IKAW BA AY MAKATECH? Ni Relly Carpio
Ano? Makatech ka ba? Sa ingles, ang tawag sa inyo ay techie (basa: teki) o geek (basa: gik). Kapag ikaw ay mahilig sa mga cellphone at kung anik-anik na gadgets (o sa aking pagsalin sa Pilipino ay mga maliliit na elektronikong kagamitan), mayroon kang email address, at nagi-internet ka ng hindi lamang chat o kalaswaan ang habol mo, ay iyong masasabi na ikaw ay makatech.
Iyan ang mithiin ng WALASTECH! Di lamang ang sagutin ang inyong mga katanungan, ngunit burahin din ang mga haka-haka tungkol sa teknolohiya, at ipaalam ang mga pinakabagong balita sa mundo ng ICT o Information and Communications Technology. Siyempre paminsan-minsan ay tatalakay din tayo ng mga issue ng ICT na makakapekto sa ating bayan, at sa mga madlang tao.
Sa mga naghahanap ng trabaho ay ipaalam ng WALASTECH! kung may mga bagong tayo na kumpanya ng ICT o mga callcenter at kung mayroong mga opening. Tutulungan din namin kayo sa pamamagitan ng tips kung paano makakapasok sa isang ICT job. At sa mga naghahanap ng gimik o tech events na pupuntahan ay ipaalam din iyan sa mga susunod na column.
Pero sa isang pangungusap ang layunin ng WALASTECH! ay: Bigyan ng dunong mula sa mundo ng teknolohiya ang aming mga mambabasa na kanilang magagamit sa ikagaganda ng kanilang buhay.
May mga rango ang pagiging geek. May mga medyo techie lang at mayroong mga super-over geek. Hindi na uso ang bansag na nerd, nung 1980s pa po gamit iyon, sana wag tayong baduy. At sa inyong pagbabasa ng WALASTECH! ay magiging mas makatech kayo!
Dahil porque makatech ka ay hindi ka geek kaibigan. Alam mo ba kung ano ang GSM-EDGE? IMEI No.? VOIP? JEEE2? ISP? JAVA Applet? UNIX Kernel Code? Kung alam mo ang ibig sabihin ng mga salitang iyan ay geek ka na. Obviously kung hindi ay marami ka pang bigas na kakainin. Pero relax! Andito ang WALASTECH para ipagsaing at ipaghain pa kayo.
Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at wag mahiya. Walang maling tanong.
No comments:
Post a Comment