November 23, 2005

walastech 052 - basahin ang manual

walastech 052 - basahin ang manual Ni Relly Carpio

Alam niyo ba ang lahat ng nagagawa ng inyong cellphone? Binasa niyo na ba ang manual ng inyong gadget? Dapat ugaliin na bago gamitin ang kahit na anong gadget ay inyong basahin muna ang manual, o kaya ay makatapos i-test ay gawin ito agad. Nakakatawang isipin na marami sa mga problema sa gadgets ay mabilis na naayos sa pamamagitan lamang ng pagbasa ng manual. Andiyan po kasi lahat ng kaalaman kung paano tamang gamitin ang gadget para hindi magkaroon ng aberya o ng mga problema.

Sa dulo ng mga bagong manual ay may dalawang kabanata na inyong dapat pagtuunan. Ito ang Index at ang Troubleshooting. Sa Index inyong makikita ang alpabetikong pagkakalista ng mga parts at functions ng inyong gadget at ang pahina kung saan makikita ang tungkol dito. Kaya kung mayroong kayong pinoproblema sa inyong gadget ay hanapin niyo lang dito iyung pangalan niya at naandun na kung saang pahina iyung maaring solusyon o explanasyon.

Sa Troubleshooting naman ay may step-by-step o sunod-sunod na instructions kung paano mo maayos ang mga madalas na problema sa inyong gadget para hindi na kayo kailangang gumastos sa technician. Marami na akong narinig na istorya ng mga tao na dahil sa taranta na sira ang kanilang TV dahil ayaw mag-on ay tumawag ng technician upang malaman lamang na nahugot pala ito sa pagkakasaksak sa kuryente. Ngek!

Diba? Ang tanga. Eh kung tiningnan niya iyung Troubleshooting nakita niya sana sa ilalim ng "Won't Turn ON" ang unang katanungan ay "Is unit plugged?" Di hindi sana siya napahiya. Kaya ang pagbabasa ng manual ay dapat maging isang ugali ng sinumang nais ding maging WALASTECH!

-0-0-0-0-0-0-0-

TANONG: Itatanong ko lang po kung bakit pag nasa phonebook po ako saka gusto ko mag-miss call, ayaw po, saka sa taas po may parang papel, di kaya po yun ang dahilan kung bakit di po ako makapagmiss call? Paano po ba alisin yun? Thank you po sa PM.

SAGOT: Madalas po iyung papel na nasa itaas ng main screen ang ibig sabihin ay puno na ang inyong tinatawag na message inbox, lalo na kung ito ay patay-sindi. Ibig sabihin ay puno na ng text messages ang inyong SIM at cell phone. Para mawala po ito ay magbura kayo ng messages. Pwede rin po na may text kayo na natanggap na hindi ninyo pa nababasa kaya andoon pa rin iyung envelope na iyon bilang paalaala. Wala pong kinalaman ang pagkapuno ng message inbox sa inyong hindi pagtawag. Iyung sa phonebook naman po ay baka po mali iyung number na nasa phonebook kaya hindi makatawag o kaya naman ay wala na po kayong load kaya hindi kayo makapag-miss call. Dapat po ay nakakatawag kayo direkta mula sa phonebook, dahil iyon po ang gamit noon.

Nasagi na rin natin ang miss call, nais ko pong ipaalam sa inyo na hindi na po maari iyung gawain dati na daanin sa puro drop call ang pakikipagusap sa cellphone. Maliban po sa nakakayamot ang paulit-ulit na putol ng pag-uusap ay nakakasira ang drop calling/miss calling ng cell phone kaya dapat ito itigil ay inayos na po ng mga network providers ang system para ma-detect ang mga nagmi-miss call conversation at sila ay kinakaltasan pa rin kapagdaka.

TANONG: Bakit po kaya ganoon ang network provider ko? Kinakaltasan me ng 2.50 load kada text nila kahit di ako nagrereply, maawa naman sila sa katulad kong maliit lang kung magload. Paano kaya sila mapipigil?

TANONG: Bird ang CP ko. Lagi may pumapasok na mga message alert tone at bawas ito ng 15 kada pasok. Di ko alam paano gawin ko. Lagi kasi ubos load ko dahil diyan. Dito na lang ang sagot, Ty.

SAGOT: Mag reply lang po kayo ng STOP sa number na nagte-text sa inyo, halimbawa nag text sa inyo ang 1234 ng ABC update, sumagot po kayo ng ABC STOP at ipadala pabalik sa 1234. Kung ayaw ay subukan ang OFF imbis na STOP. Hindi po kasalanan ng network provider kung nagkakaroon ng problema pagdating sa mga Value Added Services, minsan lang po kasi ay hindi natin napapansin ay napapasubscribe tayo. Basahin po ng maigi ang lahat ng text na inyong nakukuha mula sa mga content providers bago sumagot, baka nadadala lang kayo ng excitement di niyo alam kung ano na pala ang inyong na subscriban.

Wala rin pong kinalaman kung anong model ng inyong cellphone kung bakit kayo nakakakuha ng mga Value Added Service messages.

~0~0~0~0~0~0~0~

Padala ang mga katanungan ninyo tungkol sa T.E.C.H. (Telephones, Electronics, Computers at Hardware) sa walastech@gmail.com at sasagutin namin sa mga susunod na column. Basahin sa http://walastech.blogspot.com ang mga dating issue.

-052-

No comments:

Post a Comment