March 03, 2009

ANG SUSUNOD NA ISANG BILYON

Ang Unlimited Potential Program ng Microsoft ay nakatuon sa susunod na isang bilyon na manggagamit ng computer sa buong mundo. Layunin ng programa na ito ng Microsoft, na siyang gumawa ng Computer Operating System na Windows, na mahikayat ang mga susunod na gagamit ng computer na piliin na gamitin ay ang kanilang operating system, ang Windows kaysa sa gawa ng ibang mga kumpanya. Oo, mayroong iba.

Sa mga gumagamit ng mga computer ay maaring sabihin batay sa mga datos na nubenta porsiyento ng mga gumagamit ng computer ay Windows ang siyang Operating System ang gamit. Habang ang sampung porsiyento ay gumagamit ng MAC OS o ang Operating System na gawa ng Macintosh o Apple. Habang may gapisngot na porsiyento na ang gamit ay ang tawag na Open Source o Open Operating System na base sa sistema ng UNIX. Halimbawa nito ay ang Red Hat Linux, etc.

Dito ngayon pumapasok ang Unlimited Potential program ng Microsoft. Oo nga na sila na ang nasa harap ng karera ng mga Operating System, pero ang layunin nila ay hindi na sila maalis sa rurok ng tagumpay ika nga. Hindi naman masamang layunin iyan, hindi ba iyan ang gusto ng lahat ng kumpanya, na ang kanilang produkto ang maging number one? O eh paano pag number one ka na? Hindi ba gusto mo hindi ka na matanggal?

Sa ilalim ng programa na ito ay kanilang ipinapakita sa mga bagong manggagamit at sa mga kasalukuyang gumagamit kung papaano nila mapapaagibayo ang mga nagagawa ng Windows para sa kanilang trabaho at para sa kanilang mga pang-araw-araw na gawain. Hindi kasi alam ng lahat ng tao ang mga nagagawa ng Windows Operating System. Kadalasan ang tingin lang dito ay platform lamang ng mga program na kanilang madalas gamitin. Hindi nila alam na madami itong nagagawa sa sarili lamang niya. Ako man na makatech ay nagulat sa dami ng mga bagay na aking natutunan dahil sa Unlimited Potential Program ng Microsoft.

Ito pa maganda, hindi tulad ng mga ibang tao diyan na pinagkakaperahan pa ang pagtuturo tungkol sa Windows, ang Unlimited Potential ay ang mga teacher ng iskwelahan ang siyang tinuturuan para kanilang maisalin sa kanilang mga istudyante ang karunungan. Naandiyan din ang mga tinatawag na Microsoft Tech Zones sa mga mall kung saan may mga experto na handang sumagot sa mga katanungan tungkol sa Windows.