June 21, 2005

Kapag nabagsak ang cellphone

KAPAG NABAGSAK ANG CELLPHONE Ni Relly Carpio

Huwag ka ng magulat kung ang iyong cellphone ay masira kung ito ay mabagsak. Ilan lamang ang mga cellphone na talagang dinisenyo na maging shock-resistant o matibay laban sa bagsak o hampas. Natatandaan ko iyung nauna kong cellphone, isang Siemens M35i. Ito ang isa sa mga naunang cellphone na shock proof, splash proof, at dust proof (hindi basta pinapasok ng alikabok o ng tubig). Ang loob ng cellphone na iyon ay may goma na nakapalibot sa loob o rubber gasket kung tawagin.

Minsan ay nag ring ito at nang aking nilabas mula sa bulsa ay dumulas siya sa aking kamay, lumipad pataas, tumama sa gilid ng mesa, at sumisirkong humampas sa sahig at nagpadausdos papalayo. Napasigaw lahat ng nakakita sa pagkabigla, ako, relaks lang na pinulot ito, pinindot ang pansagot at kinausap iyung tumatawag. Lahat ng napasigaw ay namangha. Kung ibang telepono iyon eh malamang nagkalasuglasog na iyon.

Ang cellphone pag dinisenyo ay kasama na ang paminsan-minsang ito ay mabagsak. Hindi naman tanga mga gumagawa ng cellphone at ng mga ibang maliliit na elektonikong kagamitan o gadgets. Alam nila na mangyayari't mangyayari ang mababagsak ang kanilang mga imbensiyon. Kaya naman huwag masyadong kabahan kapag nabagsak mo ang iyong cellphone.

Kapag nabagsak mo ang iyong cellphone pilitin mong saluhin ito, kahit na sa pamamagitan ng iyong sapatos o paa. Iwasan mo lang na mahampas mo ito o masipa palayo dahil baka mas mapahamak pa ito. Lahat ng cellphone ay dinisenyo, na mabagsak mula sa taas na four feet at tumama sa patag na semento ng walang masamang mangyayari dito. Hindi ibig sabihin na hindi ito magagasgas o mamatay, o kaya'y mag-hang kung tawagin.

Ang teknolohiya kasi na ginagamit ng mga cellphone ay parang sa mga kotse, may tinatawag na crumple zones ang kotse na kapag dito ito tinamaan ay kusang tutupi ito para ma-inda nito ang pwersa ng tama. Kung gusto ninyong makita ito ay kumuha nang piraso ng papel, at pilitin ninyo itong patayuin. Malabo diba? Ngayon, itupi niyo ito at ibuka ng kaunti, parang paru-paro tsaka nyo itayo. Diba tumayo? Okey, itulak nyo ngayon dahan-dahan pababa mula sa itaas, diba may laban pero parang tinutulak niya pagilid ang pwersa ng iyong kamay? O kaya'y tumutupi ang ilalim at lumilihis palayo mula sa ilalim ng palad mo?

Ganito din ang konsepto ng mga housing ng cellphone, magagaang na materyales ang gamit pero may tibay, at kapag tinamaan ng pwersa ay ito ay bibigay imbis na lumaban pero binabanda ang pwersa palayo mula sa mas importanteng parte ng cellphone. Mas maganda pa nga kung ang housing ng iyong cellphone ay kumalas at tumiksa palayo pag nabagsak ito, ibig sabihin ay sinalo nung housing ang pwersa nung bagsak.

Pero kung ang housing nito ay hindi nakakalas, ganoon din naman eh, iyung mga kanto ng cellphone ay dinisenyo na pasadsadin ang cellphone pagilid pag nabagsak. Ngunit, kapag nakanto ng eksakto o kaya'y plakdang-plakda ang bagsak ng cellphone mo ay medyo kabahan ka na.

Madalas sa hindi ay ang pinakamasamang nangyayari sa cellphone ay ang ito ay mabagsak. Maliban na lang sa ma isnatch ito, pero paguusapan natin iyon sa mga susunod na column. Ito ay dahil kahit na dinisenyo ang cellphone para indahin ang mabagsak, ang katotohanan ay kahit anong elektronikong kagamitan ay hindi dapat mabagsak dahil sa dami ng mga piraso nito ay hindi dapat naalog, paano pa kaya kung mabagsak.

Ngunit kahit gaano man kasama ang mabagsak ang cellphone say mas masaklap pa rin ang mahulog ito sa tubig o kaya ay matapunan man lang ng tubig. May kaibigan ako na sumasalok ng tubig sa drum nang mahulog ang kanyang cellphone mula sa kanyang bulsa sa polo. Sira. Napaayos pa naman pero malaki nagastos niya.

Kapag nabasa ang cellphone at sigurado ka na pinasok na ito ng tubig dali-dali mo dapat tanggalin ang baterya. Huwag mo nang patayin o ano pa man. Baklasin mo at tanggalin ang baterya. Tanggalin mo din ang SIM card. Hanggat nakakabit ang baterya ay maaring mag short circuit at masira ang cellphone. Tuyuin nang mabuti sa pamamaraang nararapat, huwag ibibilad sa araw o ilalagay sa likod ng ref. Kung medyo malagkit ang pinagkahulugan o natapon ay linisan mo na ng medyo basa na trapo o tisyu. Kahit mabasa ang SIM card ay okey lang, hindi ito nasisira ng tubig pero hindi dapat gamitin nang basa, at kapag ito ang na ground eh masisira ito.

Minsan ang cellphone ay may maliit na baterya sa loob hiwalay sa malaking baterya na siyang maaring sanhi ng pagkasira kahit na natanggal mo na ang baterya. Ito ang dahilan kung bakit kailangang tanggalin din ang SIM card.

Minsan eh matagal matuyo ang mga nalubog na cellphone. Ilang araw pa nga kung minsan. Kung may mapapagkatiwalaan ka na cellphone technician eh dalhin mo ang iyong cellphone sa kanya para mabaklas at mapatuyo ng maayos at matesting. Kung under warranty pa ang iyong cellphone ay dalhin mo sa service center at hayaan mong sila ang magbukas at mag testing. Bakit dapat ipatesting? Kasi kung may basa pa sa loob at pinaandar mo ang cellphone kasama ang SIM mo ay baka tadyakan mo na lang sarili mo dahil lalo mo lang sinira ang cellphone mo.

Madali naman magpaayos ng cellphone eh. Ang cellphone ay madalas sa hindi binubuo ng ilang mga modules o mga malalaking parte. Ang modular design na ito ay para madaling ma-repair ang isang nasirang cellphone at para masiguro na kapag nasira ang isang module ay hindi nito maapektuhan ang ibang parte ng cellphone.

Kapag ang module ay nasira ito ay tatanggalin lamang at papalitan ng ibang module at ayus na. Parang housing ng cellphone na inyong binibili at ipinapalit ng madali ay ganoon din lahat ng ibang parte ng cellphone. Kaya di dapat mamangha na kapag ipinaayos ninyo ang inyong cellphone eh kaunting butingting lang ng sampu-samperang "cellphone technicians" eh maayos na ang inyong cellphone.

Tungkol sa mga cellphone technicians, kung hindi mo kakilala o kaya ay hindi mukhang mapapagkatiwalaan ang technician, at kung hindi sila nagbibigay ng warranty sa lahat ng repairs nila ay maghanap ka ng iba. May mga technician na kapag may nagpaayos ng cellphone ay kakarnehin ang cellphone. Kukuha sila ng module na maayos at papalitan ng mas luma o kaya ay depektibo rin na module para pabalik balik ka na magpapaayos sa kanya.

Parang sa kotse rin iyan, may mga gago din na nambubuwitre sa mga gumagamit ng cellphone. Siyanga pala, iyung tinatawag na Caribe virus? Libre lang ang pagtanggal no'n, kahit kayo ay kaya ninyong tanggalin. Abangan din iyan sa mga susunod na column.

At dahil nga modular ang mga cellphone ay kaunting alog o hampas lang minsan sa cellphone eh biglang naayos na. Ganyan talaga mga bagay na dikuryente at dibaterya. Minsan eh kailangan lang ng tinatawag na percussive maintenance o tuk-tuk-katok-hampas para umandar na. Hindi dahil ganoon ang pagdesign sa kanila ngunit dahil nga modular ang mga ito ay dikit dikit lang ang mga iyan at magkakasaksak, kapag may lumuwag o dumumi sa pagkasaksak eh sumasablay na, kaunting alog o hampas eh mauusog na o matatangal ang dumi upang umandar muli.

Pero talagang mas magandang dalhin ang isang nasira o depektibong cellphone sa isang authorized repair center nang distributor o nang network provider. Marami naman sila diyan dahil di lang sa dami nang bilang ng cellphones dito sa Pinas ngunit dahil na din sa ang mga cellphone dito sa atin ay bugbog na bugbog.

Pansinin ninyo kung gaano ninyo kadalas hawak ang inyong cellphone. Magugulat kayo na di sa madalas ay mas nasa kamay nyo pa ito kaysa sa bag o sa bulsa. May nakapagsabi na sa akin na taga isang cellphone manufacturer na ang Pilipinas ang maaring ituring na pang torture-test ng kanilang mga telepono. Pindot tayo ng pindot sa ating mga cellphone. Diba't tayo ang SMS capital ng mundo?

At bakit nga naman hindi magkakagayon? Tinataya na umaabot nang 120 hanggang 200 milyon na text ang nagagawa sa isang araw dito sa Pilipinas. Ang Globe at Smart ay kasama sa 40 pinakamalaking mga network providers sa buong mundo. Ang network provider ay mga kumpanya na siyang nagbibigay ng linya at serbisyo para magkaroon ng cellphone network sa isang bansa.

Sa ibang bansa kasi ay mas uso ang tumawag sa cellphone kaysa ang mag-text, kaya di gaanong nabubutingting ang mga cellphone doon. Minsan kasi ay mas mura pa sa kanila ang tumawag kaysa mag-text at imbis na libreng text eh libreng talk time ang promo nila. Mayroon akong kaibigan na nasa US na dahil sa halos hindi ginagamit ng kanyang nanay ang kinuhang post-paid plan, apat na taon na ang nakakaraan, ay nang ipasa sa kanya iyung cellphone at SIM card ay may 4000 oras siya ng free calls. Ibig sabihin eh kahit 166 na araw o lima't kalahating buwan siyang makipagusap ng diretso sa cellphone eh libre lahat iyon.

At dahil nga bugbog ang mga cellphone dito sa atin sa kakapindot, kakahawak, kakahugot-pasok sa bulsa at kakabagsak ay talagang maaring totoo iyung sinabi ng aking kaibigan. Kaya naglipana na ang mga cellphone technicians sa kung saan saan at pinababayaan na lamang ito ng mga disributor at manufacturers.

Ngayon, kung iyung pinadala iyung warranty card ng iyong cellphone nang ito ay iyong binili ay mas maganda na ipaayos mo ang iyung cellphone sa authorized distributor dahil malamang ay libre ito dahil sa warranty. Kada cellphone na binili mula sa authorized na distributor ay may 1 year warranty. Ang warranty card ay nasa loob ng kahon ng cellphone kasama ang mga manual.

1 comment:

  1. Paano po kya itong cp ko bumagsak sa semento ngayon nagkaroon n sya ng parang kudlit pahaba at.minsan naga.hang ayaw na gumana ang keypad minsan at mahirap na pindutin ang bwat numero o letra ano po ba gagawin ko

    ReplyDelete