October 30, 2008

walastech II 005 - 081030 A COOL CHANGE

Simula po ngayong Nobyembre ay magiging regular na po ang update ng Walastech Blog na ito. Ako po ay humihingi ng paumanhin sa mga mambabasa ko na marahil ay nabubuwisit na dahil sa hindi regular ang paglalagay ko ng mga topic sa blog na ito.
Tatlong beses po kada linggo o mas madami pa kung kakayanin kung ako ay maglalagay ng mga bagong topics at mga kasagutan sa mga tanong ninyo. Minsan nga lang ay baka sa isang bagsak ko lang siya ilagak dahil na rin po sa aking iskedyul na napakahirap matantiya.

Ako po kasi ay nagsusulat na para sa Playground Magazine (playgroundmag.multiply.com)ng ilang buwan na. Kaya po madalas na ako ay nabibigyan ng mga assignment, at kada linggo po sa araw ng Miyerkules alas nuwebe hanggang alas dose ng gabi ay ako po kadalasang nagiging panauhin sa Playground on Air sa Jam 88.3 FM para magsalita tungkol sa gaming.

Ako din po ay kasalukuyang Executive Director ng Information Technology Journalists Association of the Philippines (ITJAP) na mas kilala sa tawag na Cyberpress (www.cyberpress.org.ph) na siya ring kumikitil sa aking oras paminsan-minsan dahil sa aking mga responsibilidad.

Pero iyun nga, dahil sa aking balak na paglagay ng internet connection sa aming bahay muli ay baka mas mapadalas na po ang pag-update ng Walastech. Sana po.

Isa pang magiging malaking pagbabago ay ang aking paglagay ng mga buong press release sa blog na hindi ko na po gagawing tagalog. Ito na rin po ay dahil nakakaawa naman iyung mga hindi makabasa ng ating wika pero gustong malaman kung ano ang mga balita na aking nilalagay sa blog.

Muli, salamat sa inyong pagtangkilik. Padala lang po ang inyong mga katanungan sa walastech@gmail.com. Isa pong mapayapang undas sa inyong lahat!

October 10, 2008

walastech II 004 - 081010 IPAGPATULOY ANG LABAN

Nakausap ko si Abe, ang manunulat sa blog na Yugatech.com. Siya ang isa sa mga pinakakilala na blogger sa Pilipinas. Tinanong ko siya tungkol sa mga problema na nararanasan ko tungkol dito sa WALASTECH. Sa totoo lang po kasi ay medyo nasisiraan na ako ng loob sa aking mga ginagawa para dito sa blog na ito.

Bakit kanyo? Isipin niyo naman kasi, at ito rin ang sinabi ko kay Mr. Yugatech. Ako ay sumusulat ng blog na tinuloy lang mula sa kolum ko dati sa isang tabloid. Pero ang problema ay ang mga tagabasa ko, ang target o pinupuntirya ng aking mga sinusulat ay hindi naman nagbabasa sa internet ang karamihan. Pero eto pa rin ako kasi nga ay gusto ko na ang salita natin, ang wika natin ay maipakita na maaring pwedeng gamitin sa pakikipagtalastasan tungkol sa teknolohiya.

Hindi naman mahirap iyung hinihingi ko. Hindi naman imposible diba? Pero ang katotohanan ay wala naman po akong kinikita sa ginagawa ko na ito maliban na lang ang kasiyahan na ako ay nakakapaglingkod sa aking mga kababayan na nangangapa din sa masalimuot na mundo ng teknolohiya. Isang mundo na minu-minuto ay nagbabago at walang pakialam kung naiintindihan mo siya o hindi.

Walang puso, pakundangan, o pakialam ang teknolohiya. Siya ay may sariling mundo ika nga. Kung maintindihan mo siya o hindi ay problema mo. Ang masakit ay dahil sa katotohanan na ito ay pinapadami niya ang mga mang-mang sa mga makabagong teknolohiya. Teknolohiya na dapat ay siyang magpapaganda ng buhay ng mga tao din na ito. Iyan ang isa sa mga layunin ko talaga. Ang tinatawag na "technology trickling down to the grassroots level where it will do the most good."

Ano nga naman ang silbi ng isang teknolohiya na makakatulong sa mga magsasaka kung ito ay hindi aabot sa magsasaka diba? Parang nagluto ka ng pananghalian, pero bago siya makain ay panis na siya. Makain man, ay hindi na siya ganoong kasarap.

Ang Walastech ay ganyan. Nagiintay kami ng araw na ang pagsusulat ng teknolohiya sa ating wika ang siyang maging "normal" para lahat ng makakabasaa ay makakaintindi. Na ang lahat ay makinabang. Hindi lang ang mga edukado.

Mabuhay po tayo lahat.

September 11, 2008

walastech II 003 - 080911 PLAYGROUND ON AIR

Kagabi ako ay naging guest sa Playground on Air sa Jam 88.3. Kinausap ako ni DJ Gabe at ni DJ Patti tungkol sa kung ano ang mga nanagyayari sa electronic gaming dito sa Pilipinas. Bilang isa sa mga reporter na matagal ng nagbabantay ng mga balita mula sa mundo ng teknolohiya at kasama na diyan ang electronic gaming, ako ay nakapagbigay naman ng, sa aking palagay, ay maayos na kasagutan sa kanilang mga tanong.

Ang dahilan naman na ako ang napiling guest nila, ay sapagkat naging correspondent ako ng Playground Gaming Magazine kamakailan ng kami ay magkita ni Bb. Mitch Baylosis. Una kaming nagkita noon ng siya at sampu ng kanyang mga kasamahan mula sa October Eighty Publications ay aking kinapanayam para sa Hackenslash.net noon tungkol sa kanilang bagong magasin.

Para sa akin ay napakasarap ng pakiramdam na ako ay muling nakapagsalita sa radyo. Sa aking pakiwari ay may katagalan na din mula ng ako ay nakapag-onboard kung tawagin. Huling beses akong nakapagradyo ay sa AM pa, sa show ni Tia Dely Magpayo.

Maganda naman ang kinalabasan ng pag-guest ko doon sa show. Dangan na din kasi na karamihan sa mga tanong sa akin ay nasagot ka noon pa ng ako ay nagsalita din tungkol sa gaming sa College of St. Benilde nung ako ay naging speaker para sa isang event doon ng World Cyber Games na itinanghal ni Tjader Regis ng Philippine e-sports.

Ako ay muling magiging speaker na magbibigay ng State of the Gaming Nation Address (SoGNA) sa UP Engineering Auditorium sa Setyembre 23, 2008. Sana ay makadalo kayo.

Maari kayong bumili ng Playground Magazine sa mga piling tindahan, at makinig sa Playground On Air sa Jam 88.3 sa FM radio kada Miyerkules alas-9 hanggang alas-12 ng gabi.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers, at Hardware) sa walastech@gmail.com o mag text sa 09235822615 at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

September 04, 2008

walastech II 002 - 080904 VIOLENCE ESCALATION

Nagkaroon ng issue kamakailan lang tungkol sa pagbibigay ng mas matataas na kalibre ng baril sa mga pulis bilang pantapat sa mga kriminal na madalas na gumagamit ng mga mas malalakas na baril. Isang congressman ang muling nagpanukala ng pagbabalik ng parusang kamatayan para sa mga mga karumaldumal na krimen. Isang grupong vigilante mula sa panahon ni Marcos and muling nanumbalik para protektahan ang mga sibilyan umano mula sa mga pag-atake ng mga rebelde. Ang mga kapitan del barrio ng mga baranggay sa Mindanao ay binigyan ng mga tig-isa isang shotgun para makatulong sa kanilang trabaho.

Pero pag iyung inisip, ang gagawin lang ng mga masasamang elemento ay lalakasan din lang nila ang kanilang mga gamit. Kaya nga sila masasamang elemento eh, kasi wala silang pakialam kung ano gagamitin nila para maisakatuparan ang kanilang mga maitim na balak.

Pag gumamit ang mga pulis ng mas mataas na kalibre ng baril ay gagamit na ng mga pampasabog ang mga kriminal. Pag binalik ang parusang kamatayan ay magiging desperado ang mga kriminal at siguradong hindi magpapahuli ng buhay. Siguradong pag nagkaroon ng vigilante ay babalingan din ng mga rebelde sila at dadami lang ang gulo, siguradong lalong mabubulabog ang mga probinsiya kung saan may mga pag-aaway. Ang shotgun ni kapitan ay madaling maging shotgun ni agaw-armas.

Ang isang nakakalungkot na katotohanan ay ang lahat halos ng teknolohiya sa mundo ay naimbento dahil sa ito ay kailangan sa giyera o pakikipagaway. Necessity is the mother of invention ika nga. At walang mas malaking pangangailangan ang isang tao kaysa sa pagbuwag o pagpatay sa kahit na sino o ano na siya rin na bubuwag o papatay sa kanya, “survival of the fittest” nga dito sa atin diba? Ang karahasan ng iba na nakatuon sa iyo ay isang napakalaking dahilan para humanap ng paraan para protektahan mo ang iyong sarili. At kung pareho kayo ng gamit, o kaya ay dehado ka, siguradong itutuon mo ang iyong paghahanap ng kasagutan sa paggamit ng teknolohiya. At kapag nagapi mo ang iyung kalaban ay siya rin ay maghahanap ng mas magaling na teknolohiya para magapi ka din. Iyan ang tinatawag na escalation.

Sinigawan mo ako, mumurahin kita, sunsuntukin mo ako, sasaksakin kita, babarilin mo ako, papasabugin kita, etc. Iyan ang escalation. Dahas sa dahas. Nakakalungkot, pero iyan ang totoo, naandito ang teknolohiya hindi lamang tulungan tayo at pagandahin ang ating mga buhay, pero para rin tulungan tayong pumatay ng kapwa.

Sana ay matuto na ang tao, sana ay magbago na ang lipunan. Tandaan, ang dahas ay wala sa imbensiyon, nasa imbentor.

July 03, 2008

walastech II 001 - 080703 PANGALAN LABAN SA PANGALAN

Simple lang naman ang usapan eh. Kaninong pangalan ang mas paniniwalaan? Sino ang mapapagkatiwalaan? Sino ang totoo? Sino ang walang kinakampihan? Sino ang talagang nagseserbisyo sa Pilipino?

Iyan ang dapat na tinatanong ng sinoman na nagbabasa ng kahit na anong balita o istorya sa Internet. Kapag hindi mo kilala ang iyong binabasa, bakit mo siya basta paniniwalaan? Sino nga ba ang siyang dati mo nang nilapitan at inasahan at hindi ka binigo? Sino ang dati pa man ay wala ng inisip kundi ang mapaglingkuran kayo?

Ang mahirap nga lang ay dahil sa dami ng mga nagpapanggap na gustong tumulong sa inyong mga mambabasa sa ngalan ng "serbisyo" pero sa totoo ay dahil sa ngalang ng "advertising" or "media mileage" ay diyan na nagkakalabasan ng mga tunay na kulay. Ang kulay ng katotohanan laban sa kulay ng pera.

Kung hindi labis sa puso ay walang halaga ang pagseserbisyo. Kung hindi payak ang hangarin ay ito ay isang panlililo ng mga tao. Hindi lahat ng media po ay kayo ang iniisip. Meron po na ang habol ay ang dami ng mambabasa para po sila ang piliin ng mga kumpanya na may binebenta para doon mag-advertise o maglagay ng commercial.

Ang pagiging media po ay isang kalakalan. Hindi po namin ito ginagawa dahil kami ay mabait lamang, at may mga ginintuang puso. Kaya po ang tawag sa amin ay media ay kami po ay daanan lamang po ng impormasyon mula sa isang panggaligan papunta sa inyong mga tahanan, papunta sa inyong mga harap para po makuha ang inyong atensiyon.

Iyan po ang katotohanan. Kung ayaw ninyong maniwala, tanungin niyo kahit na sinong propesor ng mass communications. At ang aming serbisyo ay may kapalit na kabayaran palagi. Pwedeng sa ilang sentimo lamang dahil sa pagbabasa sa internet, o ilang daan dahil sa pagbili ng magasin o pag-nood ng konsiyerto.

Pero pag inyong sinuri, lahat ng aming serbisyo, at pagbigay sa inyo ng impormasyon ay may kabayaran. Sabi nga ng aking biyenan "Ang libre na lang ay mura."

Isipin niyo po iyan sa susunod na kayo po ay may binabasa, pinapakinggan, o pinapanood. Sino ba ang siyang nagbabayad para sa impormasyon na nakukuha kong ito? Ako ba? O ang malalaking korporasyon? O malalakas na pulitiko? O mga ganid na tao na nanlilinlang? O ito ba ay isang totoo na serbisyo na taos pusong bigay ng manunulat na inyong binabasa?

Magtanong. Magmasid. Makinig.

May 14, 2008

WALASTECH: ANG IKALAWANG YUGTO

Halos dalawang taon na mula ng ako ay sumulat sa blog na ito. Hindi naman dahil sa ayaw ko, pero marami sa inyo na siyang nagsubaybay sa aking kolum noon sa PM Pang Masa News Daily ay alam na siguro na matagal nang nawala ito sa mga pahina ng diaryo na iyon. At dahil natigil na siya doon ay natigil na rin ang blog na ito dahil nga ito ay archive lamang o parang taguan lang ng kopya ng kolum na siyang lumalabas noon sa diyaryo na PM.

Kung nais ninyong malaman kung ano ang nangyari sa kolum, at kung bakit siya nawala, ito lang ang masasabi ko tungkol doon: Dahil sa hindi inaasahan na pagbawas ng dami ng pahina ng diyaryo na PM noong panahon na iyon, nadamay ang aking kolum sa mga tinanggal.

Nakakadismaya, nakakalungkot, pero ang katotohanan ay ang Information Technology, ang karunungan ukol sa mga biyaya na bigay ng teknolohiya ay hindi pa mataas sa prayoridad ng masa. Gusto ninyong malaman kung ano mas importante sa mata ng masa, bumili kayo ng kopya ng PM at silipin ang mga natirang kolum doon sa loob.

Wala akong galit sa PM, bilang isang diyarista din ay naintindihan ko ang nangyari. Ang panalangin ko lang ay balang araw ay mabago na ang pananaw ng masa, na ang kamangmangan ay magapi at ang karunungan ay siyang maghari.

O siya! Kalimutan na natin ang "bakit siya nangyari," ang ating bigyan na lamang ng pansin ay ang kung bakit ko siya tinutuloy ngayon dito sa blog na ito.

Ang kasagutan diyan ay simple, kasi, miss ko na na maglingkod sa mga nagbabasa sa akin. Mula ngayon ay sisikapin ko na magsulat sa blog na ito ng mas madalas, at ipa-alam sa mga tao kung ano ang mga nangyayari sa ating bansa sa larangan ng teknolohiya. Siyempre para masaya, tatagalugin ko.

Ano ang magiging laman ng blog na ito mula ngayon? Tatlong bagay lang na siya namang laman na niya simula‘t sapul. Una ay mga balita mula sa mundo ng Information Communications Technology na makakaapekto sa inyong mga buhay. Dalawa ay mga kasagutan sa inyong mga katanungan tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers) at ang ikatlo ay ang aking mga opinyon tungkol sa naunang dalawa. Nawa'y inyong subaybayan ang aking blog, at nawa'y may mapulot kayo kahit kaunting karunungan mula sa akin. Mabuhay po tayong lahat!