindihan ng basta sino-sino at hindi magagamit sa masama.
Mayroon nang insidente na ang isang mama ay naholdap at nakuha ang kanyang cellphone at wallet. Tinext ng mga magnanakaw ang kanyang "Honey" ng "Babe, nakalimutan ko ang PIN ko sa ATM. Ano uli? Love you, pauwi na ako." Binigay ng asawa dahil akala niya ay ito ang kanyang mister. Limas ang kanilang ATM.
Naintindihan niyo na kung bakit hindi dapat? O iyung katulong na niloko gamit ang nanakaw na cellphone ng kanyang amo? Tumawag ang nakanakaw ng cellphone sinabihan si "Yaya" na ilabas ang jewelry box ng kaniyang ate at dalhin sa isang kainan sa mataong lugar at mag text back kung andoon na siya. Nung ginawa ito nito ay "ipinaabot" sa isang kaibigan na "naandoon."
Nang makauwi ang mga nabiktima ay para silang napagbagsakan ng langit at lupa. Okay? Mga suggestions lang naman po ito, mga "kung sakali" wala namang mawawala kung gagawin diba?
Siguro ay iyung pangalan na nasa ICE lamang ang magiging problema kung sakali na may gustong manlapastangan sa inyo kapag nanakaw ang cellphone, pero ang kapalit na malaman naman ng mga paramediko ang tamang numero na tatawagan kung sakali ay sapat ng dahilan para sa kaunting pangamba na iyon. Basta maging wais para di ma-asoge ng mga asoge.
-0-0-0-0-0-0-0-
TANONG: Ask ko lang kung bakit di ko mai-play yung libreng polytone? Nakalagay lang question mark. Ang model po ng cell ko ay Motorola C651 kinain lang po ang load ko.
SAGOT: Una, hindi ang cellphone ang kumain ng load mo, sunod, hindi rin ang network provider ang kumain ng load mo, ang kumain ng load mo ay iyung tinatawag na content provider na siyang nagbebenta sa atin ng mga VAS o Value Added Services tulad niyang polytone na dinownload mo. Pero nakain ang load mo dahil ipinakain mo.
Ang problema kasi ay madami sa mga VAS na gawa ng mga content providers ay compatible lamang sa bilang na klase ng cellphone. Dahil ang mga cellphone ay may kanya-kanyang platform. Kapag ang VAS ay nadownload sa isang phone na hindi nakakakilala dito, question mark lang ang makikita mo.
Ang solusyon, lalo na kung hindi ka sigurado sa dinodownload mo ay huwag kang mag download. Lalo na iyung mga dinadaan sa pamamagitan ng text messages lamang. Iyan ang madalas na nakakasakit ng ulo.
Para makaiwas sa ganyang suliranin, daanin na lamang thru GPRS WAP ang pagkuha ng content o mula sa content sellers via connection sa mga stall para sure ka na umaandar sa inyo. Sayang nga naman ang pera diba?
~0~0~0~0~0~0~0~
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com o sa SMART 09182772204 at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.
-034-
No comments:
Post a Comment