December 11, 2005

walastech 054 - sinaunang network

walastech 054 Sinaunang Network Ni Relly Carpio

Mga 2500 taon na ang nakakalipas ay si Cyrus the great, ang unang Achaemenian Emperador ng Persia, ang siyang namumuno. Ang Persia ay Iran ngayon, pero ang lawak niya ay umabot mula India hanggang sa Mediterranean. Ang Persian Empire ay tumagal ng halos 250 taon. Ang nakakamangha sa Persian Empire at si Cyrus ay siya ang unang gumawa ng matatawag na cellular network.

Cellphone? Hindi, cellular lang. Tinanto kasi ni Emperador Cyrus kung gaano kalayo ang matatakbo ng isang kabayo sa isang araw, at naglagay siya ng istasyon sa kada haba nito. Kaya madali siyang nakapagpapadala ng sulat at nakatatanggap ng balita kahit na mula sa kaduluduluhan ng kaniyang nasasakupan. Iyon nga lang, hindi tulad ng cellphone eh buwan ang inaabot imbis na isang iglap. Ano magagawa niya, lampas 13,000 libong kilometro ang laki ng kaniyang nasakupan.

Ganyan din ang ginagawa ng mga cellular network providers ngayon. Gamit ang mga cellsite ay kanilang sinusukat ang hangganan ng kanilang mapapagpadalan ng signal at pinagdidikit dikit sila para magamit natin. Kada text, kada tawag ay impormasyon na pinagpapasapasahan ng kanilang mga kabayo hanggang sa mahanap ang inyong kaututang-dila.

Kilala rin si Cyrus bilang ang kaunanahang gumawa ng declaration of Human Rights na naging basehan ng ginawa at ginagamit magapasahang gang ngayon ng United Nations.

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Good PM! Naiwan ko po yung cellphone ko sa taxi pero di ko nakuha ang plate number niya, gusto ko po mabawi ang cellphone ko pero papaano? Thanks BF ParaƱaque.

SAGOT: Ang opisyal na sagot ay: Tumawag sa inyong Network Provider at magpatulong. Kakailanganin ninyo ang tatlong bagay: ang IMEI number ng inyong cell, ang resibo ng pagbili ninyo ng cellphone at isang affidavit of loss na ginawa sa loob ng tatlong araw ng pagkawala ng cellphone. Kailangan ng isang police report para makagawa ng affidavit of loss from theft. Dadalhin ninyo ito sa NTC at sila na ang magproprocess ng pag-block ng cellphone mula sa network.

Kung napansin ninyo ay ni minsan hindi ko sinabi na mababawi niyo ang cellphone ninyo. Iyan ang katotohanan. Maliban na lang kung makonsensiya ang drayber o ang nakakita, o kaya ay mahuli ang nagnakaw ng cellphone bago niya ito naipasa, sorry ka na lang. Just keeping it real.

TANONG: Good AM sir! My cellphone I've been use is 1 year from now. But I observe many text are not shown to notify it. What wrong it is? Can you give me some tips to handle this?

SAGOT: Ano sabi mo? Hindi ko maintindihan ang tanong mo. Ang tip ko sa iyo, kung nagaaral ka pa, makinig ka sa English teacher mo, at kung hindi, magabasa ka ng mga English na libro ok?

Ngayon hulaan ko ang tanong mo ha: Isang taon na ang cellphone mo at maraming text ang hindi mo na nakikita o natatanggap kahit na pinadalhan ka? Ang solusyon eh magpalit ka ng message center number na makikita sa settings ng iyong messages menu. Tumawag sa inyong network provider para humingi ng bagong message center number.

Kahit hindi aaminin ng mga network provider na nagkakaproblema sa mga message centers nila, ay walang perpekto sa mundong ito. Sa dami ng mga SMS messages na umiikot sa ating mga ulunan ay magkakaroon talaga ng aberya. Sa pagpapalit ng ibang message center number ay nagbabakasakali ka na mas maluwag iyung gagamitin mo at mas mabilis na makakahimpapawid ang iyong mga text.

TANONG: Magagawa pa kaya yung pinadala sa akin ng sis ko na US Model SGH - 426 dual bang lang nakaprogram sa AT&T Wireless? Sabi nila magagawa daw pero walang signal.

SAGOT: Actually SGH-x426 ang model niyan. Walang signal kung sa AT&T ang hahanapin pa din ng telepono dahil wala namang AT&T Wireless signal dito.

Para sigurado, tawagan mo sila mismo o kaya ay bisitahin mo: Ang hotline ng kanilang Customer Contact Center ay 1800-10-SAMSUNG (1-800-7267864) para sa PLDT lines o 1800-3-SAMSUNG (1800-3-7267864) para sa Digitel lines. Tumawag mula kahit anong araw mula 8:30AM hanggang 8:30PM.

Kung gusto mong bisitahin ang kanilang Samsung Service Plaza, ito ay bukas Monday - Friday : 8.30AM ~ 5.30PM at pag Saturday: 8.30AM ~ 12.30PM. Sarado sila pag public holiday at Linggo. Ito ay matatagpuan sa Basement 1, Bonaventure Plaza Building Ortigas Avenue, Greenhills, San Juan, Metro Manila.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

-054-

No comments:

Post a Comment